Library
Lesson 121: Mga Taga Efeso 2–3


Lesson 121

Mga Taga Efeso 2–3

Pambungad

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Efeso na ang lahat ng makasalanan ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at na ang mga Judio at Gentil ay naging isa sa sambahayan ng Diyos. Ipinaliwanag din ni Pablo na ang Simbahan ni Jesucristo ay itinatag sa kinasasaligan ng mga apostol at propeta, at ibinahagi niya ang kanyang hangarin na maranasan ng mga Banal ang pag-ibig ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Efeso 2

Itinuro ni Pablo kung paano inililigtas ng dugo ni Jesucristo kapwa ang mga Judio at mga Gentil

Sa pagsisimula ng klase, sabihin sa isa o higit pang mga estudyante mo (depende sa laki ng iyong klase) na umupo sa sahig sa iba’t ibang lugar sa inyong silid-aralan. Maglagay ng hangganan gamit ang isang tape o tali sa pagitan ng mga estudyanteng ito at sa nalalabing mga miyembro ng klase, at pagkatapos ay sabihan ang mga nakahiwalay na estudyante na hindi (pa) sila maaaring makibahagi sa klase. Tanungin ang nalalabing mga estudyante:

  • Ano ang sinasabi sa atin ng sitwasyong ito tungkol sa inyo at sa mga nakahiwalay na mga estudyante? (Na ang isang grupo ay mas pinapaboran kaysa sa isa.)

  • Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman ng mga ihiniwalay na mga estudyante? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung naranasan na nila ang ganito sa kanilang buhay.

Gumawa sa pisara ng dalawang column at isulat sa isang column ang Mga Gentil at ang Mga Judio sa isa pa.

  • Ayon sa natutuhan ninyo tungkol sa kalagayang panlipunan ng ilang sangay ng Simbahan noong ministeryo ni Pablo, ano ang pangalan na babagay sa mga ihiniwalay na mga estudyante? (Mga Gentil.) Ano ang pangalang akma sa nalalabing mga estudyante? (Mga Judio.)

  • Ano kaya ang sanhi ng paghihiwalay na ito? (Naniniwala ang ilang mga Judio na dahil sila ay mga ipinanganak na Israelita at natuli na, mas pinapaboran sila ng Diyos at nakahihigit kaysa sa mga sumaping Gentil.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 2:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang espirituwal na kalagayan ng mga Banal na Gentil (“kayo” at “inyo” sa mga talata 1-2) at ang mga Banal na Judio (“tayo” sa talata 3) bago ang kanilang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan. Ipaliwanag na ang katagang “pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin” sa talata 2 ay tumutukoy sa diyablo at ang kanyang laganap na impluwensya sa buong mundo.

  • Ayon sa mga talata 1–2, paano inilarawan ni Pablo ang mga Gentil bago ang kanilang pagbabalik-loob? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng column na “Mga Gentil”.)

  • Ayon sa talata 3, paano inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili at ang mga Judio bago ang kanilang pagbabalik-loob? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng column na “Mga Judio.”)

Ipaliwanag na ang mga Gentil gayon din ang mga Judio ay mga patay sa aspetong espirituwal, o ihiniwalay sa Diyos, dahil sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa talata 1).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 2:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang espirituwal na kalagayan ng mga Banal na Gentil at Judio matapos ang kanilang pagbabalik-loob. Sabihin na ang salitang binuhay ay binuhay sa aspetong espirituwal at ang sangkalangitan ay tumutukoy sa mga kaharian sa langit na minamana ng mga tao.

  • Paano inilarawan ni Pablo ang mga Banal matapos silang magbalik-loob? (SIla ay binuhay ng Panginoon mula sa pagiging makasalanan at patay sa aspetong espirituwal. Paalalahanan ang mga estudyante na tinutukoy natin ito bilang espirituwal na pagsilang na muli [tingnan sa Mosias 27:24–26].)

