Lesson 150
Judas
Pambungad
Hinikayat ni Judas ang mga miyembro ng Simbahan na masigasig na ipagtanggol ang pananampalataya laban sa mga bulaang guro. Inilarawan niya ang mga bulaang guro at pinayuhan ang mga Banal na itatag ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Si Judas ay pinaniniwalaang kapatid ni Jesucristo sa ina (tingnan sa Mateo 13:55). Si Judas ay isang aktibong miyembro ng Simbahan na lubos na iginagalang sa Jerusalem.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Judas 1:1–19
Hinikayat ni Judas ang mga miyembro ng Simbahan na masigasig na ipagtanggol ang pananampalataya laban sa mga bulaang guro
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang itutugon nila:
-
Sa isang social media site, isang kaibigan ang nag-post ng isang pahayag na pinipintasan ang paninindigan ng Simbahan tungkol sa kasal ng parehong kasarian.
-
Nalaman ng isang kapitbahay na ikaw ay miyembro ng Simbahan. Sinabi niya sa iyo na nabasa na niya ang Aklat ni Mormon at nadamang isang magandang literatura ito pero hindi salita ng Diyos.
-
Sa isang talakayan sa klase sa paaralan, isang kaklase ang nakikipagtalo na hindi masamang manood ng pornograpiya at hindi ito dapat pigilan.
-
Ano ang iba’t ibang paraan na maaaring itugon ng isang tao sa mga sitwasyong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Judas 1:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang babala ni Judas sa mga miyembro ng Simbahan.
-
Ayon sa talata 4, ano ang babala ni Judas sa mga miyembro ng Simbahan?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang “mga di banal” na may masasamang hangarin ay palihim na sumapi sa Simbahan. Pinasimulan ng mga miyembro ng Simbahang ito ang masasama at mga imoral na gawain sa pagtuturo na ang doktrina ng biyaya ay nagtutulot sa paggawa ng kasalanan dahil maawaing magpapatawad ang Diyos. Hindi rin nila tinanggap ang ilang mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito” (talata 4) ay ang ihahatol sa gayong mga tao ay naisulat na noon pa man.
-
Dahil nalaman ni Judas ang mga maling turo at masasamang gawain na ipinalaganap ng mga taong ito, ano ang ipinayo ni Judas na gawin ng matatapat na miyembro ng Simbahan? (“Makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya” [talata 3].)
Ipaliwanag na ang “pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal” (talata 3) ay tumutukoy sa ebanghelyo ni Jesucristo—ang mga katotohanan, mga batas, at mga ordenansang itinuro ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa responsibilidad ng mga disipulo ni Jesucristo sa pagtugon sa mga maling turo at masasamang gawain? (Maaaring gamitin ng mga estudyante ang sarili nilang salita para matukoy ang sumusunod na katotohanan: Dapat makipaglabang masikap ang mga disipulo ni Jesucristo para sa ebanghelyo ni Jesucristo laban sa mga maling turo at masasamang gawain.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makipaglabang masikap para sa ebanghelyo? (Dapat nating ituro at patotohanan nang buong tapang ang ebanghelyo. Gayunman, hindi tayo dapat maging masungit, mayabang, o nakikipagtalo kapag ginawa natin ito [tingnan sa Alma 38:12; 3 Nephi 11:29].)
-
Paano natin ipagtatanggol ang ebanghelyo nang hindi nakikipagtalo?
Ipaalala sa mga estudyante ang mga sitwasyon na ibinigay kanina sa lesson.
-
Sa mga sitwasyong ito at sa iba pang katulad nito, ano ang ilang paraan na maipagtatanggol natin ang ebanghelyo laban sa mga maling turo at masasamang gawain?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na alamin kung paano nanindigan ang isang dalagita para sa ebanghelyo.
