Home-Study Lesson
Marcos 10–Lucas 4 (Unit 9)
Pambungad
Matutulungan ng lesson na ito ang mga estudyante na maunawaan ang ilan sa mga pagdurusang naranasan ni Jesucristo bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Bukod pa rito, mauunawaan din ng mga estudyante ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagdusa ang Tagapagligtas para sa atin.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 14:10–16:20
Nagsimula ang Pagbabayad-sala ni Jesus sa pagdurusa Niya sa Getsemani para sa ating mga kasalanan; Siya ay ipinagkanulo ni Judas Iscariote at dinala sa harap ng mga pinunong Judio
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na mga tanong:
-
Nadama na ba ninyo na walang sinumang nakauunawa sa inyo o sa mga pinagdaraanan ninyo?
-
Nadama na ba ninyo na hindi kayo mapapatawad sa inyong mga nagawang kasalanan noon?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Marcos 14 na makatutulong sa isang tao na may ganitong pakiramdam.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 14:32–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang naranasan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani.
-
Ano ang naranasan ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani?
Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na kataga: nagtakang totoo, namamanglaw na mainam, namamanglaw na lubha.
Ipaliwanag na ang mga katagang ito ay tumutukoy sa pagdurusang naranasan ni Jesucristo bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga katagang ito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay nagdusa at namanglaw sa Halamanan ng Getsemani.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa Getsemani, ang pagdurusa ni Jesus ay nagsimula sa ‘[mag]takang totoo’ (Marcos 14:33), o, sa wikang Griyego, ‘nabigla’ at ‘namangha.’
“Isipin ninyo, si Jehova, ang Tagapaglikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig, ay ‘namangha’! … Hindi pa Niya personal na naranasan ang napakatindi at napakasakit na pagdurusa ng pagbabayad-sala. Kaya, nang lubos na maramdaman ang pagdurusa, napakatindi nito, napakasakit nito na hindi Niya sukat-akalain! Kaya hindi nakapagtatakang nagpakita ang isang anghel para palakasin siya! (Tingnan sa Lucas 22:43.)
“Ang lahat ng kasalanan ng lahat ng tao—noon, ngayon, at sa hinaharap—ay pinasan ng perpekto, walang kasalanan, at mapagmahal na Kaluluwang iyon! Lahat ng ating kahinaan at karamdaman ay bahagi rin ng di-masusukat na paghihirap ng Pagbabayad-sala. (Tingnan sa Alma 7:11–12; Isa. 53:3–5; Mat. 8:17.) …
“Sa kagipitang ito, umasa ba Siya, na kahit paano ay masagip ang isang korderong nahuli sa kadawagan? Hindi ko alam. Ang Kanyang pagdurusa—ay, napakatindi na parang walang katapusan—na dahilan ng Kanyang pagsamo habang nakabayubay sa krus, na Siya ay naiwang mag-isa. (Tingnan sa Mat. 27:46.) …
“Ang kahanga-hanga at maluwalhating Pagbabayad-sala ang pinakamahalagang kaganapan sa buong kasaysayan ng tao. Dito nakasalalay ang lahat ng bagay na walang hanggan ang kahalagahan. At ito ay nangyari dahil sa pagiging masunurin ni Jesus!” (“Willing to Submit,” Ensign, Mayo 1985, 72–73).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Marcos 14:35–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang matinding pagdurusa.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang matinding pagdurusa? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na napakatindi ng pagdurusa ni Jesus kaya’t hiniling Niya na kung maaari ay hindi Niya maranasan ito.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Si Jesucristo ay nagdanas ng … upang Kanyang …
Ipaliwanag na ang iba pang mga talata sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na maunawaan ang pagdurusa ni Jesucristo at kung bakit handa Siyang magdusa para sa atin.
Isulat ang sumusunod na mga reference sa pisara: Isaias 53:3–5 at Alma 7:11–13. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na magkasamang basahin ang mga talata, na inaalam kung ano ang dinanas ng Tagapagligtas at kung bakit Siya nagdusa. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila kukumpletuhin ang mga katagang nakasulat sa pisara gamit ang nalaman nila sa Isaias 53:3–5 at Alma 7:11–13. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang tutulungan sa Alma 7:12 ay mabilis na pagbibigay ng ginhawa o pagtulong sa isang tao.)
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ilahad ang idinugtong nila sa parirala para makumpleto ito. Ang mga sagot nila ay dapat katulad ng sumusunod: Si Jesucristo ay nagdanas ng ating mga pasakit, hirap, tukso, karamdaman, kahinaan, at kalungkutan upang Kanyang malaman kung paano tayo tutulungan. Nagdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan upang tayo ay malinis Niya. Ipaalala sa mga estudyante na ang pagdurusa ng Tagapagligtas para sa mga kasalanan ng sangkatauhan ay nagsimula sa Getsemani at nagpatuloy at nagtapos sa Kanyang Pagkakapako sa krus.
-
Paano makatutulong ang nalaman ninyo tungkol sa dinanas ng Tagapagligtas at ang dahilan ng Kanyang pagdurusa kapag naharap kayo sa mga pagsubok, pasakit, at paghihirap? (Tingnan sa D at T 45:3–5.)
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Tagapagligtas sa inyong paghihirap, karamdaman, o kalungkutan?
-
Ano ang nadama ninyo nang magsisi kayo at madamang napawi (o nabura) ang inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Ibuod ang Marcos 14:43–16:20 na ipinapaliwanag na si Jesus ay di-makatarungang nilitis sa harap ng Sanedrin (mga pinunong Judio) at hinatulang mamatay. Matapos mamatay sa krus ang Tagapagligtas at mabuhay na muli, Siya ay nagpakita sa Kanyang mga Apostol at inatasan silang mangaral, na nangangakong matutupad ang mga tanda sa kanila na mga naniniwala. (Paalala: Ang kamatayan, libing at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay detalyadong tinalakay sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 27–28.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 16:15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol.
-
Paano kayo makatutulong sa pagtupad sa utos na ipangaral ang ebanghelyo sa “buong sanglibutan” ngayon at sa hinaharap?
Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay mo sa araw na ito.
Susunod na Unit (Lucas 5:1–10:37)
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung naisip nila noon kung mapapatawad pa kaya sila sa kanilang mga kasalanan. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng Lucas 5:1–10:37 sa susunod na linggo, malalaman nila ang tungkol sa kahandaan ng Tagapagligtas na patawarin ang kanilang mga kasalanan at kung ano ang magagawa nila para mapatawad.