Library
Lesson 158: Apocalipsis 17–19


Lesson 158

Apocalipsis 17–19

Pambungad

Nakita ni Juan na ang espirituwal na Babilonia, o ang masamang daigdig, ay makikidigma sa Kordero ng Diyos at ang Kordero ay magtatagumpay laban sa kasamaan. Iniutos sa mga Banal na magsilabas sa espirituwal na Babilonia, at ang malilinis at mabubuti ay aanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero. Nakita ni Juan ang pagparito ni Jesucristo na may napakalakas na kapangyarihan na lilipol sa mga yaong kakalaban sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 17–18

Nakita ni Juan ang pagkawasak ng espirituwal na Babilonia

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Avoid It” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2013], 1, speeches.byu.edu.)

“Mas madaling iwasan ang tukso kaysa ang labanan ang tukso” (Elder Lynn G. Robbins).

  • Sa palagay ninyo, bakit mas madaling iwasan ang tukso kaysa labanan ito?

  • Ano ang maaaring mangyari kung ilalagay natin ang ating sarili sa mga sitwasyong lagi nating nilalabanan ang tukso?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 17–18 ang katotohanang tutulong sa kanila na malaman kung paano iwasan ang maraming tukso at kasalanan sa daigdig na ito.

Ipaalala sa mga estudyante na nakita ni Juan sa pangitain ang pitong anghel na magbubuhos ng mga salot sa masasama sa mga huling araw (tingnan sa Apocalipsis 16). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 17:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng isa sa pitong anghel na ipapakita niya kay Juan.

  • Ano ang sinabi ng anghel na ipapakita niya kay Juan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 17:15, na inaalam kung ano ang sinasagisag ng maraming tubig.

  • Ayon sa talata 15, ano ang sinasagisag ng maraming tubig na kinauupuan ng babae? (Mga tao at mga bansa na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan at impluwensya [tingnan din sa 1 Nephi 14:11].)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 17:2–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa babae at sa kanyang impluwensya sa buong daigdig.

  • Anong mga salita at mga parirala ang naglalarawan sa babae?

  • Ayon sa talata 2, paano inilarawan ang impluwensya ng babae sa mga pinuno at mga tao ng buong mundo?

  • Sa inyong palagay, ano ang sinasagisag sa talata 6 ng babae na lasing sa dugo ng mga Banal at mga martir? (Sa lahat ng panahon, maraming mabubuting tao ang pinapatay ng masasama, at sinasabi sa mga banal na kasulatan na ang pagpatay sa mabubuti ay may nakalalango o nakahihibang na epekto sa mga pumapatay.)

Ipaliwanag na ang hayop na inilarawan sa talata 3 ay maaaring sumagisag sa Roma sa panahon ni Juan pati na rin sa masasamang kaharian at bansa sa mga huling araw (tingnan sa Apocalipsis 17:8–13).

Sabihin sa klase na isipin kung sino o ano ang sinasagisag ng babae na inilarawan sa mga talata 1–6. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 17:18, na inaalam kung ano ang sinasagisag ng babae.

  • Ayon sa talata 18, ano ang sinasagisag ng babae?

Ipaliwanag na ang “dakilang bayan” (talata 18) ay tumutukoy sa espirituwal na Babilonia (tingnan sa D at T 133:14). Dahil sa kamunduhan at kasamaan ng sinaunang Babilonia, at dahil ito ang lugar kung saan binihag ang mga anak ni Israel, madalas gamitin ang Babilonia sa mga banal na kasulatan bilang simbolo ng kasalanan, kamunduhan, at impluwensya ng diyablo sa lupa, at espirituwal na pagkabihag (tingnan din sa 1 Nephi 13:1–9; 14:9–10).

Isulat sa pisara: Ang Babae = Babilonia, o kasamaan ng daigdig

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 17:14, na inaalam kung sino ang kakalabanin ng Babilonia. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang kalalabasan ng digmaang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa mga huling araw, madadaig ni Jesucristo ang kasamaan ng daigdig.)

  • Paano makatutulong sa inyo ang katotohanang ito bilang tagasunod ni Jesucristo?

Ibuod ang Apocalipsis 18:1–3 na ipinapaliwanag na isa pang anghel ang nagpahayag ng pagbagsak ng Babilonia.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 18:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinagawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao?

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon sa pagpapalabas Niya sa Kanyang mga tao mula sa Babilonia? (Upang maiwasan ang mga kasalanan ng daigdig at ang mga salot o kahatulang darating sa masasama.)

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin mula sa tagubiln ng Panginoon sa Kanyang mga tao na ihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa kasamaan ng daigdig? (Bagama’t maaaring iba’t iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, tiyakin na matutukoy nila ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang paghihiwalay natin sa ating sarili mula sa kasamaan ng daigdig ay makakatulong sa atin na maiwasan ang kasalanan at ang kahatulan na darating sa masasama sa mga huling araw. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 4 na nagtuturo ng katotohanang ito.)

handout iconHatiin ang mga klase sa mga grupo na may tigdadalawa hanggang tig-aapat na estudyante. Ibigay na handout ang sumusunod na mga tanong sa bawat grupo, at sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga tanong sa kanilang grupo:

handout, Paghihiwalay ng Ating Sarili mula sa Espirituwal na Babilonia

Paghihiwalay ng Ating Sarili mula sa Espirituwal na Babilonia

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 158

  • Paano tayo natutulungan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ihiwalay ang ating sarili mula sa kasamaan ng daigdig?

