Home-Study Lesson
Lucas 5:1–10:37 (Unit 10)
Pambungad
Isang tagapagtanggol ang nagtanong sa Tagapagligtas, “Anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?” (Lucas 10:25). Ang sumusunod na mga ideya sa pagtuturo ay makatutulong sa mga estudyante na matutuhan ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 10:25–37
Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng mabuting Samaritano
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Ang mga tao sa paligid natin ay hindi perpekto. Ang mga tao ay nakakagawa ng mga bagay na nakakayamot, nakakalungkot, at nakakagalit. Lagi itong mangyayari sa mortal na buhay na ito” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 77).
Sabihin sa klase na pag-isipang mabuti kung may tao silang kilala na gumagawa ng mga bagay na nakakayamot, nakakalungkot, at nakakagalit sa kanila.
-
Bakit parang mahirap mahalin ang isang tao na gumagawa ng ganitong mga bagay?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Lucas 10:25–37 na gagabay sa kanila sa pakikihalubilo nila sa mga taong maaaring mahirap mahalin.
Ipaalala sa mga estudyante na sa kanilang personal na pag-aaral ng Lucas 10, nalaman nila ang tungkol sa tagapagtangol na nagtanong sa Tagapagligtas kung paano magmamana ng buhay na walang hanggan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:26–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin upang magtamo ng buhay na walang hanggan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, dapat nating ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.
-
Ano ang ibig sabihin ng iibigin mo ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip?
Ituro ang mga katagang “ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili” sa pisara. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng ibigin o mahalin ang ating kapwa-tao gaya ng ating sarili, sabihin sa kanila na maglista sa pisara ng mga bagay na ginagawa nila sa karaniwang araw. (Maaaring kasama sa mga ito ang paghahanda para sa maghapon, pagkain, pagtulog, paggawa ng homework, at iba pa.)
Pagkatapos maglista sa pisara, sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ilan sa kanilang mga aktibidad ang nakatuon sa kanilang sarili. (Maaari mong ipatukoy sa kanila kung para sa kanilang sarili, para sa iba, o para sa Diyos ang mga bagay na nakalista sa pisara.)
-
Ano ang matututuhan natin sa aktibidad na ito?
-
Ano ang ilang paraan na maaari nating mas madalas na pagtuunan ang kapakanan ng iba at naising mahalin sila, gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili?
-
Ano ang ilan sa mga paraan na magagawa natin ito maging sa mga aktibidad na ginagawa natin para sa ating sarili? (Maaaring kasama sa mga halimbawa ang panananghalian kasama ang mga taong tila nalulungkot o pagpuri sa iba sa ating mga aktibidad sa paaralan.)
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa pagsulong natin sa buhay na walang hanggan ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa-tao gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pangalawang tanong ng tagapagtanggol kay Jesus.
-
Ano ang pangalawang tanong ng tagapagtanggol?
Ihanda ang ilang estudyante sa pagsasadula ng talinghaga ng mabuting Samaritano sa Lucas 10:30–35. Anyayahan ang isang estudyante na maging narrator at ang iba ay sa papel na sugatang lalaking Judio, dalawang magnanakaw, isang saserdote, isang Levita, at ang Samaritano. (Kung kakaunti lang ang estudyante mo, maaari silang gumanap sa maraming tauhan.) Maaari kang maghanda ng ilang props, maaaring isama rito ang mga name tag, ekstrang damit na kukunin sa lalaking Judio, dalawang lalagyan na kakatawan sa langis at alak, isang upuang may gulong para kunwari ay hayop, at dalawang barya bilang dalawang denario. (Paalala: Maaaring ikaw ang pumili ng gaganap sa dula-dulaan at bigyan sila ng espesipikong mga instruksyon bago magklase para matiyak na magiging epektibo, angkop, at ligtas ang dula-dulaan.)
Ipabasa nang malakas sa narrator ang Lucas 10:30–35, at sabihin sa kasali na isadula ang talinghaga. Sabihin sa iba pa sa klase na makinig at manood, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kung sino ang ating kapwa-tao. Pagkatapos magdula-dulaan, paupuin na ang mga estudyante.
