Lesson 157
Apocalipsis 14–16
Pambungad
Sa isang pangitain, nakita ni Apostol Juan na ipinanunumbalik ng isang anghel ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw. Narinig din niya ang isang tinig mula sa langit na inilalarawan ang mga pagpapalang darating sa mga taong namatay na matatapat sa Panginoon. Nakita ni Juan ang pagtitipon ng mabubuti at ang pagtitipon ng masasama sa mga huling araw at ang mga kahatulan ng Diyos na ibubuhos sa masasama.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Apocalipsis 14
Nakita ni Juan ang Panunumbalik ng ebanghelyo at ang pagtititpon ng mabubuti at masasama
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Posible bang makadama ng kapayapaan kahit na puno ang daigdig ng kasamaan, kalamidad, at karahasan?
Sabihin sa ilang estudyante na sagutin ang tanong na ito at ipaliwanag ang kanilang mga sagot.
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 14–16 ang mga katotohanang makapagbibigay sa kanila ng kapayapaan habang nabubuhay sa isang daigidig na puno ng kasamaan at kaguluhan bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Apocalipsis 14:1–13, si Apostol Juan ay nakakita ng isang pangitain tungkol sa mga huling araw. Nakita niya sa kanyang pangitain ang mga kalamidad na darating sa masasama. Nakita rin niya kung ano ang magdadala ng kapayapaan sa mabubuti.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 14:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ni Juan na mangyayari sa mga huling araw.
-
Ano ang nakita ni Juan na mangyayari sa mga huling araw?
Ipaalala sa mga estudyante na ang 144,000 ay ang matataas na saserdote o high priest ng labindalawang lipi ni Israel na ioorden mula sa bawat bansa upang pangasiwaan ang ebanghelyo at dalhin ang mga tao sa Simbahan (tingnan sa Apocalipsis 7:4–8; D at T 77:11).
-
Ayon sa mga talata 4–5, paano inilarawan ni Juan ang 144,000 na mataas na saserdote na mangangasiwa sa ebanghelyo sa buong mundo? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “hindi nangahawa sa mga babae” [talata 4] ay malinis ang kanilang puri, ang ibig sabihin ng mga katagang “sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan” [talata 5] ay tapat sila, at ang ibig sabihin ng mga katagang “walang dungis” [talata 5] ay malinis sila mula sa kasalanan.)
-
Sa inyong palagay, bakit ang pagiging malinis ang puri, tapat, at malinis mula sa kasalanan ay makatutulong sa 144,000 na mataas na saserdote sa pagdadala ng ebanghelyo sa iba?
Ipaliwanag na sa pangitain ni Juan tungkol sa mga huling araw ay nakakita siya ng tatlong anghel. Anyayahan ang tatlong estudyante na kumatawan sa tatlong anghel (maaaring manatili lang sa kanilang upuan ang mga estudyanteng ito). Ipabasa nang malakas sa estudyanteng kumakatawan sa unang anghel ang Apocalipsis 14:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang dala ng anghel.
-
Ano ang dala ng anghel?
Ipabasa nang malakas sa estudyanteng kumakatawan sa unang anghel ang Doktrina at mga Tipan 133:36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ng anghel sa walang hanggang ebanghelyo.
-
Ano ang ginawa ng anghel sa walang hanggang ebanghelyo?
Ipakita ang larawang Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 91; tingnan din sa LDS.org). Ipakuwento sa isang estudyante ang nangyari sa unang pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith. (Kung kailangang ipaalala sa mga estudyante ang mga pangyayaring ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–35.)
-
Sa tagubilin ng Diyos, ano ang ibinigay ni Moroni kay Joseph Smith na nakatulong sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mundo? (Ang tala na naglalaman ng Aklat ni Mormon.)
Magdispley ng larawan ng isang templo na may estatwa ni anghel Moroni sa tuktok, tulad ng larawan ng Salt Lake Temple na matatagpuan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (blg. 119; tingnan din sa LDS.org).
