Lesson 29
Mateo 25:14–46
Pambungad
Nang ituro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito habang nasa Bundok ng mga Olibo, ikinuwento niya ang talinghaga ng mga talento. Ipinaliwanag din Niya na Kanyang ihihiwalay ang mabubuti mula sa masasama sa Kanyang pagbabalik.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 25:14–30
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang talinghaga ng mga talento
Bago magklase, maglagay ng limang barya sa isang panig ng silid at dalawang barya sa kabilang panig. Maglagay ng walo pang barya sa bulsa mo.
Para simulan ang lesson, papuntahin sa harapan ng klase ang tatlong estudyante para tulungan kang isadula ang talinghaga na itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo bilang bahagi ng Kanyang tagubilin patungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:14–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tinanggap ng bawat alipin at ano ang ginawa niya rito.
-
Ano ang ibinigay ng panginoon sa bawat alipin? (Ipaliwanag na ang mga talento sa talinghagang ito ay halaga ng pera. Ilabas ang walong barya sa iyong bulsa, at magbigay ng lima sa unang estudyante, ng dalawa sa pangalawang estudyante, at ng isa sa pangatlong estudyante.)
-
Ano ang ginawa ng bawat alipin sa perang ibinigay sa kanila?
Sabihin sa estudyante na may limang barya na kunin ang karagdagang limang barya sa kabilang panig ng silid. Sabihin sa estudyante na may dalawang barya na kunin ang karagdagang dalawang barya sa kabilang panig ng silid. Sabihin sa isang estudyante na may isang barya na itago o ibaon kunwari ang barya.
Sabihin sa mga estudyante na ibalik sa iyo ang mga barya at umupo na. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga bahagi ng talinghaga (na wala pa ang mga interpretasyon sa mga panaklong):
-
Ano ang maaaring katawanin ng mga bahagi ng talinghaga? (Ipaliwanag na ilan sa mga kaloob at kakayahang mayroon tayo sa buhay natin sa mundo ay natanggap at napaunlad bago tayo isilang sa mundo. Maaari nating ipagpatuloy na paunlarin ang mga kaloob na iyon at ang iba pa sa buhay sa mundo.)
-
Ayon sa Mateo 25:15, bakit binigyan ng panginoon ng iba’t ibang halaga ng pera ang bawat alipin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang mga katagang “ayon sa kanikaniyang kaya” ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng mga kaloob at kakayahan na ayon sa ating mga kalagayan.)
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga ito:
-
Sa palagay ninyo, sinong alipin ang pinaka nakakatulad ninyo: ang isang binigyan ng limang talento, dalawang talento, o isang talento? Bakit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:19–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa alipin na tumanggap ng limang talento.
-
Ano ang sinabi ng panginoon sa unang alipin?
Ipaliwanag na tinutukoy ng “pamamahalain kita sa maraming bagay” at “[pagpasok] … sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:21) ang pag-abot ng ating banal na potensyal at pagtanggap ng walang hanggang buhay sa piling ng Ama sa Langit.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa karanasan ng unang alipin? (Ang sumusunod ay isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante: Kung matapat nating gagamitin ang mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon, maaabot natin ang ating banal na potensyal at tatanggap ng buhay na walang hanggan.
-
Ano ang ilang halimbawa ng paraan na matapat nating magagamit ang mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon?
Ipaliwanag na maaaring magreklamo ang pangalawang alipin nang makita niyang tumanggap ng limang talento ang unang alipin samantalang siya ay dalawa lang. Sa halip, matapat niyang ginamit ang mga talentong ibinigay sa kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas sa alipin na tumanggap ng dalawang talento.
-
Ano ang sinabi ng panginoon sa alipin na tumanggap ng dalawang talento?
-
Kahit magkaiba ang halagang ibinigay ng panginoon sa una at pangalawang alipin, bakit sa palagay ninyo pareho lang ang tinanggap nilang tugon mula sa kanilang panginoon?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa karanasan ng lalaking binigyan ng dalawang talento? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Pagpapalain tayo ng Panginoon kung matapat nating gagamitin ang mga kaloob at kakayahang ibinigay Niya sa atin, gaano man ito karami o anuman ang mga ito. Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sabihin sa klase na isipin kung nadama na ba nila minsan na mas maraming kaloob o kakayahan ang iba kaysa sa kanila. Ituro ang alituntuning isinulat mo sa pisara.
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-alala sa alituntuning ito kapag naiisip natin na mas marami at mas maganda ang mga kaloob ng iba kaysa sa atin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang humusay sa ating mga talento ay ang pinakamainam na sukatan ng ating pag-unlad. … Ang ikumpara ang ating mga pagpapala sa iba ay tiyak na magpapawala ng ating kagalakan. Hindi maaari na habang nagpapasalamat tayo ay naiinggit din tayo. Kung talagang gusto nating mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon at matuwa at sumaya, dapat tayong magalak sa ating mga pagpapala at magpasalamat” (“Rejoice!” Ensign, Nob. 1996, 29, 30).
-
Paano natin matutuklasan ang mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon?
Bigyan ng papel ang bawat estudyante at ipasulat ang pangalan nila sa itaas. Sabihin sa kanila na ipasa ang kanilang papel sa katabi nila. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang kakayahang nakikita nila sa tao na ang pangalan ay nakasulat sa papel. Sabihin sa kanila na ituloy ang pagpapasa ng mga papel paikot sa silid at sulatan ng mga kaloob at kakayahang naobserbahan nila.
