Library
Lesson 66: Juan 7


Lesson 66

Juan 7

Pambungad

Dumalo si Jesus sa Kapistahan ng mga Tabernakulo sa Jerusalem. Nagpunta Siya sa templo at nagturo sa mga tao roon kung paano sila makatatanggap ng patotoo na ang Kanyang mga turo ay galing sa Diyos Ama. Dahil nagtatalo ang mga tao kung sino si Jesus, ginamit Niya ang tubig at ilaw sa matalinghagang paraan upang patotohanan ang Kanyang pagkadiyos at kabanalan. Nagturo rin Siya tungkol sa Espiritu Santo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 7:1–13

Dumalo si Jesus sa Kapistahan ng mga Tabernakulo

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: May mga kapatid ba si Jesus?

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong. Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na nagkaroon ng mga anak sina Jose at Maria pagkatapos isilang si Jesus at maaaring sila ay lumaki at nanirahang kasama Niya sa iisang tahanan. Gayunman, dahil si Jesucristo ay literal na anak ni Maria at ng Diyos Ama, hindi ni Jose, ang mga taong ito ay mga kapatid lamang ni Jesus sa ina (tingnan sa Mateo 13:55–56).

  • Paano kaya kung kasabay ninyong lumaki si Jesus sa iisang bahay?

  • Sa palagay ba ninyo ay mas madaling maniwala sa Kanya kung lumaki kayo nang kasama Siya? Bakit oo o bakit hindi?

Ipaliwanag na malalaman natin sa Juan 7 kung ano ang tingin kay Jesus ng ilan sa Kanyang “mga kapatid” (Juan 7:3, 5). Ang katagang mga kapatid ay tumutukoy marahil sa mga kapatid sa ina ni Jesus, bagama’t maaaring kabilang din dito ang iba pang malalapit na kamag-anak.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 7:1–5.

  • Ano ang nalaman natin mula sa talata 5 tungkol sa mga kapatid ni Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Hindi agad natatamo ang patotoo sa pagkadiyos at kabanalan ni Cristo at sa nakapagliligtas na kapangyarihan ng kanyang ebanghelyo nang dahil lamang sa ugnayan ng pamilya.

“… Bagama’t pinalaki sila sa iisang tahanan at naimpluwensyahan sa kabutihan nina Jose at Maria, bagama’t alam nila ang mga turo, ministeryo, at mga himala ni Jesus, hindi pa rin siya tinanggap ng malalapit na kamag-anak na ito bilang ang Mesiyas. Gayunman, lahat sila, ay tila naniwala at nagbalik-loob kalaunan (Mga Gawa 1:14)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:437).

  • Paano nangyari na hindi naniwala kay Jesus ang ilan sa mga kapamilya Niya kahit alam nila ang Kanyang mga turo at mga himala?

Ipaliwanag na nakatala sa Juan 7 ang mga nangyari nang idaos ang Kapistahan ng mga Tabernakulo sa Jerusalem (tingnan sa Juan 7:2). Sa walong araw na kapistahang ito, na itinuturing na “pinakadakila at pinakamasaya sa lahat ” (Bible Dictionary, “Feasts”), maraming Judio ang naglakbay patungong Jerusalem upang alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos sa mga anak ni Israel noong maglakbay sila sa ilang, nanirahan sa mga pansamantalang kubol, o tabernakulo, matapos silang iligtas mula sa pagkaalipin sa Egipto (tingnan sa Levitico 23:39–43). Ipinagdiwang at pinasalamatan din ng mga Judio ang kanilang taunang pag-ani ng mga prutas at butil (tingnan sa Exodo 23:16).

  • Ayon sa mga talata 3–4, ano ang gusto ng mga kapatid ni Jesus na gawin Niya?

Ibuod ang Juan 7:6–10 na ipinapaliwanag na nagpasya si Jesus na ipagpaliban ang pagpunta sa kapistahan, ngunit hinikayat Niya ang Kanyang mga kapatid na pumunta roon. Pagkatapos magsimula ang kapistahan, palihim na dumalo si Jesus—nalalamang may ilang pinunong Judio sa Jerusalem na gusto Siyang patayin ngunit hindi pa dumarating ang Kanyang oras para mamatay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 7:11–13.

