Home-Study Lesson
Juan 2–6 (Unit 13)
Pambungad
Sa araw matapos mahimalang pakainin ni Jesus ang mahigit 5,000 tao, itinuro Niya na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 6:22–59
Itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Kabuhayan
Magpakita ng isang tinapay. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang tala tungkol sa pagpapakain ng Tagapagligtas sa mahigit 5,000 tao gamit ang limang tinapay at dalawang maliliit na isda.
-
Ano kaya ang inyong maiisip kung nasaksihan ninyo ang himalang ito at nalaman na may kapangyarihan si Jesus na pakainin ang maraming tao?
Ipaliwanag na nakatala sa Juan 6:22–25 na naglakbay patungong Capernaum ang marami sa mga tao na pinakain ni Jesus upang hanapin Siya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa mga tao.
Ipaliwanag na nilinaw sa Joseph Smith Translation ng Juan 6:26 na, “Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil sa nais ninyong makinig sa aking sinasabi, o hindi rin dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay, at kayo’y nangabusog” (Joseph Smith Translation, John 6:26).
-
Ayon sa Tagapagligtas, bakit hinahanap Siya ng mga taong ito? (Ipinapahiwatig ng mga salita ng Tagapagligtas na sumunod sila sa Kanya upang makakuha ng maraming pagkain sa Kanya.)
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat hangarin nila?
Ipaliwanag na ang “pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan” (Juan 6:27) ay tumutukoy sa mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:28–31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais ng mga tao kay Jesus upang mas mapatunayan pa sa kanila na Siya ang Mesiyas.
-
Ano ang nais ipagawa ng mga tao kay Jesus? (Ipaliwanag na ang mana ay “tinapay na galing sa langit” [Juan 6:31] na ipinagkaloob ng Diyos sa mga anak ni Israel noong nagpagala-gala sila sa ilang; tingnan sa Exodo 16:14–15, 35.)
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 6:32–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao bilang tugon sa kanilang paghingi ng tanda.
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang Sarili nang banggitin Niya ang mana, o tinapay mula sa langit?
Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katagang “Ako ang tinapay ng kabuhayan” sa Juan 6:35.
-
Sa anong mga paraan maihahalintulad natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo sa tinapay?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “hindi magugutom” ang mga taong lumalapit kay Jesucristo? (Juan 6:35.) (Isang maaaring sagot ay espirituwal silang palulusugin Niya.)
-
Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa talata 35? (Iba’t iba man ang mga gagamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, espirituwal Niya tayong palulusugin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Isulat ang sumusunod na mga di-kumpletong pahayag sa pisara:
Lumalapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng … |
Palulusugin Niya tayo sa pamamagitan ng … |
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na magtulungan sa paglista sa kanilang mga notebook o scripture study journal ng ilang bagay na magagawa natin upang mapalapit kay Jesucristo at ang mga paraan na palulusugin Niya tayo sa espirituwal. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
Maaaring anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano sila nakatanggap ng espirituwal na pagpapalusog sa paglapit nila sa Tagapagligtas.
Upang maihanda ang mga estudyante na matukoy ang karagdagang alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas, sabihin sa ilang estudyante na pumunta sa harapan ng klase at bigyan sila ng tig-iisang piraso ng tinapay. Sabihin sa kanila na amuyin ang tinapay at isipin kung ano kaya ang lasa nito.
-
Paano kayo mabubusog ng tinapay na ito kung inaamoy ninyo lang ito, iniisip lang kung ano ang lasa nito, at hinahawakan lamang ito nang buong araw?
-
Ano ang dapat ninyong gawin upang matanggap ang sustansya ng tinapay?
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 6:49–54. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano maiuugnay ang gagawin ng kanilang mga kaklase sa tinapay sa itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito.
-
Paano naiiba ang Tinapay ng Kabuhayan sa karaniwang tinapay? (Di-tulad ng tinapay na panandalian tayong mabubusog, binibigyan tayo ni Jesucristo ng mga pagpapala na walang hanggan.)