  • Ano ang magagawa natin para maihiwalay ang ating sarili sa kasamaan ng daigdig habang patuloy tayong nabubuhay na kasama, minamahal, at nakikisalamuha sa mga yaong hindi natin kapareho ang mga pamantayan?

  • Paano nakatulong sa inyo o sa iba na maiwasan ang mga tukso at mga kasalanan ng daigdig na ito ang paghiwalay mula sa masasamang impluwensya at gawain?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga tinalakay nila sa kanilang grupo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa isang papel (1) ang masasamang impluwensya o gawain na kinakailangang layuan nila at (2) paano nila ito gagawin. Sabihin sa kanila na ilagay ang papel sa lugar na makikita nila nang madalas, at hikayatin sila na gawin ang isinulat nila.

Ibuod ang Apocalipsis 18:5–24 na ipinapaliwanag na nakita ni Juan ang pagbagsak ng masamang Babilonia at ang kalungkutan ng mga sumusunod dito.

Apocalipsis 19

Nakita ni Juan ang pagparito ni Jesucristo na may kapangyarihan na lilipol sa mga yaong kakalaban sa Kanya

Magpakita sa mga estudyante ng larawan ng magkasintahang ikakasal. Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang pinakamainam na regalo na maibibigay nila sa kanilang magiging asawa sa araw ng kanilang kasal. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pinakamainam na regalo na maibibigay ninyo sa inyong asawa sa kawalang-hanggan sa araw ng inyong kasal ay ang inyong sarili mismo—malinis at dalisay at karapat-dapat sa gayon ding kadalisayan ng inyong mapapangasawa” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 77).

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagiging malinis at dalisay ang pinakamainam na regalo na maibibigay ninyo sa inyong magiging asawa sa araw ng inyong kasal?

Ipaliwanag na nakatala sa Apocalipsis 19 ang isang analohiya tungkol sa kasal na ginamit upang ilarawan ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ibuod ang Apocalipsis 19:1–6 na ipinapaliwanag na nakita ni Juan na pupurihin ng mabubuti ang Diyos para sa Kanyang paghatol sa masasama.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 19:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kaninong kasal ang ibinalita ng anghel kay Juan.

  • Kaninong kasal ang ibinalita ng anghel kay Juan?

  • Ano ang nalaman ni Juan tungkol sa asawa ng Kordero?

Ipaliwanag na ang “pagkakasal ng Cordero” (Apocalipsis 19:7) ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung sino ang kasintahan ng Kordero.

Elder Bruce R. McConkie

“Sa dispensasyong ito, ang Kasintahang Lalaki, na Kordero ng Diyos, ay darating upang angkinin ang kanyang kasintahan, na ang Simbahan na binubuo ng matatapat na banal na nangagpuyat para sa kanyang pagbabalik” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 469).

  • Sa papaanong paraan angkop na simbolo ang pagpapakasal para sa ating pakikipagtipan kay Jesucristo? (Maaari mong ipaliwanag na ang pag-aasawa o pagpapakasal ay isang relasyon na nangangailangan ng katapatan, sakripisyo, pagmamahal, debosyon, at pagtitiwala.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 19:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang magagawa ng mga Banal para maihanda ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Maaari mong ipaliwanag na ang puting lino ay maaaring simbolo ng kabanalan, kalinisan, at kabutihan.

  • Tulad ng isinisimbolo ng damit ng asawa ng Kordero, ano ang dapat nating gawin upang maging handa ang ating sarili sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo? (Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay malinis at matwid, magiging handa tayo sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang ipinagkaloob sa talata 8 ay ibinigay. Ang maging malinis mula sa kasalanan at maging matwid ay kaloob na mula sa Diyos.

  • Ano ang ginawa ng Diyos para malinis tayo mula sa kasalanan at maging matwid?

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagiging malinis at matwid ay isa sa mga pinakamainam na regalo na maibibigay natin sa Tagapagligtas kapag Siya ay pumaritong muli?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 19:10, na inaalam ang reaksyon ni Juan matapos marinig ang inihayag ng anghel sa kanya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang inihayag ng anghel kay Juan na taglay nito (ng anghel) at ng iba pang mga tagapaglingkod ng Diyos? (Ang patotoo ni Jesus ay diwa ng propesiya.)

Ipaliwanag na ang “espiritu ng [propesiya]” (talata 10) ay tumutukoy sa kaloob na paghahayag at inspirasyon mula sa Diyos, na nagtutulot sa isang tao na matanggap at maipahayag ang Kanyang salita (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propesiya, Pagpopropesiya,” scriptures.lds.org).

  • Paano makapaghahanda ang isang taong nagtataglay ng patotoo ni Jesus para sa Ikalawang Pagparito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 19:11–16, kasama ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Apocalipsis 19:15 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

Ipaliwanag na ang kabayong maputi na binanggit sa talata 11 ay simbolo ng paglupig at tagumpay. Ang Tagapagligtas ay darating upang lupigin ang kasalanan at kasamaan.

