Library
Lesson 83: Mga Gawa 2


Lesson 83

Mga Gawa 2

Pambungad

Ang mga disipulo ay napuspos ng Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes at nabiyayaan ng kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo. Ipinahayag ni Pedro na si Jesus ang “Panginoon at Cristo” (Mga Gawa 2:36) at inanyayahan ang mga tao na magsisi, magpabinyag, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Mga tatlong libong tao ang nagbalik-loob at nabinyagan sa araw na iyon, at sila ay patuloy na naging tapat sa Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 2:1–13

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay napuspos ng Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pinakahuling pagkakataon na nagsalita sila sa simbahan, nagturo ng lesson, o nagbahagi ng ebanghelyo sa iba.

  • Ano ang maaaring mahirap sa pagsasalita, pagtuturo, o pagpapatotoo sa iba tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Mga Gawa 2:1–13 na makatutulong sa kanila kapag nababalisa o natatakot sila na magturo at magpatotoo sa iba tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ipaliwanag na halos isang linggo matapos umakyat sa langit ang Tagapagligtas, maraming Judio mula sa maraming bansa ang nagdatingan sa Jerusalem upang makipagdiwang sa pista ng Pentecostes at upang sumamba sa templo at magpasalamat sa Panginoon. Ang pistang ito ay naganap 50 araw pagkaraan ng pista ng Paskua at ipinagdiwang ang pangunahing bunga (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pentecostes,” scriptures.lds.org).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 2:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naranasan ng mga disipulo ni Jesucristo sa araw ng Pentecostes.

  • Ano ang naranasan ng mga disipulo sa araw ng Pentecostes? (Ang pagbuhos o saganang pagkakaloob ng Espiritu Santo.)

  • Paano inilarawan ang pagbuhos na ito ng Espiritu Santo?

Ipaliwanag na ang mga katagang “mga dilang kawangis ng apoy” (talata 3) ay tumutukoy sa mga dilang may anyo ng ningas ng apoy. Noong unang panahon, ang apoy ay kadalasang sumasagisag sa presensya o impluwensya ng Diyos. Ito ang palatandaan na tumanggap ang mga disipulo ng kaloob na Espiritu Santo, na ipinangako ng Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 2:4–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari nang mapuspos ng Espiritu Santo ang mga disipulo.

  • Ayon sa talata 4, anong nangyari nang mapuspos ng Espiritu Santo ang mga disipulo? Sila ay nakapagsalita ng iba’t ibang wika “ayon sa ipinagkaloob [ng Espiritu] na kanilang salitain.”)

  • Bakit namangha ang mga Judio mula sa iba’t ibang bansa sa kanilang narinig?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang pahapyaw ang Mga Gawa 2:9–11 at ipabilang kung ilang iba’t ibang grupo ng mga tao o nasyonalidad ang nakarinig sa mga disipulo na nagsalita ng iba’t ibang wika sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. Maaari mong idispley ang kalakip na mapa para matulungan ang mga estudyante na makita kung saan nanggaling ang mga Judiong ito.

mapa, silangang Mediteraneo

Ipaliwanag na ayon sa talata 11, bawat isa sa mga grupong ito ay narinig sa sarili nilang wika ang “mga makapangyarihang gawa ng Dios” na itinuro ng mga disipulo. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga naging Judio ay ang mga Gentil na sumapi sa relihiyon ng mga Judio.

  • Tulad sa ipinakitang karanasan ng mga disipulo sa araw ng Pentecostes, ano ang makatutulong sa atin sa pagtuturo at pagpapatotoo sa iba? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay napuspos ng Espiritu Santo, tutulungan Niya tayong magturo at magpatotoo sa iba.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, magdala sa klase ng dalawang tasang walang laman, isang pitsel ng tubig, at isang tray. Ilagay ang mga tasa sa tray para masalo ng tray ang tubig na matatapon. Pagkatapos ay takpan ang bunganga ng isang tasa ng isang pirasong papel o takip para hindi ito malagyan ng tubig, at lagyan ang isa pang tasa ng isang bagay (tulad ng bato). Sabihin sa isang estudyante na subukang lagyan ng tubig mula sa pitsel ang dalawang tasa.

