Lesson 90
Mga Gawa 12
Pambungad
Pinatay ni Herodes si Apostol Santiago at pagkatapos ay dinakip at ibinilanggo si Pedro. Noong gabi bago patayin si Pedro, isang anghel ang tumulong sa kanya na makatakas mula sa bilangguan. Si Herodes ay pinarusahan ng isang anghel mula sa Diyos, at ang ebanghelyo ay patuloy na ipinangaral.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Gawa 12:1–17
Pinatay ni Herodes si Santiago at dinakip si Pedro, na mahimalang nakatakas mula sa bilangguan
Magdispley ng isang kompas o magdrowing nito sa pisara. Anyayahan ang isang estudyante na ipaliwanag kung paano kumikilos ang kompas at ano ang gamit nito.
-
Dahil laging nakaturo ang kompas sa hilaga, paano makatutulong sa atin ang paggamit ng kompas sa paggawa ng mga tamang desisyon tungkol sa dapat nating puntahan?
Magdrowing ng X sa pisara kahit saan basta malapit ito sa kompas (ngunit huwag malapit sa panuro ng kompas na nakaturo sa hilaga), at sabihin sa klase na isipin kunwari na ang X ay kumakatawan sa isang batubalani o magnet.
-
Paano nakakaimpluwensya ang magnet na ito sa pagkilos ng panuro o needle ng kompas? (Ang needle ay tuturo sa kalapit na magnet dahil nakaapekto ito sa magnetic north o needle na laging nakaturo sa hilaga.)
-
Paano nakakaapekto ang magnet na ito sa kakayahan ninyo na piliin ang tamang direksyon na dapat ninyong tahakin?
Hikayatin ang mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 12 ang isang impluwensya na makahahadlang sa ating kakayahan na gumawa ng mga tamang desisyon.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Mga Gawa 12, ipaliwanag na mula noong patayin si Esteban, lalo pang nakaranas ng pag-uusig ang mga Kristiyano sa Jerusalem at sa mga lugar sa palibot nito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 12:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakadagdag si Herodes Agripa I sa pag-uusig na ito. (Ipaliwanag na ang tigaapat ay katumbas ng apat na kawal).
-
Sino ang pinatay ni Herodes sa pamamagitan ng tabak o espada?
-
Ayon sa talata 3, sino ang natuwa sa pagkamatay ni Santiago?
Ipaliwanag na ang mga katagang “mga Judio” sa talata 3 ay tumutukoy sa mga maimpluwensyang pinunong Judio sa Jerusalem na nang-udyok na usigin ang Simbahan ni Jesucristo. Hinangad ni Herodes na matuwa ang mga pinunong Judio na ito (tingnan sa Bible Dictionary, “Herod”). Malapit sa X na nasa pisara, isulat ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung hinahangad natin ang ikatutuwa ng ibang tao sa halip na ang ikatutuwa ng Diyos, …
-
Ano ang ginawa ni Herodes nang makita niya na natuwa ang mga pinunong Judio sa pagkamatay ni Santiago? (Nagplano siyang ipapatay si Pedro sa harap ng madla o ng mga tao.)
Ituro ang drowing na kompas sa pisara, at itanong:
-
Paano nakaapekto sa direksyon ng buhay ni Herodes ang hangarin niyang masiyahan ang iba sa halip na ang Diyos?
-
Batay sa natutuhan natin mula sa halimbawa ni Herodes, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maituro nito ang sumusunod na katotohanan: Kung hinahangad natin ang ikatutuwa ng ibang tao sa halip na ang ikatutuwa ng Diyos, mas lalo pa tayong makagagawa ng kasalanan.)
-
Ano ang ilang halimbawa na nagpapakita kung paano maaaring humantong ang isang tao sa paggawa ng kasalanan dahil hinahangad niyang masiyahan ang iba sa halip na ang Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga paraan na maaaring naglalayo sa kanila sa kanilang Ama sa Langit dahil sa hangarin nila na masiyahan ang iba.
Ipaliwanag na aanyayahan ang mga estudyante na isadula ang mga pangyayari sa Mga Gawa 12:5–17. Anyayahan ang ilang estudyante na gumanap bilang si Pedro, ang dalawang bantay, ang anghel, si Rode, at isa o dalawang disipulo sa tahanan ni Maria, na ina ni Marcos. Ikaw o ang isa pang estudyante ay maaaring gumanap bilang narrator.
