Library
Lesson 36: Marcos 4–5


Lesson 36

Marcos 4–5

Pambungad

Sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea, nagturo si Jesus sa Kanyang mga disipulo gamit ang mga talinghaga. Habang nasa dagat, pinapayapa ng Tagapagligtas ang bagyo. Ipinakita ni Jesus na higit Siyang makapangyarihan sa mga demonyo sa pagpapaalis sa kanila mula sa isang lalaki. Habang nagmiministeryo sa Capernaum, pinagaling Niya ang isang babaeng inaagasan ng dugo at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa kamatayan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Marcos 4

Si Jesus ay gumagamit ng mga talinghaga para ituro ang tungkol sa kaharian ng Diyos at pinapayapa ang bagyo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pinakamalakas na bagyo na naranasan nila. Maikling ipakuwento sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan.

  • Paano natutulad sa isang bagyo ang mga problema sa buhay?

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga salita, (mag-iwan ng puwang sa ilalim ng bawat salita): Pisikal, Espirituwal, Mental, Sosyal. Itanong ang sumusunod gamit ang bawat salita sa pisara:

  • Ano ang ilang halimbawa ng pisikal (o espirituwal, mental, o sosyal) na mga problemang nararanasan ng mga kabataan? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng mga salita sa pisara kung saan ito angkop.)

Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Marcos 4–5, maghanap sila ng mga alituntuning makatutulong sa kanila sa oras na dumating ang mga problema sa kanilang buhay.

Ibuod ang Marcos 4:1–34 na ipinapaliwanag na habang nasa dalampasigan ng Dagat ng Galilea, ang Tagapagligtas ay nagturo ng ilang talinghaga sa mga tao.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 4:35–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang problemang naranasan ng mga disipulo habang patawid sila sa Dagat ng Galilea.

  • Ano ang naging problema habang patawid ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga disipulo sa Dagat ng Galilea?

Ipaliwanag na ang Dagat ng Galilea ay 700 talampakan mula sa kapatagan ng dagat at napaliligiran ng mga bundok sa tatlong dako nito. Kung minsan, bumababa mula sa mga bundok ang malamig at tuyong hangin at sumasalubong sa mainit at mahalumigmig na hangin sa ibabaw ng Dagat ng Galilea, na lumilikha kaagad ng malalakas na bagyo—kung minsan sa loob lamang ng ilang minuto—na may malalaking alon sa maliit na dagat na ito.

Dagat ng Galilea at Bundok Arbel

Ang Dagat ng Galilea at Bundok Arbel

  • Ano ang naging epekto ng bagyo sa sasakyang-dagat?

  • Kung kayo ay nasa isang sasakyang-dagat sa ganitong sitwasyon, ano ang maiisip at madarama ninyo?

  • Sino ang hiningan ng tulong ng mga disipulo sa nakakatakot na sandaling ito? Ano ang sinabi nila sa Panginoon?

  • Sa paanong paraan tayo maaaring matuksong gawin ang ginawa ng mga disipulo ni Jesus kapag dumating ang problema sa ating buhay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 4:39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas nang humingi ng tulong ang mga disipulo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga katagang “Pumayapa, tumigil ka” at “humusay na totoo ang panahon” (talata 39).

  • Kung hihingi tayo ng tulong sa Panginoon sa oras ng kagipitan o takot, ano ang magagawa Niya para sa atin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung hihingin natin ang tulong ng Panginoon sa panahon ng kagipitan o takot, bibigyan Niya tayo ng kapanatagan.)

  • Sa paanong paraan tayo makahihingi ng tulong sa Panginoon sa oras ng kagipitan o takot? (Maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Maaaring hindi masagot ang ating mga panalangin ayon sa mga paraang inaasahan natin. Gayunman, tayo ay bibiyayaan ng kapanatagan kapag hiningi natin ang tulong ng Panginoon.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 4:40–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng mga disipulo tungkol kay Jesus.

  • Kung kasama kayo ng mga disipulo, paano ninyo sasagutin ang kanilang tanong sa talata 41?

