Lesson 28
Mateo 25:1–13
Pambungad
Nang turuan ni Jesucristo nang sarilinan ang Kanyang mga disipulo sa Bundok ng Olibo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito, itinuro Niya ang talinghaga ng sampung dalaga.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 25:1–13
Itinuro ni Jesucristo ang talinghaga ng Sampung Dalaga
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang returned missionary na nagbahagi ng personal na karanasan sa isang testimony meeting. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang mararamdaman nila kung sila ang binata sa kwento.
“Ikinuwento niya ang pag-uwi niya mula sa isang deyt matapos siyang maorden bilang elder sa edad na 18. May nangyari sa deyt na ito na hindi niya maipagmalaki. Hindi na niya binanggit ang anumang detalye, ni hindi niya iyon dapat sabihin sa publiko. Hanggang ngayo’y hindi ko alam ang detalye ng nangyari, pero sapat ang halaga niyon sa kanya para maapektuhan ang kanyang espiritu at pagpapahalaga sa sarili.
“Habang nakaupo sandali sa kanyang kotse sa garahe ng sarili niyang bahay, na pinag-iisipan ang mga bagay at talagang nalulungkot sa nangyari, patakbong dumiretso ang kanyang inang di-miyembro mula sa bahay papunta sa kotse niya. Sa isang iglap sinabi ng ina na ang nakababatang kapatid ng lalaking ito ay nahulog sa bahay nila, humampas nang malakas ang ulo at tila nangingisay o nagkukumbulsiyon. Agad tumawag ng ambulansya ang amang di-miyembro, ngunit medyo matatagalan pa bago dumating ang tulong.
“‘Halika at gumawa ka ng paraan,’ lumuluhang sinabi ng ina. ‘Wala ba kayong ginagawa sa Simbahan ninyo sa mga pagkakataong tulad nito? Nasa iyo ang priesthood nila. Halika at gumawa ka ng paraan.’ …
“… Sa gabing ito na kailangan ng isang taong mahal na mahal niya ang kanyang pananampalataya at lakas, hindi makakibo ang binatang ito. Dahil sa pinaglalabanan niyang damdamin at sa kompromisong nagawa niya—anuman iyon—hindi siya makaharap sa Panginoon para hingin ang basbas na kailangan” (“Ang Tiwala sa Pagkamarapat,” Liahona, Abr. 2014, 58–59).
-
Ano kaya ang maiisip ninyo kung kayo ang lalaking ito sa ganitong sitwasyon? Bakit napakahalaga na laging maging handa?
Idispley ang larawan ng Talinghaga ng Sampung Dalaga (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 53; tingnan din sa LDS.org). Ipaalala sa mga estudyante na habang si Jesucristo ay nasa Bundok ng mga Olibo kasama ang Kanyang mga disipulo, itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Mateo 24). Pagkatapos ay ibinigay Niya ang talinghaga ng sampung dalaga upang ilarawan kung paano maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pangunahing bahagi ng talinghaga. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga:
Ipaliwanag na kapag ikinakasal ang mga Judio, kaugalian na nila na ang lalaking ikakasal, kasama ang kanyang matatalik na kaibigan, ay pupunta sa bahay ng kanyang pakakasalan sa gabi para sa seremonya ng kasal. Pagkatapos ng seremonya, pupunta ang mga dadalo sa kasal sa bahay ng lalaking ikakasal para sa handaan. Ang bisita sa kasal na sumama sa prusisyon ay dapat may kani-kanyang dalang ilawan bilang palatandaan na kasama sila sa mga dadalo sa kasal at upang makadagdag sa liwanag at ganda ng okasyon.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 25:5–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng limang matatalinong dalaga at limang mangmang na dalaga.
-
Ano ang ginawa ng limang matatalinong dalaga? Ano ang ginawa ng limang mangmang na dalaga?
Patingnan ang mga bahagi ng talinghaga na nakasulat sa pisara. Sabihin sa klase kung ano sa palagay nila ang maaaring katawanin ng bawat bahagi.
Isulat sa pisara ang Jesucristo sa tabi ng Ang lalaking ikakasal. Ipaliwanag na ang mga katagang “samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake” (talata 5) at “pagkahating gabi ay may sumigaw” (talata 6) ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa mga talatang ito?
Ipaliwanag na ang mga matatalino at mga mangmang na dalaga na imbitado sa piging o handaan, ay kumakatawan sa mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8). Isulat sa pisara ang Mga Miyembro ng Simbahan sa tabi ng Mga Matatalino at mga Mangmang na dalaga.
