Lesson 126
Mga Taga Colosas
Pambungad
Itinuro ni Pablo ang tungkol sa kadakilaan ni Jesucristo (higit na kagalingan, kataasan, o kahusayan) at nagbabala laban sa maling doktrina. Hinikayat niya ang mga Banal sa Colosas na ilagak o ituon ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas (o sa langit) at linangin o sikaping taglayin ang mga katangian ni Cristo sa kanilang mga sarili. Tinuruan din sila ni Pablo na maging magiliw at matalino sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Colosas 1–2
Itinuro ni Pablo ang tungkol sa kadakilaan ni Jesucristo at nagbabala laban sa maling doktrina.
I-drowing ang sumusunod na larawan sa pisara.
-
Kung isang malakas na buhawi ang dumating, alin sa mga punong ito ang mas malamang na tutumba? Bakit?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang mga buhawing iyon na dapat tayong mag-ingat.
“Ang mas nakapag-aalala kaysa mga ipinropesiyang lindol at digmaan [sa mga huling araw] ay ang mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot sa inyo mula sa inyong mga espirituwal na pundasyon at ilapag ang inyong kaluluwa sa mga sitwasyong hindi ninyo sukat-akalain, na kung minsan ay halos hindi ninyo namamalayan na naalis na pala kayo sa inyong pundasyon” (“Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18).
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga espirituwal na buhawi na maaaring bumunot o maglayo sa atin mula sa ating pananampalataya kay Jesucristo? (Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara, malapit sa drowing ng buhawi.)
-
Bakit mas nakakabagabag ang mga espirituwal na buhawing ito kaysa sa mga pisikal na suliranin, gaya ng lindol o digmaan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung anong mga espirituwal na buhawi ang maaaring nakaaapekto sa kanila.
Ipaliwanag na sumulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Colosas (na tinatawag na mga taga-Colosas) matapos malaman ang tungkol sa mga impluwensya at maling turo na nagbabantang bunutin sila mula sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. (Ipahanap sa mga estudyante ang Laodicea, na malapit sa kanluran ng Colosas, sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.) Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Colosas kung paano hinangad ni Pablo na palakasin ang pananampalataya ng mga miyembro kay Cristo . Hinangad din niya para sa kanila ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng matatag na pananampalataya kay Cristo.
Ibuod ang Mga Taga Colosas 1:1–11 na ipinapaliwanag na pagkatapos batiin ang mga Banal sa Colosas, kinilala ni Pablo ang kanilang katapatan at ipinaliwanag na nagdadala ang ebanghelyo ng mga bunga, o pagpapala, sa buhay ng mga tumatanggap nito at ipinamumuhay ito. Pagkatapos ay nagturo sa kanila si Pablo ng tungkol kay Jesucristo.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Taga Colosas 1:12–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo. (Maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang “di nakikita” sa talata 15 ay isinalin mula sa salitang Griyego na aoratos, na ang ibig sabihin rin ay “hindi matanaw.” Pansinin na sinabi sa Sa Mga Hebreo 11:27 na nakita ni Moises “niyaong di nakikita,” na ang ibig sabihin ay karaniwang hindi nakikita [tignan din sa D at T 67:11].)
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara sa ilalim ng punong may malalim na ugat: Si Jesucristo ang Manunubos, ang panganay sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit, ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay, ang namumuno sa Simbahan, at ang unang nabuhay na mag-uli.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman at paniwalaan ang mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo? Paano mapalalakas ang ating pananampalataya sa Kanya ng pagkakaalam at paniniwala sa mga katotohanang ito?
Balikan ang salitang Manunubos sa pahayag na nasa pisara, at ipaliwanag na ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Colosas kung bakit kailangan nila ng Manunubos.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Colosas 1:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Colosas tungkol sa pangangailangan nila sa isang Manunubos.
-
Ayon sa talata 21, paano nangahihiwalay o lumalayo ang isang tao mula sa Diyos?