  • Kung ang mga tasa ay sumasagisag sa atin at ang tubig ay sumasagisag sa Espiritu Santo, ano naman ang sinasagisag ng kapirasong papel (o takip) at ng bato? Anong mga pag-uugali at asal ang maaaring makahadlang sa atin para mapuspos tayo ng Espiritu Santo?

  • Ano ang maaari nating gawin upang mapuspos tayo ng Espiritu Santo upang matulungan Niya tayo sa pagtuturo at pagpapatotoo sa iba?

  • Sa anong mga paraan kayo tinulungan ng Espiritu Santo upang maituro ang ebanghelyo o maibahagi ang inyong patotoo sa iba?

Patotohanan ang alituntuning nakasulat sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na ipamuhay ang alituntuning ito sa pamamagitan ng paghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo nang sa gayon ay makapagturo at makapagpatotoo sila sa iba.

Ibuod ang Mga Gawa 2:12–13 na ipinapaliwanag na ang ilang Judio ay namangha sa narinig nila, samantalang ang iba ay kinutya ang mga disipulo at sinabing ang mga ito ay lasing sa alak.

Mga Gawa 2:14–47

Si Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at nagturo kung paano matatamo ang kaligtasan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 2:14, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang nagsimulang magturo sa mga tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nasa sitwasyon sila ni Pedro at nakatayo sa harap ng maraming tao.

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Pedro, anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang ituturo at patototohanan ninyo? Bakit?

Ibuod ang Mga Gawa 2:15–35 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Pedro na ang mga kaganapan na kinauugnayan ng kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika at iba pang pagpapatibay ng Espiritu sa mga disipulo ay isang katuparan at kahulugan ng propesiya ni Joel (tingnan sa Joel 2:28–32). Pagkatapos ay nagturo at nagpatotoo si Pedro sa mga tao gamit ang ilan sa mga salita at mga awit ni Haring David.

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

Mga Gawa 2:22–24, 29–33, 36

Ano ang ilan sa mahahalagang katotohanan na itinuro at pinatotohanan ni Pedro?

Ano ang napansin ninyo tungkol sa patotoo ni Pedro sa mga Judio?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa pisara at pag-usapan ang kanilang mga sagot sa kalakip na mga tanong. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

Magdispley ng isang larawan na nagpapakita ng pagkakaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas (halimbawa, Peter’s Denial ni Carl Heinrich Bloch, makukuha sa LDS.org). Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang sinabi at ginawa ni Pedro nang tanungin siya kung ano ang kaugnayan niya kay Jesus noong gabing dakpin ang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 22:54–62).

Pagkakaila ni Pedro

Peter’s Denial, ni Carl Heinrich Bloch. Sa kagandahang-loob ng National History Museum at Frederiksborg Castle sa Hillerød, Denmark. Bawal kopyahin.

  • Ano ang pagkakaiba ng mga salita at ikinilos ni Pedro sa araw ng Pentecostes sa kanyang ginawa noong gabing dinakip ang Tagapagligtas?

  • Ano sa palagay ninyo ang nakaimpluwensya sa pagbabagong ito ni Pedro?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 2:37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakaapekto ang mga salita ni Pedro sa mga tao.

  • Paano nakaapekto ang mga salita ni Pedro sa mga tao?

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang “nangasaktan ang kanilang puso.” Ipaliwanag na naantig ng Espiritu Santo ang puso ng mga tao nang marinig nila ang patotoo ni Pedro. Ang ibig sabihin dito ng salitang nangasaktan ay “lubos na nasaktan” at ipinapahiwatig nito na nakadama ng pagsisisi ang mga tao dahil ang mga Judio bilang mamamayan at bansa ay ipinako sa krus ang kanilang Panginoon, si Jesucristo. Hindi sinasabi ni Pedro na ang grupo ng mga Judio na nagmula sa iba’t ibang nasyonalidad na tinuruan niya noong araw na iyon ng Pentecostes ang siyang responsable sa Pagpapako kay Jesucristo.

  • Ayon sa talata 37, ano ang itinanong ng mga tao?

