Lesson 99
Mga Taga Roma 1–3
Pambungad
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Roma, na ipinapahayag na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng tao. Ipinaliwanag niya na walang sinuman ang maliligtas ng kanilang sariling mga gawa; maliligtas sila sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, na makakamtan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Roma 1:1–17
Ipinahayag ni Pablo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng tao
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Larry Echo Hawk ng Pitumpu. Ipaliwanag na noong binata pa si Elder Echo Hawk, sumali siya sa United States Marine Corps.
“Nakilala ko ang aking drill instructor, isang matapang na beterano sa digmaan, nang pasipa niyang buksan ang pinto ng kuwartel at pumasok habang pasigaw na nagsasalita nang masama.
“Matapos ang nakasisindak na pagpapakilalang ito, nagsimula siya sa isang dulo ng kuwartel at isa-isang tinanong ang mga bagong marino. Walang pinipili, maparaang naghanap ng dahilan ang drill instructor para malait ang bawat marino sa masama at mahahalay na pananalita. Inisa-isa niya ang mga marino, na sinagot naman siya nang pasigaw tulad ng utos niya: ‘Opo’ o ‘Hindi po, Sergeant Instructor.’ … Nang ako na, hinablot niya ang aking bag at ibinuhos ang laman nito sa kama ko sa aking likuran. Tiningnan niya ang mga dala-dala ko, pagkatapos ay bumalik para harapin ako. Inihanda ko ang aking sarili sa pang-iinsulto niya. Hawak niya ang aking Aklat ni Mormon ” (“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 32).
-
Ano ang madarama ninyo kung nasa sitwasyon kayo ni Elder Echo Hawk?
-
Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng drill instructor?
-
Nalagay na ba kayo sa mga sitwasyon na nag-alala kayo na baka laitin ang inyong mga paniniwala? (Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang karanasan.)
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Taga Roma 1 na makatutulong sa kanila kapag naharap sila sa panlalait o pang-uusig dahil sa kanilang paniniwala at pamantayan.
Maikling ipakilala ang aklat ng Mga Taga Roma na ipinapabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Ang aklat ng Mga Taga Roma ay isang sulat ni Pablo sa mga Banal sa Roma noong malapit nang matapos ang kanyang mga paglalakbay para sa gawaing misyoneryo. Sumulat siya sa mga Banal na taga-Roma para maihanda sila sa kanyang pagdating, linawin at ipagtanggol ang mga turo niya, at hikayatin na magkaisa ang mga Judio at Gentil na mga miyembro ng Simbahan. Ang Roma—ang kabisera ng Imperyong Romano—ay puno ng mga pilosopiya ng mundo at hindi madali na ipangaral dito ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ibuod ang Mga Taga Roma 1:1–14 na ipinapaliwanag na sinimulan ni Pablo ang kanyang sulat sa pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at pagpapahayag ng hangarin niya na bisitahin ang mga Banal sa Roma.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 1:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga Banal na taga-Roma tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ano ang ebanghelyo ni Jesucristo ayon sa sinabi ni Pablo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o kataga sa kanilang mga banal na kasulatan na nagtuturo ng katotohanang ito.)
-
Saan tayo inililigtas ng ebanghelyo ni Jesucristo? (Sa pisikal at espirituwal na kamatayan.)
-
Bakit kailangan nating sumampalataya kay Jesucristo upang matanggap ang mga pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo? (Isinakatuparan ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala, na ginawang posible ang ating kaligtasan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng maniwala kay Jesucristo at sumampalataya sa Kanya:
Tulad ng paggamit ni Pablo, ang ibig sabihin ng mga katagang sumasampalataya at pananampalataya ay hindi lamang pagtanggap sa isipan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, kundi buong pusong pagtanggap at pagtitiwala na inialay Niya ang Kanyang Sarili para sa Pagbabayad-sala ng mga kasalanan natin. Ang buong pusong pagtitiwalang ito ay hahantong sa isang buhay na puno ng pananampalataya, na ipinapakita sa pagsisisi sa mga kasalanan, pagpapabinyag, at pagsisikap na mamuhay ayon sa mga itinuro ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 16:30–33; Mga Taga Roma 6:1–11; I Mga Taga Corinto 6:9–11). “[Ang] pananamapalataya kay Jesucristo … [ay] mapapatunayan … sa buhay na sumusunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo at paglilingkod kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan,” scriptures.lds.org).
-
Dahil alam ni Pablo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya, ano ang nadama niya tungkol sa pangangaral nito? (Hindi niya ito ikinahihiya [tingnan sa Mga Taga Roma 1:16].)
