Library
Lesson 129: II Mga Taga Tesalonica


Lesson 129

II Mga Taga Tesalonica

Pambungad

Matapos gawin ang kanyang unang sulat sa mga Banal sa Tesalonica, gumawa si Pablo ng ikalawang sulat, kung saan nilinaw niya ang mga katotohanan tungkol sa Ikalawang Pagparito. Itinuro niya na ang Tagapagligtas ay hindi darating na muli hangga’t hindi nagaganap ang apostasiya. Pagtapos ay nangaral si Pablo laban sa katamaran at pinayuhan ang mga Banal na “huwag mangapagod sa paggawa ng mabuti” (II Mga Taga Tesalonica 3:13).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Mga Taga Tesalonica 1–2

Pinalakas ni Pablo ang loob ng mga Banal sa pamamagitan ng pagpopropesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Sinasabi ko sa lahat at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan na kung hindi pa kayo natatawag, balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesuscristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6).

Pataasin ng kamay ang mga estudyante na nakaranas nang ipagtanggol ang kanilang relihiyon o pananampalataya o natiis ang oposisyon o pagsalungat dahil sa pagiging miyembro nila ng Simbahan. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na gumawa si Pablo ng ikalawang sulat para sa mga Banal sa Tesalonica at tinalakay ang tungkol sa ilang paksa, kabilang na ang mga pagsalungat na nararanasan ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Tesalonica 1 na makatutulong sa kanila na tiisin ang pagsalungat at mga pagsubok na mararanasan nila bilang mga miyembro ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Tesalonica 1:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica.

  • Bakit pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica?

  • Ayon sa talata 5, ano ang gantimpalang matatanggap ng mga Banal sa pagharap sa mga pagsalungat at pagsubok nang may “pagtitiis at pananampalataya”?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo pagpapalain kung haharapin natin ang pagsalungat at pagsubok nang may pagtitiis at pananampalataya? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit kailangang matukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung matapat nating haharapin ang mga pagsalungat at pagsubok nang may pagtitiis at pananampalataya, tayo ay mapapabilang sa mga karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kahulugan ng matiyagang pagtitiis:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang pagtitiyaga ay hindi pagsuko nang walang ginagawa, ni pagkabigong kumilos dahil sa takot. Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto!” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 57).

  • Ayon kay Pangulong Uchtdorf, ano ang kahulugan ng matiyagang pagtitiis?

  • Bakit kailangan natin ng pananampalataya upang mapagtiisan ang mga pagsalungat at pagsubok nang may pagtitiyaga?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang kakilala nila o ang tungkol sa isang tao na nabasa nila sa mga banal na kasulatan na matapat at matiyagang nagtiis sa mga pagsalungat at pagsubok.

  • Sino ang naisip ninyo, at paano niya naipakita ang matapat at matiyagang pagtitiis sa pagharap sa mga pagsalungat at pagsubok?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagsalungat at pagsubok na nararanasan nila ngayon at pag-isipan kung paano nila haharapin ang mga hamong ito nang may pagtitiis at pananampalataya. Hikayatin sila na magdasal para humingi ng tulong.

Ipaliwanag na gaya ng nakatala sa II Mga Taga Tesalonica 1:6–10, nagpropesiya si Pablo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Hatiin ang mga estudyante sa dalawa o tatlong grupo. Ipabasa sa bawat grupo ang II Mga Taga Tesalonica 1:6–10 at sabihin na talakayin nila sa grupo ang mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o bigyan sila ng handout.) Sabihin sa mga estudyante na itala ang kanilang mga sagot sa kanilang notebook o scripture study journal.

  • Anong mga salita o kataga ang ginamit ni Pablo upang ilarawan ang Ikalawang Pagparito?

  • Ano ang mangyayari sa mabubuting tao kapag naganap na ang Ikalawang Pagparito?

  • Ano ang mangyayari sa masasamang tao kapag naganap na ang Ikalawang Pagparito?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na magbahagi sa klase tungkol sa mga nalaman ng kanilang grupo. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang mabubuting tao ay magpapahinga at ang masasama ay lilipulin.

  • Sa anong mga bagay mamamahinga ang mabubuti?