  • Paano nakapagpapalakas ng ating pananampalataya ang pagkaunawa kung “sino nga ito[ng]” si Jesus (talata 41) at naghihikayat sa atin na hingin ang Kanyang tulong sa oras ng kagipitan o takot?

Kung maaari, ipabasa sa mga estudyante ang mga salita ng himnong “Guro, Bagyo’y Nagngangalit” (Mga Himno, blg. 60). Bigyang-diin na si Jesucristo ay may kapangyarihang payapain hindi lamang ang mga bagyo kundi ang unos o takot din sa ating puso.

Anyayahan ang ilang estudyante na magkuwento ng isang pangyayari na humingi sila ng kapanatagan sa Panginoon sa panahon ng unos o problema sa buhay at Kanyang pinawi ang Kanilang pangamba at binigyan sila ng kapanatagan.

Maaari mong ipasulat sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal ang maaari nilang gawin para makahingi ng tulong sa Panginoon kapag may mga problema sila.

Marcos 5:1–20

Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki sa pamamagitan ng pagpapaalis ng mga demonyo mula sa kanya

Ibuod ang Marcos 5:1–18 na ipinapaliwanag na pinagaling ni Jesus ang isang lalaking nasapian ng maraming “karumaldumal,” o masasamang espiritu. Matapos mapaalis ang masasamang espiritu mula sa lalaki, pumasok sila sa kawan ng mga baboy, at nagkakagulong nagsitakbo sa bangin at nahulog sa dagat. Pagkatapos ay nakiusap ang lalaking pinagaling na isama siya ni Jesus sa sasakyang-dagat.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 5:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagawa ng Tagapagligtas sa lalaking ito.

  • Ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas sa lalaking ito?

  • Ano ang ginawa ng lalaki?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa ating magagawa kapag nadama natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nadama natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay, mapatototohanan natin sa iba ang Kanyang mga pagpapala at pagkahabag.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na makatutulong sila sa iba sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga pagpapala at pagkahabag ng Tagapagligtas.

Marcos 5:21–43

Pinagaling ni Jesus ang isang babaeng inaagasan ng dugo at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa kamatayan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu:

Elder Shayne M. Bowen

“Noong ika-4 ng Pebrero 1990, isinilang ang pangatlo naming anak na lalaki at pang-anim na anak. Pinangalanan namin siyang Tyson. …

“Noong si Tyson ay walong buwang gulang, nakalulon siya ng chalk na nakita niya sa carpet. Bumara ang chalk sa lalamunan ni Tyson, at hindi siya makahinga. Ipinanhik si Tyson ng kanyang kuya, na natatarantang sumigaw ng, ‘Hindi humihinga si baby. Hindi humihinga si baby.’ Binigyan namin siya ng CPR at tinawagan ang 911.

“Dumating ang mga paramedic at isinugod si Tyson sa ospital. Sa waiting room patuloy kaming nagdasal nang taimtim, nagsusumamo ng himala sa Diyos. Matapos ang tila napakatagal na paghihintay, pumasok ang doktor sa silid at sinabi, ‘Ikinalulungkot ko. Wala na kaming magagawa pa. Maiwan ko muna kayo.’ Pagkatapos ay umalis na siya” (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo Ensign o Liahona, Nob. 2012, 16).

  • Kung si Tyson ay inyong kapatid, ano ang maiisip o gagawin ninyo sa sandaling iyon?

  • Paano sinusubukan ng ganitong karanasan ang pananampalataya ng isang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 5:21–24. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano hinarap ng pinunong si Jairo ang ganito ring problema na maaaring sumubok sa kanyang pananampalataya.

  • Bakit hiningi ni Jairo ang tulong ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 5:25–26, at sabihin sa klase na alamin kung sino pa ang nangailangan ng tulong ng Tagapagligtas.