Ipabasa nang malakas sa ilang estudyante ang Mga Taga Efeso 2:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang dahilan kung bakit nagawa ng mga Gentil at mga Judio ang mga pagbabagong ito.

  • Ano ang dahilan kung bakit nagawa ng mga Gentil at mga Judio ang mga pagbabagong ito? (Ang biyaya ni Jesucristo.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa bagay na nagawang posible ng biyaya ni Jesucristo para sa lahat ng mga anak ng Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Dahil sa biyaya ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya.)

Ipaliwanag na binigyang-diin ni Pablo na hindi tayo maliligtas dahil lamang sa ating mga gawa kahit gaano man kabubuti ang mga ito (tingnan sa mga talata 8–9). Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang natukoy na katotohanan sa itaas, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Dahil lahat tayo ay ‘nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios’ [Mga Taga Roma 3:23] at dahil ‘walang anumang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian ng Diyos’ [1 Nephi 15:34], lahat tayo ay hindi karapat-dapat na pumasok sa kinaroroonan ng Diyos. …

“… Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin itong mag-isa.

“Ngunit may pag-asa pa.

“Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa.

“Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, ang plano ng awa ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan [tingnan sa Alma 42:15] ‘at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi’ [Alma 34:15].

“Ang ating mga kasalanan, bagama’t mapula, ay maaaring maging simputi ng niebe [tingnan sa Isaias 1:18]. Dahil ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas ay ‘ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat’ [I Ni Timoteo 2:6], naglaan Siya ng pasukan sa atin tungo sa Kanyang walang-hanggang kaharian [tingnan sa II Ni Pedro 1:11].

“Bukas ang pintuan! …

“Para manahin natin ang kaluwalhatiang ito, kailangan natin ng higit pa sa bukas na pintuan; kailangan nating pumasok sa pintuang ito na may hangarin sa puso na magbago—isang pagbabago na dahil sa laki ay inilarawan ito sa mga banal na kasulatan na “isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa ating makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae.” [Mosias 27:25]. …

“Ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, at ang hangarin nating sundin ang bawat utos ng Diyos ay pag-unat ng ating kamay upang tanggapin ang sagradong kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108, 110).

  • Paano makatutulong ang pagsampalataya kay Jesucristo at ang pagsisisi ng ating mga kasalanan upang matanggap natin ang kaloob na biyaya?

detalye, modelo ng templo ng Jerusalem

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang historikal na konteksto ng ugnayan ng mga Judio at mga Gentil bago itinuro ang ebanghelyo sa lahat ng mga anak ng Diyos, ipakita ang kalakip na larawan ng “pader na nasa gitna na nagpapahiwalay” (Mga Taga Efeso 2:14) sa napapaderang labas ng templo sa Jerusalem (o sabihin sa mga estudyante na buksan ang Mga Larawan sa Biblia, blg. 9, “Templo ni Herodes” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ipaliwanag na ang mga Gentil, na hindi gumawa ng tipan sa Panginoon, ay pinagbabawalang lumagpas sa pader na ito papunta sa mga mas sagradong lugar ng templo; sila ay tinatrato bilang mga “taga ibang lupa at mga manglalakbay” (Mga Taga Efeso 2:19). Ang pisikal na pader na nasa gitna na nagpapahiwalay ay sumisimbolo sa espirituwal na paghihiwalay na umiiral sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil bago dumating ang paghahayag kay Pedro na ang ebanghelyo ay ipangangaral sa mga Gentil.

Anyayahan ang ilan sa mga estudyante na nakahiwalay sa klase na magsalitan sa pagbabasa nang malakas ng Mga Taga Efeso 2:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa nagpapahiwalay sa mga Judio at Gentil. Ipaliwanag sa klase na ang pagkakaalit o kaguluhan ay “sigalutan, pagtutunggalian, at pagtatalo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaguluhan,” scriptures.lds.org).