Makalipas ang ilang minuto, ipabalik na sa mga estudyante ang mga papel sa orihinal na may-ari. Bigyan ng oras ang mga estudyante na mabasa ang mga kaloob at kakayahang nakikita sa kanila ng iba. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat sa kanilang papel ang mga sagot sa sumusunod na tanong:
-
Sa anong paraan ninyo magagamit ang isa sa mga kaloob ninyo para paunlarin ang gawain ng Panginoon?
Ipaliwanag na kasama sa talinghaga ng mga talento ang mga babala tungkol sa mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 25:24–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas sa alipin na nagtago ng talento. Pagkatapos basahin ang talata 27, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pakinabang ay tubo (kinita mula sa pag-invest o pagpapahiram ng pera).
-
Bakit itinago ng huling alipin ang kanyang talento? Ano ang naging tugon ng panginoon sa piniling gawin ng alipin?
-
Kahit wala siyang naiwala sa pera ng kanyang panginoon, ano ang mali sa ginawa ng alipin?
-
Sa palagay ninyo, ano kaya ang naging tugon ng panginoon sa alipin kung nagbalik ito ng dalawang talento?
-
Ano ang nangyari sa talentong ibinigay ng panginoon sa kanyang alipin? (Kinuha ito sa kanya at ibinigay sa iba.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Sterling W. Sill ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit nawawalan tayo ng mga kaloob at kakayahan kung hindi natin ginagamit sa kabutihan.
“Nawalan ang [pangatlong alipin] hindi dahil may ginawa siyang mali, kundi dahil hinadlangan siya ng takot na gumawa ng kahit na ano. Ngunit sa ganitong paraan tayo madalas na nawawalan ng mga pagpapala. …
“… Kapag hindi ginagamit ng tao ang kanyang kalamnan, nawawalan siya ng lakas. … Kapag hindi natin pinahuhusay ang ating mga kakayahan, nawawalan tayo ng kakayahan. Nang hindi iginalang ng mga tao noong unang panahon ang Priesthood, kinuha ito sa kanila. … Kahit ang mga talentong espirituwal, mental o pisikal ay hindi mapahuhusay kung ibabaon sa lupa” (The Law of the Harvest [1963], 375).
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa alipin na nagtago ng talento? (Iba-iba man ang imungkahing alituntunin ng mga estudyante, tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na mga katotohanan: Mahahadlangan tayo ng takot sa paggamit sa mga kaloob at mga kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon. Kung hindi natin pahuhusayin at gagamitin ang mga espirituwal na kaloob para sa kabutihan, mawawala ang mga ito sa atin.)
-
Sa anong mga paraan tayo mahahadlangan ng takot na gumawa ng mabuti gamit ang ating mga kaloob at kakayahan?
Anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo sa mga alituntuning tinalakay nila. Hikayatin silang gamitin ang kanilang mga kaloob at kakayahan para isulong pa ang gawain ng Panginoon.
Mateo 25:31–46
Inihayag ng Tagapagligtas ang paghihiwalay sa masasama at mabubuti sa Kanyang Ikalawang Pagparito
Idispley ang larawang Ang Ikalawang Pagparito (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 66; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:31–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang gagawin ng Panginoon sa mga tao sa mundo matapos ang Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Ano ang gagawin ng Panginoon sa mga tao sa mundo matapos ang Kanyang Ikalawang Pagparito?
-
Anong mga hayop ang ginamit ng Panginoon para sumagisag sa masasama? Sa mabubuti?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga magkapartner na sabay-sabay na basahin nang malakas ang Mateo 25:34–40, na inaalam kung paano malalaman ng Panginoon na ang isang tao ay isang “tupa” (Mateo 25:32–33). Sabihin sa isa pang magkapartner na sabay-sabay na basahin nang malakas ang Mateo 25:41-46, na inaalam kung paano malalaman ng Panginoon na ang isang tao ay isang “kambing” (Mateo 25:32–33).
Pagkatapos ng sapat na oras, i-assign ang bawat magkapartner na makigrupo sa isa pang magkapartner na nagbasa ng ibang talata. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang nabasa nila at talakayin ang sumusunod na mga tanong sa kanilang mga grupo:
-
Paano nakikilala ng Panginoon ang mga nagmamahal sa Kanya (mga tupa) at ang mga hindi (mga kambing)?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga talatang ito?
Sabihin sa isang tao sa bawat grupo na isulat sa pisara ang alituntuning natukoy ng grupo nila. Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag mahal at pinaglilingkuran natin ang iba, ipinapakita nating mahal natin ang Panginoon. Kapag kinakalimutan natin ang mga pangangailangan ng iba, kinakalimutan natin ang Panginoon.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga alituntuning ito, magtanong ng tulad ng sumusunod:
-
Ano kaya ang gagawin ng taong nasa kanan ng Panginoon sa kanyang nakababatang kapatid na nagpapatulong sa homework?
-
Ano kaya ang gagawin ng taong nasa kaliwa ng Panginoon sa kapwa estudyante na nakabagsak ng kanyang mga libro sa pasilyo?
-
Paano nakatutulong ang pag-unawa natin sa mga alituntuning ito sa pakikitungo natin sa iba ?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila pinakitunguhan ang iba sa nakalipas na 24 oras. Sabihin sa kanila na isipin kung pipiliin ba nilang iba ang gawin kung maranasan nila ang gayong sitwasyon sa hinaharap. Hikayatin ang mga estudyante na umisip ng mga paraan na mas lalo nilang mamahalin at paglilingkuran ang iba, at anyayahan silang isagawa ang kanilang plano. Maaari mong kumustahin ang mga estudyante tungkol dito sa susunod na pagkaklase ninyo at anyayahan silang sabihin ang ilan sa magagandang karanasan nila.