Lesson 149
II Ni Juan–III Ni Juan
Pambungad
Nagbabala si Juan sa mga Banal tungkol sa mga tao na nanlilinlang at nangangaral na si Jesucristo ay hindi pumarito sa laman o nagkaroon ng pisikal na katawan. Pinuri din niya si Gayo dahil sa katapatan nito.
Paalala: Ang lesson na ito ay may kasamang mungkahi sa pagtuturo para sa III Ni Juan na kailangang makatanggap ang mga estudyante ng mga liham mula sa mga magulang o mga lider ng Simbahan. Kung pipiliin mong gamitin ang mungkahing ito sa pagtuturo, kailangang maghanda nang mas maaga nang ilang araw bago ang lesson na ito. Anyayahan ang mga magulang o, kung kailangan, mga lokal na lider ng Simbahan ng bawat estudyante na sumulat ng maikling liham sa estudyante na nagpapahayag ng kagalakang nadama nila sa nakita nilang pagsisikap ng estudyante na ipamuhay ang ebanghelyo. Tiyaking may liham ka para sa bawat estudyante mula sa kanilang mga magulang o sa isang lider ng Simbahan sa araw na ituturo mo ang lesson na ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
II Ni Juan
Nagbabala si Juan tungkol sa mga taong nagtuturo ng maling doktrina
Bumanggit ng pangalan ng isang kilalang atleta na pamilyar ang karamihan sa mga estudyante.
-
Ano ang maaaring ginagawa ng atletang ito upang manatiling malusog para makapaglaro nang mahusay?
-
Ano ang maaaring mangyari kung ang atletang ito, matapos ang masigasig na pagpapanatili ng kanyang kalusugan, ay tumigil sa pagpunta sa gym at nagsimulang kumain ng mga junk food, manood palagi ng TV, maglaro ng mga video game, at gumamit ng mga sangkap na nakasasama sa katawan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maihahambing ang mga ginagawa ng mga matagumpay na atleta para mapanatili ang kanilang kalusugan sa dapat gawin ng mga miyembro ng Simbahan para mapanatili ang mga pagpapalang natamo nila sa pamamagitan ng ebanghelyo. Sabihin sa kanila na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng II Ni Juan na makatutulong sa kanila na mapanatili ang mga pagpapalang natamo nila bilang mga myembro ng Simbahan.
Ibuod ang II Ni Juan 1:1–4 na ipinapaliwanag na sinimulan ni Apostol Juan ang kanyang sulat para sa “hirang na ginang at sa kaniyang mga anak,” na marahil ay mensahe para sa isang babaeng miyembro ng Simbahan at sa kanyang mga anak o simbolismo para ilarawan ang kongregasyon ng Simbahan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Juan 1:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kautusang ipinaalala ni Juan sa mga Banal.
-
Anong kautusan ang ipinaalala ni Juan sa mga Banal?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Juan 1:7. Sabihin sa klase na alamin ang dahilan kung bakit ipinayo ni Juan sa mga miyembro ng Simbahan na “mangagsilakad” (II Ni Juan 1:6), o sumunod sa mga kautusan.
-
Bakit ipinayo ni Juan sa mga miyembro ng Simbahan na sundin ang mga kautusan?
-
Ano ang itinuturo ng mga “magdaraya” (talata 7)?
Ipaliwanag na nang gawin ni Juan ang sulat na ito, popular na ang pilosopiyang tinatawag na Docetismo. Naniniwala ang mga Docetista na napakadakila na ng Diyos kaya hindi na Siya daranas ng pagdurusa, kamatayan, o iba pang mortal na karanasan. Samakatwid, ipinahayag nila na si Jesucristo bilang Anak ng Diyos ay hindi totoong dumating sa laman o may pisikal na katawan ngunit ang Kanyang espiritu lamang ang tila gumagawa ng mga bagay na magagawa o mararanasan ng isang mortal.
-
Ano ang ilang halimbawa ng maling turo sa ating panahon na sumasalungat sa mga katotohanan ng ebanghelyo?