-
Alin sa mga ginawa ng Samaritano ang nagpahanga sa inyo nang husto?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang maaaring asahan sa isang saserdote, Levita, at Samaritano, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag:
Sa nakasulat na batas ni Moises, ang mga saserdote at Levita ay inatasan [at may resposibilidad] na paglingkuran ang Diyos at kanilang kapwa-tao, kapwa sa loob ng templo at bilang mga guro at huwaran sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Alam ng mga mayhawak na ito ng priesthood ang tungkol sa kautusang “iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili” (Levitico 19:18). Sa katunayan, ang mga Levita ay inutusan lalo na sa pagtulong sa mga manlalakbay sa ikabubuhay nito at sa iba pang mga paraan (tingnan sa Levitico 25:35–36). Sa kabilang banda, “Bahagyang Israelita at bahagyang Gentil ang mga Samaritano. Ang kanilang relihiyon ay pinaghalong mga paniniwala at kaugalian ng Judio at pagano. … Nabuo [ang pagkamuhi ng] mga Judio sa mga Samaritano dahil ang mga Samaritano ay tumalikod mula sa relihiyon ng Israelita” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga,” scriptures.lds.org). Ang mga Judio at Samaritano ay talagang iniiwasan ang bawat isa.
-
Sa talinghaga, bakit kaya nakagugulat ang ginawa ng saserdote, Levita at Samaritano?
-
Ano ang maaaring mga dahilan ng Samaritano para hindi tulungan ang sugatang Judio?
-
Ayon sa Lucas 10:33, bakit naantig ang Samaritano na tumulong nang makita niya ang sugatang lalaki?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng nagdalang-habag ay napansin ang pangangailangan o problema ng ibang tao at nakadama ng pagnanais na gawin ang anumang magagawa natin upang tulungan ang taong iyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kasunod na itinuro ng Tagapagligtas sa tagapagtanggol.
-
Paano nasagot ng talinghagang ito ang tanong sa talata 29, “Sino ang aking kapuwa tao?”
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang paggamit ng Tagapagligtas sa Samaritano sa talinghagang ito ay nagpapahiwatig na ang ating kapuwa tao ay hindi lamang ang mga taong nakatira malapit sa atin kundi ang sinuman sa mga anak ng Ama sa Langit—kabilang na ang mga yaong pinakamahirap nating mahalin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Kailangan nating alalahanin na bagama’t makakapili tayo ng mga kaibigan, ang Diyos ang pumipili ng mga taong ilalapit sa atin—saan man. Ang pagmamahal ay hindi dapat limitahan. … Sabi ni Cristo, ‘Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?’ (Mateo 5:46)” (“The Lord’s Touchstone,” Ensign, Nob. 1986, 35).
-
Ayon sa Lucas 10:37, ano ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat gawin ng tagapagtanggol?
Sabihin sa mga estudyante na isipin muli ang mga tao na sa akala nila ay mahirap para sa kanila na mahalin.
-
Ano ang magagawa natin para mahalin at kahabagan ang mga taong mahirap para sa atin na mahalin?
-
Isipin ang panahon na kayo o ang isang kakilala ninyo ay sinunod ang payo ng Tagapagligtas na “ibigin … ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Lucas 10:27). Ano ang naging resulta?
Patotohanan ang mga katotohanang itinuro sa lesson na ito. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag at ipakumpleto ito sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal: Tutularan ko ang halimbawa ng mabuting Samaritano sa pamamagitan ng …
Susunod na Unit (Lucas 10:38–17:37)
Ipaliwanag sa mga estudyante na pag-aaralan nila sa susunod na unit kung paano paulit-ulit na pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo na nagkukunwaring mga matwid ngunit sa katunayan ay mga makasarili. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano sila hindi magiging katulad ng mga Fariseo at kung paano sila magiging mas mapagkumbabang tagasunod ni Cristo. Pag-aaralan din nila ang ilan sa iba pang mga talinghaga na ibinigay ni Jesus, kabilang ang talinghaga ng alibughang anak. Sabihin sa kanila na pansinin ang nangyari sa mayamang lalaki na itinuon ang kanyang buhay sa pagpapayaman at hindi tinulungan ang mga maralita.