Library
Lesson 117: II Mga Taga Corinto 10–13


Lesson 117

II Mga Taga Corinto 10–13

Pambungad

Si Apostol Pablo ay nagturo tungkol sa espirituwal na digmaan na kinabibilangan ng mga anak ng Diyos. Ipinagtanggol niya ang kanyang sarili laban sa mga sumasalungat sa kanya. Inilahad niya kung paano siya inagaw hanggang sa ikatlong langit at inilarawan kung paano naging isang pagpapala ang kanyang mga kahinaan. Bago tapusin ang kanyang sulat, hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na suriin ang kanilang mga sarili at patunayan ang kanilang katapatan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Mga Taga Corinto 10–11

Nagsulat si Pablo tungkol sa espirituwal na pakikipaglaban, ang mga panlilinlang ni Satanas, at ang kanyang sariling mga pagsubok

Isulat sa pisara ang salitang digmaan.

  • Sa paanong mga paraan tayo nakikipagdigma kay Satanas?

  • Ano ang ilan sa mga pinakamahirap na laban na haharapin natin sa espirituwal na digmaang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 10:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na dapat nating gawin upang maging matagumpay sa digmaang ito na laban kay Satanas.

  • Ano ang dapat nating gawin upang magtagumpay sa digmaang ito na laban kay Satanas?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “bumibihag sa lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo”? (talata 5).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 5 tungkol sa paraan kung paano magtagumpay sa digmaang ito na laban kay Satanas? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag napipigilan natin ang ating isipan at sumusunod kay Jesucristo, mas magtatagumpay tayo sa digmaan laban kay Satanas.)

  • Ano ang magagawa natin upang mapigilan ang ating mga pag-iisip? (Kabilang sa maraming iba pang bagay, maaari tayong manalangin, magsaulo ng mga scripture block, at kumanta o magsaulo ng mga himno.)

Maaari kang magbahagi ng isang karanasan na naglalarawan kung paano nakatulong sa iyo ang pagpigil ng iyong pag-iisip at pagsunod sa Tagapagligtas upang madaig ang impluwensya ni Satanas. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi rin ang kanilang mga karanasan. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na mas mapigilan ang kanilang pag-iisip at sumunod sa Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod:

Natutuhan natin sa II Mga Taga Corinto 10:7–18 na pinuri ni Pablo ang Panginoon at itinuro na ang kanyang mga kahinaan ay hindi dapat gamitin upang bigyang-katwiran ang hindi nila pakikinig sa kanya. Nabasa natin sa II Mga Taga Corinto 11 na nagbanggit si Pablo ng karagdagang mga paraan na ginagamit ni Satanas upang maging marumi ang ating mga isipan at mailayo tayo kay Jesucristo, kabilang na ang paggamit sa mga bulaang Cristo at mga bulaang apostol. Inilahad ni Pablo ang paghihirap na tiniis niya bilang isang tunay na Apostol ng Tagapagligtas.

II Mga Taga Corinto 12

Inilahad ni Pablo kung paano siya inagaw patungong langit at itinuro kung paano makatutulong sa atin ang pagtanggap sa ating mga kahinaan

Magdala sa klase ng isang tinik, o magdrowing sa pisara ng isang larawan nito na tulad ng ipinakita. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na natusok sila ng tinik.

sanga na may mga tinik
  • Sa paanong mga paraan nagpapahirap sa buhay ang mga tinik?

Ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang konsepto ng isang tinik upang maging simbolo ng isang pagsubok o kahinaan na naranasan niya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na makinig at isipin ang mga uri ng pagsubok o kahinaan na naranasan nila o ng kanilang mga mahal sa buhay:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang ilan ay namatayan ng mahal sa buhay o nag-aalaga ng may kapansanan. Ang ilan ay nasaktan sa diborsyo. … Ang iba ay may mga pisikal na kapansanan o kakulangan sa pag-iisip. Ang ilan ay naaakit sa katulad nila ang kasarian. Ang ilan ay matindi ang nadaramang lumbay o kakulangan. Ano’t anuman, marami ang nabibigatang lubha” (“Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 6).

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 12 na makatutulong sa kanila kapag dumaranas sila ng mga paghihirap at mga kahinaan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 12:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pangitain na natanggap ni Pablo. (Ipaliwanag na tinutukoy ng mga talatang ito si Pablo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng si Pablo ay “inagaw hanggang sa ikatlong langit”? (talata 2). (Nagkaroon siya ng pangitain tungkol sa kahariang selestiyal.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “maging sa katawan … o maging sa labas ng katawan, aywan ko” (talata 2) ay hindi alam ni Pablo kung dinala siya sa kahariang selestiyal o nakakita ng pangitan tungkol dito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 12:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Pablo sa pangitaing ito.

  • Paano tumugon si Pablo sa pangitaing ito?

  • Ano ang inaalala ni Pablo na maaaring mangyari kung pupurihin niya ang kanyang sarili? (Nag-alala si Pablo na maging masyadong mataas ang tingin ng iba sa kanya gayong may mga kahinaan pa siya na dapat madaig.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 12:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinulungan ng Panginoon si Pablo na manatiling mapagpakumbaba.

