Lesson 3
Ang Responsibilidad ng Estudyante
Pambungad
Ang Espiritu Santo, ang titser, at ang estudyante ay may mahahalagang ginagampanan sa pag-aaral ng ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang bawat isa sa mga tungkulin na ito upang magtagumpay sa kanilang pag-aaral. Kakailanganin mong balikan nang madalas ang mga alituntuning itinuro sa lesson na ito upang ipaalala sa mga estudyante ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang tungkulin ng Espiritu Santo, ng titser, at ng estudyante sa pag-aaral ng ebanghelyo
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sitwasyon:
Isang dalagita ang napapalakas at natututo kapag pumupunta siya sa seminary. Nadama niya roon ang impluwensya ng Espiritu Santo at nagpapasalamat siya sa mga bagay na natutuhan niya. Isa pang dalagita ang naroon din sa seminary class na iyon. Gayunpaman, madalas siyang naiinip at pakiramdam niya’y wala siyang gaanong natututuhan.
-
Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit ang dalawang dalagitang ito ay magkaiba ng naramdaman habang nasa parehong seminary class? (Maaaring kasama sa posibleng sagot ang sumusunod: maaaring mas aktibong nakilahok sa lesson ang unang dalagita; maaaring mas maraming espirituwal na natutuhan ang unang dalagita na naging pundasyon ng kanyang pagiging masigasig; at maaaring natuon ang pansin ng pangalawang dalagita sa ibang mga bagay.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga doktrina at mga alituntunin sa lesson sa araw na ito na makatutulong sa kanila na magawa ang kanilang responsibilidad sa seminary at mapalakas ang kanilang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ipaliwanag na tatlong indibiduwal ang mayroong mahahalagang gawain at responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo sa isang klase na katulad ng seminary: ang Espiritu Santo, ang titser, at ang estudyante.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 14:26 at sa isa pang estudyante ang Juan 16:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ilan sa mga gawain ng Espiritu Santo.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga gawain ng Espiritu Santo? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na doktrina: Ang Espiritu Santo ay nagtuturo ng katotohanan.)
-
Paano natin malalaman na itinuturo sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan? (Maaaring ipabasa mo sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang responsibilidad ng titser ng ebanghelyo. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ipinahayag ang mga talatang ito sa mga naunang miyembro ng Simbahan na inorden na magturo ng ebanghelyo.
-
Ano ang responsibilidad ng titser ng ebanghelyo? (Tingnan din sa D at T 42:14.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 33:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginagawa ng Espiritu Santo para sa atin kapag naituro ang katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan.
-
Ayon sa talatang ito, ano ang ginagawa ng Espiritu Santo para sa atin?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano anyayahan ang Espiritu Santo na dalhin ang katotohanan sa kanilang puso, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:118. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tayo maghahangad na matuto.
-
Paano tayo maghahangad na matuto? (Sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang mangyayari kapag hinangad nating matuto sa pamamagitan ng pananampalataya:
“Ang isang guro ay maaaring magpaliwanag, magpatunay, makahikayat, at magpatotoo, at magagawa ito nang may matinding espirituwal na lakas at kakayahan. Gayunman sa huli, ang nilalaman ng mensahe at ang patotoo ng Espiritu Santo ay maisasapuso lamang kung pahihintulutan ito ng nakikinig. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ang nagbubukas ng daan papasok sa puso” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 17).
-
Sa pahayag na ito, anong alituntunin ang nalaman natin tungkol sa maaaring mangyari kung naghahangad tayong matuto sa pamamagitan ng pananampalataya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung naghahangad tayong matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo sa ating puso na magturo at magpatotoo ng katotohanan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipaliwanag na ang pananampalataya ay higit pa sa paniniwala lamang. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagkilos.
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya?
Upang maipakita ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, tumawag ng boluntaryo na hindi pa nakapaglaro ng soccer. (Maaari mo ring gamitin ang aktibidad na ito para maisali ang estudyanteng hindi pa nakapaglaro ng basketbol, nakatugtog ng instrumentong pangmusika, nag-juggle, nagsuot ng kurbata, at iba pa.) Ipaalam sa boluntaryo na balak mong ituro sa kanya kung paano maglaro ng soccer para makasali siya sa isang soccer team. Itanong sa boluntaryo kung naniniwala siya sa kakayahan mong magturo at sa kanyang kakayahang matuto. Pagkatapos ay ipaliwanag at ipakita kung paano i-dribble ang bola ng soccer, pero huwag itong ipagawa sa boluntaryo. Ipaliwanag kung paano ipasa ang bola ng soccer. Pagkatapos ay ipakita ito sa pamamagitan ng pagpasa ng bola sa boluntaryo, pero kunin ang bola sa halip na hayaang maipasa ito pabalik sa iyo. Gayon din ang gawin sa pag-inbound ng soccer ball matapos itong lumabas sa soccer field. Pagkatapos ay itanong sa boluntaryo:
-
Gaano ka kaya kahandang mag-try out para sa isang soccer team? Bakit?
-
Bagama’t makatutulong ang matutuhan ang paglalaro ng soccer at mapanood ang iba na naglalaro nito, kung gusto ninyong magkaroon ng mga kinakailangang kasanayan sa soccer, ano ang dapat ninyong gawin?
-
Paano ito maaaring nauugnay sa pag-aaral sa pamamagitan ng pananampalataya? (Hindi sapat ang maniwala at magtiwala lamang na matuturuan tayo ng Espiritu. Upang magkaroon ng kaalaman sa mga katotohanan ng Diyos, dapat din tayong magsikap na matuto at gawin ang natutuhan natin.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang itinuturo niya tungkol sa pag-aaral sa pamamagitan ng pananampalataya (maaari kang magpa-photocopy ng pahayag na ito para sa mga estudyante at pamarkahan sa kanila ang nakita nila):
“Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos [nang] naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo at inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihang magturo at magpatotoo, at nagpapatunay na saksi. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi maluwag na pagtanggap lamang. Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo, na tayo ay handang matuto at tumanggap ng tagubilin mula sa Espiritu Santo. …
“… Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi puwedeng mailipat mula sa nagtuturo tungo sa tinuturuan sa pamamagitan ng lecture, pagsasalarawan, o pagsasanay; sa halip, ang tinuturuan ay dapat magkaroon ng pananampalataya at kumilos para makamtan ang kaalaman para sa kanyang sarili” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” 20).
-
Ano ang ilan sa mga gawaing espirituwal, mental, o pisikal ang magagawa natin para maanyayahan ang Espiritu na magturo at magpatotoo ng katotohanan sa atin?
Paalala: Maaaring tamang pagkakataon ito para basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:122 at talakayin ang kahalagahan ng wastong pag-uugali at paggalang sa loob ng klase.
-
Ano ang ilang pag-uugali o asal na maaaring makahadlang sa Espiritu na maturuan tayo ng katotohanan sa seminary class?
-
Paano magiging iba ang karanasan sa seminary ng isang estudyanteng naghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya sa karanasan ng isang estudyante na hindi ito ginagawa?
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 4. Ipaliwanag na makakakita tayo sa karanasan ni Apostol Pedro ng halimbawa kung paanong ang paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo na pumasok sa puso natin upang magturo at magpatotoo ng katotohanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 4:18–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paanyaya ng Tagapagligtas kina Pedro at Andres.
-
Ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas kina Pedro at Andres?
-
Paano naging halimbawa ng paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang tugon?
Bigyang-diin na ang pagsunod ni Pedro kay Jesucristo ay nagtulot sa kanya na makasama ang Tagapagligtas sa buong mortal na ministeryo nito. Sa pagsunod sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya, si Pedro ay nagkaroon ng pribilehiyong marinig ang araw-araw na pagtuturo ng Tagapagligtas at masaksihan ang maraming himala. Dahil sa paanyaya ng Tagapagligtas, si Pedro ay nakalakad din sa ibabaw ng tubig (tingnan sa Mateo 14:28–29).
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa isang pagkakataon, nagtanong si Jesus sa Kanyang mga disipulo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:13–14. Anyayahan ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng Tagapagligtas.
-
Ano ang itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo?
-
Ano ang isinagot nila?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Pedro sa kasunod na tanong ng Tagapagligtas.
-
Ano ang itinugon ni Pedro sa tanong ng Tagapagligtas?
-
Ano ang paliwanag ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano natamo ni Pedro ang kanyang kaalaman?
-
Paano naglalarawan ang karanasan ni Pedro sa mga katotohanang natukoy natin sa lesson na ito?
Pasagutan sa mga estudyante ang mga sumusunod na mga tanong sa kanilang mga notebook o scripture study journal (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):
-
Kailan kayo naghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya? Paano tinupad ng Espiritu Santo ang Kanyang gawain sa pag-aaral ng ebanghelyo nang gawin ninyo ito? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang karanasan nila noon sa pag-aaral nang maghangad silang mas matuto pa tungkol kay Jesucristo.)
Kung komportable magbahagi ang mga estudyante, ipakuwento sa ilan sa kanila ang mga karanasang isinulat nila. Maaari ka ring magkuwento ng iyong sariling karanasan at magpatotoo sa mga katotohanang iyong tinalakay.
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isa o dalawang bagay na gagawin nila para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya at maanyayahan ang Espiritu Santo na mapasakanilang puso upang magturo at magpatotoo ng katotohanan. Ipasulat sa mga estudyante ang mga gagawin nila.
Tapusin ang lesson sa pagbasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Mga kabataan, hinihiling ko sa inyo na makibahagi sa seminary. Pag-aralan ang inyong mga banal na kasulatan araw-araw. Makinig na mabuti sa inyong mga guro. Mapanalanging ipamuhay ang natutuhan ninyo” (“Participate in Seminary,” Ago. 12, 2011, seminary.lds.org).