-
Ayon sa mga talata 53–54, ano ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat gawin ng mga tao?
Ipaliwanag na matalinghagang ginamit ng Tagapagligtas ang mga salitang kanin at inumin. Upang matulungan ang klase na maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas, sabihin sa mga nagboluntaryong estudyante na kainin ang tinapay. Pagkatapos ay pabalikin sila sa kanilang upuan.
-
Ano ang nangyayari sa tinapay at sa sustansya nito kapag kinain ito? (Magiging bahagi ng katawan ang mga bitamina at sustansya, na magbibigay ng lakas at mabuting kalusugan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ni Jesucristo? (Maaaring ibig sabihin nito ay isapuso ang Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala. Maaari din itong kumatawan sa pagtanggap ng sakramento, na sinimulan ng Tagapagligtas kalaunan.)
-
Ayon sa Juan 6:54, anong pagpapala ang matatanggap natin kung isasapuso, o ipamumuhay natin, ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung isasapuso, o ipamumuhay natin, ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatanggap natin ang buhay na walang hanggan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan na sinabi niya na maisasapuso natin ang mga turo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
“Ang pagkain sa laman at pag-inom sa dugo ng Anak ng Diyos ay, una, pagtanggap sa kanya sa pinakaliteral at ganap na diwa nito, nang walang anumang pag-aalinlangan, bilang ang tunay na anak sa laman ng Amang Walang Hanggan; at, ikalawa, ito ay pagsunod sa mga kautusan ng Anak sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang ebanghelyo, pagsapi sa kanyang Simbahan, at matiyagang pagsunod at kabutihan hanggang sa wakas. Ang mga taong kumakain ng kanyang laman at umiinom ng kanyang dugo sa ganitong paraan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, na ang ibig sabihin ay kadakilaan sa pinakamataas na langit sa selestiyal na daigdig” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo, [1965–73], 1:358).
-
Ayon kay Elder McConkie, paano natin maisasapuso ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Ipaliwanag na ang buhay na walang hanggan ay ang mabuhay magpakailanman sa piling ng Ama sa Langit at maging katulad Niya at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:56–57. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tayo magiging tulad Nila kapag isinapuso natin ang mga turo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na hindi pisikal na mananahan sa atin ang Tagapagligtas, sa halip ay mananatili sa atin ang Kanyang banal na impluwensya upang matulungan tayong maging mas katulad Niya at ng Ama sa Langit.
Ibuod ang Juan 6:59–66 na ipinapaliwanag na hindi tinanggap ng ilang mga disipulo ni Jesus ang Kanyang turo at tumigil sa pagsunod sa Kanya.
Magpatotoo sa katotohanang natukoy ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang isang mithiin para sa kung paano nila mas maisasapuso ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas o ang isa sa Kanyang mga turo.
Susunod na Unit (Juan 7–10)
Sabihin sa mga estudyante na mapag-aaralan nila sa susunod na unit kung paano pinakitunguhan ni Jesucristo ang isang babaeng nahuling nangangalunya o nakikiapid at kung ano ang sinabi Niya upang itaboy ang mga tao na gustong pumatay dito. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ipikit ang kanilang mga mata at isipin kung paano kaya maging bulag. Pagkatapos, itanong kung ano kaya ang pakiramdam na gumaling sila sa pagkabulag at makakita sa unang pagkakataon. Mababasa ng mga estudyante ang tungkol sa isang lalaking bulag na hindi lamang nakatanggap ng pisikal na paningin ngunit nakatanggap din ng espirituwal na paningin at nagkaroon ng patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos. Malalaman din nila kung bakit tinawag ng Tagapagligtas na Mabuting Pastol ang Kanyang Sarili at ang kapangyarihang sinabi Niyang natanggap Niya mula sa Ama.