  • Paano tinulungan ng Panginoon si Pablo na manatiling mapagpakumbaba?

  • Ilang beses nanalangin si Pablo na matanggal ang “tinik sa laman” na ito?

Ipaliwanag na kahit nanalangin si Pablo, tila pinili ng Panginoon na hindi tanggalin ang “tinik sa laman” ni Pablo.

  • Ano ang matututuhan natin mula kay Pablo tungkol sa dahilan kung bakit hinahayaan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga kahinaan at mga pagsubok? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Hinahayaan tayo ng Panginoon na makaranas ng mga kahinaan at mga pagsubok upang matututo tayong magpakumbaba. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Corinto 12:9–10 at alamin ang mga katotohanan na natutuhan ni Pablo na nakatulong sa kanya na madaig ang kanyang mga kahinaan. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga katotohanan na natukoy nila.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ni Pablo na nakatulong sa kanya na madaig ang kanyang mga kahinaan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang mga katotohanan, tulad ng sumusunod: Ang biyaya ni Jesucristo ay sapat upang madaig natin ang ating mga kahinaan. Hindi palaging inaalis ng Panginoon ang ating mga hamon o pagsubok, ngunit pinalalakas Niya tayo kapag tapat nating tinitiis ang mga ito.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang ibig sabihin ng biyaya ay “dakilang tulong o lakas” na naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”).

  • Ano ang ibig sabihin na sapat na ang biyaya ng Tagapagligtas upang madaig natin ang ating mga kahinaan? (Sa pamamagitan ng lakas na natatanggap natin mula sa Tagapagligtas, magagawa natin ang lahat ng sinasabi Niyang gawin natin.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo—inaalis man nito ang ating mga pasanin o pinalalakas tayo upang matiis ito gaya ni Apostol Pablo—ay para sa lahat ng pagdurusa sa buhay” (“Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” 8).

  • Paano makatutulong sa atin ang mga katotohanan na ating natukoy sa mga talata 9–10 kapag dumaranas tayo ng mga kahinaan at mga pagsubok?

  • Kailan kayo o ang isang taong kilala ninyo napalakas ng Tagapagligtas? (Ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapribado o napakapersonal na bagay.) Paano naging pagpapala ang karanasang iyon sa inyo o sa taong kilala ninyo?

II Mga Taga Corinto 13

Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na suriin ang kanilang sarili at patunayan ang kanilang katapatan

Ipaalala sa mga estudyante na may mga bulaang guro sa mga Banal sa Corinto na hinamon si Pablo at ang kanyang awtoridad bilang isang Apostol.

  • Ano ang ilang mga halimbawa kung paano maaaring hinahamon ng mga tao ngayon ang mga tinawag na mamuno sa Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 13:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais patunayan ng ilang mga Banal sa Corinto.

  • Ano ang nais ng ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto na patunayan ni Pablo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 13:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto sa halip na magtanong kung talaga bang nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan niya bilang isang Apostol. Ipaliwanag na ang itinakuwil ay isang marumi o imoral na tao.

  • Ayon sa talata 5, ano ang payo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga pandiwa na siyasatin, subukin, at nalalaman sa talatang ito.)

  • Ano ang sinabi ni Pablo na kailangan ng mga Banal upang siyasatin ang kanilang mga sarili? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “kayo’y nangasa pananampalataya” [talata 5] ay maging matapat sa Simbahan ng Panginoon.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin sa halip na pintasan ang mga lider ng Simbahan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Sa halip na pintasan ang mga lider ng Simbahan, dapat siyasatin o suriin ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang sariling katapatan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“[Kung may isang tao] na tatayo upang hatulan ang iba, na hinahanapan ng mali ang Simbahan, na nagsasabing naliligaw sila ng landas, samantalang siya mismo ay nagmamagaling, sinisiguro ko sa inyo, na ang taong iyon ay patungo sa apostasiya; at kung hindi siya magsisisi, ay mag-aapostasiya nga siya, dahil ang Diyos ay buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 372.

  • Ano ang mangyayari kapag pinintasan natin ang ating mga lider sa halip na suriin ang ating sariling katapatan?

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante na suriin ang kanilang katapatan at saloobin sa kanilang mga lider sa Simbahan, bigyan sila ng mga kopya ng sumusunod na mga tanong. Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na tahimik na basahin at sagutan ang mga tanong.

handout

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 117

  1. Sa scale na 1–10 (ang 10 ay perpekto), gaano mo nasusunod ang payo ng mga lider ng Simbahan?

  2. Ano ang isang pamantayan na itinuro ng mga propeta at mga apostol na mas tapat mo pang masusunod?

  3. Sa scale na 1–10 (ang 10 ay bawat pagkakataon na mayroon ka), gaano kadalas kang nagpapakita ng pasasalamat para sa iyong mga lider ng Simbahan, sa personal o sa panalangin?

  4. Ano ang magagawa mo upang mas maipakita ang pagpapahalaga sa sakripisyo at pagsisikap para sa iyo ng iyong mga lider?

Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Anong mga pagpapala ang darating mula sa palagiang pagsusuri sa sarili na tulad nito?