-
Ipabasa nang malakas sa narrator ang Mga Gawa 12:5–6, at ipasadula sa mga estudyante ang papel nila kapag nabanggit sila sa binasa. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman nito, tumigil sandali matapos mabasa at maisadula ang bawat grupo ng mga talata, at pagkatapos ay itanong ang mga kaugnay na tanong.
-
Ano ang ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito?
Ipabasa nang malakas sa narrator ang Mga Gawa 12:7–10 habang isinasadula ng mga estudyante kung ano ang binabasa.
-
Anong hadlang ang nalampasan ni Pedro sa pagtakas na ito?
Ipabasa nang malakas sa narrator ang Mga Gawa 12:11–15 habang isinasadula ng mga estudyante kung ano ang binabasa.
-
Kailan natanto ni Pedro kung ano ang nangyari?
-
Ano ang nangyari nang kumatok si Pedro sa pintuan ng bahay ni Maria?
Ipabasa nang malakas sa narrator ang Mga Gawa 12:16–17, at ipasadula sa mga estudyante kung ano ang binabasa. Pagkatapos basahin at isadula ang mga talatang ito, paupuin na ang mga estudyante.
-
Ayon sa talata 17, kanino nagpasalamat si Pedro sa pagkatakas niya mula sa bilangguan? (Ituro na ang Santiago na tinukoy sa talata 17 ay isa sa mga kapatid ni Jesus [tingnan sa Mateo 13:55].)
Iparebyu sa mga estudyante ang Mga Gawa 12:5 at alamin kung paano nauugnay ang talatang ito sa nangyari kay Pedro.
-
Ano sa palagay ninyo ang ipinapahiwatig ng mga katagang “maningas na dumalangin” (talata 5) tungkol sa katapatan at kataimtiman ng mga panalangin ng mga miyembro ng Simbahan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa maaaring maging epekto ng ating mga panalangin sa ating sarili at sa iba? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang ating tapat at taimtim na mga panalangin ay nag-aanyaya ng mga himala at mga pagpapala ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng ibang tao. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ibig sabihin ng manalangin nang tapat at taimtim?
Ipaliwanag na ang alituntuning ito ay hindi nangangahulugan na kung tapat at taimtim ang ating mga panalangin, agad tayong makatatanggap ng sagot sa ipinagdasal natin. Kabilang sa iba pang makaaapekto sa pagtanggap ng mga himala at mga pagpapala ng Diyos ay ang kalooban at takdang panahon ng Diyos gayon din ang kalayaang pumili ng isang tao.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano nakakaapekto ang ating tapat at taimtim na panalangin sa kalooban ng Diyos.
“Ang panalangin ang hakbang kung saan ang kalooban ng Ama at ang kalooban ng anak ay nagkakaroon ng ugnayan sa isa’t isa. Ang layunin ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos kundi upang matiyak sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap. Ang mga pagpapala ay nangangailangan ng kaunting sipag o pagsisikap natin bago natin makamtan ang mga ito. Ang panalangin ay isang uri ng gawain, at isang itinakdang paraan para makamtan ang pinakamataas sa lahat ng pagpapala” (Bible Dictionary, “Prayer”).
-
Ayon sa pahayag na ito, ano ang mahalagang layunin ng panalangin?
-
Bakit mahalagang alalahanin na ang layunin ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Kailan naghatid ang panalangin ng mga himala at pagpapala ng Diyos sa buhay ninyo o sa buhay ng ibang taong ipinagdasal ninyo?
Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat. Pagkatapos nilang magbahagi, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila mananalangin nang mas tapat at mas taimtim upang mapagkalooban ng mga pagpapala at himala na handang ibigay ng Diyos sa kanila at sa mga taong ipinagdarasal nila.
Mga Gawa 12:18–25
Pinarusahan ng Diyos si Herodes, at ang ebanghelyo ay patuloy na ipinangaral
Ibuod ang Mga Gawa 12:18–22 na ipinapaliwanag na kinabukasan, nalaman ni Herodes na nakatakas si Pedro at ipinapatay ang mga bantay na inakala niyang nagpabaya kaya nakatakas si Pedro. Kalaunan, nagsalita si Herodes sa mga tao, na pinuri ang kanyang mensahe.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 12:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari kay Herodes.
-
Ano ang nangyari kay Herodes? Bakit?
-
Ano ang nangyari sa gawaing misyonero ng Simbahan sa kabila ng pag-uusig na naranasan ng mga miyembro ng Simbahan?
Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na rebyuhin ang mga katotohanang natutuhan nila at pag-isipang mabuti kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang iyon.