Library
Lesson 55: Lucas 17


Lesson 55

Lucas 17

Pambungad

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa pangangailangan na patawarin ang iba. Pagkatapos, hiniling ng mga Apostol kay Jesus na palakasin ang kanilang pananampalataya. Bilang tugon, itinuro sa kanila ng Tagapagligtas ang talinghaga ng aliping walang kabuluhan. Pagkatapos niyon, pinagaling ni Jesus ang sampung ketongin, ngunit isa lang ang bumalik para magpasalamat sa Kanya. Tinanong ng mga Fariseo ang Tagapagligtas, at Siya ay nagturo tungkol sa pagdating ng kaharian ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 17:1–10

Hiniling ng mga Apostol kay Jesus na palakasin ang kanilang pananampalataya

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga partikular na sitwasyon na maaaring kailanganin ang kanilang pananampalataya (tulad ng paghahangad ng basbas ng priesthood, pagbabayad ng ikapu, o pagbibigay ng mensahe o lesson sa simbahan). Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang naisip nila, at isulat ito sa pisara.

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ginusto na ba ninyong magkaroon ng mas malaking pananampalataya? Kung gayon, ano ang mga naranasan ninyo kaya ninyo nadama ang ganito?

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Lucas 17 na makatutulong sa kanila na madagdagan ang kanilang pananampalataya.

Ibuod ang Lucas 17:1–2 na ipinapaliwanag na nagbabala ang Tagapagligtas na papanagutin ang mga taong naglilihis o nag-uudyok sa iba na magkasala.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 17:3–4, na inaalam ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maaaring mangailangan ng matibay na pananampalataya.

  • Ayon sa talata 3, ano ang iniutos ni Jesus na gawin ng Kanyang mga disipulo kapag nagkasala ang isang tao sa kanila?

  • Ayon sa talata 4, ilang beses dapat magpatawad ang mga disipulo? (Maaari mong ipaliwanag na ang sagot ng Tagapagligtas ay isang paraan ng pagsasabing dapat tayong magpatawad gaano man karaming beses nagkasala sa atin ang isang taong nagsisi na.)

  • Bakit parang mahirap patawarin ang isang taong paulit-ulit na nagkasala sa iyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 17:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang hiniling ng mga Apostol sa Tagapagligtas matapos Niyang sabihin sa mga disipulo na patawarin ang mga nagkasala sa kanila.

  • Ano ang hiniling ng mga Apostol sa Tagapagligtas? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “dagdagan mo ang pananampalataya namin” sa kanilang mga banal na kasulatan.)

  • Paano nakatulong ang paghiling ng mga Apostol sa Panginoon na dagdagan ang kanilang pananampalataya upang masunod nila ang kautusan na patawarin ang iba?

Ibuod ang Lucas 17:6 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na ang pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa ay nagdudulot ng mga himala. Upang matulungan ang mga Apostol kung paano madaragdagan ang kanilang pananampalataya, si Jesus ay nagbigay ng isang talinghaga na naglalarawan ng kaugnayan ng panginoon at alipin.

Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Madaragdagan ang ating pananampalataya kapag tayo ay …

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 17:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inaasahan ng panginoon sa kanyang alipin.

  • Ano ang inaasahan ng panginoon sa kanyang alipin?

Ipaliwanag na sa panahon ng Biblia, inilalaan ng panginoon ang lahat ng pangangailangan sa buhay ng kanyang alipin kapag tapat na ginagampanan ng alipin ang kanyang mga tungkulin. Dahil dito, hindi na kailangang magbigay ng espesyal na pasasalamat ang panginoon sa kanyang alipin o magkaroon ng utang na loob sa kanya sa paggawa ng kanyang mga tungkulin.

  • Paano natutulad sa ating Ama sa Langit ang panginoon sa talinghagang ito? Ano ang inaasahan Niya sa atin? (Ang gawin ang “lahat ng mga bagay na iniutos” sa atin [talata 10].)

Dugtungan ang pahayag na nasa pisara para mabasa ito nang ganito: Madaragdagan ang ating pananampalataya kapag sinikap nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit.

Upang matulungan ang mga estudyante na maisip ang iba pang bagay na makapagdaragdag sa kanilang pananampalataya, itanong:

  • Ayon sa talata 10, ano ang dapat sabihin ng mga alipin matapos sundin ang mga utos ng panginoon?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “mga aliping walang kabuluhan”? (Ibig sabihin nito ay kahit sinusunod nang mabuti ng mga tao ang mga kautusan, sila ay laging may pagkakautang sa Diyos.)

  • Bakit lagi tayong may pagkakautang sa Ama sa Langit, kahit masunurin tayo at namumuhay nang matwid? (Dahil lagi tayong pinagpapala ng Ama sa Langit, hindi natin Siya kailanman mababayaran [tingnan sa Mosias 2:20–26].)

Kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para maituro nito ang sumusunod na katotohanan: Madaragdagan ang ating pananampalataya kapag sinikap nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit at kapag inalala natin na palagi tayong may pagkakautang sa Kanya. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

  • Paano nadaragdagan ang ating pananampalataya sa pagsisikap na gawin ang lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit?

Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang panahon na sinunod nila ang mga kautusan o tapat na ginawa ang kanilang tungkulin at nadamang nadagdagan ang kanilang pananampalataya dahil dito. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang nasasaisip nila.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa ibang estudyante. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga naisip sa klase.

Lucas 17:11–19

Pinagaling ni Jesus ang sampung ketongin

Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Noong panahon ng Biblia, napakahirap na magkasakit ng ketong dahil 

Tulungan ang mga estudyante na alalahaning muli ang nalalaman nila tungkol sa ketong sa pagsasabi sa kanila na sabihin sa klase kung paano nila tatapusin ang pahayag. Halimbawa, maaaring banggitin ng mga estudyante na ang ketong ay maaaring humantong sa pagkasira ng hitsura at kamatayan; na ang mga ketongin ay nakahiwalay sa iba pang mga tao sa komunidad para mapangalagaan ang kalusugan ng iba; at sila ay kinakailangang sumigaw ng “Karumal-dumal!” upang balaan ang sinumang papalapit sa kanila (tingnan sa Bible Dictionary, “Leper”).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 17:11–12. Sabihin sa klase na alamin kung sino ang nakasalubong ni Jesus nang tumigil Siya sa isang nayon habang naglalakbay papunta sa Jerusalem. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Kung kayo ay isa mga ketongin na iyon, ano kaya ang madarama ninyo pagkakita ninyo kay Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 17:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mga ketongin sa Tagapagligtas at ano ang sinabi Niya sa kanila.

  • Ano ang hiniling ng mga ketongin kay Jesus?

  • Ano ang ipinagagawa ni Jesus sa kanila?

Ipaliwanag na nakasaad sa batas ni Moises na dapat ipakita ng mga ketongin ang kanilang sarili sa mga saserdote matapos silang gumaling upang tanggapin silang muli sa lipunan (tingnan sa Levitico 14).

  • Ano ang nangyari nang magsialis na ang mga ketongin?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 14 tungkol sa dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Tumatanggap tayo ng mga pagpapala mula sa Panginoon kapag ginawa natin ang iniuutos Niya sa atin.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung isa sila sa mga ketongin na pinagaling ng Tagapagligtas.

  • Ano kaya ang gagawin ninyo kapag natanto ninyo na napagaling na ang ketong ninyo?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 17:15–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ng isa sa mga ketongin na kakaiba sa mga kasama niya.

  • Ano ang ginawa ng Samaritanong ketongin na nagpapakita ng kanyang pasasalamat sa Tagapagligtas?

  • Bakit kaya binanggit ni Lucas na ang nagpasalamat na ketongin ay isang Samaritano—isang taong maaaring kamuhian ng maraming Judio? Ano ang idinagdag ng detalyeng ito para maunawaan natin ang talang ito?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa ketongin na bumalik upang magpasalamat sa Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Mahalagang magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin.)

  • Bakit mahalagang magpasalamat sa Diyos para sa mga pagpapalang natatanggap natin?

  • Paano tayo natutulad kung minsan sa siyam na ketongin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Mga kapatid ko, naaalala ba nating magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin? Ang taos-pusong pasasalamat ay hindi lamang nakakatulong para makilala natin ang ating mga pagpapala, kundi nagbubukas din ng pintuan ng langit at nagpapadama sa atin ng pag-ibig ng Diyos” (“Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 87).

  • Ayon sa talata 19, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na nangyari sa ketongin na ito dahil sa ginawa niya? (Siya ay lubos na napagaling.)

  • Sa paanong paraan nakatutulong ang pasasalamat sa Panginoon para sa mga pagpapala sa atin upang tayo ay lubos na mapagaling?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal ang partikular na mga pagpapala mula sa Ama sa Langit na ipinagpapasalamat nila. Ipasulat din sa kanila kung paano sila patuloy na magpapasalamat para sa mga pagpapalang ito.

Lucas 17:20–37

Itinuro ni Jesus ang tungkol sa pagdating ng kaharian ng Diyos

Ibuod ang Lucas 17:20–37 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito. (Paalala: Ang mga turo rito ay kapareho sa lesson para sa Mateo 24 at Joseph Smith—Mateo.)

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang natukoy sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Ang aktibidad na ito ay magagamit upang tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang scripture mastery passage.

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-aapat o tig-lilimang estudyante. Bigyan ang bawat grupo ng isang dice at isang lapis. (Kung walang dice, maaari kang maglagay ng anim na piraso ng papel na nilagyan ng numerong 1 hanggang 6 sa isang sobre o iba pang lalagyan.) Kakailanganin din ng bawat estudyante ang blangkong papel. Sabihin sa bawat grupo ng mga estudyante na maupo nang magkakalapit sa palibot ng isang mesa o maupo nang pabilog. Sabihin sa kanila na buksan ang kanilang mga banal na kasulatan sa scripture mastery passage na gusto mong ipasaulo sa kanila. Ipaliwanag na ang layunin ng aktibidad na ito ay maging unang miyembro sa grupo na nakasulat ng buong scripture mastery passage. Gayunpaman, dapat gamitin ng mga estudyante ang isang lapis na ibinigay sa kanila. Maaari lamang gamitin ng isang estudyante ang lapis kapag numero 1 ang lumabas sa initsang dice (o napili ang papel na may numerong 1). Sabihin sa mga miyembro ng bawat grupo na magsalitan sa pag-hagis ng dice (o pagkuha ng isang papel sa sobre o lalagyan at pagkatapos ay ibalik ito). Kapag numero 1 ang lumabas sa pag-hagis sa dice, kukunin ng estudyanteng iyon ang lapis at magsisimulang isulat ang mga salita ng talata sa kanyang papel, na binibigkas nang malakas ang bawat salita. Samantala, magsasalitan naman ang ibang kagrupo sa pag-hagis ng dice. Kapag numero 1 ang lumabas sa pag-hagis sa dice ng isa pang kagrupo, kukunin ng estudyanteng iyon ang lapis at magsisimulang isulat ang mga salita ng talata sa kanyang papel, habang binibigkas nang malakas ang bawat salita. Ang naunang nagsulat ay sasali uli sa kanyang kagrupo sa pag-hagis ng dice. Kapag maaari nang gumamit ang mga estudyante ng lapis at naisulat na ang ilang bahagi ng talata, dapat nilang basahin nang malakas ang bahaging iyan bago nila maisulat ang iba pa sa talata. (Ang paulit-ulit na pagbanggit sa talatang ito ay makatutulong sa mga estudyante na maisaulo ito.) Matatapos ang aktibidad kapag naisulat ng isang estudyante mula sa bawat grupo ang buong scripture mastery passage.

Sabihin sa klase na sabay-sabay na bigkasin ang talata pagkatapos ng aktibidad.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 17:15–16. “At isa sa kanila … [ay] nagpatirapa … na nagpapasalamat sa kaniya”

Nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa kahalagahan ng pasasalamat:

“Ang pagpapasalamat ang palatandaan ng lalaki o babaeng may pinag-aralan. …

“… Hayaang patnubayan at [pagpalain] ng diwa ng pasasalamat ang inyong mga araw at gabi. Sikaping magkaroon nito. Makikita ninyong kahanga-hanga ang mga ibubunga nito” (“Payo at Panalangin ng Isang propeta para sa Kabataan,” Ensign, Ene 2001, 4, o Liahona, Abr. 2001, 33-34).

Itinuro ni Pangulong David O. McKay kung paano tayo dapat tumanaw ng utang na loob:

“Ang pagtanaw ng utang na loob ay mas malalim kaysa pasasalamat. Ang pasasalamat ang simula ng pagtanaw ng utang na loob. Ang pagtanaw ng utang na loob ang kaganapan ng pasasalamat. Ang pasasalamat ay maaaring binubuo lamang ng mga salita. Ang pagtanaw ng utang na loob ay naipapakita sa gawa” (“The Meaning of Thanksgiving,” Improvement Era, Nob. 1964, 914).

Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 17:21. “Ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo”

Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa “kaharian ng Diyos”:

“Sabi ng ilan ang kaharian daw ng Diyos ay hindi itinatag sa lupa hanggang sa araw ng Pentecostes, at hindi ipinangaral ni Juan [Bautista] ang binyag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pero sinasabi ko, sa ngalan ng Panginoon, na ang kaharian ng Diyos ay itinatag sa lupa mula pa noong panahon ni Adan hanggang sa ngayon. Tuwing may matwid na tao sa lupa na paghahayagan ng Diyos ng Kanyang salita at pagbibigyan ng kapangyarihan at awtoridad na mangasiwa sa Kanyang pangalan, … naroon ang kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 95-96).