“Kamakailan, nakausap ko ang isang Laurel na mula sa Estados Unidos. Ito ang sinabi niya sa email:
“‘Nitong nakaraang taon ilan sa mga kaibigan ko sa Facebook ang nagsimulang mag-post ng opinyon nila tungkol sa kasal. Marami ang pabor sa kasal ng parehong kasarian, at isinaad ng ilang kabataang LDS na ‘gusto’ nila ang mga posting. Hindi ako nagbigay ng komento.
“‘Nagpasiya akong ipahayag sa maingat na paraan na naniniwala ako sa tradisyunal na kasal.
“‘Sa profile picture ko, idinagdag ko ang caption na “Naniniwala ako sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.” Agad akong nakatanggap ng mga mensahe. “Makasarili ka.” “Mapanghusga ka.” Ikinumpara pa ako ng isa sa isang taong may alipin. At natanggap ko ang post na ito mula sa isang matalik na kaibigan na matatag na miyembro ng Simbahan: “Kailangan mong tumigil sa pagiging makaluma. Nagbabago ang lahat at dapat ay ikaw rin.”
“‘Hindi ako lumaban,’ sabi niya, ‘pero hindi ko binawi ang sinabi ko.’
“Sabi niya sa huli: ‘Kung minsan, tulad ng sabi ni Pangulong Monson, “Kailangan [mong] manindigang mag-isa.” Umaasa ako na bilang mga kabataan, sama-sama tayong maninindigan sa pagiging tapat sa Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga buhay na propeta’” (“Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 19–20).
-
Paano nanindigan ang dalagitang ito para sa ebanghelyo?
-
Kailan kayo nanindigan o ang isang kakilala ninyo para sa ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasang ito?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para masigasig na maipagtanggol at mapanindigan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hikayatin sila na gawin ang anumang pahiwatig na matanggap nila.
Ibuod ang Judas 1:5–7 na ipinapaliwanag na inihalintulad ni Judas ang mga naghihimagsik na mga miyembrong ito ng Simbahan sa mga tao sa Lumang Tipan na naghimagsik sa Diyos at nagdanas ng Kanyang kaparusahan. Kabilang sa mga taong ito ang marami sa mga anak ni Israel na nalipol sa ilang at ang mga tao sa Sodoma at Gomorra, na nalipol sa pamamagitan ng apoy. Inihalintulad din ni Judas ang mga naghimagsik na miyembro ng Simbahan sa mga yaong naghimagsik sa Diyos sa “kanilang unang kalagayan,” o sa buhay bago ang buhay sa mundo, at pinalayas mula sa Kanyang piling (Judas 1:6; tingnan din sa Abraham 3:22–26).
Isulat sa pisara ang sumusunod na heading: Mga Katangian ng mga Bulaang Guro.
Ipaliwanag na sa Judas 1:8–16, mababasa natin ang paglalarawan ni Judas ng maraming katangian na makatutulong sa mga miyembro ng Simbahan na makilala ang mga yaong nagpapalaganap ng masasamang pilosopiya at gawain sa Simbahan. Para mailarawan ang ideyang ito, ipaliwanag ang mga katagang “mga alapaap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin” at “mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga” sa Judas 1:12.
-
Paano maitutulad ang mga bulaang guro sa mga alapaap o ulap na walang tubig at punong-kahoy na walang bunga?
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlo o tig-aapat na miyembro. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Judas 1:8, 10, 14–19 kasama ang kanilang mga kagrupo, na hinahanap ang iba pang mga katangian ng mga bulaang guro. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang nahanap nila. Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang “sa huling panahon” (talata 18) ay tumutukoy sa kapanahunan ni Judas gayundin sa mga huling araw na ito.
Pagkatapos ng sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang isang katangian ng mga bulaang guro na nahanap nila. Maaaring kabilang sa mga katangiang isinulat ng mga estudyante ang sumusunod (maaaring kailanganin mong gamitin ang ilan sa mga pahayag na ito para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kanilang binasa):
-
Paano humahantong sa pagkakaroon ng ganitong mga katangian na nakalista sa pisara ang kawalan ng patnubay ng Espiritu?