  • Ano ang sinasabi ng iba’t ibang tao sa Jerusalem tungkol kay Jesus?

Ipaliwanag na tulad noong panahon ni Jesus, may iba’t ibang opinyon tungkol kay Jesucristo sa ating panahon. May mga taong nakakaalam at nagpapatotoo na Siya ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang iba ay naniniwala sa Kanya at umaasa na ang Kanyang ebanghelyo ay totoo. Gayunman, mayroon ding mga tao na nagdududa sa pagkadiyos at kabanalan ni Jesucristo at sa katotohanan ng Kanyang mga turo. Sabihin sa mga estudyante na alamin habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Juan 7 kung paano natin malalaman na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at kung totoo ang Kanyang mga turo.

Juan 7:14–36

Nagturo si Jesus sa mga Judio sa templo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 7:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ni Jesus sa templo. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang templo ang sentro ng mga pagdiriwang na naganap noong Kapistahan ng mga Tabernakulo.

  • Ano ang ginawa ni Jesus?

  • Bakit namangha ang mga Judio?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 7:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesus na magagawa ng mga tao upang malaman kung totoo ang Kanyang doktrina o mga turo.

  • Ayon sa talata 16, kanino natanggap ni Jesus ang itinuro Niyang doktrina?

  • Paano malalaman ng tao na tunay na mula sa Diyos ang doktrinang itinuro ni Jesus?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa kung paano tayo makatatanggap ng patotoo sa mga turo ng Ama sa Langit? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag ginawa natin ang kalooban ng Ama sa Langit, makatatanggap tayo ng patotoo sa Kanyang doktrina. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 17 na nagtuturo ng alituntuning ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano magagamit ang alituntuning ito sa ating buhay, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

“Nagkakaroon tayo ng patotoo sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa masugid na pagsunod dito. … Ang patotoo sa bisa ng dasal ay nasa mapakumbaba at taimtim na dalangin. Ang patotoo sa ikapu ay nasa pagbabayad ng ikapu” (“Panginoon, Nananampalataya Ako; Tulungan Mo ang Kakulangan Ko ng Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 19).

Kahit na hindi agad naniwala ang Kanyang sariling mga kapatid sa Kanya, nagkaroon sila kalaunan ng patotoo at nagbalik-loob (tingnan sa Mga Gawa 1:14).

  • Paano nakatulong sa mga kapatid ni Jesus ang alituntuning itinuro sa Juan 7:17 na magkaroon ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo?

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mayroon silang kaibigan na nahihirapan sa kanilang patotoo sa ebanghelyo.

  • Paano ninyo magagamit ang alituntuning itinuro sa Juan 7:17 upang matulungan ang kaibigang ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na patotohanan ang alituntuning natukoy sa itaas at maramdaman ang katotohanan at kahalagahan nito, ipakita ang sumusunod na pahayag:

Alam ko na ang ay totoo dahil kapag ipinamumuhay ko ito, ako ay .

Hikayatin ang mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa kanilang mga notebook o scripture study journal na isinusulat ang tungkol sa isang kautusan o alituntunin ng ebanghelyo na nalaman nilang totoo dahil sa pagsisikap nila na ipamuhay ito.

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi nila sa klase ang kanilang isinulat.

Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng isang katotohanan, kautusan, o turo sa ebanghelyo na gusto nilang mas mapatotohanan pa at magkaroon ng malakas na patotoo tungkol dito. Ipasulat din sa kanila ang gagawin nila upang magkaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa katotohanan, kautusan, o turo na ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa alituntuning napag-aralan nila sa Juan 7:17.

Ibuod ang Juan 7:19–36 na ipinapaliwanag na pinagsabihan ni Jesus ang mga pinunong Judio dahil hindi nila tinanggap ang Kanyang mga turo at mga himala at sa hangad nila na patayin Siya. Maraming tao ang nag-isip kung Siya ang Mesiyas, at ang mga punong saserdote at Fariseo ay nagpadala ng mga alagad upang dakpin Siya.

Juan 7:37–53

Nagturo si Jesucristo tungkol sa kaloob na Espiritu Santo

Sabihin sa isang estudyanteng nauuhaw na pumunta sa harapan ng klase. Bigyan ang estudyante ng isang basong walang laman, at tanungin siya:

  • Makakapawi ba ito sa iyong uhaw?

