Lesson 39
Marcos 9:1–29
Pambungad
Si Jesus ay nagbagong-anyo sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan. Pagkatapos ay itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa gawain ni Juan Bautista bilang isang Elias na siyang maghahanda ng daan para sa Mesiyas. Matapos bumalik si Jesus sa iba pa Niyang mga disipulo, isang lalaki ang nagsumamo sa Kanya na paalisin ang masamang espiritu mula sa kanyang anak. Pinaalis ni Jesus ang masamang espiritu at itinuro sa Kanyang mga disipulo ang pangangailangang manalangin at mag-ayuno.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 9:1–13
Si Jesus ay nagbagong-anyo sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan at nagturo tungkol kay Elias
Anyayahan ang ilang volunteer na pumunta sa harapan ng klase at maikling ipakita ang isang aktibidad na nagpapalakas ng pisikal na katawan.
-
Bakit gusto o kailangan ng isang tao na madagdagan ang kanyang pisikal na lakas?
-
Paano maihahalintulad ang pisikal na lakas sa espirituwal na lakas, o pananampalataya kay Jesucristo?
-
Ano ang ilang sitwasyon na masusubukan ang ating pananampalataya kay Jesucristo at mapapalakas kapag kailangang-kailangan ito? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 9:1–29 na makatutulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Ibuod ang Marcos 9:1–13 na ipinapaliwanag na naglalaman ito ng tala tungkol sa pagbabagong-anyo o transfiguration ni Jesus sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Isinasalaysay rin sa talatang ito na itinuro ni Jesus sa mga Apostol na tinupad ni Juan Bautista ang ipinropesiyang gawain ng isang Elias, o ng isang taong maghahanda ng daan para sa pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Joseph Smith Translation, Mark 9:10).
Marcos 9:14–29
Pinaalis ni Jesus ang masamang espiritu mula sa anak ng isang lalaki
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sitwasyong nakaharap ng Tagapagligtas nang bumalik Siya mula sa bundok papunta sa iba pa Niyang mga disipulo. Sabihin sa mga estudyante na ireport ang nalaman nila.
Ipabasa sa isang estudyante ang mga sinabi ng Tagapagligtas at sa isa pang estudyante ang mga sinabi ng ama sa tala na sumusunod sa Marcos 9:16–24 (maaari mong i-assign ang mga bahaging ito bago magklase at sabihin sa mga estudyanteng ito na hanapin ang mga linyang sasabihin nila). Maaaring ikaw ang gumanap na narrator o ipagawa ito sa isa pang estudyante. Sabihin sa mga naka-assign na mga estudyante na basahin nang malakas ang kanilang mga bahagi sa Marcos 9:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang hiniling ng ama sa mga disipulo ng Tagapagligtas.
-
Ano ang hiniling ng ama para sa kanyang anak? (Kailangan mong ipaliwanag na sinapian ng masamang espiritu ang anak, kaya ito napipi, nabingi [tingnan sa Marcos 9:17, 25], at nagkaroon ng iba pang karamdaman. Tuwing papasok ang masamang espiritu sa anak, ang anak ay kinukumbulsyon, bumubula ang bibig, nangangalit ang mga ngipin, at naninigas.)
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sila ang amang ito at isipin kung paano maaaring maapektuhan ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihan nang hindi mapagaling ng mga disipulo ang kanilang anak.
Sabihin sa naka-assign na mga estudyante na ipagpatuloy ang pagbasa nang malakas sa kanilang bahagi sa Marcos 9:19–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na iniisip ang maaaring nadarama ng amang ito habang kausap niya ang Tagapagligtas.
-
Ano sa palagay ninyo ang nadama ng amang ito habang kausap niya ang Tagapagligtas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano pa ang ipinaunawa sa atin ni Elder Holland tungkol sa damdamin at pagsusumamo ng amang ito.