-
Bakit espirituwal na mapanganib ang mga turong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Juan 1:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Juan na gawin ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa mga maling turong ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “mangagingat kayo sa inyong sarili” ay maging mapagbantay o maingat na huwag ipamuhay ang mga maling turo at ang ibig sabihin ng pinagpagalan ay ginawa o natamasa.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Juan sa mga talata 6–8 tungkol sa kung paano natin patuloy na matatamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo na natanggap natin? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag sinunod natin ang mga kautusan at naging maingat at mapagbantay, patuloy nating matatamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo na natanggap natin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga pagpapala na natanggap na nila o inaasam na matanggap. Ipabahagi ang isinulat nila sa klase. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.
-
Paano nakahahadlang sa atin ang pagsunod sa mga maling turo sa pagtatamo at patuloy na pagtatamasa ng mga pagpapalang ito ng ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Juan 1:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Juan na mangyayari sa mga yaong namumuhay ayon sa doktrina ni Cristo, o nananatiling malapit at tapat sa ebanghelyo.
-
Sino ang makakasama ng mga taong namumuhay ayon sa doktrina ni Cristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung mamumuhay tayo ayon sa doktrina ni Cristo, makakasama natin ang Ama at ang Anak.)
Ipaliwanag na ang isang paraan na nakakasama natin ang Ama at ang Anak ay sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagsisikap nila na sundin ang mga kautusan, maging maingat at mapagbantay, at mamuhay ayon sa ebanghelyo. Sabihin sa kanila na isulat ang dahilan kung bakit nais nila na mapanatili ang mga pagpapalang natanggap nila sa pamamagitan ng ebanghelyo at ang isang bagay na gagawin nila ngayon upang maging mas tapat sa pagsunod sa mga kautusan at patuloy na masunod ito.
Ibuod ang II Ni Juan 1:10–13 na ipinapaliwanag na hinikayat ni Juan ang mga Banal na iwasan ang mga taong nagpapalaganap ng maling doktrina. Ipinahayag niya rin ang kanyang hangarin na personal na bisitahin ang mga Banal na sinulatan niya.
III Ni Juan
Pinuri ni Juan si Gayo dahil sa katapatan nito
Magdala sa klase ng isang maliit na bato at isang mangkok na puno ng tubig. Sabihin sa isang estudyante na ihulog ang bato sa tubig pero hindi dapat magkaroon ng anumang mumunting alon ang tubig.
-
Bakit imposibleng hindi gumalaw ang tubig kapag inihulog ang maliit na bato?
-
Sino pa bukod sa inyong sarili ang maaapektuhan ng pagpili ninyong ipamuhay ang ebanghelyo?
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa III Ni Juan, sumulat si Juan sa isang tapat na miyembro ng Simbahan na nagngangalang Gayo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang III Ni Juan 1:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang epekto kay Juan ng katapatan ni Gayo sa pamumuhay sa ebanghelyo. Ipaliwanag na ang mga anak sa talata 4 ay maaaring tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan na natulungan ni Juan na magbalik-loob sa ebanghelyo.
-
Paano naapektuhan si Juan ng katapatan ni Gayo sa pamumuhay sa ebanghelyo?
-
Paano ninyo ibubuod ang katotohanan mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano nakakaapekto ang pamumuhay sa ebanghelyo sa ating sarili at sa iba? (Maaaring iba’t ibang katotohanan ang matukoy ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay nagdudulot ng kagalakan hindi lamang sa ating sarili kundi sa iba rin.)
-
Kailan kayo nakadama ng kagalakan dahil may isang tao na tapat na ipinamuhay ang ebanghelyo?
Upang lalo pang maipakita ang katotohanang ito, kung pinili mong magpasulat ng liham sa mga magulang o mga lider ng Simbahan para sa mga estudyante, ibigay na ang mga liham na iyon sa oras na ito. Tiyaking may liham ang bawat estudyante na mula sa kanyang mga magulang o sa isang lider ng Simbahan, at bigyan ng oras ang mga estudyante na mabasa ito.
Ibuod ang III Ni Juan 1:5–14 na ipinapaliwanag na pinuri ni Juan si Gayo sa kahandaan nitong tumanggap ng mga naglalakbay na lider o missionary ng Simbahan, at pinuna niya ang isang lokal na lider na nagngangalang Diotrefes, na hindi tinanggap si Juan at ang kanyang mga kasama.
Rebyuhin ang mga katotohanang natukoy sa lesson na ito. Patotohanan ang mga katotohanang ito, at anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga ito.