  • Ano ang ipinahahayag ng tanong na ito tungkol sa nangyayari sa puso ng mga tao? (Ang mga tao ay nagsisimulang makadama ng pagbabago ng puso.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 2:38–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinagawa ni Pedro sa mga tao. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng liko ay mapanghimagsik, napakasama, o tiwali.

  • Ano ang ipinagawa ni Pedro sa mga tao?

  • Ayon sa talata 41, paano tumugon ang mga tao sa mga turo at paanyaya ni Pedro na magsisi at magpabinyag?

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kapag natanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, …

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 2:42–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ng mga bagong miyembro ng Simbahan matapos matanggap ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mabinyagan. Ipaliwanag na ang mga katagang “pagpuputolputol ng tinapay” (talata 42) ay tumutukoy sa pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento at na ang “lahat nilang pagaari ay sa kalahatan” (talata 44) ay tumutukoy sa mga Banal na nagkakaisa at sumusunod sa batas ng paglalaan.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ginawa ng mga nabinyagan na nagpapakita na sila ay tunay na nagbalik-loob (tingnan din sa 3 Nephi 26:17–21)? (Ipalista sa isang estudyante ang mga sagot ng klase sa pisara.)

Ipaalala sa mga estudyante na bago nila narinig ang mga salita ni Pedro at sinunod ito, hindi nila tanggap si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas, ni hindi rin nila sinunod ang Kanyang mga turo. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nagbago ang mga tao.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Mga Gawa 2:37–47 tungkol sa mangyayari kapag tinanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maituro nito ang sumusunod na katotohanan: Kapag natanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang ating puso ay magbabago at magbabalik-loob tayo kay Jesucristo.)

  • Ano ang maaari nating gawin upang matanggap ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo?

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga nakalista sa pisara na ginawa ng mga nabinyagan at nagbalik-loob.

  • Kapag sinisikap ninyong matutuhan at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo, paano kayo tinulungan ng Espiritu na magbago at magbalik-loob kay Jesucristo? (Maaari ka ring magbigay ng halimbawa mula sa sarili mong karanasan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila upang mas lubos na matanggap ang mga salita at turo ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hikayatin sila na gawin agad ang anumang pahiwatig na natatanggap nila.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Mga Gawa 2:36–38

Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang Mga Gawa 2:36–38 sa ikaapat na saligan ng pananampalataya. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita sa Mga Gawa 2:36–38 na nagpapakita o nagtuturo ng unang mga alituntunin at mga ordenansa ng ebanghelyo. Pagkatapos ay pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa magkakapartner na pag-usapan nila kung paano nakatutulong sa atin ang mga alituntunin at mga ordenansang ito na matanggap ang lubos na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Anong mga pagpapala ang sinabi ni Pedro na matatanggap ng mga tao dahil nagsisi sila at nagpabinyag?

  • Batay sa pagkaunawa ninyo sa Mga Gawa 2:38, ano ang dapat nating gawing paghahanda upang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang katulad ng sumusunod: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, nagsisi, at nagpabinyag, handa na tayo na matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Paano inihahanda ng pananampalataya, pagsisisi, at binyag ang isang tao para matanggap ang kaloob na Espiritu Santo?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 2:1–4. “At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas”

“Ang dakilang kaganapang ito noong araw ng Pentecostes, nang ibuhos ang Espiritu Santo sa maraming nakatipong mga tao, ay katulad ng isa pang kaganapan sa kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong ilaan ang Kirtland Temple, si Propetang Joseph Smith … ay nanalangin na ibuhos ang Espiritu galing sa itaas: ‘Matupad ito sa kanila, gaya sa mga yaon sa araw ng Pentekosta,’ ang pagsamo niya alang-alang sa mga Banal. ‘Mabuhos ang kaloob na mga wika sa iyong mga tao, maging mga dilang kawangis ng apoy, at ang pagbibigay-kahulugan dito. At puspusin ang inyong bahay, gaya ng isang rumaragasang malakas na hangin, nang inyong kaluwalhatian’ (D at T 109:36–37). Ang pagsamong ito ay sinagot, hindi lamang minsan, ngunit ilang beses kasunod ng unang araw ng paglalaan. Itinala ni Joseph Smith na sa isang pagkakataon, ‘isang ugong ang narinig tulad ng tunog ng isang rumaragasang malakas na hangin, na pumuno sa Templo [ng Kirtland], at ang buong kongregasyon ay sabay na nagsitayuan, na inantig ng isang hindi nakikitang kapangyarihan; marami ang nagsimulang magsalita sa mga wika at magpropesiya; ang iba pa ay nakakita ng maluwalhating mga pangitain; at nakita ko ang Templo na puno ng mga anghel, na katotohanang sinabi ko sa kongregasyon’ (sa History of the Church, 2:428)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 278).

