Home-Study Lesson
I Mga Taga Corinto 7–14 (Unit 22)
Pambungad
Sumulat si Pablo tungkol sa maraming kaloob ng Espiritu. Inihambing niya ang Simbahan sa isang pisikal na katawan at ipinaliwanag na tulad ng pangangailangan ng katawan na gumana nang maayos ang bawat bahagi nito, magagamit ng bawat miyembro ng Simbahan ang mga kaloob ng Espiritu para mag-ambag at magpalakas sa Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 12:1–11
Nagturo si Pablo tungkol sa mga espirituwal na kaloob
Magdispley ng larawan ng sumusunod na bato:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang nakasulat sa ibabaw ng bato. Ipaliwanag na habang nagmimisyon si Pangulong David O. McKay sa Scotland, nakita niya ang batong ito sa ibabaw ng pintuan ng isang gusaling malapit sa Stirling Castle at nabigyang-inspirasyon siya ng mensahe nito (tingnan sa Francis M. Gibbons, David O. McKay: Apostle to the World, Prophet of God [1986], 45).
Ipaliwanag na bawat simbolo sa siyam na parisukat ng bato ay kumakatawan sa isang numerical value. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang numerical value ng bawat hugis. (Mula sa kaliwa pakanan, kumakatawan ang mga simbolo sa 5, 10, at 3 sa itaas na hanay; 4, 6, at 8 sa gitnang hanay; at 9, 2, at 7 sa ibabang hanay.)
-
Ano ang kabuuan ng tatlong numero na kumakatawan sa itaas na hanay? sa gitnang hanay? sa ibabang hanay?
Ipaliwanag na ang kabuuan ng tatlong numero na kumakatawan sa anumang hanay, column, o diagonal na linya sa batong ito ay 18. Isang maaaring dahilan na isinama ang mga hugis na ito sa mga katagang “Maging Ano Ka Man, Gampanang Mabuti ang Iyong Tungkulin” ay dahil kapag iniba ang ayos o binago ang kanilang halaga, ang kabuuan ng mga hanay at column sa bato ay hindi na magiging 18 sa lahat ng direksyon.
Sabihin sa mga estudyante na isipin sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 12 kung paano tayo bilang mga miyembro ng Simbahan katulad ng mga hugis sa bato.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit ibinigay sa atin ang mga kaloob ng Espiritu. (Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “upang pakinabangan naman” ay para sa ikabubuti ng lahat ng mga Banal.)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula kay Apostol Pablo tungkol sa dahilan kung bakit ibinigay sa mga anak ng Ama sa Langit ang mga kaloob ng Espiritu? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang katulad ng sumusunod: Ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinigay para sa kapakanan ng lahat ng mga anak ng Ama sa Langit. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:8–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga espirituwal na kaloob na binanggit ni Pablo.
Sabihin sa mga estudyante na ireport ang mga espirituwal na kaloob na natuklasan nila at ang ibig sabihin ng bawat kaloob. Kung kailangan, ipaliwanag na “ang salita ng karunungan” (talata 8) ay tumutukoy sa mabuting paghatol at angkop na paggamit ng kaalaman; ang “salita ng kaalaman” (talata 8) ay tumutukoy sa kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga batas; ang “pagkilala sa mga espiritu” (talata 10) ay tumutukoy sa paghiwatig sa katotohanan at kasinungalingan at mahiwatigan ang kabutihan at kasamaan sa iba; at ang “iba’t ibang wika” (talata 10) ay tumutukoy naman sa kakayahang magsalita ng wika ng ibang bansa o ng di-kilalang wika.
-
Paano makikinabang ang mga anak ng Diyos sa mga espirituwal na kaloob na ito?
Ipaliwanag na ang mga espirituwal na kaloob na partikular na nabanggit sa mga banal na kasulatan ay ilan lamang sa maraming kaloob na matatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Anong iba pang kaloob ang maibibigay sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
-
Anong mga espirituwal na kaloob ang napansin ninyo sa inyong mga kapamilya, kaibigan, o kaklase?
-
Ano ang maaari nating gawin upang matuklasan ang ating mga espirituwal na kaloob? (Tanungin ang Ama sa Langit ng tungkol sa mga ito sa panalangin at tumanggap at pag-aralan ang ating patriarchal blessing.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa kanila at kung paano sila makikinabang mula sa mga ito at paano magagamit ang mga ito para sa kapakanan ng iba.
I Mga Taga Corinto 12:12–31
Ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinigay para pagpalain ang lahat ng miyembro ng Simbahan.
