Home-Study Lesson
Sa Mga Hebreo 5–Santiago 1 (Unit 28)
Pambungad
Pinayuhan ni Apostol Santiago ang mga nagkalat na Israelita na maging mga tagatupad ng salita, maglingkod sa kapwa, at manatiling espirituwal na malinis.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Dalawang scripture mastery passage ang natutuhan ng mga estudyante sa unit na ito—Sa Mga Hebreo 12:9 at Santiago 1:5–6. Maaari mong basahin o ipabigkas ang mga talatang ito nang sabay-sabay sa klase at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga doktrina at mga alituntuning itinuturo ng mga talata.
Santiago 1:22–27
Inanyayahan ni Santiago ang kanyang mga mambabasa na maging tagapakinig at tagatupad ng salita at maglingkod sa kapwa
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula kay Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kamakailan ay may nakilala akong isang mabait na binatilyo. Ang kanyang mga mithiin ay makapagmisyon, makapag-aral, makasal sa templo, at magkaroon ng tapat at maligayang pamilya. Tuwang-tuwa ako sa kanyang mga mithiin. Ngunit habang nag-uusap kami, naging malinaw sa akin na ang kanyang pag-uugali at mga pasiya ay hindi nakaayon sa kanyang mga mithiin. Nadama ko na talagang gusto niyang magmisyon at umiiwas siyang magkasala nang mabigat na hahadlang sa kanya na magmisyon, ngunit ang ginagawa niya araw-araw ay hindi naghahanda sa kanya sa pisikal, emosyonal, sosyal, intelektuwal, at espirituwal na mga hamon na haharapin niya. Hindi siya natutong magsikap. Hindi siya seryoso sa pag-aaral o sa seminary. Nagsisimba siya, pero hindi nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nag-uukol siya ng maraming oras sa video games at social media. Akala niya ay sapat na ang makapagmisyon siya” (“Pumili nang May Katalinuhan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 47).
-
Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Elder Cook, ano ang maaaring ipag-alala ninyo dahil kulang ang paghahanda sa misyon ng binatilyong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Santiago na maaaring makatulong sa binatilyong inilarawan sa ikinuwento ni Elder Cook.
-
Ano ang itinuro ni Santiago na makatutulong sa binatilyong iyon?
Ipaliwanag na, tulad ng nakatala sa Santiago 1:23–24, inihalintulad ni Santiago ang isang tagapakinig ngunit hindi tagatupad sa isang tao na tinitingnan ang sarili sa salamin ngunit nakalimutan kung ano ang itsura niya nang umalis na.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 1:25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyayari sa mga taong pinipili na kumilos ayon sa mga katotohanang narinig nila.
-
Ano ang nangyayari sa mga hindi lamang tagapakinig kundi mga tagatupad din? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung makikinig at kikilos tayo ayon sa salita ng Diyos, pagpapalain Niya tayo sa ating mga gawa.)
Anyayahan ang mga estudyante na alamin kung sila ay tagapakinig at tagatupad ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong basahin nang malakas o isulat sa pisara ang mga tanong na ito.
-
Paano ako ganap na naniniwala sa mga katotohanang natututuhan ko sa mga banal na kasulatan, sa tahanan, at sa seminary?
-
Gaano ako kadalas na nagtatakda ng mga espirituwal na mithiin na kumilos ayon sa mga katotohanang natututuhan ko? Gaano ko kadalas natatamo ang mga ito? Gaano ko kadalas nalilimutan ang mga ito?
-
Ano ang gagawin ko para maging mas tagatupad ng salita kaysa tagapakinig lamang?
Patotohanan ang mga pagpapalang dumarating kapag kumikilos tayo ayon sa ating natutuhan.
Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Santiago 1:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga mungkahi ni Santiago kung paano natin ipapamuhay ang ating relihiyon.
-
Ayon kay Santiago, ano ang ilang paraan na maipapamuhay natin ang ating relihiyon, o maipapakita ang ating katapatan sa Diyos?
Ipaliwanag na ginamit ni Santiago sa talata 27 ang ideya na “[pagdalaw sa] mga ulila at mga babaing bao” bilang halimbawa ng pangangalaga sa kapwa at ang “pagingatang walang dungis ang [sarili] sa sanglibutan” na ang ibig sabihin ay manatiling espirituwal na malinis, kahit na nasa mundo na talamak ang kasamaan.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa Santiago 1:27? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Nagpapakita tayo ng dalisay na relihiyon kapag nagmamalasakit tayo sa iba at pinapanatili ang ating sarili na espirituwal na malinis. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
-
Sa paanong mga paraan maaaring maging mahalagang pagpapakita ng ating katapatan sa Diyos ang pagmamalasakit sa iba at ang pagpapanatiling espirituwal na malinis ng ating sarili?
-
Sino ang kilala ninyo na magandang halimbawa ng isang tao na nagpapakita ng “dalisay na relihiyon” sa kanyang buhay sa araw-araw? Ano ang ginagawa ng taong ito na nagbibigay ng inspirasyon sa inyo?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kapirasong papel ang isa o dalawang gagawin nila sa susunod na linggo para ipakita ang pagmamalasakit sa isang tao o ang pagpapanatili sa kanilang sarili na “walang dungis … sa sanglibutan.” Anyayahan sila na maging tagatupad ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay sa alituntuning ito.
Susunod na Unit (Santiago 2–I Ni Pedro 5)
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Santiago 2–I Ni Pedro 5, malalaman nila ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga Banal kapag nakita nila ang isang kapatid na lalaki o babae na “hubad, at walang kakanin araw-araw”? (Santiago 2:15). Paano kung wala tayong ginawa para matulungan ang nangangailangan? Bakit sinabi ni Santiago na “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay”? (Santiago 2:26). Anong bahagi ng katawan ang ayon kay Santiago ay “isang apoy” at maaaring “[makahawa] sa buong katawan”? (Santiago 3:6). Anong mga pagpapala ang naghihintay sa mga taong tumutulong na mapabalik-loob ang makasalanan “mula sa kamalian ng lakad niya [o nila]”? (Santiago 5:20). Ano ang mga dahilang ibinigay ni Pedro kaya ipinangangaral ang ebanghelyo sa mga patay? Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng susunod na scripture block.