  • Ano pa ang kailangan mo?

Ipakita ang isang lalagyan ng tubig tulad ng isang bote o pitsel na puno ng tubig. Punuin ng tubig ang baso, at sabihin sa estudyante na uminom. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na bumalik sa kanyang upuan.

Itaas ang pitsel o bote ng tubig na ginamit mo upang punuin ang baso ng estudyante. Ipaliwanag na sa bawat isa sa walong araw ng Kapistahan ng mga Tabernakulo, ang inatasang saserdote ay kumukuha ng tubig mula sa batis ng Siloe gamit ang isang ginintuang pitsel at ibinubuhos ang laman nito sa isang palangganang pilak sa paanan ng altar ng templo. Sa huling araw sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, nang magawa na ito ng saserdote, si Jesus ay tumayo at inanyayahan ang mga tao. (Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:446.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 7:37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga tao matapos Niyang pumunta sa templo sa ikawalo at huling araw ng kapistahan.

  • Ano ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga tao?

  • Kung aalalahanin ang ginawang pagkuha at pagbuhos ng tubig ng saserdote sa kapistahang ito, sa palagay ninyo ay bakit naisip ni Jesus na sabihin ito sa oras na iyon?

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung lalapit tayo kay Jesucristo at maniniwala sa Kanya, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 7:38–39, at pagkatapos ay ipaliwanag na nilinaw ng Joseph Smith Translation ng John 7:39 ang huling bahagi ng talata at mababasa nang ganito, “… sapagka’t ang Espiritu Santo ay ipinangako para sa kanila na naniniwala, matapos na maluwalhati si Jesus.”

Ipaliwanag na ipinahihiwatig ng mga katagang “mula sa loob niya” na ang tubig na buhay ay nasa kalooban at aagos mula sa mga naniniwala, sa halip na mula sa mga impluwensyang nasa labas.

  • Ayon sa talata 39, ano ang kinakatawan ng tubig na buhay na binanggit ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag na “sa ilang kadahilanang hindi gaanong ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan, ang Espiritu Santo ay hindi lubos na ibinigay sa mga Judio sa mga panahong narito sa lupa si Jesus (Juan 7:39; 16:7)” (Bible Dictionary, “Holy Ghost”). Bagama’t hindi ibinigay ang kaloob na Espiritu Santo sa dispensasyong iyon hanggang pagkatapos maluwalhati ng Tagagapaligtas dahil naisakatuparan Niya ang Kanyang misyon, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay magagamit upang matulungan ang mga taong makatanggap ng patotoo sa mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo.

  • Batay sa mga itinuro ng Tagapagligtas sa Juan 7:37–39, paano mo kukumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo at maniwala sa Kanya, mapuspos tayo ng Espiritu Santo.)

Ipaliwanag na maiimpluwensyahan ng mga taong napuspos ng Espiritu Santo ang iba sa kabutihan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na napuspos sila ng Espiritu Santo at, dahil dito ay naimpluwensyahan nila ang iba sa kabutihan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ibuod ang Juan 7:40–53 na ipinapaliwanag na ang mga punong saserdote at mga Fariseo ay nagnais na muling ipadakip si Jesus. Si Nicodemo, ang Fariseo na pumunta sa Panginoon nang gabi (tingnan sa Juan 3:1–2), ay ipinagtanggol ang Tagapagligtas at ipinaalala sa kanyang kapwa Fariseo at mga punong saserdote na hindi pinapayagan ng batas nila na parusahan ang isang tao nang hindi ito binibigyan ng pagkakataong magsalita.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy sa pag-aaral nila ng Juan 7.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 7:3. Sino ang “mga kapatid” ni Jesucristo?

Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na paliwanag tungkol sa “mga kapatid” ni Jesucristo:

“Madalas banggitin ang mga anak na lalaki nina Jose at Maria bilang ‘mga kapatid’ ni Jesus, bagama’t ang katotohanan ay mga kapatid lamang nila siya sa ina. (Mat. 12:46; 13:55; Juan 2:12; Mga Gawa 1:14; I Mga Taga Cor. 9:5.) Bagama’t pinalaki sila sa iisang tahanan at naimpluwensyahan sa kabutihan nina Jose at Maria, bagama’t alam nila ang mga turo, ministeryo, at mga himala ni Jesus, hindi pa rin siya tinanggap ng malalapit na kamag-anak na ito bilang ang Mesiyas. Gayunman, lahat sila, ay tila naniwala at nagbalik-loob kalaunan (Mga Gawa 1:14); ang isa sa kanila, na tinawag ni Pablo bilang si ‘Santiago, ang kapatid ng Panginoon’ (Gal. 1:19), ay naglingkod sa banal na pagka-apostol; at ang isa pa, si Judas, na tinawag ang sarili niyang, ‘Judas, ang … kapatid ni Santiago’ (Judas 1), ay isinulat ang sulat ni Judas” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:437).

Juan 7:17. “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban”

Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson ng Young Women general presidency:

“Kung minsan ay kabaligtaran ang ginagawa natin. Halimbawa, maaaring ganito ang pamamaraan natin: Handa akong sundin ang batas ng ikapu, pero kailangan ko munang malaman kung ito ay totoo. Siguro ipinagdarasal pa natin na magkaroon ng patotoo tungkol sa batas ng ikapu at umaasa na ibibigay sa atin ng Panginoon ang patotoong iyan bago pa man natin sulatan ang tithing slip. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Inaasahan ng Panginoon na mananalig tayo. Dapat ay patuloy tayong magbayad ng buo at tapat na ikapu para magkaroon tayo ng patotoo sa ikapu. Angkop din ito sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo, ito man ay batas ng kalinisang-puri, alituntunin ng disenteng pananamit, Word of Wisdom, o batas ng ayuno” (“Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 77).

Juan 7:38–39. “Tubig na buhay”

“Sa Juan 7:39, mababasa natin ang isang komentaryo mula kay Juan, na nagpapaliwanag na ang ‘tubig na buhay’ na binanggit ng Tagapagligtas sa Juan 7:38 ay tumutukoy sa Espiritu Santo, na ang pangunahing misyon ay magpatotoo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang matalinghagang paggamit ng Tagapagligtas sa ‘tubig na buhay’ ay mula sa sinaunang tradisyon ng mga Israelita na ang tubig ay simbolo ng mahahalagang espirituwal na katotohanan. Sa tuyong klima ng sinaunang Near East, mahalagang may makukuhanan ng tubig upang mabuhay, at dahil sa kakulangan ng tubig ay lalo pa itong napapahalagahan at itinuturing na makapangyarihang simbolo. Iniligtas ng Diyos ang Israel sa Horeb nang mahimalang nagpalabas ng tubig mula sa bato si Moises (tingan sa Exodo 17; Mga Bilang 20). Ang mga propeta sa Lumang Tipan na sina Isaias, Jeremias, at Ezekiel ay gumamit ng tubig bilang simbolo ng Espiritu ng Panginoon, pagngangalaga, at kapangyarihang magpagaling (tingnan sa Isaias 41:17–18; 58:11; Jeremias 2:13; Ezekiel 47:1–12).

“Ang pangako ng Tagapagligtas na magkakaroon ng ‘tubig na buhay’ ang mga taong naniniwala sa Kanya kalaunan ay nagpapakita ng katotohanang ‘hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu’ (Juan 7:39). ‘Sa ilang kadahilanang hindi gaanong ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan, ang Espiritu Santo ay hindi lubos na ibinigay sa mga Judio sa mga panahong narito sa lupa si Jesus (Juan 7:39; 16:7). Ang mga pahayag na hindi naparito ang Espiritu Santo hangga’t hindi pa nabubuhay na muli si Jesucristo ay tumutukoy sa yaong dispensasyon lamang, sapagkat malinaw na ang Espiritu Santo ay naroon sa mga naunang dispensasyon. Dagdag pa rito, ang tinutukoy lamang na wala roon ay ang kaloob ng Espiritu Santo, dahil ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nadama sa panahon ng mga ministeryo ni Juan Bautista at ni Jesus; kung hindi ay walang sinuman ang makatatanggap ng patotoo sa mga katotohanang itinuro ng mga lalaking ito (Mat. 16:16–17; tingnan din sa I Mga Taga Cor. 12:3)’ (Bible Dictionary, ‘Holy Ghost’)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 224).