  • Paano mapapanatag ng doktrinang ito ang mga taong kasalukuyang dumaranas ng paghihirap dahil sa kanilang katapatan kay Jesucristo?

Pataasin ng kamay ang mga estudyante na gustong malaman kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipaliwanag na gusto ring malaman ng mga Banal sa Tesalonica ang tungkol dito at nag-alala si Pablo na baka mali ang pagkaunawa nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Tesalonica 2:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang iniisip ni Pablo na maaaring naging konklusyon ng mga Banal sa Tesalonica kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang ayaw ni Pablo na paniwalaan ng mga taga-Tesalonica tungkol sa panahon kung kailan mangyayari ang Ikalawang Pagparito? (Na ito ay malapit na.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Tesalonica 2:3, na inaalam kung ano ang magaganap bago ang Ikalawang Pagparito. Ipaliwanag na ang katagang “ito’y” ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito, at ang “pagtaliwakas” ay tumutukoy sa apostasiya.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit kailangang matukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Magkakaroon ng apostasiya bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)

Ipaliwanag na sa mga talatang ito, ipinapahiwatig ni Pablo na ang mga miyembro ng Simbahan sa kanyang panahon ay dapat na mas mag-alala tungkol sa apostasiya na nagsimula na noon sa kanila kaysa alalahanin kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang Apostasiya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag:

“Nang mamatay si Jesucristo, inusig ng masasamang tao ang mga Apostol at miyembro ng Simbahan at pinatay ang marami sa kanila. Nang mamatay ang mga Apostol, inalis sa mundo ang mga susi ng priesthood at ang awtoridad ng priesthood na mangulo. Pinanatiling dalisay ng mga Apostol ang mga doktrina ng ebanghelyo at ang kaayusan at pamantayan ng pagiging karapat-dapat ng mga miyembro ng Simbahan. Nang tumagal, dahil wala na ang mga Apostol, nahaluan na ng mali ang mga doktrina, at binago nang walang pahintulot ang organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag at pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 37).

  • Batay sa pang-unawang ito tungkol sa Apostasiya, bakit kinakailangan ang panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan?

Ipaliwanag na ang tinutukoy na “taong makasalanan” sa II Mga Taga Tesalonica 2:3 ay si Satanas. Ang Panunumbalik ng ebanghelyo, kabilang na ang pagdating ng Aklat ni Mormon, ang “[naghayag]” (talata 3) ng mga panlilinlang ni Satanas at ng kanyang mga tagasunod.

Ibuod ang II Mga Taga Tesalonica 2:4–17 na ipinapaliwanag na nagpropesiya si Pablo na hahayaan ng Panginoon si Satanas na linlangin ang mga naninirahan sa mundo hanggang sa Ikalawang Pagparito. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na “mangagpakatibay” (talata 15) sa mga itinuro niya sa kanila.

II Mga Taga Tesalonica 3

Binalaan ni Pablo ang mga walang disiplina at nangaral ng pag-asa sa sariling kakayahan

Ipaliwanag na sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga Taga Tesalonica, regular na nagkakaroon ng handaan ang mga miyembro ng Simbahan kasabay ng pakikibahagi ng sakramento. Gayunman, ang ilang miyembro sa Tesalonica ay dumadalo sa handaan upang kumain ngunit ayaw magbigay o maghanda ng pagkain.

  • Ano ang mga maaaring maging problema sa ganitong sitwasyon?

Ibuod ang II Mga Taga Tesalonica 3:1–9 na ipinapaliwanag na pinuri ni Pablo ang matatapat na Banal at binalaan sila tungkol sa pakikisalamuha sa mga taong “walang kaayusan,” o walang disiplina (talata 6). Sumulat din si Pablo na siya at ang kanyang mga kasama ay nagpakita ng halimbawa na hindi sila umaasa sa temporal na suporta ng iba dahil nagtatrabaho sila upang suportahan ang kanilang mga sarili.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Tesalonica 3:10–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa mga ayaw magtrabaho.

  • Ayon sa talata 12, ano ang iniutos ni Pablo sa mga ayaw magtrabaho? (Na “magsigawang may katahimikan, at magsikain ng kanilang sariling tinapay,” o magtrabaho para matustusan ang sariling mga pangangailangan.)

