Library
Lesson 9: Mateo 5:1–16


Lesson 9

Mateo 5:1–16

Pambungad

Nakatala sa Mateo 5–7 ang sermon na ibinigay ng Tagapagligtas sa simula ng Kanyang ministeryo. Nakilala ito bilang ang Sermon sa Bundok. Nakatala sa Mateo 5:1–16 ang mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga alituntuning nagdudulot ng kaligayahan. Iniutos din ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na magpakita ng mabuting halimbawa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 5:1–12

Sinimulan ng Tagapagligtas ang Sermon sa Bundok sa pagtuturo ng Mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong: Masaya ka ba? Bakit oo o bakit hindi?

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti (o isulat sa kanilang notebook o study journal) kung paano nila sasagutin ang mga tanong na ito. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na hindi nila kailangang sabihin sa klase ang mga sagot nila.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Madalas na napapaniwala tayo na may isang bagay na hindi natin kayang kamtin pero magpapasaya sa atin: mas mabuting sitwasyon ng pamilya, mas maunlad na kabuhayan, o katapusan ng mahirap na pagsubok.

“… May mga bagay na panlabas na hindi talaga mahalaga o nagpapasaya sa atin.

“… Tayo ang nagpapasiya kung ano ang ikasasaya natin.” (“Mga Panghihinayang at Pagpapasiya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 23).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “tayo ang nagpapasiya kung ano ang ikasasaya natin”? Bakit mahalagang malaman ito?

Ipaliwanag na nang simulan ng Tagapagligtas ang Kanyang ministeryo, nagbigay Siya ng sermon malapit sa Dagat ng Galilea. Ang sermon na ito ay karaniwang tinatawag na Sermon sa Bundok at nakatala sa Mateo 5–7. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas sa sermon na ito ang maaari nating gawin para tunay na maging masaya, anuman ang ating mga kalagayan.

Ipabasa nang mabilis at tahimik sa mga estudyante ang Mateo 5:3–11, na hinahanap ang mga salitang inuulit sa simula ng bawat talata. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

Basahin nang malakas ang sumusunod na paliwanag (mula sa Matthew 5:3, footnote a, sa LDS English version ng Biblia), at ipahanap sa klase ang ibig sabihin ng salitang blessed: Ang salitang “blessed” ay isinalin mula sa salitang Latin na beatus, na pinagbatayan ng salitang Ingles na “beatitude,” na ang ibig sabihin ay “maging mapalad,” o “masaya,” o “mapalad.”

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang blessed?

Ipaliwanag na dahil isinalin ang salitang blessed mula sa salitang Latin na beatus, na ang ibig sabihin ay maging mapalad o masaya, ang mga talatang ito ay karaniwang tinatawag na Beatitudes.

handout iconBigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na chart. Ipaliwanag na bukod sa mga talatang naglalaman ng Beatitudes sa Mateo 5, ang chart na ito ay naglalaman ng dalawang reference sa 3 Nephi. Ang mga reference na ito ay bahagi ng sermon na ibinigay ni Jesucristo noong panahon ng Kanyang pagmiministeryo sa mga Nephita na kahalintulad ng Sermon sa Bundok. Mababasa sa mga reference sa 3 Nephi ang karagdagang paliwanag tungkol sa mga talatang makikita rin sa Mateo 5.

handout, Beatitudes

handout, Beatitudes

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 9

Mateo 5:3; 3 Nephi 12:3

Ang ibig sabihin ng mapagpakumbabang-loob ay “pagkilala nang may pasasalamat na umaasa [tayo] sa Panginoon—na nauunawaang lagi [nating] kailangan ang Kanyang tulong. Ang pagpapakumbaba ay pagkilala na ang [ating] mga talento at kakayahan ay mga kaloob ng Diyos” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 148).

Mateo 5:4

Ang magdalamhati ay makadama o magpakita ng kalungkutan. Maaaring magdalamhati ang isang tao sa hirap at pagsubok ng buhay sa mundo, kabilang ang pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Maaari ding magdalamhati ang isang tao dahil sa kasalanan.

Mateo 5:5

“Ang pagpapakumbaba, ayon sa depinisyon ng Webster’s dictionary, ay ‘pagpapakita ng tiyaga at mahabang pagtitiis: pagtitiis nang walang hinanakit’ [Webster’s Third New International Dictionary (1976) ‘meek,’ 1403]. Ang kaamuan ay hindi kahinaan. Ito ay tanda ng katapangang Kristiyano” (Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano: Ang Halaga ng Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 73).

Mateo 5:6; 3 Nephi 12:6

Ang magutom at mauhaw sa katuwiran ay nagpapahiwatig ng matinding hangarin na malaman at magawa ang kalooban ng Diyos.

