Pambungad sa Ikatlong Pangkalahatang Sulat ni Juan
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa maikling sulat na ito, pinuri ni Juan si Gayo, isang miyembro ng Simbahan na tapat sa panahong may paghihimagsik laban sa mga lider ng Simbahan. Ang mga turo ni Juan ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang apostasiya na nangyari sa Simbahan sa Bagong Tipan at maghihikayat sa kanila na manatiling tapat sa mga lider ng Simbahan sa kabila ng oposisyon.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Tinukoy ng may-akda ang kanyang sarili bilang “ang matanda” (III Ni Juan 1:1) at pinaniniwalaan na ito ay si Juan.
Kailan at saan ito isinulat?
Hindi tiyak kung kailan at saan isinulat ang III Ni Juan.
Kung tama ang sinasabi sa kasaysayan na matagal na nanirahan si Juan sa Efeso, maaaring doon niya ginawa ang sulat na ito sa pagitan ng A.D. 70 at 100.
Para kanino ito isinulat at bakit?
Ang Ikatlong Sulat ni Juan ay para kay Gayo, isang matapat na miyembro ng Simbahan na pinuri ni Juan sa pagpapakita ng lubos na katapatan sa layunin ni Cristo sa pamamagitan ng paglalaan ng matutuluyan sa mga naglalakbay na tagapaglingkod ng Diyos (tingnan sa III Ni Juan 1:5–8).
Binalaan din ni Juan si Gayo tungkol sa isang taong nagngangalang Diotrefes, na maaaring may katungkulan sa pamumuno sa Simbahan sa lugar na iyon. Hayagang sinalungat ni Diotrefes si Juan at ang iba pang mga lider ng Simbahan at pinagbawalan pang dumalo sa mga pulong ng Simbahan ang mga lokal na miyembro ng Simbahan na gustong tumanggap sa kanila ((tingnan sa III Ni Juan 1:9–10). Hinikayat ni Juan si Gayo na magpatuloy sa kabutihan at sinabing dadalawin niya si Gayo (tingnan sa III Ni Juan 1:11–14).
Ano ang ilan sa kakaibang mga katangian ng aklat na ito?
Nakita natin sa III Ni Juan ang pag-aalala ni Juan tungkol sa impluwensya sa Simbahan ng mga nag-apostasiya. Nakita rin natin ang pagmamahal ni Juan sa iba at ang kagalakang nadama niya sa mga yaong pinili na sumunod sa Diyos (tingnan sa III Ni Juan 1:4).
Outline
III Ni Juan 1 Pinuri ni Juan si Gayo dahil sa katapatan nito at nagbabala laban sa isang lider na kumalaban kay Juan at sa iba pang mga lider ng Simbahan.