Home-Study Lesson
Mateo 23:1–26:30 (Unit 6)
Pambungad
Nang ituro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang Kanyang Ikalawang Pagparito habang nasa Bundok ng mga Olibo, ikinuwento niya ang talinghaga ng mga talento.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 25:14–30
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang talinghaga ng mga talento
Bago magklase, maglagay ng limang barya sa isang panig ng kuwarto at ng dalawang barya sa kabilang panig. Maglagay ng walo pang barya sa bulsa mo.
Para simulan ang lesson, papuntahin sa harapan ng klase ang tatlong estudyante para tulungan kang isadula ang talinghaga na itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo bilang bahagi ng Kanyang tagubilin patungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:14–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tinanggap ng bawat alipin at ano ang ginawa niya rito.
-
Ano ang ibinigay ng panginoon sa bawat alipin? (Ipaliwanag na ang mga talento sa talinghagang ito ay halaga ng pera. Ilabas ang walong barya sa iyong bulsa, at magbigay ng lima sa unang estudyante, ng dalawa sa pangalawang estudyante, at ng isa sa pangatlong estudyante.)
-
Ano ang ginawa ng bawat alipin sa perang ibinigay sa kanila?
Sabihin sa estudyanteng may limang barya na kunin ang karagdagang limang barya sa kabilang panig ng silid. Sabihin sa estudyanteng may dalawang barya na kunin ang karagdagang dalawang barya sa kabilang panig ng silid. Sabihin sa isang estudyanteng may isang barya na itago o ibaon kunwari ang barya.
Sabihin sa mga estudyante na ibalik sa iyo ang mga barya at magsiupo na. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga bahagi ng talinghaga (na wala pa ang mga interpretasyon sa mga panaklong):
-
Ano ang maaaring katawanin ng mga bahagi ng talinghaga? (Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na matukoy kung sino at ano ang isinasagisag ng mga bahagi. Isulat sa pisara ang mga interpretasyon sa tabi ng mga bahagi. Ipaliwanag na ilan sa mga kaloob at kakayahang mayroon tayo sa buhay natin sa mundo ay natanggap at napaunlad bago tayo isilang sa mundo. Maaari nating piliing patuloy na paunlarin ang mga kaloob na iyon at ang iba pa sa buhay sa mundo.)
-
Ayon sa Mateo 25:15, bakit binigyan ng panginoon ng iba’t ibang halaga ng pera ang bawat alipin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang mga katagang “ayon sa kanikaniyang kaya” ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng mga kaloob at kakayahan ayon sa ating mga kalagayan. Ang bawat tao ay pinagkalooban ng espirituwal na kaloob mula sa Diyos [tingnan sa D at T 46:11]. Ipaliwanag na hindi nasusukat sa dami ng talento natin ang halaga natin bilang tao.)
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga ito:
-
Sa palagay ninyo, sinong alipin ang pinaka nakakatulad ninyo: ang isang binigyan ng limang talento, dalawang talento, o isang talento? Bakit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:19–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa alipin na tumanggap ng limang talento.
-
Ano ang sinabi ng panginoon sa unang alipin?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “pamamahalain kita sa maraming bagay” at ng “pumasok … sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:21) ay ang pag-abot ng ating banal na potensyal at pagtanggap ng buhay na walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa ng unang alipin? (Ang sumusunod ay isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante: Kung matapat nating gagamitin ang mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon, maaabot natin ang ating potensyal at tatanggap ng buhay na walang hanggan.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng kung paano natin matapat na magagamit ang mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon?
Ipaliwanag na maaaring magreklamo ang pangalawang alipin nang makita niyang tumanggap ng limang talento ang unang alipin samantalang siya ay dalawa lang. Sa halip, matapat niyang ginamit ang mga talentong ibinigay sa kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng panginoon sa alipin na tumanggap ng dalawang talento.
-
Ano ang sinabi ng panginoon sa alipin na tumanggap ng dalawang talento?
-
Kahit magkaiba ang halagang ibinigay ng panginoon sa una at pangalawang alipin, bakit sa palagay ninyo pareho lang ang tinanggap nilang tugon mula sa kanilang panginoon?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa karanasan ng lalaking binigyan ng dalawang talento? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Pagpapalain tayo ng Panginoon kung matapat nating gagamitin ang mga kaloob at kakayahang ibinigay Niya sa atin, gaano man ito karami o anuman ang mga ito. Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sabihin sa klase na isipin kung nadama na ba nila minsan na mas maraming kaloob o kakayahan ang iba kaysa sa kanila. Ituro ang alituntuning isinulat mo sa pisara.
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa alituntuning ito kapag sa pakiramdam natin ay mas marami o mas maganda ang mga kaloob ng iba kaysa sa atin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang humusay sa ating mga talento ay ang pinakamainam na sukatan ng ating pag-unlad. … Ang ikumpara ang ating mga pagpapala sa iba ay tiyak na magpapawala ng ating kagalakan. Hindi maaari na habang nagpapasalamat tayo ay naiinggit din tayo. Kung talagang gusto nating mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon at matuwa at sumaya, dapat tayong magalak sa ating mga pagpapala at magpasalamat” (“Rejoice!” Ensign, Nob. 1996, 29, 30.
-
Paano natin matutuklasan ang mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon?
Bigyan ng papel ang bawat estudyante at ipasulat ang pangalan nila sa itaas. Sabihin sa kanila na ipasa ang kanilang papel sa katabi nila. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang kaloob o kakayahang nakikita nila sa tao na nakasulat ang pangalan sa papel. Sabihin sa kanila na ituloy ang pagpapasa ng mga papel paikot sa silid at pagsulat ng mga kaloob at kakayahang naobserbahan nila.
Makalipas ang ilang minuto, ipabalik na sa mga estudyante ang mga papel sa orihinal na may-ari. Bigyan ng oras ang mga estudyante na mabasa ang mga kaloob at kakayahang nakikita sa kanila ng iba. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat sa papel nila ang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Sa anong paraan ninyo magagamit ang isa sa mga kaloob ninyo para paunlarin ang gawain ng Panginoon?
Ipaliwanag na kasama sa talinghaga ng mga talento ang mga babala tungkol sa mga kaloob at kakayahang ibinigay sa atin. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 25:24-30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng panginoon sa alipin na nagtago ng talento. Pagkatapos basahin ang talata 27, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pakinabang ay tubo (kinita mula sa pamumuhunan o pagpapahiram ng pera).
-
Bakit itinago ng huling alipin ang kanyang talento? Ano ang naging tugon ng panginoon sa piniling gawin ng alipin?
-
Kahit wala siyang naiwala sa pera ng kanyang panginoon, ano ang mali sa ginawa ng alipin?
-
Sa palagay ninyo, ano kaya ang naging tugon ng panginoon sa alipin kung nagbalik ito ng dalawang talento?
Anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo sa mga alituntuning tinalakay nila. Hikayatin silang gamitin ang kanilang mga kaloob at kakayahan para maisulong pa ang gawain ng Panginoon.
Susunod na Unit (Mateo 26:31–Marcos 3)
Ipaliwanag na sa susunod na linggo, pag-aaralan ng mga estudyante nang detalyado ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nagsimula sa Kanyang pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani at nagpatuloy sa di-makatarungang paglilitis, pangungutya, paghampas, at kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, at nagwakas sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.