Lesson 111
I Mga Taga Corinto 15:1–29
Pambungad
Nalaman ni Pablo na may mga tao sa Corinto na nagtuturo na walang Pagkabuhay na Mag-uli ang mga patay. Nagpatotoo siya sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na bumangon si Jesucristo mula sa kamatayan. Pagkatapos ay mas ipinaliwanag pa ni Pablo ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli at ang mga epekto nito sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Binanggit ni Pablo na ang ordenansa ng binyag para sa mga patay ay magiging walang kabuluhan kung walang Pagkabuhay na Mag-uli.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 15:1–10
Nagbigay si Pablo ng katibayan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Mga kapatid, tayo ay tumatawa, umiiyak, nagtatrabaho, naglalaro, nagmamahal, nabubuhay. Pagkatapos tayo ay mamamatay. Lahat tayo ay hahantong doon. Lahat ay daranas ng kamatayan. Mamamatay ang matanda, mahina at maysakit. Kinukuha nito ang mga kabataang puno ng pag-asa sa hinaharap. Kahit maliliit na bata ay hindi ligtas sa kamatayan” (“Buhay ang Aking Manunubos!” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 24).
Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang saloobin o damdamin na naranasan nila nang mamatay ang isang taong kilala nila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan kung gusto nila.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 15:1–29 na makatutulong sa kanila kapag may kakilala silang namatay.
Ipaliwanag na sa pagtatapos ni Pablo ng kanyang sulat sa mga Banal sa Corinto, tinalakay niya ang isang maling paniniwala na itinuro ng ilang miyembro ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:12, at sabihin sa klase na alamin ang maling paniniwala na naituro.
-
Ano ang ilan sa mga itinuturo ng mga Banal sa Corinto? (Walang Pagkabuhay na Mag-uli ang mga patay.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:3–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinulat ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan upang matulungan sila na maunawaan ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.
-
Ano ang pinatotohanan ni Pablo na tutulong sa mga miyembro ng Simbahan na maunawaan ang katotohanan ng misyon at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa tungkulin ng isang Apostol sa mga talatang ito? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang katulad ng sumusunod: Nagpapatotoo ang mga Apostol na si Jesucristo ay namatay para sa ating mga kasalanan at nabuhay na muli mula sa kamatayan.)
-
Paano makatutulong ang mga patotoo ng mga Apostol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo sa mga tao na nahihirapan na paniwalaan ang Pagkabuhay na Mag-uli?
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na patotoo ni Pangulong Monson. (Maaari mo ring ibahagi ang mga patotoo hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo na ibinigay ng iba pang mga Apostol sa nakaraang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.)
“Buong puso at sigla ng aking kaluluwa na itinataas ko ang aking tinig sa pagpapatotoo bilang natatanging saksi at ipinapahayag na talagang buhay ang Diyos. Si Jesus ang Kanyang Anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Manunubos, Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya yaong namatay sa krus para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Siya ang naging unang bunga ng pagkabuhay na mag-uli. Dahil siya ay namatay, lahat ay muling mabubuhay. ‘O, kaytamis ng galak na dulot nito: “Alam kong buhay ang aking Manunubos!”’ Nawa’y malaman ito ng buong mundo at mamuhay sa kaalamang ito” (“Buhay ang Aking Manunubos!” 25).
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nakatulong sa pagpapatibay ng kanilang paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli ang mga patotoo ng mga Apostol hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga iniisip.
I Mga Taga Corinto 15:11–29
Ipinaliwanag ni Pablo ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 15:11–15 na ipinapaliwanag na nagtanong si Pablo kung bakit nagsimulang magduda ang mga Banal sa Corinto sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Ipinaliwanag niya na kung hindi bumangon si Jesucristo mula sa kamatayan, ang lahat ng mga patotoo sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay mali at ang pagtuturo ng ebanghelyo ay walang saysay.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga di-kumpletong pahayag:
Sabihin sa kalahati ng klase na basahin nang tahimik ang I Mga Taga Corinto 15:16–19, na inaalam ang mangyayari kung hindi bumangon si Jesus mula sa kamatayan. Sabihin sa natirang kalahati na basahin nang tahimik ang I Mga Taga Corinto 15:20–22, na inaalam ang mga pagpapala na dumating bilang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na nagbasa ng I Mga Taga Corinto 15:20–22 na ibahagi kung paano nila kinumpleto ang pahayag sa pisara na na-assign sa kanila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang sagot ng mga estudyante.
Ipaliwanag na ang mga salitang pangunahing bunga sa talata 20 ay tumutukoy sa unang bahagi ng pananim na naani ng isang magsasaka. Tulad ng mga bungang ito na una sa marami pang ibang aanihin, si Jesucristo ang una sa lahat ng mga nilalang na nabuhay muli.
-
Ayon sa talata 22, ano ang mangyayari sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit dahil nabuhay na muli si Jesucristo? (Iba’t iba man ang isinagot ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang doktrinang tulad ng sumusunod: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay muli.)
Sabihin sa mga estudyante na nagbasa ng I Mga Taga Corinto 15:16–19 na ibahagi kung paano nila kinumpleto ang isa pang pahayag sa pisara. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.