“Sa kawalan ng pag-asa, ipinahayag ng amang ito ang pananampalataya niya at isinamo sa Tagapagligtas ng mundo, ‘Kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami’ [Marcos 9:22; idinagdag ang italics]. Napaluha ako nang mabasa ko ang mga salitang ito. Ang panghalip na kami ay malinaw na ginamit nang sadya. Ang ibig sabihin ng lalaking ito ay, ‘Nagsusumamo ang buong pamilya namin. Hindi kami tumitigil sa pakikibaka. Pagod na kami. Bumabagsak ang anak namin sa tubig. Bumabagsak ang anak namin sa apoy. Palagi siyang nasa panganib, at palagi kaming nangangamba. Wala na kaming malapitan. Maaari mo ba kaming tulungan? Pasasalamatan namin ang anuman—kaunting basbas, kaunting pag-asa, kaunting paggaan ng pasaning dala-dala ng ina ng batang ito sa bawat araw ng kanyang buhay’” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93).
Sabihin sa naka-assign na estudyante na basahin nang malakas ang sinabi ng Tagapagligtas sa Marcos 9:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa amang ito.
-
Kanino dapat maniwala ang amang ito?
-
Anong alituntunin ang itinuro ng Tagapagligtas sa amang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kung maniniwala tayo kay Jesucristo, ang lahat ng bagay ay magiging posible sa atin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 23 na nagtuturo ng alituntuning ito.)
Ituro na ang “lahat ng mga bagay” ay tumutukoy sa lahat ng mabubuting pagpapala na ibinibigay ayon sa kalooban, layunin, at takdang panahon ng Diyos.
-
Paano makatutulong ang paniniwala sa alituntuning ito sa isang taong nahaharap sa mga problemang tila imposibleng malagpasan?
Sabihin sa estudyanteng naka-assign na basahin nang malakas ang sinabi ng ama sa Marcos 9:24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ng ama sa alituntuning itinuro ng Tagapagligtas.
-
Paano ninyo mailalarawan ang pananampalataya ng amang ito sa sandaling iyon?
Sabihin sa mga estudyante na pansinin ang dalawang bahagi ng sagot ng amang ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland. Sabihin sa klase na pakinggan ang ipinahihiwatig ng pahayag ng ama tungkol sa magagawa natin sa mga panahon ng, “kakulangan ng pananampalataya,” o panahon ng pag-aalinlangan o pagkatakot.
“Nang magkaroon ng hamon sa pananampalataya, ginawa muna ng ama ang kanyang magagawa at saka niya kinilala ang kanyang limitasyon. Sumagot muna siya ng oo at walang pag-aatubiling sinabing: “[Panginoon,] nananampalataya ako.” Sasabihin ko sa lahat ng nais maragdagan ang pananampalataya, alalahanin ang lalaking ito! Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. Sa paglago na kailangan nating danasing lahat sa buhay na ito, ang espirituwal na katumbas ng hirap ng batang ito o ng kawalang-pag-asa ng magulang na ito ay sasapit sa ating lahat. Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” 94).
-
Ano ang matututuhan natin mula sa amang ito tungkol sa magagawa natin sa mga sandaling nagkukulang ang ating pananampalataya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung kakapit tayo nang mahigpit sa pinaniniwalaan natin …)
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagharap sa kakulangan ng pananampalataya mula sa isa pang bahagi ng pahayag na ito ng ama sa talata 24? (Matapos sumagot ang mga estudyante, idagdag ang sumusunod na mga kataga sa pahayag na nasa pisara: at hihingi ng tulong sa Panginoon, …)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:25–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas bilang tugon sa pagsusumamo ng ama.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas bilang tugon sa pagsusumamo ng ama?
-
Paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na nasa pisara batay sa natutuhan ninyo sa pangyayaring ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maituro ang sumusunod na alituntunin: Kung kakapit tayo nang mahigpit sa pinaniniwalaan natin at hihingi ng tulong sa Panginoon, tutulungan Niya tayo na mapalakas ang ating pananampalataya.)