Ipaliwanag na bagama’t hindi tinukoy sa Bagong Tipan ang dahilan kung bakit “inaagasan” ng dugo ang babae (talata 25), alam natin na talagang pinahirapan siya nito. Dagdag pa rito, sa ilalim ng batas ni Moises ang isang taong inaagasan ng dugo ay itinuturing na karumal-dumal o marumi (tingnan sa Levitico 15:19–33). Malamang na pinaalis at inihiwalay ang babaeng ito sa loob ng 12 taong pagkakasakit niya. Ang paghihirap na naranasan niya sa kanyang sitwasyon ay nakita sa katotohanang “nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik” (Marcos 5:26) sa pagpapagamot sa mga doktor.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 5:27–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng babaeng ito para matanggap ang tulong ng Tagapagligtas.

  • Ano ang ginawa ng babaeng ito na nagpakita ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya” [talata 27] ay nagpilit siyang makadaan sa maraming tao na nakapalibot sa Tagapagligtas.)

  • Ano ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa dapat nating gawin kung nais nating mapagaling? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung ipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa ating mga pagsisikap na lumapit sa Kanya, tayo ay mapapagaling Niya.)

Ipaliwanag na ang paggaling natin sa anumang karamdaman sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ay hindi lamang nakabatay sa ating mga pagsisikap na lumapit sa Kanya kundi batay rin ito sa panahon at kalooban ng Diyos.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Marcos 5:35, na inaalam ang mensaheng inihatid kay Jairo nang huminto ang Tagapagligtas para tulungan ang babaeng ito.

  • Anong balita ang natanggap ni Jairo?

  • Kung kayo si Jairo, ano ang maiisip o gagawin ninyo sa sandaling iyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 5:36, at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Tagapagligtas kay Jairo.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na maaaring nagpalakas sa pananampalataya ni Jairo?

Para mabigyang-diin ang nalaman natin tungkol sa pananampalataya mula sa kuwentong ito, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humihingi sa atin ng patuloy na pananalig sa Kanya kahit sa panahon ng kawalang-katiyakan.

  • Sa paanong mga paraan natin maipamumuhay ang alituntuning ito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 5:37–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa anak na babae ni Jairo.

  • Anong himala ang ginawa ng Tagapagligtas?

Maaari mong patotohanan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na mapagpala at mapagaling tayo. Ipaliwanag na kung minsan ay pinapayapa ng Tagapagligtas ang mga unos sa ating buhay sa pag-alis sa hirap o takot na nararanasan natin. Kung minsan naman, maaaring hindi Niya alisin ang ating pagsubok, tulad ng ikinuwento ni Elder Bowen tungkol sa pagkamatay ng kanyang anak. Gayunpaman, kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng kapanatagan sa sandali ng ating mga paghihirap.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo patuloy na mananampalataya anuman ang kahantungan ng mga problema natin, basahin ang sumusunod na patotoo ni Elder Bowen. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano siya patuloy na nanampalataya kahit namatay ang kanyang anak.

Elder Shayne M. Bowen

“Nang mapuno na ako ng paninisi, galit, at awa sa sarili, ipinagdasal ko na mabago ang aking saloobin. Sa napakapersonal na sagradong mga karanasan, binigyan ako ng Panginoon ng bagong damdamin, at kahit naroon pa rin ang lungkot at sakit, nabago ang buong pananaw ko. Ipinaalam sa akin na walang inagaw sa akin at sa halip ay may dakilang pagpapalang naghihintay sa akin kung ako ay magiging matapat. …

“Pinatototohanan ko [na] … ‘sa pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kaaliwan. Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo’ [Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57]” (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay,” 17).

  • Tulad ni Jairo, kailan kayo o ang isang taong kakilala ninyo patuloy na nanampalataya kay Jesucristo sa panahon ng kawalang-katiyakan? Anong mga pagpapala ang dumating dahil dito?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Marcos 4:35–41. Pinapayapa ni Jesucristo ang bagyo

Tinalakay ni Pangulong Howard W. Hunter ang mahahalagang katotohanan sa tala ni Marcos tungkol sa pagpapayapa ng Tagapagligtas sa bagyo sa Dagat ng Galilea:

“Lahat tayo ay nakaranas na ng ilang biglaang unos sa ating buhay. Ang ilan sa mga ito, bagama’t panandalian lamang tulad ng sa Dagat ng Galilea, ay maaaring maging marahas at nakakatakot at maaaring makapinsala. Bilang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, bansa, maging bilang isang simbahan, nakakaranas tayo ng biglaang pagbagyo na naitatanong natin, ‘Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?’ At palagi naman nating naririnig sa katahimikan pagkaraan ng bagyo, ‘Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?’