  • Ayon sa talata 13, ano ang karagdagang tagubilin na ibinigay ni Pablo sa matatapat na Banal?

  • Ano ang ibig sabihin ng “huwag kayong mangapagod sa paggawa ng mabuti”?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita ngunit kailangang matukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Tayo ay inuutusan na sikaping umasa sa sariling kakayahan at tumulong sa iba.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tayo magsisikap na mamuhay nang hindi umaasa sa iba.

“Isa sa mga pagpapala ng pagtatrabaho ang pag-asa sa sariling kakayahan. Kapag may tiwala kayo sa sariling kakayahan, ginagamit ninyo ang mga pagpapala at kakayahang ibinigay sa inyo ng Diyos para alagaan ang inyong sarili at ang inyong pamilya at makahanap ng solusyon sa sarili ninyong mga problema. Ang pag-asa sa sarili ay hindi nangangahulugan na dapat ninyong kayanin ang lahat ng bagay nang mag-isa. Upang tunay na makaasa sa sariling kakayahan, dapat kayong matutong magtrabaho na kasama ang iba at humingi ng tulong at lakas sa Panginoon.

“Alalahaning may dakilang gawaing ipagagawa sa inyo ang Diyos. Pagpapalain Niya kayo sa pagsisikap ninyong magampanan ang gawaing iyan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 41).

  • Paano tayo magsisikap na mamuhay nang hindi umaasa sa iba?

  • Ano ang ilang mga pagpapala ng pag-asa sa sariling kakayahan?

Magpatotoo na habang nagsisikap tayo na umasa sa ating sariling kakayahan, tutulungan tayo ng Panginoon na matugunan ang ating mga pangangailangan at tutulungan tayong makahanap ng mga solusyon sa ating mga problema.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin upang mas matugunan nila ang kanilang sariling mga pangangailangan ngayon at sa hinaharap. Sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin kung paano sila mas aasa sa sariling kakayahan, at hikayatin sila na hingin ang tulong ng Panginoon upang makamit ito.

Ibuod ang II Mga Taga Tesalonica 3:14–18 na ipinapaliwanag na tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa pagpapayo sa mga Banal na huwag maging tamad at lumayo sa mga tamad at magugulong tao. Gayunman, hindi sila dapat ituring na mga kaaway ng mga Banal ngunit dapat ay pagsabihan sila bilang mga kapatid sa ebanghelyo.

Magtapos sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang naituro sa lesson na ito.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—II Mga Taga Tesalonica 2:1–3

Sabihin sa mga estudyante na gumamit ng mga tulong sa pag-aaral (gaya ng footnotes, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o ng Topical Guide) upang humanap ng ibang talata sa banal na kasulatan bukod sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3 na nagtuturo ng tungkol sa Apostasiya. Pagkatapos ng sapat na oras, ipabahagi sa ilang estudyante ang mga nahanap nila at sabihin sa kanila na ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatang ito tungkol sa Apostasiya. Maaari mong ilista sa pisara ang mga reperensya na nahanap nila. Papiliin ng isang talata sa banal na kasulatan ang mga estudyante bilang cross-reference sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang cross-reference na ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng II Mga Taga Tesalonica 2:1–3. Ipaliwanag na ang scripture mastery passage na ito ay kadalasang ginagamit upang ituro ang tungkol sa Apostasiya at ang pangangailangan sa Panunumbalik. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang II Mga Taga Tesalonica 2:1–3 at ang isa sa mga scripture reference sa pisara upang turuan ang isang kapareha tungkol sa Apostasiya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

II Mga Taga Tesalonica 2:3. Ang Apostasiya

“Ang ‘pagtaliwakas’ ay salin mula sa Griyegong salita na apostasia, isang salita na mas malapit ang kahulugan sa ‘rebelyon’ o ‘pag-aalsa.’ Kung gayon, si Pablo ay nagsasalita tungkol sa intensyong kalabanin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa halip na dahan-dahang lumayo mula rito. Sa Aklat ni Mormon, ang pangitain ni Nephi tungkol sa hinaharap ay nagturo sa kanya na ‘ang sambahayan ni Israel’ ay nakiisa sa mga nasa malaki at maluwang na gusali ‘upang kalabanin ang labindalawang apostol ng Kordero’ (1 Nephi 11:35). Kadalasan, ang apostasiya ay hindi lamang isang di-aktibong pagbitaw sa katotohanan ngunit isang aktibong rebelyon na nagsisimula sa grupo ng mga taong nakipagtipan” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 453).

Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Apostasiya ay nangyari dahil hindi tinanggap ng mga tao si Cristo at ang Kanyang mga Apostol:

“Sa maikling panahong sakop ng Bagong Tipan … kinalaban ng mga tao si Cristo at ang Kanyang mga Apostol. Ang pagbagsak ay napakatindi na nakilala natin ito bilang Malawakang Apostasiya na humantong sa mga siglo ng kawalan ng pag-unlad at kawalan ng kaalaman sa espirituwal na tinatawag na Dark Ages.

“Ngayon, dapat kong ipaliwanag mabuti ang tungkol dito sa paulit-ulit na panahon ng apostasiya at espirituwal na kadiliman sa kasaysayan. Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak, at gusto Niyang makamtan nilang lahat ang pagpapala ng ebanghelyo sa kanilang mga buhay. Ang espirituwal na liwanag ay hindi naglaho dahil tinalikuran ng Diyos ang Kanyang mga anak. Bagkus, nangyayari ang espirituwal na kadiliman kapag sabay-sabay na tumalikod sa Kanya ang Kanyang mga anak” (“Matuto sa mga Aral ng Nakaraan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 32).

II Mga Taga Tesalonica 2:3. Ang Repormasyon at ang Panunumbalik

Marami sa mga nabuhay pagkatapos ng kamatayan ng mga Apostol ang nagpatuloy sa pagsunod sa Panginoon. Ang kanilang katapatan sa Panginoon ay napakatindi na handa silang magdanas ng mga pagsalungat at maging ng kamatayan para sa kanilang mga paniniwala. Sa panahon ng Repormasyon, natanto ng maraming indibidwal na ang ilang turo ng Kristiyanismo ay nabago na at hindi na tugma sa mga turo sa Biblia. Hinangad ng mga repormistang ito na iayon ang ang Kristiyanismo sa mga banal na kasulatan. Ganito ang sinabi ni Pangulong John Taylor tungkol sa mga naghangad ng katotohanan sa Panahon ng Kadiliman (Dark Ages):

“Mayroong mga tao sa panahon ng kadaliman na nakipag-usap sa Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananampalataya, na naghawi ang tabing ng walang hanggan at nakita ang hindi nakikita ng mundo[,] … naranasan ang pagministeryo ng mga anghel, at natuklasan ang kapalaran ng mundo sa hinaharap. Kung iyon ay mga panahon ng kadiliman, dalangin kong bigyan lamang ako ng Diyos ng kaunting kadiliman, at iligtas ako mula sa liwanag at katalinuhan na nananaig sa ating panahon” (sa Journal of Discourses, 16:197). (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tapat na pagsisikap ng mga repormista, tingnan ang Thomas S. Monson, “The Way Home,” Ensign, Mayo 1975, 15–16; tingnan din ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 49–50.)

Dahil sa pagsisikap ng mga repormista at ng ibang matatapat na tagasunod ng Diyos, ang mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano ay nakalampas sa Apostasiya at makikita ngayon sa mga relihiyon sa mundo. Gayunman, ang mga katotohanang kailangan para sa ating kaligtasan ay nawala, gayon din ang awtoridad ng priesthood upang pamahalaan ang gawain at pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan. Tiniyak ng Diyos sa mga kasapi ng ibang relihiyon na hindi ipinahahayag ng Ipinanumbalik na Simbahan at ng Aklat ni Mormon na ang lahat ng itinuturo nila ay mali: “Masdan, hindi ko ito ipararating upang wasakin ang kanilang natanggap na, kundi upang patatagin ito” (D at T 10:52). Sa kadahilanang ito, inanyayahan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang lahat ng tao sa mundo na “dalhin ninyo ang lahat ng kabutihan at katotohanang taglay ninyo mula sa kahit saan, at halina’t tingnan natin kung may maidaragdag pa kami rito” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 81).