Mateo 5:7

“Ang awa ay pagkahabag sa taong hindi sapat na karapat-dapat” (“Mercy,” Gospel Topics, lds.org/topics) Tumatanggap tayo ng awa ng Ama sa Langit dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Alma 33: 11).

Mateo 5:8

“Ang mga taong may malinis na puso ay nagmamahal sa Panginoon, naghahangad na tularan Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan, nagsisikap na mamuhay nang marangal at matapat at nagtitiis hanggang wakas. Ang mga taong may malinis na puso ay kinokontrol ang kanilang pag-iisip upang hindi sila makaisip at makagawa ng mga bagay na imoral” (Sheldon F. Child, “Words of Jesus: Chastity,” Ensign, Ene. 2003, 44).

Mateo 5:9

“[Ang maging tagapamayapa] ay kaloob na tumutulong sa tao na makita ang pagkakatulad nila kapag nakikita nila ang pagkakaiba-iba nila” (Henry B. Eyring, “Pagkatuto sa Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 63).

Mateo 5:10–12

Ang “[ma]usig dahil sa katuwiran” ay maging handa sa pagsunod at pagtatanggol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo, kahit na hamakin o tratuhin tayo nang masama dahil sa paggawa nito.

Hatiin ang mga estudyante sa walong grupo at mag-assign sa bawat grupo ng isa sa beatitudes na nakalista sa chart (kung kulang ang bilang ng mga estudyante para makabuo ng walong grupo, bigyan ng higit sa isang beatitude ang isang grupo). Sabihin sa mga estudyante na maghanda ng maikling pagtatanghal tungkol sa naka-assign sa kanila na beatitude o mga beatitude. Dapat nilang isama ang sumusunod na mga aktibidad sa kanilang pagtatanghal (maaari mong isulat sa pisara ang mga instruksyong ito o gumawa ng handouts bilang reference):

  1. Anyayahan ang isang kaklase na basahin nang malakas ang talata o mga talata at alamin ang pagpapalang ipinangako sa atin sa pamumuhay sa beatitude na iyan.

  2. Gamit ang talata at ang impormasyon sa chart, ipaliwanag kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang ipinangakong pagpapala.

  3. Magpamungkahi sa klase ng mga paraan na maipamumuhay natin ang beatitude na ito.

  4. Ipaliwanag kung paano makapagpapasaya sa atin ang pamumuhay ayon sa beatitude na ito. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan na naglalarawan sa katotohanang itinuro mo, gayundin ang iyong patotoo sa katotohanang iyan.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na ilahad sa klase ang naka-assign sa kanila na beatitude.

Pagkatapos maglahad ng mga estudyante, bigyang-diin na itinuturo ng Beatitudes ang mga katangian ni Jesucristo at maaari tayong maging higit na katulad Niya sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga ito.

  • Batay sa natutuhan ninyo sa Mateo 5, ano ang mangyayari sa atin kapag nagkaroon tayo ng mga ito at ng iba pang mga katangian ni Cristo? (Iba-iba man ang sagot ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagkaroon tayo ng mga katangian ni Cristo, mas magiging masaya tayo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntuning ito. Ipaalala sa mga estudyante ang mga tanong tungkol sa nagpapasaya sa kanila na pinag-isipan nila sa simula ng lesson. Hikayatin ang mga estudyante na naising mas maging masaya sa pamamagitan ng pagpili ng isa sa mga katangiang nakalista sa Beatitudes at magtakda ng mithiin na magkaroon ng katangiang iyon.

Mateo 5:13–16

Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na magpakita ng mabuting halimbawa

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang kakilala nila, maaaring isang kapamilya o kaibigan, na mapagpapala kung mas lalapit sa Ama sa Langit. Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 5, hikayatin silang alamin ang mga alituntunin na gagabay sa kanila habang sinisikap nilang tulungan ang taong ito.

Magpakita ng isang lalagyan ng asin at maglagay ng kaunting asin sa isang mangkok.

  • Sa anong mga paraan nakatutulong ang asin?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Carlos E. Asay ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang ilan sa mga gamit ng asin:

Elder Carlos E. Asay

“[Ang magandang klaseng asin] … ay malinis, puro, walang halo, at maraming mapaggagamitan. Sa ganitong kundisyon, magagamit ang asin na pampreserba, pampalasa, pampagaling, at iba pa” (“Salt of the Earth: Savor of Men and Saviors of Men,” Ensign, Mayo 1980, 42).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 5:13, at ipahanap kung kanino itinulad ng Tagapagligtas ang asin.

  • Kanino itinulad ng Tagapagligtas ang asin? (Sa Kanyang mga disipulo.)

