Lesson 19
Mateo 16
Pambungad
Pinagsabihan ni Jesucristo ang mga Fariseo at mga Saduceo dahil sa paghingi nila ng tanda ng Kanyang pagiging Diyos. Si Pedro ay nagbigay ng patotoo na si Jesus ang Cristo at pinangakuan ng mga susi ng kaharian. Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na pasanin ang kanilang krus at sumunod sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 16:1–12
Ang mga Fariseo at mga Saduceo ay humingi ng tanda mula sa Tagapagligtas
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga:
Sa simula ng aralin, sabihin sa mga estudyante na piliin sa pisara ang pariralang naglalarawan ng pinakagusto nilang paraan ng pagtanggap ng patotoo sa ebanghelyo. Anyayahan ang ilang estudyante na sabihin ang pariralang pinili nila at ipaliwanag kung bakit nila pinili ito.
Sabihin sa mga estudyante na alamin nila sa kanilang pag-aaral ng Mateo 16 ang mga katotohanan tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon na magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo at mapalakas ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang hinihingi ng mga Fariseo at mga Saduceo kay Jesus.
-
Ano ang hinihingi ng mga Fariseo at mga Saduceo kay Jesus?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “tinutukso” ng mga Fariseo at mga Saduceo si Jesus nang humingi sila ng tanda? (Ang isang kahulugan ng pandiwang tuksuhin ay tangkain o subukan.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 16:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa mga Fariseo at mga Saduceo.
-
Anong tanda ang sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya?
Ipaliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay ang propeta sa Lumang Tipan na si Jonas, na nilulon ng “malaking isda” (Jonas 1:17). Ang “pagkalibing” at paglabas ni Jonas mula sa tiyan ng isda pagkaraan ng tatlong araw ay sumasagisag sa kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo mula sa libingan sa ikatlong araw.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas matapos Niyang pagsabihan ang mga Fariseo at mga Saduceo?
-
Ano ang matututuhan natin sa kabanatang ito tungkol sa maling paraan ng paghahanap ng espirituwal na katotohanan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Hindi tayo tumatanggap ng espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga tanda.)
Ibuod ang Mateo 16:5–12 na ipinapaliwanag na pinag-iingat ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa maling mga turo ng mga Fariseo at mga Saduceo. (Paalala: Ang pangyayaring ito ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson sa Marcos 8.)
Mateo 16:13–20
Si Pedro ay nagpatotoo na si Jesus ang Cristo at siya ay pinangakuan ng mga susi ng kaharian
Ipaliwanag na matapos pagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo at mga Saduceo sa paghingi ng tanda, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo kung paano magkaroon ng patotoo sa katotohanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang itinanong ni Jesus at ang isinagot ng Kanyang mga disipulo.
-
Ano ang itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo? Paano sila sumagot? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na si Elias at Jeremias ay ang mga propetang sina Elijah at Jeremias sa Lumang Tipan.)
-
Ano ang sinasabi sa atin ng mga isinagot nila tungkol sa kung gaano nauunawaan ng mga tao si Jesus sa bahaging ito ng Kanyang ministeryo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang pangalawang itinanong ng Tagapagligtas.
-
Ano ang pangalawang itinanong ng Tagapagligtas? Ano ang sagot ni Pedro?
-
Ayon sa talata 17, paano nalaman ni Pedro na si Jesucristo ang Anak ng Diyos? (Ipaliwanag na inihayag ng Ama sa Langit ang katotohanang ito sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano magkaroon ng patotoo kay Jesucristo? (Ang mga sagot ng mga estudyante ay dapat kakitaan ng katotohanan na tayo ay nagkakaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na magkaroon ng patotoo sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo sa halip na sa ibang paraan?
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang gawain ng Espiritu Santo sa pagtulong sa atin na magkaroon ng patotoo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:
“Ang Espiritu ng Diyos na nangungusap sa espiritu ng tao ay may kapangyarihang magbahagi ng katotohanan nang mas mabisa at mauunawaan kaysa sa katotohanang maibabahagi ng personal na pakikipag-ugnayan maging sa mga nilalang mula sa langit. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay hinahabi sa bawat himaymay at litid ng katawan upang hindi ito malimutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 209).
-
Ano ang ilang mga bagay na magagawa natin para maihanda ang ating sarili na tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
-
Paano ninyo nalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at inyong Tagapagligtas? Ano ang ginawa ninyo para maging handang tumanggap ng patotoong iyan mula sa Espiritu Santo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas. Hikayatin sila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila palalakasin ang kanilang patotoo o kung ano ang maaaring kailanganin nilang gawin para tumanggap ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Papuntahin ang dalawang estudyante sa harap ng klase para sa dula-dulaan. Mag-assign ng isang estudyante na gaganap bilang sarili niya at isa pang estudyante na gaganap bilang kaibigan na non-member. Bigyan ang estudyanteng gaganap na kaibigan na non-member ng isang pirasong papel na may dalawang tanong na mula sa ibaba. Sabihin sa estudyante na isa-isang basahin nang malakas ang mga tanong, at ipasagot sa isa pang estudyante. (Maaari mong hikayatin ang klase na magmungkahi ng mga posibleng sagot na maibibigay ng estudyanteng sumasagot sa mga tanong.)
-
Narinig ko na ang simbahan lang daw ninyo ang totoong simbahan ni Jesucristo. Iyan ba ang paniwala mo?