-
Sa inyong palagay, bakit nasa tuktok ng karamihan sa ating mga templo ang anghel na si Moroni?
Ipaliwanag na sa isang mensahe sa kumperensya, binanggit ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Apocalipsis 14:6 at ipinahayag, “Dumating na ang anghel na iyan. Ang pangalan niya ay Moroni” (“Stay the Course—Keep the Faith,” Ensign, Nob. 1995, 70). Ang anghel ay maaaring kumatawan din sa ilang iba’t ibang sugo mula sa langit, kabilang si Moroni, na tumulong sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:529–31; tingnan din sa D at T 13; 110:11–16; 128:20–21).
Ipabasa nang malakas sa estudyanteng kumakatawan sa unang anghel ang Apocalipsis 14:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng anghel.
-
Ano ang sinabi ng anghel?
-
Ano ang kahulugan ng mga katagang “dumating ang panahon ng kaniyang paghatol”? (Darating ang panahon na hahatulan ni Jesucristo ang lahat ng tao sa buong mundo. Ang Kanyang paghatol ay mangyayari kapwa sa Ikalawang Pagparito [tingnan sa Malakias 3:1–5] at sa Huling Paghuhukom [tingnan sa 2 Nephi 9:15].)
-
Ayon sa natutuhan natin, ano ang isang dahilan kung bakit ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo ni Jesucristo upang ihanda ang mga naninirahan sa lupa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
-
Sa paanong paraan inihahanda ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga tao para sa Kanyang Ikalawang Pagparito?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nakatulong sa kanila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na makadama ng kapayapaan habang nabubuhay sa isang daigdig na puno ng kasamaan at kaguluhan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang naisip nila.
Sabihin sa estudyanteng kumakatawan sa pangalawang anghel na basahin nang malakas ang Apocalipsis 14:8 at sa estudyanteng kumakatawan sa pangatlong anghel na basahin nang malakas ang Apocalipsis 14:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mga anghel.
-
Ayon sa talata 8, ano ang sinabi ng pangalawang anghel? (Ipaliwanag na ang isang kahulugan ng mga katagang “naguho ang dakilang Babilonia” ay darating ang panahon na magwawakas ang kasamaan sa daigdig.)
-
Paano magdadala sa atin ng kapayapaan ang kaalamang ang kasamaan ng daigdig ay magwawakas?
-
Ayon sa talata 9–11, ano ang sinabi ng pangatlong anghel na mangyayari sa mga yaong pipiliing sundin ang “hayop” (talata 9), o si Satanas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano ipinaliwanag ng Propeta ang paghihirap na mararanasan ng masasama pagkatapos nilang mamatay.
“Ang malaking kalungkutan ng mga namatay na nasa daigdig ng mga espiritu, kung saan sila pumaparoon matapos mamatay, ay ang malaman na bigo silang makamtan ang kaluwalhatiang tinatamasa ng iba na sana’y tinatamasa rin nila, at sila mismo ang nagsakdal sa kanilang sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 261).
“Ang tao ang nagpapahirap at sumusumpa sa kanyang sarili. Kaya nga sinasabing, Sila ay magtutungo sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre [tingnan sa Apocalipsis 21:8]. Ang pighati ng pagkabigo sa isipan ng tao ay kasingtindi ng isang lawang nagniningas sa apoy at asupre” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 261).
-
Ayon kay Propetang Joseph Smith, anong bahagi ng paghihirap ang mararanasan ng masasama pagkatapos nilang mamatay?
Ipaliwanag na matapos malaman kung ano ang mararanasan ng masasama pagkatapos nilang mamatay, narinig ni Juan ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi kung ano ang mararanasan ng mabubuti pagkatapos nilang mamatay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 14:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang mararanasan ng mabubuti pagkatapos nilang mamatay.
-
Ano ang mararanasan ng mabubuti pagkatapos nilang mamatay?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sila ay “mangagpa[pa]hinga sa kanilang mga gawa”? (talata 13).