-
Paano nakaiimpluwensya ang pagkakaroon ng patotoo sa kapangyarihan ng ebanghelyo sa hangarin ninyong ibahagi ang ebanghelyo sa iba? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Habang nagkakaroon tayo ng patotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may kapangyarihang magligtas sa atin, hindi tayo mahihiya na ibahagi ito sa iba.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang alituntuning ito kapag naharap kayo sa pang-uusig o panlalait dahil sa inyong paniniwala?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang susunod na bahagi ng kuwento ni Elder Echo Hawk, at sabihin sa klase na pakinggan kung paano siya tumugon sa drill sergeant.
“Inasahan kong sisigawan niya ako; sa halip, lumapit siya sa akin at bumulong, ‘Mormon ka ba?’
Bilang pagsunod, sumigaw ako, ‘Opo, Sergeant Instructor.’
“Muli kong inasahan na may masamang mangyayari. Sa halip, tumigil siya at itinaas niya ang kamay na may hawak ng Aklat ni Mormon at sa napakahinang tinig ay sinabing, ‘Naniniwala ka ba sa aklat na ito?’
“Muli akong sumigaw, ‘Opo, Sergeant Instructor’” (“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel,” 32).
-
Paano naging mabuting halimbawa ng alituntuning itinuro sa Mga Taga Roma 1:16 ang tugon ni Elder Echo Hawk?
Ipaliwanag na sa halip na laitin si Elder Echo Hawk, maingat na inilapag ng drill instructor ang Aklat ni Mormon at nagpatuloy sa pagsasalita sa mga bagong marino. Basahin nang malakas ang natitira pang pahayag ni Elder Echo Hawk:
“Madalas kong isipin kung bakit hindi ako ininsulto ng mabagsik na Marine Corps sergeant sa araw na iyon. Ngunit nagpapasalamat ako at nasabi ko nang walang pag-aalangan, ‘Opo, miyembro po ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw’ at ‘Opo, alam ko na totoo ang Aklat ni Mormon.’ Ang patotoong ito ay mahalagang kaloob na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel,” 32.)
-
Kailan kayo (o ang isang taong kilala ninyo) nagpakita na hindi kayo nahihiya na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano kalakas ang kanilang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang magagawa nila upang mapalakas pa ang mga patotoong iyon. Hikayatin silang magtakda ng mithiin na gawin ito.
Mga Taga Roma 1:18–3:23
Itinuro ni Pablo na lahat ng tao ay nagkasala at hindi aabot sa kaluwalhatian ng Diyos
Ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, pinangatwiranan ng ilang Kristiyanong Gentil ang kanilang imoral o masamang gawain sa pagbibigay-diin sa awa ng Diyos at pagwawalang-bahala sa Kanyang perpektong katarungan. At naniniwala naman ang ilang Kristiyanong Judio na ang pagsunod sa batas ni Moises ay kailangan para sa kanilang kaligtasan. Hinangad ni Pablo na itama ang parehong maling pagkaunawang ito.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Roma 1:18–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga kasalanan na sinabi ni Pablo na laganap sa kanyang panahon. Maaari mong tulungan ang mga estudyante na mabigyang-kahulugan ang mga salita at kataga sa mga talata 18–32 upang matulungan silang maunawaan ang mga babalang ibinigay ni Pablo sa mga Banal na taga-Roma. Halimbawa, maaaring itanong ang sumusunod:
-
Sa talata 25, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang”?
Ipaliwanag na mula sa Mga Taga Roma 1:18–32, nalaman natin na nagtuturo sa atin ang mga propeta at apostol tungkol sa mga gawain at asal na nakasasakit sa Diyos.
Ipaliwanag na ang mga katagang “pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo” sa talata 26 at “na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae” sa talata 27 ay tumutukoy sa homoseksuwal na gawain. Maaari mong ipaliwanag na noong simula pa lang, at palagi sa buong scriptures, kinukondena ng Panginoon ang mga paglabag sa batas ng kalinisang-puri, kabilang na ang homoseksuwal na gawain.
Paalala: Ang paksang pagkaakit sa kaparehong kasarian (same-sex attraction) ay nangangailangan ng maingat na pagtalakay. Kapag pinag-usapan ang paksang ito sa iyong klase, siguraduhin na ginagawa ito nang may kabaitan, pagkahabag, at paggalang.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang posisyon ng Simbahan sa homoseksuwal na gawain, basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag:
“Ang [homoseksuwal na gawain] ay mabigat na kasalanan. Kung naaakit kayo sa kapwa ninyo lalaki o kapwa babae o pinipilit kayong gumawa ng malaswang gawain, humingi ng payo sa inyong mga magulang at bishop. Tutulungan nila kayo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 36).