  • Paano pinag-isa ang mga Gentil at mga Judio? (Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ang matalinghagang espirituwal na pader na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil ay natanggal, at sila ay naging “isang bagong tao” [Mga Taga Efeso 2:15], o isang nagkakaisang katawan kay Cristo. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa paglapit natin kay Jesucristo at pakikibahagi sa Kanyang biyaya, nagiging kaisa tayo ng mga Banal ng Diyos.)

Alisin ang tape o tali na naghihiwalay sa mga estudyante, at anyayahan ang mga ihiniwalay na estudyante na makihalo na sa ibang mga estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na kumakatawan sa mga Judio na anyayahan ang mga nahiwalay na estudyante na tumabi sa kanila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Efeso 2:16–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga kataga na mas magbibigay-diin sa katotohanan na sa paglapit natin kay Jesucristo at pakikibahagi sa Kanyang biyaya, nagiging kaisa tayo ng mga Banal ng Diyos.

  • Anong mga kataga ang nahanap ninyo na mas nagbibigay-diin sa katotohanan na sa paglapit natin kay Jesucristo at pakikibahagi sa Kanyang biyaya, nagiging kaisa tayo ng mga Banal ng Diyos?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan at isabuhay ang katotohanang ito sa Simbahan ngayon?

  • Paano tayo tutulong sa iba na maging o maramdamang muli na sila ay “mga kababayan” (talata 19) sa Simbahan at hindi mga taga ibang lupa o estranghero?

  • Kailan kayo natulungan ng isang tao na maramdamang mga kababayan kayo ng mga Banal at hindi isang estranghero? Kailan ninyo natulungan ang isang tao na maramdaman na kabilang sila sa mga Banal?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 2:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na kinasasaligan ng Simbahan.

  • Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo sa mga talatang ito tungkol sa kaayusan ng Simbahan ng Panginoon? (Maaaring gumamit ng ibang mga salita ang mga estudyante, ngunit tulungan sila na matukoy na ang Simbahan ng Panginoon ay itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Jesucristo rin ang pangulong bato sa panulok.)

  • Ano ang bato sa panulok? (Isang malaking bato na inilalagay sa sulok ng isang pundasyon upang magbigay ng lakas at katatagan sa buong estruktura.)

bato sa panulok

Gumuhit ng isang simpleng larawan ng isang bato sa panulok na nagkokonekta sa dalawang pader.

  • Sa paanong paraan nagiging pangulong bato sa panulok si Jesucristo sa Simbahan? Ayon sa talata 21, ano ang nangyayari sa buong simbahan dahil sa bato sa panulok na ito?

  • Sa paanong paraan binubuo ng mga apostol at mga propeta ang natitirang kinasasaligan ng Simbahan?

  • Paano nakapagbibigay ng katatagan sa Simbahan at pumuprotekta laban sa mga atake ng diyablo ang saligang ito?

Mga Taga Efeso 3

Nagpahayag si Pablo ng kanyang hangarin para sa mga Banal sa Efeso

Ibuod ang Mga Taga Efeso 3:1–16 na ipinapaliwanag na nangaral si Pablo tungkol kay Jesucristo at itinuro na sa pamamagitan Niya, ang mga Gentil ay maaaring maging “tagapagmana” (talata 6) tulad ng Israel at makatanggap ng mga pangako ng Diyos.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Efeso 3:14–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang hinangad ni Pablo na makatutulong sa mga Banal na makaalam at makadama.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ninais ni Pablo na malaman at madama ng mga Banal?

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hinahangad ng mga apostol at mga propeta na tulungan ang mga anak ng Diyos na malaman at madama ang pag-ibig ni Jesucristo.

Ipakita ang pahina na nagpapakita ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol mula sa pinakahuling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Ensign o Liahona.

  • Paano hinahangad ng mga apostol at mga propeta na tulungan ang mga anak ng Diyos na malaman at madama ang pag-ibig ni Jesucristo sa ating panahon?