Mga Gawa 2:3. Mga dilang kawangis ng apoy

Ang “mga dilang kawangis ng apoy” ay maaari ding magpahiwatig na ang matinding pagbuhos na ito ng Espiritu ay naibaha-bahagi sa mga taong naroon noong araw na iyon—bawat isa sa kanila ay nadama at naranasan ito. Ang salitang dumapo sa Mga Gawa 2:3 ay pinalitan ng nanahan sa Joseph Smith Translation.

Mga Gawa 2:4–6. Ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika

Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang tungkol sa layunin ng kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika:

“Ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa Simbahan, ay para sa kapakinabangan ng mga alagad ng Diyos na makapangaral sa mga walang paniniwala, tulad noong panahon ng Pentecostes” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 448–49).

Mga Gawa 2:16–21. Ang katuparan ng propesiya ni Joel

Sa ating dispensasyon, binanggit ni Moroni ang mga talata ring ito kay Propetang Joseph Smith at sinabi sa kanya na hindi pa natutupad ang mga ito ngunit malapit na (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41). Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Joel 2:28–32 ay isang halimbawa ng banal na kasulatan na maraming kahulugan at katuparan:

“Marami sa mga propesiya at mga doktrina sa mga banal na kasulatanan ang maraming kahulugan. …

“Ang [isang] halimbawa ng propesiyang maraming kahulugan ay matatagpuan sa aklat ni Joel na sa mga huling araw ay ibubuhos ng Panginoon ang kanyang espiritu sa lahat ng laman at ang ating mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magpopropesiya (tingnan sa Joel 2:28). Sa araw ng Pentecostes, ipinahayag ni Apostol Pedro na ang mga pangyayaring nasaksihan nila ay ang mga yaong ‘sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel’ (Mga Gawa 2:16). Makalipas ang labing-walong daang taon, binanggit muli ni anghel Moroni ang propesiyang ito at sinabing ‘hindi pa ito natutupad, ngunit malapit na’ (JS—K 1:41)” (“Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8).

Kaya nga, parehong tama ang ipinahayag nina Pedro at Moroni na ang propesiyang ibinigay ni propetang Joel ay may katuparan, kahulugan, at aplikasyon para sa araw ng Pentecostes at sa mga huling araw.

Mga Gawa 2:27. “Sapagka’t hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades”

Hinggil sa walang hanggang pamana ni Haring David, itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na si David ay “pinangakuan na hindi maiiwan ang kanyang kaluluwa sa impiyerno, na ibig sabihin ay, hindi siya magiging anak ng kapahamakan, hindi siya iwawaksi magpakailanman na kasama ang diyablo at kanyang mga anghel. Sa halip, kapag ibinigay ng kamatayan at impiyerno ang mga patay na nasa kanila, siya ay babangon mula sa libingan at tatanggapin ang pamanang iyon na marapat sa kanya. Tingnan sa Apoc. 20:11–15” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:39).

Mga Gawa 2:37. “Nangasaktan ang kanilang puso”

Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang tunay na pagbabalik-loob ay nangyayari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Kapag inantig ng Espiritu ang puso, ang puso ay nagbabago. Kapag nadama ng mga tao … ang pag-antig ng Espiritu sa kanila, o kapag nakita nila ang katibayan ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang buhay, sila ay espirituwal na mapapasigla at mapapalakas at mas titibay ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Ang mga pag-antig na ito ng Espiritu ay mangyayari kapag handa ang isang tao na sundin ang Kanyang salita. Sa ganitong paraan natin madarama na totoo ang ebanghelyo” (“Now Is the Time,” Ensign, Nob. 2000, 75).