“Wala ni isa man sa atin ang magnanais na isipin na wala tayong pananampalataya, ngunit sa palagay ko ang magiliw na pangaral ng Panginoon dito ay nararapat lamang. Ang dakilang Jehova na ito, na sinasabi nating pinagtitiwalaan natin at na ang pangalan ay taglay natin, ang siyang nagsabing, ‘Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig.’ (Gen. 1:6.) At siya rin ang nagsabing, ‘Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan.’ (Gen. 1:9.) Bukod pa rito, Siya rin ang humati sa Dagat na Pula, kaya’t nakadaan ang mga Israelita sa tuyong lupa. (Tingnan sa Ex. 14:21–22.) Kaya nga, hindi dapat ikagulat na kaya niyang utusan ang ilang elementong kumikilos sa Dagat ng Galilea. At ang ating pananampalataya ay dapat na magpaalala sa atin na kanyang mapapayapa ang maalong dagat ng ating buhay” (“Master, the Tempest Is Raging,” Ensign, Nob. 1984, 33).

Marcos 5:30. “May umalis na bisa sa kanya”

May ilang pagsasalin ng Marcos 5:30 na nagsasabing ang “bisa” ay umalis kay Jesucristo nang gumaling ang babae. Sa orihinal na teksto sa wikang Griyego ng Bagong Tipan, ang salitang katumbas ng bisa ay dynamis, na ibig sabihin ay “kapangyarihan” o “lakas.”

Marcos 5:36. “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”

Ang isang katotohanan na itinuro sa Marcos 4–5 ay ang pananampalataya at takot ay magkasalungat. Sa Marcos 4:40 at Marcos 5:36, ipinayo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tinuturuan na alisin nila ang kanilang takot at palitan ito ng pananampalataya sa Kanya. Ang mga talang ito ay nagtuturo sa atin ng isang mahalagang aral na dapat tayong manampalataya kay Jesucristo at huwag magpadaig sa ating takot.

Sa isang mensahe para sa Church Educational System religious educators, hiniling ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga estudyante at titser na “huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” Hinikayat niya tayo na lubos na magtiwala sa Diyos at magsalita nang may pananalig na ang ebanghelyo ni Jesucristo “ang pinakatiyak, pinakaligtas, pinakamaaasahan, at pinakamakabuluhang katotohanan sa lupa at sa langit, sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.” Pinatotohanan niya na ang takot, pag-aalala, at pangamba ay madaraig kapag nagtuon tayo sa “dakila, walang hanggan, at dalisay na mga katotohanang napakahalaga sa karingalan ng mensahe ng buong ebanghelyo”—gaya ng plano ng kaligtasan, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Unang Pangitain, panunumbalik ng priesthood, at ang Aklat ni Mormon—at huwag isantabi o alisin ang buong katotohanan sa “[sobrang pagtutuon] sa pangalawa o pangatlo o pang-apat na bahagi lamang ng kabuuang iyon.” (Tingnan sa “Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang” [isang gabi na kasama si Elder Jeffrey R. Holland, Peb. 6, 2015], lds.org/broadcasts.)

Nagturo rin si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagdaig sa ating takot sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoon:

“Mga hamon, paghihirap, pagtatanong, pagdududa—[ang mga] ito ay bahagi ng ating buhay sa lupa. Ngunit [hindi] tayo nag-iisa. Bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, mayroon tayong mapagkukunang napakalaking espirituwal na [imbakan ng] liwanag at katotohanan. Hindi maaaring magsabay ang takot at pananampalataya sa ating puso. Sa panahong nahihirapan tayo, pinipili natin ang landas ng pananampalataya. Sabi ni Jesus, ‘Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang’ [Marcos 5:36]” (“Sapat na ang Alam Ninyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 14).