“Ang posisyon ng doktrina ng Simbahan ay malinaw: Ang pagtatalik ay para lamang sa isang lalaki at isang babae na ikinasal sa isa’t isa. Gayunman, hindi iyan kailanman dapat gawing katwiran sa kalupitan. Si Jesucristo, na ating sinusunod, ay malinaw sa Kanyang pagkondena sa seksuwal na imoralidad, ngunit hindi Siya kailanman naging malupit. Ang nais Niya ay laging tulungan ang isang tao, hindi ang sirain siya. …
“Magkaiba ang pananaw ng Simbahan sa pagkaakit sa kaparehong kasarian at sa gawaing ukol dito. Bagama’t ang pagkakaroon ng damdamin at inklinasyon sa kaparehong kasarian ay hindi naman kasalanan, ang homoseksuwal na gawain ay salungat sa ‘alituntunin ng doktrina, na naaayon sa sagradong banal na kasulatan … na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mahalaga sa plano ng Manlilikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak’ [“First Presidency Statement on Same-Gender Marriage,” mormonnewsroom.org]” (“Same-Sex Attraction,” Gospel Topics, lds.org/topics).
-
Bakit mahalaga para sa atin na maunawaan ang mga turo ng mga propeta at apostol ng Panginoon tungkol sa homoseksuwal na gawain?
-
Paano natin maipapakita ang kabaitan at pagkahabag sa mga nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian pero sumusuporta pa rin sa posisyon ng Simbahan tungkol sa homoseksuwal na gawain?
Ibuod ang Mga Taga Roma 2:1–3:8 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na lahat ng tao ay hahatulan ayon sa kanilang mga gawa, at ipinakita niya na nagmula ang kasamaan ng mga Judio sa pagpapakitang-tao sa pagsunod sa batas ni Moises ngunit hindi ito isinasapuso.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 3:9–12, 23, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang sinabi ni Pablo na naaapektuhan ng kasalanan.
-
Sino ang sinabi ni Pablo na naaapektuhan ng kasalanan? Ano ang epekto sa atin ng ating mga kasalanan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Lahat ng taong nasa edad na ng pananagutan ay nagkakasala at nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos.)
-
Paano nakatutulong ang katotohanang ito para mas maunawaan natin kung bakit kailangan natin si Jesucristo?
Mga Taga Roma 3:24–31
Aariing-ganap o mabibigyang-katwiran ang lahat ng tao sa pamamagitan ng pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Cristo
Ipaliwanag na sa mga nalalabing talata sa Mga Taga Roma 3, itinuro ni Pablo kung paano nadaig ni Jesucristo ang problemang hinaharap natin—na hindi tinatanggap ng Diyos ang kasalanan at na ang bawat taong nasa edad na ng pananagutan ay nagkakasala. Upang maunawaan ang mga talatang ito, kailangang maunawaan ng mga estudyante ang ibig sabihin ng mga sumusunod na salita: pagbibigay-katwiran o pag-aaring-ganap (“ang mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangangatwiran” scriptures.lds.org]), nagpapayapa ng loob (nagbabayad-salang sakripisyo at pinagmumulan ng awa), at biyaya (“tulong o lakas na mula sa Diyos, na ibinibigay sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ni Jesucristo” [Bible Dictionary, “Grace”]). Maaaring isulat sa pisara ang ibig sabihin ng mga salitang ito bago magklase o magbigay ng handout ng mga salitang ito sa bawat estudyante.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Roma 3:24–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tayo magiging karapat-dapat na makapiling ang Diyos.
-
Ayon sa Mga Taga Roma 3:24, paano tayo mabibigyang-katwiran o aariing-ganap, o maipapahayag na karapat-dapat na makapiling ang Diyos?
Ipaliwanag na binago ng Joseph Smith Translation ng Romans 3:24 ang salitang na walang bayad sa lamang. Ipaliwanag na kahit gaanong kabutihan ang ginagawa natin sa buhay na ito, hindi natin makakamtan o matatanggap ang kaligtasan nang tayo lang sa ating sarili dahil, tulad ng itinuro ni Pablo, nagkasala tayong lahat at hindi aabot sa kaligtasan (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos—ang Kanyang banal na lakas at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan—tayo maliligtas (tingnan din sa Moroni 10:32–33).
-
Ayon sa talata 26, sino ang bibigyang-katwiran o aariing ganap ng biyaya? (Silang may pananampalataya kay Jesus.)
Ipaalala sa mga estudyante kung paano ginamit ni Pablo ang mga katagang sumasampalataya at pananampalataya sa natalakay kanina sa klase.
-
Anong alituntunin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa resulta ng taos-pusong pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan ng taos-pusong pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabibigyang-katwiran o aariing-ganap at tatanggap ng kaligtasan.)
-
Paano natin maipapakita ang taos-pusong pagtanggap sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang pangangailangan sa Tagapagligtas na si Jesucristo at ang magagawa nila upang mas taos-pusong matanggap ang Kanyang Pagbabayad-sala. Sabihin sa kanila na isulat ang nadarama nila sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama at patotoo sa Tagapagligtas.
Ibuod ang Mga Taga Roma 3:27–30 na ipinapaliwanag na binigyang-diin muli ni Pablo na ang isang tao ay nabibigyang-katwiran o naaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa halip na sa kanyang pagsunod sa batas ni Moises.