-
Bakit mahalagang malaman ang mga katangian ng mga bulaang guro?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi lahat ng may isa o mahigit pang mga katangiang tulad nito o nagtuturo ng isang bagay na hindi tama ay maituturing na mga bulaang guro tulad ng inilarawan ni Judas. Maaaring ang taong iyon ay namali lamang ng pag-unawa sa isang paksa. Gayunman, ang mga katangiang ito ay makatutulong sa atin na matukoy ang mga bulaang guro na ang layunin ay pahinain ang pananampalataya at pagsunod ng iba sa pamamagitan ng panlilinlang sa kanila at pagpapalaganap ng kasamaan.
Ipabasa muli nang tahimik sa mga estudyante ang Judas 1:17–18.
-
Sino ang nagbabala noon sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa mga bulaang guro?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa paano tayo matutulungan ng mga apostol at mga propeta sa ating pagsisikap na manindigan laban sa mga bulaang guro? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng sarili nilang salita ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga apostol at mga propeta ay nagbabala sa atin tungkol sa mga yaong naghahangad na pahinain ang ating pananampalataya at pagsunod at tinutulungan tayo na makilala ang mga ito. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano ipinakita sa kanyang pahayag ang katotohanang ito.
“Ngayon ay nagbababala kami sa inyo na may lumilitaw na mga huwad na propeta at mga bulaang guro; at kung hindi tayo maingat, maging ang mga yaong kabilang sa matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mabibiktima ng kanilang panlilinlang” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 62).
-
Isinasaalang-alang ang katotohanang ito, bakit mahalagang pag-aralan ang mga salita ng mga apostol at mga propeta?
-
Nagbabala laban sa anong mga maling turo ang mga propeta at mga apostol sa panahong ito?
Judas 1:20–25
Pinayuhan ni Judas ang mga Banal na itatag ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo at tulungan ang iba na maligtas
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Mananatili tayong tapat sa pananampalataya sa pamamagitan ng …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Judas 1:20–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Judas na gawin ng mga Banal para manatiling tapat sa pananampalataya. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “manalangin sa Espiritu Santo” ay manalangin nang may tulong ng inspirasyon na mula sa Espiritu Santo.
-
Ayon sa mga talata 20–21, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na nasa pisara? (Ang isang paraan na makukumpleto ng mga estudyante ang pahayag ay tulad ng sumusunod: Mananatili tayong tapat sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagtatatag ng ating buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.)
-
Paano makatutulong ang karagdagang tagubilin ni Judas sa mga talata 20–21 sa pagtatatag ng ating buhay sa ebanghelyo?
-
Bakit sulit na pagsikapan ang pananatiling tapat sa pananampalataya?
-
Paano kayo o ang isang taong kakilala ninyo natulungan ng payo ni Judas na manatiling tapat sa pananampalataya?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas mapagbubuti nila ang pagsunod sa payo ni Judas. Hikayatin sila na ipamuhay ang isinulat nila.
Ibuod ang Judas 1:22–25 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Judas ang matatapat na miyembro ng Simbahan na tulungan ang iba na nahihirapan sa espirituwal, marahil ay dahil sa impluwensya ng mga bulaang guro, at pinapurihan niya ang Diyos.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.
Scripture Mastery Review
Bigyan ng magkakaibang scripture mastery passage ang bawat estudyante. Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa isang papel ng isang sitwasyon sa tunay na buhay kung saan ang mga doktrina at mga alituntunin na nakapaloob sa kanilang scripture mastery passage ay maipamumuhay. Pagkatapos magsulat ng mga estudyante, kolektahin ang ginawa nilang mga sitwasyon. Basahin ang ilang sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano magagamit at maipamumuhay ang mga doktrina at mga alituntunin sa scripture mastery passage sa bawat sitwasyon. Maaari mong ilahad ang ilan sa mga sitwasyon sa simula o sa katapusan ng lesson sa darating na linggo.