Balikan ang mga sitwasyong nakalista sa pisara, na tinalakay ninyo sa simula ng lesson.
-
Paano magagamit ang alituntuning ito sa ganitong mga sitwasyon?
-
Kailan kayo o ang isang taong kilala ninyo nakatanggap ng tulong ng Panginoon sa panahong nagkukulang ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagkapit nang mahigpit sa inyong paniniwala at paghingi ng Kanyang tulong? (Maaari ka ring magbahagi ng iyong sariling karanasan.)
Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang alituntuning ito sa mga panahong nagkukulang ang kanilang pananampalataya.
Ipaalala sa mga estudyante na unang dinala ng amang ito ang kanyang anak sa ilan sa mga disipulo ni Jesus upang mapagaling ito. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sila ang mga disipulong ito.
-
Ano kaya ang maiisip o madarama ninyo pagkatapos kayong mabigong paalisin ang masamang espiritu mula sa bata?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:28, at sabihin sa klase na alamin ang itinanong ng mga disipulo kay Jesus.
-
Ano ang itinanong ng mga disipulo kay Jesus?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Marcos 9:19, na inaalam kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga tao, pati na ang Kanyang mga disipulo, na naroroon. (Sila ay “walang pananampalataya.”) Ipaliwanag na ang tinutukoy ng walang pananampalataya rito ay kawalang-pananampalataya kay Jesucristo. Kakailanganin ang pananampalataya kay Jesucristo para maging mabisa ang mga basbas ng priesthood.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ng Tagapagligtas sa tanong ng Kanyang mga disipulo.
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo?
-
Paano nakakaimpluwensya ang panalangin at pag-aayuno sa pananampalataya ng isang tao? (Matapos sumagot ng mga estudyante, tulungan sila na maunawaan ang sumusunod na katotohanan: Mapapalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa buklet na Tapat sa Pananampalataya. Sabihin sa klase na pakinggan ang iba’t ibang sitwasyon kung saan maaaring gamitin ang katotohanang ito:
“Itinuturo ng salaysay [na ito tungkol sa pagpapaalis ni Jesus ng masamang espiritu mula sa anak ng isang lalaki] na ang panalangin at pag-aayuno ay makapagbibigay ng lakas sa mga yaong nagbibigay at tumatanggap ng mga basbas ng priesthood. Ang salaysay na ito ay maiaangkop din sa personal ninyong pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Kung may kahinaan o kasalanan kayo na nahihirapan kayong daigin, maaaring kailangan ninyong mag-ayuno at manalangin upang matanggap ang tulong o kapatawarang hangad ninyo. Gaya ng demonyong pinalabas ni Cristo, ang suliranin ninyo ay maaaring [maalis] lamang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 103).
-
Ayon sa pahayag na ito, ano ang ilang sitwasyon na magagamit natin ang katotohanang ito?
-
Kailan nakatulong ang panalangin at pag-aayuno na mapalakas ang inyong pananampalataya kay Cristo at matanggap ninyo ang mabubuting pagpapala na inyong ninanais?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga pagpapalang ninanais nila sa kanilang sarili o sa iba na matatamo sa pagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno. Sabihin sa kanila na magsulat sila ng isang mithiin na mananalangin at mag-aayuno para sa mga pagpapalang ito sa susunod na Linggo ng ayuno.
Scripture Mastery Review
Isiping tingnan ang ilang scripture mastery passages na maaaring hindi pa alam ng mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin at markahan ang mga ito. Maaari kang mag-assign ng bagong scripture mastery passage sa bawat estudyante o sa magkakapartner na mga estudyante at ipadrowing sa papel ang mga inilalarawang katotohanan na itinuro sa kanilang mga scripture mastery passage. Sabihin sa kanila na ipaliwanag sa klase ang mga gawa nila. Maaari mong idispley ang mga drowing kung may paggagamitan ang mga ito.
(Paalala: Maaari mong gamitin ang aktibidad na ito sa simula o katapusan ng anumang lesson, kung may oras pa.)