  • Ayon sa talata 13, paano inilarawan ang damit ng Tagapagligtas? Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “damit na winisikan ng dugo” ay magiging kulay-dugo ang Kanyang kasuotan. Ang kulay na ito ay simbolo ng pagkalipol ng masasama sa Kanyang Pagparito [tingnan sa D at T 133:46–51] at magpapaalala rin sa atin ng naranasan Niyang pagdurusa sa Kanyang Pagbabayad-sala.)

Ipaliwanag na nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Apocalipsis 19:15 na nakita ni Juan na kapag pumarito ang Tagapagligtas bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon, paghaharian Niya ang mga bansa gamit ang salita ng Diyos. Ibuod ang Apocalipsis 19:17–21 na ipinapaliwanag na nakita ni Juan ang pagkalipol ng mga yaong kumakalaban sa Kordero ng Diyos (tingnan din sa Joseph Smith Translation, Revelation 19:18).

Tapusin ang lesson na sinasabi sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para maihanda nila ang kanilang sarili sa pagparito ni Jesucristo. Hikayatin sila na gawin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 17:5. “Dakilang Babilonia”

Ang pangitain ni Juan tungkol sa Babilonia ay halos katulad ng pangitain ni Nephi tungkol sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, o ang simbahan ng diyablo (tingnan sa 1 Nephi 13–14). Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang dakilang Babilonia ay ang makapangyarihang simbahan ng diyablo; ito ay ang daigdig na puno ng lahat ng kasamaan at kahalayan; ito ay lahat ng uri ng organisasyon, klase at anyo—ito man ay panrelihiyon, pansibiko, pampulitika, pangkapatiran, o iba pa—na tinatanggap o sinusunod ang isang pilosopiya o nagpapasimula ng isang adhikain na naglalayo sa tao mula sa kaligtasan at nag-aakay patungo sa kaharian ng mas mababang kaluwalhatian sa walang hanggang daigdig” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo 1966–73], 3:558).

Apocalipsis 18:4. “Mangagsilabas kayo sa [Babilonia], … huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan”

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang magagawa ng mga miyembro ng Simbahan upang makapamuhay sa daigdig nang hindi narurumihan ng mga kasamaan nito:

“Halos buong mundo ay nalulunod sa umaapaw na imoralidad, sa pagtalikod sa dangal, kabutihan, personal na integridad, tradisyonal na pag-aasawa, at buhay-pamilya. …

“… Sa kabila ng manaka-nakang kasamaan, ang mundo sa kabuuan ay napakaganda, puno ng maraming mabubuti at tapat na tao. Naglaan ng daan ang Diyos para mabuhay sa mundong ito nang hindi nahahawa sa nakapagpapababa ng pagkatao na mga impluwensyang nagkalat dito. Mabubuhay kayo nang matwid, sagana, mabuti, sa pamamagitan ng pagsunod sa plano ng pangangalagang nilikha ng inyong Ama sa Langit: ang Kanyang plano ng kaligayahan” (“Paano Mamuhay nang Maayos sa Gitna ng Tumitinding Kasamaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 100).

Apocalipsis 18:4. “Huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot”

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na hindi makatatakas ang mabubuti mula sa lahat ng pagsubok at pagdurusa na kasama sa paghatol na darating sa masasama:

“Maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, samantalang nagdurusa ang masasama; sapagkat lahat ng laman ay magdurusa, at ‘ang mabubuti ay halos hindi makatatakas;’ … marami sa mga matwid ay magdurusa sa sakit, sa salot, atbp., dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos” (sa History of the Church,4:11).

Apocalipsis 19:9. “Paghapon sa kasalan ng Cordero”

Ang “paghapon sa kasalan ng Cordero” (Apocalipsis 19:9) ay ginagamit na simbolo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Itinuro ni Propetang Joseph Smith:

“Yaong sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagpapamuhay ng Kanyang mga panuntunan hanggang sa huli, [ay] mga tao na tanging pinahihintulutang maupo sa maluwalhating piging na ito. …

“Pag-isipan ninyo sandali, mga kapatid, at itanong, maituturing ba ninyong karapat-dapat ang inyong sarili na magkaroon [ng] luklukan sa piging ng kasal” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 192–93).

Apocalipsis 19:13. “Nararamtan ng damit na winisikan ng dugo”

Ganito ang itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mapulang damit ng Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito:

“Dahil ang dugo ay lumabas sa bawat butas ng Kanyang balat, gaano kapula ang kanyang kasuotan sa Getsemani!

“Hindi nakapagtataka, na kapag dumating si Cristo sa kapangyarihan at kaluwalhatian, Siya ay darating na pula ang kasuotan na nagpapaalala (tingnan sa D at T 133:48), hindi lamang nagpapahiwatig ng kapootan, kundi nagpapaalala sa atin ng Kanyang pagdurusa para sa bawat isa sa atin sa Getsemani at sa Kalbaryo!” (“Overcome … Even As I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 72).