-
Naniniwala rin ang simbahan ko kay Jesucristo, kaya bakit iniisip mo na simbahan lang ninyo ang totoo?
Pasalamatan ang mga estudyante sa pakikibahagi, at pabalikin na sila sa kanilang mga upuan.
Sabihin sa mga estudyante na sa patuloy na pag-aaral nila ng Mateo 16 ay hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa atin na maunawaan at maipaliwanag sa iba kung bakit naiiba Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang Simbahan ng Panginoon dito sa lupa.
Ipaalala sa mga estudyante na nang magtanong si Jesus sa Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang identidad, nasa isang rehiyon sila na tinawag na Cesarea ni Filipo (tingnan sa Mateo 16:13). Kung maaari, idispley ang larawan ng Cesarea ni Filipo (tingnan sa Mga Larawan sa Biblia, blg. 26, “Cesarea ni Filipo”). Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung ano ang nasa likuran ng ilog at mga puno sa larawang ito. Ipaliwanag na ang malaking pormasyon ng bato sa Cesarea ni Filipo ay masasabing naging makahulugang lugar sa patuloy na pag-uusap ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:18–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang konsepto ng bato para ilarawan ang pundasyon ng Kanyang Simbahan.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang itatayo Niya ang Kanyang Simbahan “sa ibabaw ng batong ito”? (talata 18).
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga katagang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:
“Itinuro ni Jesus, ‘Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia. …’ [Mateo 16:18.] Anong bato? Paghahayag” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 227).
“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinalig sa tuwirang paghahayag, katulad ng tunay na Simbahan ng Diyos noon pa man, ayon sa mga Banal na Kasulatan (Amos 3:7, at Mga Gawa 1:2)” (Mga Turo: Joseph Smith, 227).
-
Paano ninyo ibubuod ang turo ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang Simbahan na nakatala sa talata 18? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Ang Simbahan ni Jesucristo ay nakasalig sa paghahayag mula sa Diyos. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
-
Paano napalalakas ang inyong patoo sa ebanghelyo ng kaalaman na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinayo sa paghahayag mula sa Diyos?
-
Ayon sa talata 19, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas na ibibigay kay Pedro?
-
Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa pangakong ibinigay ng Tagapagligtas kay Pedro? (Tiyakin na matutukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ibinigay ng Panginoon ang mga susi ng kaharian sa Kanyang mga piniling propeta at apostol.)
-
Ano ang mga susi ng kaharian? (Ang kapangyarihan sa pamamahala, at awtoridad na kailangan para mangulo sa kaharian ng Diyos sa lupa, o sa Simbahan ni Jesucristo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang mga susi ng priesthood, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga [mayhawak] ng priesthood upang gabayan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo’ [Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.1]. Bawat gawain o ordenansang isinasagawa sa Simbahan ay ginagawa sa ilalim ng direkta o hindi direktang awtoridad na ibinigay ng mayhawak ng mga susi para sa gawaing iyon” (“Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49).
-
Ano ang sinabi ni Jesus na magagawa ni Pedro dahil sa mga susing ibibigay sa kanya?
Ipaliwanag na kasama sa mga susi na ipinangako ng Tagapagligtas kay Pedro ay ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod. Ang kapangyarihang ito ay nagtutulot sa mga ordenansang isinasagawa sa ilalim ng awtoridad ng mga lider ng Simbahan na magkaroon ng bisa sa langit. Ito ay ginagamit din sa pagbibigkis sa mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Sa ating panahon, ang kapangyarihang magbuklod ay hawak ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol.
-
Paano ninyo ibubuod ang dahilan kung bakit nagbibigay ang Panginoon ng mga susi ng kaharian sa Kanyang mga propeta at Apostol? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga susi ng priesthood ay kailangan upang pangasiwaan ang Simbahan ng Panginoon sa mundo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga tanong sa dula-dulaan. Sabihin sa klase na ipaliwanag kung paano sila tutugon sa mga tanong na ito gamit ang mga katotohanang natukoy nila sa Mateo 16:18–19. Maaari din ninyong anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo sa mga katotohanang ito.
Maaari mong ipakita ang larawan ng kasalukuyang Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa LDS.org [halimbawa, saMeet Today’s Prophets and Apostles] at ang mga isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Ensign o Liahona) at magpatotoo na ang mga susi ring iyon na ibinigay kina Pedro at sa iba pang mga Apostol noong unang panahon ay hawak at ginagamit ngayon ng mga buhay na propeta at Apostol ng Panginoon.
Mateo 16:21–28
Itinuro ni Jesus kay Pedro ang ibig sabihin ng pagsunod sa Kanya
Ibuod ang Mateo 16:21–28 na ipinapaliwanag na nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Itinuro rin niya sa Kanyang mga disipulo na kinakailangang maging handa silang iwaksi ang likas na tao (tingnan sa Mosias 3:19), maging masunurin, at magsakripisyo upang masayang magsisunod sa Kanya.
Scripture Mastery—Mateo 16:15–19
Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang mga pamilya ang natutuhan nila sa Mateo 16. Pumili ng isang bahagi ng Mateo 16:15–19 na isasaulo ng klase sa darating na mga araw. Makakakuha ka ng mga ideya para sa pagsasaulo sa apendiks ng manwal na ito.