Pambungad sa Pangkalahatang Sulat ni Judas
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ang Pangkalahatang Sulat ni Judas ay naglalarawan sa mga puwersa ng apostasiya na lumalaganap na sa sinaunang Simbahan. Sa pag-aaral ng mga estudyante sa sulat na ito, malalaman nila kung paano makikilala ang mga naghahangad na iligaw ang mga disipulo ni Jesucristo mula sa pananampalataya. Madarama rin ng mga estudyante ang kahalagahan ng masikap na pakikipaglaban para sa pananampalataya at pananatiling tapat dito.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Tinukoy ng may-akda ng aklat na ito ang kanyang sarili bilang si “Judas, na alipin ni Jesucristo, at kapatid ni Santiago” (Judas 1:1). Pinaniniwalaan na ang may-akda ay si Judas na kapatid sa ina ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 13:55; Marcos 6:3; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Judas”). Malinaw na si Judas ay kilala at iginagalang na miyembro ng Simbahan sa Jerusalem, at maaaring naglakbay siya bilang misyonero (tingnan sa Mga Gawa 1:13–14; I Mga Taga Corinto 9:5). Walang binanggit kung ano ang katungkulan ni Judas sa priesthood, ngunit ipinahihiwatig sa sulat na humahawak siya ng katungkulang may awtoridad na nagbigay sa kanya ng karapatan na sumulat ng mga liham ng pagpapayo.
Kailan at saan ito isinulat?
Hindi natin alam kung saan isinulat ang Sulat ni Judas. Kung talagang isinulat ito ni Judas na kapatid ni Jesus, malamang na isinulat ito sa pagitan ng A.D. 40 at 80.
Para kanino ito isinulat at bakit?
Ang Sulat ni Judas ay para sa matatapat na Kristiyano—“sa mga tinawag, na minamahal sa Dios Ama, at iniingatang para kay Jesucristo” (Judas 1:1). Ang nakasaad na layunin ni Judas ay hikayatin ang kanyang mga mambabasa na “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya” laban sa masasamang guro na sumanib sa Simbahan at nagpasimula ng imoralidad at mga maling turo na itinatanggi ang Panginoong Jesucristo (Judas 1:3).
Ano ang ilan sa kakaibang mga katangian ng aklat na ito?
Bagama’t isa ito sa mga pinakamaikling aklat sa Bagong Tipan, ang Sulat ni Judas ay naglalaman ng impormasyon na hindi matatagpuan sa ibang bahagi ng Biblia. Nagsulat si Judas tungkol sa “mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan” (talata 6; tingnan din sa Abraham 3:26), ang pagtatalo nina Miguel at Lucifer tungkol sa katawan ni Moises (talata 9), at ang propesiya ni Enoc tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (mga talata 14–15; tingnan din sa Moises 7:65–66).
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang naiibang katangian ng Sulat ni Judas:
“Sa buong Biblia, si Judas lamang ang nagtala para sa atin ng konsepto na ang buhay bago ang buhay sa mundo ang ating unang kalagayan at may mga anghel na nabigong panatilihin ang kanilang unang kalagayan.
“Sa pamamagitan niya ay nagkaroon tayo ng kaunting kalaman tungkol sa pagtatalo nina Miguel at Lucifer tungkol sa katawan ni Moises.
“Siya lamang ang nagtala ng maluwalhating propesiya ni Enoc tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Anak ng Tao” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:415).
Ang mga salita ni Judas ay matalim laban sa mga kumakalaban sa Diyos at sa Kanyang mga lingkod at laban sa mga gumagawa ng imoral na pagsamba ng mga pagano at nagsasabing hindi sila kailangang sumunod sa mga kautusan ng Diyos, pati na sa batas ng kalinisang-puri. Inilarawan ni Judas ang ilang katangian ng masasamang taong ito.
Outline
Judas 1 Hinikayat ni Judas ang mga miyembro ng Simbahan na “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya” (Judas 1:3). Ipinaliwanag niya na may mga taong nagsipasok nang lihim sa mga Banal at nagpapalaganap ng mga maling doktrina at nagpapasimula ng masasamang gawain. Nagbabala si Judas tungkol sa mga kahatulang sasapit sa mga yaong magsisilayo sa Diyos. Pinayuhan ni Judas ang mga miyembro ng Simbahan na itatag ang kanilang pananampalataya at “magsipanatili sa pagibig sa Dios” (Judas 1:21).