  • Sa anong mga paraan naipakita ng mga disipulo ni Jesucristo ang mga katangiang iyon ng asin?

  • Ayon sa talata 13, ano ang mangyayari sa asin kapag tumabang ito?

Ipaliwanag na ang salitang [pam]paalat ay hindi lang tumutukoy sa lasa ng asin kundi sa kakaibang mga katangian nito na nagpapagaling at nagpepreserba.

  • Ano ang nagpapatabang sa asin? (Tumatabang ang asin kapag nahahaluan ito ng ibang materyal at nakokontamina.)

Magbuhos sa mangkok ng iba pang materyal, tulad ng lupa, at paghaluin ang asin at iba pang mga elemento.

  • Ano ang nangyayari sa asin kapag inihalo ito sa ibang mga materyal?

  • Bilang mga disipulo ni Jesucristo, paano mawawala ang kapakinabangan natin, o ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na nagtutulot sa atin na mapagpala ang iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang maimpluwensiyahan ng mga kasalanan ng mundo ang maaaring humadlang sa atin na maging pagpapala sa iba. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang magagawa natin para mapanatili o magkaroong muli ng kapakinabangan?

Magpakita ng kandila (huwag sindihan). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:14–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano ikinumpara ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa isang kandila.

  • Ano raw ang dapat gawin ng mga disipulo ni Cristo sa kanilang ilaw?

  • Ano ang ibig sabihin ng lumiwanag na gayon ang inyong mga ilaw? (Tingnan sa 3 Nephi 18:24.)

  • Ano ang magiging epekto sa iba ng ating mabubuting gawa?

Ipaliwanag na isa sa mga ibig sabihin ng mga katagang “kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (talata 16) ay magbigay ng papuri at parangal sa Diyos sa pamamagitan ng salita o gawa.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talata 14–16, tungkol sa epekto sa iba ng ating mabuting halimbawa? (Ang mga estudyante ay maaaring makapagbigay ng iba’t ibang sagot, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang ating mabuting halimbawa ay makahihikayat sa iba na mas lumapit sa Ama sa Langit. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Kailan nagpakita sa inyo ng mabuting halimbawa ang isang tao na nakatulong sa inyo na mapalapit sa Ama sa Langit?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila para mas maging mabuting halimbawa sa kanilang pamilya at mga kaibigan.

Rebyuhin ang mga alituntunin na natukoy at naisulat sa pisara sa lesson na ito. Isulat sa pisara ang mga salitang Simulan, Ihinto, at Ipagpatuloy. Hikayatin ang mga estudyante na suriin ang kanilang buhay at pumili ng isang bagay na sisimulan nilang gawin, isang bagay na ihihinto, at isang bagay na ipagpapatuloy nilang gawin para maipamuhay ang mga alituntuning ito.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mateo 5:14–16

Ipaliwanag na magpopokus sa buong taon ang mga estudyante sa 25 scripture mastery passages, kabilang na ang Mateo 5:14–16. Ang mga talatang ito ay makatutulong sa kanila na maunawaan at maipaliwanag ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo. Ang 25 scripture mastery references ay nakalista sa likod ng seminary bookmark para sa Bagong Tipan. Ipaliwanag na kasama sa “pag-master” ng scripture passages ang kakayahang mahanap, maunawaan, maipamuhay, at maisaulo ang mga ito.

Para matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang mga talatang ito, ipabigkas ito nang maraming beses sa isip lang at pagkatapos ay ipabigkas ito nang malakas sa harap ng isang kaklase. Maaari mong ipabigkas nang malakas sa klase ang mga talatang ito sa simula o katapusan ng bawat klase sa susunod na linggo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 5:1–12. “Ang Beatitudes”

Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa Beatitudes, maaari mong basahin ang artikulo ni Elder Robert E. Wells ng Pitumpu na may pamagat na “The Beatitudes: Pattern for Coming unto Christ,” (Ensign, Dis. 1987, 8–11).

Mateo 5:1–12 “Mapapalad”

Patungkol sa mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 5:1–12, itinuro ni Pangulong Harold B. Lee:

“Ang mga pahayag na ito ng Panginoon ay kilala sa literatura ng daigdig ng Kristiyano bilang Mga Lubos na Pagpapala [o Beatitudes] at tinutukoy ng mga komentarista ng Biblia bilang paghahanda na kailangan para makapasok sa kaharian ng langit. Para sa talakayang ito hayaan ninyong sabihin ko na ang mga ito ay isang bagay na higit pa riyan kapag iniangkop ito sa inyo at sa akin. Sa katunayan ay taglay ng mga ito ang KONSTITUSYON PARA SA PERPEKTONG BUHAY” (Decisions for Successful Living [1973], 56–57).