  • Kailan ang pagkakataon na natulungan kayo ng mga turo ng mga apostol at mga propeta na mas malaman at mas madama ang pag-ibig ni Jesucristo?

Magtapos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson, at anyayahan ang mga estudyante na kumilos alinsunod sa mga katotohanang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Taga Efeso 2:8–10. “Sapagkat sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya … para sa mabubuting gawa”

“Sa Mga Taga Efeso 2:8–10, tinalakay ni Pablo ang kaugnayan sa pagitan ng biyaya, pananampalataya, at mabubuting gawa. Sa huli, darating ang kaligtasan sa pamamagitan ng kabutihan ng mga ginawa ni Jesucristo, at hindi sa ating sarili. Tinawag ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesucristo na ‘gawa [ng Diyos], na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa’ (Mga Taga Efeso 2:10). Binibigyang-diin nito ang gawain ng Panginoon sa halip na ang ating gawain at itinuturo na ang kakayahan nating gumawa ng kabutihan ay nag-uugat mula sa pagbabago ng kalooban na sanhi ng biyaya ni Jesucristo kapag bumabaling tayo sa Kanya nang may pananampalataya (tingnan din sa I Mga Taga Corinto 15:10 at Mga Taga Filipos 2:13)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 425).

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang kaligtasan sa lahat ng mga anyo, uri, at antas nito ay nagmumula sa biyaya ng Diyos. Ibig sabihin, dahil sa kanyang pag-ibig, awa, at pagpapakababa, ang Diyos na ating Ama ay inorden ang plano at sistema ng kaligtasan na magsasakatuparan ng ‘kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.’ (Moises 1:39.) Alinsunod sa planong ito, ipinadala niya ang kanyang Bugtong na Anak sa mundo upang isakatuparan ang walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo. …

“Kung gayon, ang tao ay naligtas sa pamamagitan lamang ng biyaya, kung tinutukoy ang pagkabuhay na mag-uli; sila ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya na sinamahan ng pagsunod, kung tinutukoy ang buhay na walang hanggan. Ang plano ng ebanghelyo ay ang iligtas ang tao at mapunta sa kahariang selestiyal, at dahil dito, itinuro ni Pablo ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, sa pamamagitan ng pagsunod, sa pamamagitan ng pagtanggap kay Cristo, sa pamamagitan ng pagsunod ng mga kautusan. Kaya isinulat ni Nephi, ‘Makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa’ (2 Ne. 25:23), at itinala ni Moroni, ‘Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.’ (Moro. 10:32.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:498–99).

Mga Taga Efeso 2:20–22. Ang kinasasaligan at bato sa panulok ng Simbahan

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kaayusan ng Simbahan:

“Sa panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng Aklat ni Mormon, at sa makabagong panahon ang mga opisyal na ito ang bumubuo ng saligang bato ng totoong Simbahan, na nakapaligid at tumatanggap ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok na ‘bato ng ating Manunubos, na si [Jesu]cristo, ang Anak ng Diyos’ [Helaman 5:12]. … Ang gayong pagsalig kay Cristo ay mananatiling proteksyon sa mga panahon na ‘kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo” (“Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 7).

Ang katagang “nakalapat na mabuti” sa Mga Taga Efeso 2:21 ay nagsasaad ng isang mahalagang aral tungkol sa pagkakaisa sa Simbahan. Walang dalawang bloke ng bato na bumubuo sa estruktura ang lubos na magkatulad, at marami ang may iba’t ibang laki at hugis. Ngunit ang mga bloke ay “nakalapat na mabuti” para bumuo ng isang estruktura. Tulad nito, walang dalawang miyembro ng Simbahan ang lubos na magkatulad, ngunit ang lahat ay magkakasamang “nakalapat na mabuti” upang buuin ang Simbahan ng Panginoon.