-
Ano ang kahulugan ng salitang pakipagkasunduin sa talata 20? (Magkaunawaan o maging magkatugma.)
-
Ayon sa talata 20 at 22, paano tayo pinakipagkasundo ni Jesucristo sa Diyos? (Ipaliwanag na ang mga katagang “pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo sa kaniyang krus” ay tumutukoy sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
Ipaliwanag na ang pagpapala ng pakikipagkasundo sa Diyos ay may kondisyon. Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Maaari tayong makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kung …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Colosas 1:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang kinakailangan upang makipagkasundo sa Diyos.
-
Ano ang kailangan nating gawin upang makipagkasundo sa Diyos?
-
Ano ang ibig sabihin para sa atin ng “mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay”? (Manatiling matatag sa ating pananampalataya kay Jesucristo.)
-
Batay sa mga natutuhan natin mula sa talata 23, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang alituntunin sa pisara na tulad ng sumusunod: Maaari tayong makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kung magpapatuloy tayo na nakabaon at matibay sa ating pananampalataya.)
Ituon ang atensyon ng mga estudyante sa drowing sa pisara, at itanong:
-
Sino ang kilala ninyong tulad ng puno na may malalim na mga ugat—nakabaon at matibay sa kanyang pananampalataya kay Cristo?
-
Paano naging isang pagpapala sa inyo ang kanyang halimbawa?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Colosas 2:4, 8, na inaalam ang mga espirituwal na buhawi na nagbabantang bumunot sa mga Banal sa Colosas.
-
Ano ang mga espirituwal na buhawi na nagbabantang bumunot sa mga Banal sa Colosas? (Ipaliwanag na may itinurong ilang pilosopiya at tradisyon ang ilang tao na nagtatangkang balewalain ang kahalagahan ni Jesucristo.)
-
Bakit ang paniniwala sa mga maling turo, kabilang na ang mga turo na bumabalewala sa kahalagahan ni Jesucristo, ay nagiging dahilan ng madaling paghina ng espirituwalidad ng isang tao?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Colosas 2:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na tutulong sa mga Banal na makaiwas sa panliligaw ng mga makamundong pilosopiya at tradisyon.
-
Ano ang itinuturo ng Mga Taga Colosas 2:5–7 na makatutulong sa atin na makaiwas sa panliligaw ng mga mali at makamundong pilosopiya, mga turo ng relihiyon, o tradisyon? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng sarili nilang mga salita sa pagtukoy ng alituntunin na tulad ng sumusunod: Sa pagiging matatag at nakasalig kay Jesucristo, makakaiwas tayo sa panliligaw ng mga makamundong pilosopiya at tradisyon.)
Isulat ang sumusunod na mga tanong sa pisara:
Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlo o tig-aapat na katao. Sabihin na ang bawat isa ay magpapaliwanag sa kanilang grupo ng mga sagot nila sa mga tanong sa pisara. Pagkatapos ng sapat na oras, ipaulat sa ilang mga estudyante ang mga natutuhan nila mula sa mga miyembro ng grupo.
Sabihin sa mga estudyante na muling isipin ang mga personal na espirituwal na buhawi na pinagnilayan nila sa simula ng klase. Ipasulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung ano ang gagawin nila upang manatiling matatag at nakasalig kay Jesucristo at para makaiwas na mabunot ng mga espirituwal na buhawi.
Mga Taga Colosas 3–4
Hinikayat ni Pablo ang mga taga-Colosas na ilagak o ituon ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas (o sa langit) at maging matalino
Ibuod ang Mga Taga Colosas 3–4 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Colosas na tumigil sa kasamaan at linangin at sikaping taglayin ang mga katangian ni Jesucristo. Hinikayat din niya sila na maging madasalin at matalino, lalo na sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga hindi Kristiyano. Pagkatapos ay binanggit niya ang pagbati ng ilan sa mga kasama niyang lingkod, kabilang si Lucas.
Magbahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.