-
Paano ninyo ibubuod ang mga turo ni Juan sa mga talata 12–13 bilang isang alituntunin? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung mamumuhay tayo nang matwid, mapagpapala tayo sa ating mga ginawa at makapapahinga mula sa ating mga gawain matapos tayong mamatay.)
-
Paano nagdadala ng kapayapaan ang alituntuning ito kahit napaliligiran tayo ng kasamaan?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pamumuhay nang matwid sa daigdig na puno ng kasamaan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang magagawa nila sa kanilang buhay upang matiyak na hindi nila daranasin ang paghihirap ng masasama at sa halip ay magtamasa ng kapayapaan ng mabubuti. Sabihin sa kanila na sundin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.
Ibuod ang Apocalipsis 14:14–20 na ipinaliliwanag na inilarawan ni Juan ang dalawang pag-aani. Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan sa unang pag-aani na ang mabubuti ay matitipon mula sa masasama (tingnan sa mga talata 14–16) at sa ikalawang pag-aani na ang masasama ay matitipon at lubusang malilipol (tingnan sa mga talata 17–20).
Apocalipsis 15–16
Nakita ni Juan ang mabubuti sa selestiyal na kaharian at ang pitong salot sa mga huling araw
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 15:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ni Juan na mangyayari sa mga huling araw. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Apocalipsis 15–16, inilarawan ni Juan ang pitong salot na magpapahirap sa masasama sa mga huling araw. Gayunman, bago niya ilarawan ang mga salot na ito, tumigil si Juan para banggitin muli ang mga pagpapala na matatanggap ng mabubuti. Ibuod ang Apocalipsis 15:2–4 na ipinapaliwanag na nakita ni Juan sa pangitain ang mga yaong magtatagumpay laban kay Satanas at magpupuri sa Diyos sa kahariang selestiyal.
Magdrowing sa pisara ng pitong lalagyan o mangkok, at lagyan ng numero ang mga ito ng 1 hanggang 7 (o isulat na lang ang mga numero sa pisara). Ipaliwanag na nakakita si Juan sa kanyang pangitain ng pitong lalagyan, o mangkok, na naglalaman ng pitong salot.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 16:2–4, 8–12, 16–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Juan ang pitong salot. Tumigil sandali matapos mailarawan ang bawat salot, at sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang salot sa kaukulang lalagyan (o numero) nito sa pisara.
Pagkatapos basahin ng isang estudyante ang paglalarawan ni Juan sa ikatlong salot, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 16:6. Sabihin sa klase na alamin ang isang dahilan kung bakit daranasin ng mga tao ang salot na ito sa mga huling araw.
-
Ano ang isang dahilan kung bakit daranasin ng mga tao ang salot na ito?
Matapos basahin ng isang estudyante ang paglalarawan sa ikaanim na salot, ipaliwanag na sa salot na ito, ang Ilog na Eufrates ay matutuyo upang maihanda para sa pagtitipon ng mga hari sa mundo para sa digmaan sa Armagedon (tingnan sa Apocalipsis 16:12–16; tingnan din sa Zacarias 12:11). Sa pagtatapos ng digmaang ito, ang Tagapagligtas ay magpapakita sa mga tao sa Jerusalem (tingnan sa D at T 45:47–53) at sa lahat ng tao sa buong mundo (tingnan sa Mateo 24:30; D at T 101:23).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 16:15, at sabihin sa klase na alamin ang magagawa natin para maging handa sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipaliwanag na ang mga katagang “nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya’y lumakad na hubad” ay tumutukoy sa pagiging espirituwal na handa.
-
Ayon sa talata 15, ano ang magagawa natin para maging handa sa Ikalawang Pagparito ni Jesucriato? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapagbantay at espirituwal na handa, magiging handa tayo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
-
Ano ang ilang paraan na magiging espirituwal tayong handa?
Magpatotoo na mahal ng Panginoon ang Kanyang mga tao at ninanais na maghanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Hikayatin ang mga estudyante na maging mapagbantay at maging espirituwal na handa upang matanggap nila ang mga pagpapala ng Panginoon.