Sabihin sa apat na estudyante na lumapit sa pisara. I-assign sa bawat estudyante, nang hindi naririnig ng buong klase, ang isa sa mga sumusunod na salita: paa, kamay, tainga, at mata. Sabihin sa bawat estudyante na magdrowing sa pisara ng larawan ng kanilang salita, at sabihin sa klase na hulaan and idinodrowing ng bawat estudyante. Pagkatapos na matukoy nang tama ng klase ang bawat drowing, sabihin sa mga estudyante na bumalik sa kanilang upuan. Sabihin sa klase na isipin kung paano tumutulong ang mga paa, kamay, tainga, at mata sa ginagawa ng katawan.
-
Nasugatan o sumakit na ba ang isang maliit na parte ng inyong katawan, tulad ng isang daliri sa kamay, ngipin, o daliri sa paa? Paano nakaapekto ang maliit na pinsalang ito sa inyong simpleng gawain sa araw-araw?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan inihambing ni Pablo ang katawan at ang mga bahagi nito.
-
Saan inihambing ni Pablo ang katawan at ang mga bahagi nito? (Sa Simbahan ni Jesucristo at sa mga miyembro nito.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference at tanong:
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante. Ipabasa nang sama-sama sa bawat grupo ang I Mga Taga Corinto 12:15–22, 25–31, na inaalam ang mga paraan kung paano inihambing ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na alamin ang itinuro ni Pablo tungkol sa katawan at sa mga bahagi nito bago tukuyin kung paano niya inihalintulad ang mga bahagi ng katawan sa mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ng sapat ng oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo, bakit tinalakay ni Pablo ang mga tungkulin ng bawat miyembro ng Simbahan matapos niyang magsulat tungkol sa mga espirituwal na kaloob?
-
Anong mga problema ang maaaring kinakaharap ng mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito na malulutas ng mga turo ni Pablo tungkol sa mga miyembro ng Simbahan na inihalintulad sa mga bahagi ng katawan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa paghahalintulad ni Pablo ng mga miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan? (Maaaring iba’t iba ang matukoy na mga alituntunin ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag ginamit natin ang ating mga natatanging espirituwal na kaloob upang maglingkod sa iba, mapapalakas natin ang Simbahan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Balikan ang larawan ng bato na idinispley sa simula ng lesson.
-
Paano tayo bilang mga miyembro ng Simbahan katulad ng magkakaibang hugis sa batong ito? (Lahat tayo ay natatangi, at mahalaga ang ating ginagampanan saanman tayo tawagin ng Panginoon na maglingkod. Kapag pinagsasama-sama natin ang ating mga kaloob at kakayahan para maglingkod sa Panginoon, pagpapalain ang buong Simbahan. May kabuluhan ang ginagawa natin, at ito ay makatutulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Simbahan.)
-
Paano ninyo nakita na napalakas ang inyong pamilya; ang klase sa seminary, Sunday School, Young Women, o priesthood; o isang ward o branch ng mga espirituwal na kaloob ng mga miyembro nito?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila magagamit ang kanilang mga espirituwal na kaloob para mapalakas ang Simbahan at mapagpala ang buhay ng iba. Ituro ang payo ni Pablo na nakatala sa I Mga Taga Corinto 12:31 na “maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob.” (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng nasain ay “pagsikapang matamo.”)
-
Ano ang magagawa natin para mapagsikapang matamo “ang lalong dakilang mga kaloob” ng Espiritu (tingnan din sa D at T 46:8–9)?
Ihayag ang iyong patotoo at pasasalamat sa mga espirituwal na kaloob, at hikayatin ang mga estudyante na pagsikapang matamo ang mga ito at gamitin ang kanilang mga espirituwal na kaloob sa paglilingkod sa iba at pagpapalakas ng Simbahan.
Susunod na Unit (I Mga Taga Corinto 15–II Mga Taga Corinto 7)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong sa pag-aaral nila ng susunod na unit: Bakit binanggit ni Apostol Pablo ang binyag para sa mga patay? Sino ang mabubuhay na mag-uli? Anong kaluwalhatian ang ilalaan sa nabuhay na mag-uling nilalang? Magkakatulad ba ang kaluwalhatian ng lahat ng mabubuhay na mag-uling nilalang? Sabihin sa mga estudyante na isipin ang nagbibigay sa kanila ng pag-asa, lalo na kapag dumaranas sila ng kalungkutan, problema, o trahedya. Ipaliwanag na matututuhan nila sa susunod na unit ang mga doktrina at alituntunin mula sa mga turo ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na makapagbibigay sa kanila ng kapayapaan at pag-asa.