Ipaliwanag na sa mga talata 14–19, sinabi ni Pablo sa mga Banal na pag-isipan ang magiging mga bunga “kung si Cristo’y hindi muling binuhay.” Ipinaliwanag ni Pablo na ang lahat ng pangangaral ay walang kabuluhan sapagkat hindi maipapakita ni Jesucristo na may kapangyarihan Siyang daigin ang kamatayan at sa gayon ay hindi Siya makapagbabayad-sala para sa ating mga kasalanan. Ngunit dahil si Jesucristo ay bumangon mula sa kamatayan, alam natin na Siya ang Anak ng Diyos at mayroon nga Siyang gayong kapangyarihan.
Balikan ang mga pahayag ni Pablo sa talata 19, “Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.”
-
Bakit tayo magiging kahabag-habag o kaawa-awa kung magkakaroon lamang tayo ng pag-asa kay Jesucristo sa buhay na ito o kung mawawala ang ating pag-asa matapos ang kamatayan natin? (Kung walang Pagkabuhay na Mag-uli ang mga patay, ang ating pag-asa kay Jesucristo ay angkop lamang sa buhay na ito at ang mga layunin ng plano ng kaligtasan ay hindi maisasakatuparan.)
Ayon sa mga talata 20–22, anong dakilang pag-asa ang ibinibigay ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? (Ang pag-asa na tayong lahat ay mabubuhay muli pagkatapos ng kamatayan. Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa.)
-
Paano nagbibigay sa atin ng pag-asa ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo kapag namatay ang isang taong kakilala natin o kapag natatakot tayo sa ating sariling kamatayan?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. (Kung posible, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito.)
“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58).
-
Ano ang sinabi ni Joseph Smith na mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon?
-
Ayon sa mga nalaman mo sa lesson na ito, paano naging pangunahin o mahalaga ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo?
Maaari mong patotohanan ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli at ang kahalagahan nito sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 15:23–24, itinuro ni Pablo na magkakaroon ng katayuan sa Pagkabuhay na Mag-uli at na “ibibigay [ni Jesucristo] … ang kaharian” sa Ama sa Langit matapos tapusin ang lahat ng uri ng “kapamahalaan at kapangyarihan” sa mundo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:25–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na mangyayari sa huli sa mga kaaway ni Jesucristo.
-
Ano ang sinabi ni Pablo na mangyayari sa huli sa mga kaaway ni Jesucristo? (Sila ay ilalagay “sa ilalim ng kaniyang mga talampakan” [talata 25], o malilipol.)
-
Sino o ano ang maituturing na mga kaaway ni Jesucristo? (Kabilang sa mga halimbawa ang kasalanan, kasamaan, at ang kaaway.)
-
Sino ang kahuli-hulihang kaaway na lilipulin ni Jesucristo?
-
Bakit itinuturing ang kamatayan na kaaway ni Jesus at ng plano ng Ama sa Langit?
Ipaalala sa mga estudyante na naniwala ang ilang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na ang mga patay ay hindi mabubuhay na muli, ngunit binigyang-diin ni Pablo na may ginagawa ang mga Banal na nagpapahiwatig sa kanilang paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ordenansa na isinasagawa ng mga Banal sa Corinto. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano ninyo ibubuod ang itinanong ni Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa kanilang pakikibahagi sa mga binyag para sa mga patay? (“Kung hindi kayo naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli, bakit kayo binibinyagan para sa mga patay?”)
Ipaliwanag na ang ordenansa ng binyag para sa mga patay ay patunay sa ating paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Silang mga namatay nang walang binyag ay matatanggap ang mahalagang ordenansang ito.
Magdispley ng larawan ng templo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Bawat templo, malaki man o maliit, luma man o bago, ay pagpapakita ng ating patotoo na totoo at tunay ang kabilang buhay tulad sa mortalidad” (“This Peaceful House of God,” Ensign, Mayo 1993, 74).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang panahon na nagsagawa sila ng mga binyag para sa mga patay o naghanda ng mga pangalan upang madala sa templo. Sabihin sa ilang estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nadama ninyo habang naghahanda kayo ng mga pangalan o nagsasagawa ng gawain para sa kanila sa templo?
-
Sa paanong mga paraan pinalakas ng inyong mga karanasan sa family history at gawain sa templo ang inyong pananampalataya sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at ng lahat ng tao?
Maaari kang magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsasagawa ng family history at gawain sa templo para sa mga taong pumanaw na. Hikayatin ang mga estudyante na ipakita ang kanilang pananampalataya sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at sa Pagkabuhay na Mag-uli kalaunan ng lahat ng nilalang sa pamamagitan ng regular na pakikibahagi sa family history at gawain sa templo.
Scripture Mastery—I Mga Taga Corinto 15:20–22
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila maihahanda ng kaalaman sa doktrina sa I Mga Taga Corinto 15:20–22 na matulungan ang iba, sabihin sa kanila na isipin ang isang tao na kilala nila na nawalan ng mahal sa buhay. Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng maikling liham para sa taong ito gamit ang kanilang pag-unawa sa talatang iyon upang maturuan at mapanatag ang taong ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat.