Lesson 68
Juan 8:31–59
Pambungad
Nagpatuloy ang Panginoon sa pagtuturo sa templo pagkatapos ng Kapistahan ng mga Tabernakulo. Nagturo Siya tungkol sa kalayaan mula sa kasalanan. Nang ipahayag ni Jesucristo na siya ang dakilang Jehova, tinangka Siyang batuhin ng mga Judio.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 8:31–36
Nagturo si Jesus tungkol sa kalayaan mula sa kasalanan
Upang matulungan ang mga estudyante na maalala ang natutuhan nila sa nakaraang lesson, magpakita ng isang maliit na bato. Sabihin sa mga estudyante na maiksing ibuod ang itinugon ng Tagapagligtas nang dalhin sa Kanya ng ilang mga eskriba at mga Fariseo ang isang babaeng nahuling nangangalunya at kung ano ang itinuro Niya pagkatapos nito (tingnan sa Juan 8:1–30). (Hindi pinarusahan ng Tagapagligtas ang babae at sinabi sa kanyang “huwag ka nang magkasala” [talata 11]. Pagkatapos ay itinuro ni Jesus na Siya ang “ilaw ng sanglibutan” [talata 12] at kapag tayo ay naniniwala sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga turo, makikilala natin ang Ama.)
-
Ayon sa Juan 8:30, paano nakaapekto ang mga gawa at salita ni Jesus sa maraming Judio?
Ipaliwanag na kahit marami sa mga Judio ang naniniwala kay Jesus, ilang Judio ang nagpatuloy sa pagtutol sa Kanya habang Siya ay nagtuturo sa mga tao ng tungkol sa pagkadisipulo, katotohanan, at kalayaan sa pagkaalipin.
Idrowing ang sumusunod na diagram sa pisara:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus na kailangan natin upang maging malaya.
Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at punan ang mga patlang ayon sa sinabi ni Jesus na kailangan nating gawin upang maging malaya. Ang nakumpletong diagram ay dapat katulad ng sumusunod:
-
Ano ang ibig sabihin ng “magsisipanatili sa salita [ni Cristo]”? (talata 31).
-
Paano ninyo maibubuod bilang alituntunin ang itinuro ni Jesucristo sa talata 31–32? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na naunawaan na kung magsisipanatili tayo sa salita ni Jesucristo, magiging mga disipulo Niya tayo at malalaman natin ang katotohanan, na magpapalaya sa atin. Maaaring isulat ang alituntuning ito sa pisara. Maaari mo ring ipaliwanag na binibigyang-diin ng Juan 8:36 na tayo ay magiging malaya dahil kay Jesucristo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung saan tayo magiging malaya kung mamumuhay tayo ayon sa salita ng Tagapagligtas:
“Magiging malaya tayo mula sa sumpang hatid ng maling doktrina; malaya mula sa pagkaalipin ng hilig sa laman at kahalayan; malaya mula sa mga gapos ng kasalanan; malaya mula sa anumang kasamaan at impluwensyang mapanira at sa bawat puwersang pumipigil at humahadlang; malayang makatatanggap ng walang katapusang kalayaan na mararanasan lamang ng mga dinakilang nilikha” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:456–57).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Judio na nagpapalaya sa kanila.
-
Ano ang pinaniniwalaan ng mga Judio na nagpapalaya sa kanila? (Inakala nila na dahil lamang mga inapo sila ni Abraham at mga tagapagmana ng tipang Abraham ay magkakaroon na sila ng espirituwal na kalayaan .)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan dapat maging malaya ang mga tao ayon kay Jesus.
-
Ayon sa talata 34, saan dapat maging malaya ang mga tao ayon sa Tagapagligtas?
Ituro na ang pandiwang Griyego na na isinalin bilang “nagkakasala” sa talata 34 ay nagpapahiwatig ng patuloy na pagkakasala sa halip na magsisi.
-
Anong alituntunin ang matutuhan natin sa talata 34? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung nagkasala tayo at hindi nagsisi, nagiging mga alipin tayo ng kasalanan.)
-
Ano ang ibig sabihin ng maging “alipin ng kasalanan”? (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang isinalin bilang “alipin” ay maaari ding isalin bilang “busabos.”)
Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kaugnayan ng dalawang alituntunin na natukoy nila, idrowing ang sumusunod na diagram sa pisara:
-
Bakit may ilang tao ngayon na nagkakamali sa pag-unawa sa mga katotohanang ito sa paniniwalang wala tayong kalayaan sa pagsunod sa Tagapagligtas, samantalang ang paggawa ng mga kasalanan ay nagdudulot ng kalayaan?
Upang matulungan ang klase na mas maunawaan ang dalawang alituntunin na natukoy nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pagpapatangay sa mga tukso [ni Satanas] ay humahantong sa pakaunti nang pakaunting pagpipilian hanggang wala nang matira at humahantong din sa mga adiksyon na iniiwan tayong walang lakas para mapaglabanan ito. …
“… Itinuturing ng mundo ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Korihor, na itinuturing na isang ‘pagkaalipin’ ang pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Diyos (Alma 30:24, 27). …
“… May nag-aalinlangan pa ba na, dahil nagtataglay ng lahat ng liwanag at katotohanan, ang Diyos ay may kalayaang piliin at gawin ang nais Niya?
“Kapag lumalawak ang ating pang-unawa sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo, ang ating kalayaang pumili ay lumalawak din. Una, mas marami tayong pagpipilian at makatatanggap tayo ng mas marami dahil mas marami tayong mga batas na masusunod. … Pangalawa, dahil sa dagdag na pang-unawa, tayo ay makagagawa ng mas maraming matatalinong pagpili dahil hindi lang natin mas malinaw na nakikita ang mga alternatibo pati na rin ang mga maaaring kalabasan nito” (“Moral Agency,” Ensign Hunyo 2009, 49, 50–51).
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magpartner na pag-aralan ang naka-assign na bahagi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011). Ipadrowing sa mga estudyante ang sumusunod na chart sa kanilang notebook o sa scripture study journal (maaari mo ring idrowing ito sa pisara). Ipabasa sa bawat magpartner ang bahaging naka-assign sa kanila sa Para sa Lakas ng mga Kabataan at sagutan ang chart.
Pamantayang tinalakay sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: |
Paano makapagbibigay ng kalayaan ang pagsasabuhay sa pamantayang ito? |
Paano humahantong sa pagkaalipin ang di-pagsasabuhay sa pamantayang ito? |
---|---|---|
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na makipagpalit ng partner at ituro ang nalaman nila tungkol sa mga pamantayang pinag-aralan nila. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.
-
Anong mga kalayaan ang ipinangako sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na naranasan na ninyo?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang paraan na gagawin nila na naaayon sa itinuro ng Tagapagligtas upang maging malaya.
Juan 8:37–59
Nagpatotoo si Jesus sa Kanyang pagkadiyos at kabanalan
Sabihin sa mga estudyante na sagutin nang maikli ang sumusunod na tanong:
-
Sino ang kilala ninyo na halos katulad o kahawig ng kanyang ama?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 8:37–40, 44–45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano naiiba ang mga pinunong Judio na kumalaban sa Panginoon sa dakilang propeta sa Lumang Tipan na si Abraham, na tinatawag nilang ama.
-
Ayon sa talata 39, ano ang sinabi ng Tagapagligtas na gagawin nila kung mga anak sila ni Abraham?
-
Ayon sa talata 40, ano ang kanilang hinahangad na gawin na hindi kailanman gagawin ni Abraham?
-
Ayon sa talata 44–45, sino ang sinabi ni Jesus na kanilang ama? (Ang diablo.) Sa anong mga paraan nila sinusunod ang diablo?
Ibuod ang Juan 8:46–50 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na tinatanggap ng mga tagasunod ng Diyos ang Kanyang salita. Sinubukan ng mga pinunong Judio na ipahiya si Jesus sa pagtawag sa Kanya na isang Samaritano (dahil karaniwang kinamumuhian ng mga Judio ang mga Samaritano) at sa pagsasabing sinapian Siya ng diablo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:51–53. Sabahin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng mga pinunong Judio kay Jesus.
-
Ano ang itinanong nila kay Jesus? (Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na markahan ang tanong na “Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham?“ sa talata 53.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:56–58. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ni Jesus sa tanong ng mga Judio.
-
Ano ang sagot ni Jesus sa tanong na “Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham?” (Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na markahan ang katagang “Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga” sa talata 58.)
Ipaliwanag na ang tinutukoy ng katagang “Ako nga” ay si Jehova (tingnan sa Exodo 3:14). Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ibig sabihin ng katagang “Ako nga”? (Tinutukoy ng katagang ito si Jehova, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob; maaaring kailanganin mo ring ipaliwanag na ang Septuagint ay ang pagsasalin ng Lumang Tipan sa Griyego. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang sumusunod na katotohanan sa kanilang mga banal na kasulatan: Si Jesus ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan.)
-
Ayon sa pag-aaral mo ng talata 58, ano ang isinagot ni Jesus sa tanong na kung mas dakila Siya kaysa kay Abraham?
Idispley ang ilang larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ([2009]; tingnan din sa LDS.org) na nagpapakita ng mga himalang nakatala sa Lumang Tipan (tulad ng Tatlong Lalaki sa Nagniningas na Hurno, blg. 25; o Si Daniel sa Yungib ng mga Leon, blg. 26).
-
Kung nakatayo kayo sa harapan ni Jesus at narinig ninyong inihayag Niya na Siya ang gumawa ng mga himalang nakatala sa Lumang Tipan, paano kaya kayo tutugon sa Kanya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:59. Sabihin sa klase na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang mga pinunong Judio sa pahayag ni Jesus na Siya si Jehova. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman natin na si Jesucristo ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan?
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang patotoo kay Jesucristo. Maaari mong tapusin ang klase sa pagbabahagi rin ng sarili mong patotoo.
Scripture Mastery Review
Ang mga quiz at pagsusulit ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na masubukan ang kanilang kakayahan sa pagkabisado ng mga scripture mastery passage. Maaaring kasama sa mga clue ang key words o scripture references, sipi mula sa mga talata, o mga sitwasyon na nagpapakita ng mga katotohanang itinuro sa mga scripture passage. Puwedeng pasalita, nasa pisara, o nasa papel ang mga quiz at pagsusulit. Pagkatapos mag-quiz o mag-test ng mga estudyante, maaari mong ipartner ang mga estudyanteng nahihirapan sa scripture mastery passages sa mga estudyanteng nakakuha ng mataas na puntos. Maaaring mag-tutor ang estudyanteng may mataas na puntos sa estudyanteng mas mababa ang puntos upang matulungan siya sa kanyang pag-aaral at pagpapahusay. (Kung gagawin mo ito, siguraduhing hindi mapapahiya ang mga estudyanteng nahihirapan dito.)