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 13:7–14 na ipinapaliwanag na hinikayat ni Pablo ang mga Banal na iwasan ang kasamaan at magsikap na maging perpekto o sakdal.

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng isang partikular na mithiin kung paano nila maipapamuhay ang isa sa mga katotohanang ito sa kanilang mga buhay.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Ang pagkaunawa ng mga estudyante sa scripture passages ay madaragdagan kapag gumawa sila ng sariling mga tanong tungkol sa mga talatang iyon. Hatiin ang klase sa dalawa (o mas marami pa) na grupo. Sabihin sa mga grupo na magsulat ng mga clue na nagtuturo sa partikular na scripture mastery passages. (Maaari kang pumili ng isang grupo ng mga talata na nais mong malaman o mapag-aralang muli ng mga estudyante.) Hikayatin ang mga estudyante na huwag gumawa ng mga clue na masyadong mahirap. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng kanilang mga clue upang malaman kung matutukoy nang tama ng kabilang grupo ang tamang scripture passage.

Paunawa: Kung wala kang oras para gawin ang aktibidad na ito bilang bahagi ng iyong lesson, maaari mo itong gawin sa ibang araw. (Ang susunod na lesson ay maikli. Maaari kang magkaroon ng oras na gamitin ang aktibidad na ito.) Para sa iba pang aktibidad sa pagrerebyu, tingnan ang apendiks sa dulo ng manwal na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

II Mga Taga Corinto 12:4. “Hindi nararapat salitain ng tao”

Tulad ni Pablo, na “nakarinig ‘ng mga salitang di masayod’ na ‘hindi nararapat salitain ng tao’ nang siya ay inagaw hanggang sa ikatlong langit (II Mga Taga Corinto 12:2, 4), tayo rin ay maaaring magkaroon ng espirituwal na mga karanasan na dapat lamang nating ibahagi kapag hinikayat ng Espiritu na gawin ito. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Naniniwala rin ako … na hindi makatutulong na patuloy na ikuwento ang mga kakaibang espirituwal na karanasan. Kailangang pakaingatan itong mabuti at ibahagi lamang kapag hinikayat tayo ng Espiritu na gamitin ito upang mapagpala ang iba’ [‘The Candle of the Lord,’ Ensign, Enero 1983, 53]” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 407).

II Mga Taga Corinto 12:7. Ano ang “tinik” na nagpapahirap kay Apostol Pablo?

Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang tinik ni Pablo ay maaaring isang “hindi nabanggit na karamdaman, na tila malubha na patuloy o paulit-ulit na nararanasan ng Apostol” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:448).

II Mga Taga Corinto 12:9. “Ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan”

Binanggit ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang personal na karanasan sa mga pisikal na sakit o paghihirap upang ipaliwanag kung paano tayo pinalalakas ng biyaya ng Tagapagligtas sa kahinaan:

“Sa nakaraang dalawang taon, naghintay ako na turuan ng Panginoon ng mga aral sa mundo sa mga panahon ng aking pagkakasakit, pagdadalamhati ng isip, at pagninilay-nilay. Natutuhan ko na ang paulit-ulit na matinding sakit ay napakahusay na pampadalisay na nagpapakumbaba sa atin at higit na nagpapalapit sa Espiritu ng Diyos. Kung makikinig tayo at susunod, magagabayan tayo ng Kanyang Espiritu at magagawa ang Kanyang kalooban sa pang-araw-araw nating gawain.

“May mga pagkakataon na tuwiran akong nagtanong sa aking mga panalangin, gaya ng, ‘Anong mga aral ang gusto ninyong matutuhan ko sa mga karanasang ito?’

“Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan sa mahalagang bahaging ito ng aking buhay, naging manipis ang tabing at ang mga sagot ay ibinigay sa akin tulad nang pagkakatala nito sa buhay ng iba na nakaranas ng higit na matinding pagsubok kaysa sa akin. …

“Sa ilang pagkakataon, sinabi ko sa Panginoon na matutuhan ko ang mga araling ituturo at hindi na kinakailangan pang magdanas pa ako ng karagdagan pang paghihirap. Tila hindi nakatulong ang mga pagsusumamong iyon dahil binigyang-linaw sa akin na ang nagpapadalisay na prosesong ito ng pagsubok ay dapat na tiisin sa panahon ng Panginoon. Ibang bagay ang ituro ang, ‘Mangyari nawa ang iyong kalooban’ (Mateo 26:42.) At iba naman ang ipamuhay ito. Natutuhan ko rin na hindi ako iiwang nag-iisa sa pagharap sa mga pagsubok at paghihirap na ito, kundi may mga anghel na magbabantay at tutulong sa akin. …

“Ang karanasan ko ng nakalipas na dalawang taon ay nagpalakas sa akin sa espiritu at nagbigay sa akin ng tapang na mas lakasan pa ang aking loob sa pagpapatotoo sa daigdig ng masisidhing damdamin ng aking puso” (“Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Liahona, Enero 2001, 6-7).