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 25:8–9 at pag-isipan kung bakit hindi ibinigay ng matatalinong dalaga ang kanilang langis sa mga mangmang na dalaga. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinasagisag ng langis at bakit hindi ito maaaring ipahiram.
“Hindi ito pagdadamot o kawalan ng malasakit. Ang uri ng langis na kailangan upang paliwanagin ang daan at pawiin ang dilim ay hindi maipapahiram. Paano maipapahiram ng tao ang pagsunod sa pagbabayad ng ikapu; ang panatag na isip na dulot ng mabuting pamumuhay; ang pagtatamo ng kaalaman? Paano maipapahiram ng isang tao ang pananampalataya o patotoo? Paano maipapahiram ng isang tao ang mga pag-uugali o kalinisang-puri, o ang karanasan sa misyon? Paano maipapahiram ng isang tao ang kanyang mga pribilehiyo sa templo? Kailangang kamtin ng bawat isa ang gayong uri ng langis para sa kanyang sarili. …
“Sa talinghaga, ang langis ay mabibili sa tindahan. Sa ating buhay ang langis ng kahandaan ay unti-unting naiipon sa bawat patak sa mabuting pamumuhay. … Ang bawat gawain ng katapatan at pagsunod ay isang patak na dumaragdag sa ating imbakan” (Faith Precedes the Miracle [1972], 255–56).
-
Ano ang sinasagisag ng langis sa talinghaga? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante, tulad ng espirituwal na paghahanda, patotoo, pananampalataya, pagbabalik-loob, at karanasan, sa tabi ng Mga ilawan at langis. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa simbolismo ng langis, maaari mong imungkahi sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:56–57 at i-cross-reference ito sa Mateo 25:8.)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talinghaga at mula sa sinabi ni Pangulong Kimball tungkol sa paghiram ng espirituwal na paghahanda? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Hindi tayo makahihiram ng espirituwal na paghahanda sa iba.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talinghaga tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating patotoo at pagbabalik-loob sa pamamagitan ng araw-araw na paggawa ng mabuti. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng kasamang handout. Ipalista sa kanila sa handout ang mga paraan na makapag-iipon sila ng “langis” ng espirituwal na paghahanda.
Pagkaraan ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng ilang ideya sa klase.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 25:10–12. Sabihin sa klase na sumabay sa pagbasa nang tahimik, na inaalam ang sinabi ng lalaking ikakasal sa mga mangmang na dalaga. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na nilinaw sa Joseph Smith Translation, Matthew 25:11 na sinabi ng lalaking ikakasal, “Hindi ninyo ako nangakikilala.”).
-
Ano ang sinasabi sa atin ng pahayag na “Hindi ninyo ako nangakikilala” tungkol sa limang mangmang na dalaga? Ano ang pagkakaiba ng kilala ninyo ang Panginoon sa may alam lang kayo tungkol sa Kanya?
-
Anong matututuhan natin sa talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para maging handa sa pagdating ng Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Para maging handa sa pagdating ng Panginoon at manatiling karapat-dapat sa Kanyang presensya, dapat natin Siyang makilala.)
-
Sa anong mga paraan ninyo mas nakilala kamakailan ang Tagapagligtas?
Ipaalala sa mga estudyante ang kuwento sa simula ng lesson tungkol sa priesthood holder na hindi handa sa oras na kailangan siya. Ipaliwanag na nagmadaling pumunta ang binata sa bahay ng isang matandang miyembro ng kanilang ward na nakatira malapit sa kanila. Kaagad binigyan ng basbas ng nakatatandang lalaki ang kapatid ng binata na nagpabuti ng lagay nito hanggang sa dumating ang paramedics. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang patotoo ng binata na inilahad ni Elder Holland:
“‘Walang sinuman na hindi nakaranas ng naranasan ko noong gabing iyon ang makakaalam sa kahihiyang nadama ko at lungkot na tiniis ko dahil sa dama kong hindi ako karapat-dapat na gamitin ang priesthood na hawak ko. Mas masakit ang alaalang ito para sa akin dahil sarili kong kapatid ang nangailangan sa akin at pinakamamahal kong mga magulang na di-miyembro ang takot na takot at may karapatang umasa sa akin nang higit pa rito. Ngunit habang nakatayo ako sa harapan ninyo ngayon, ito ang maipapangako ko,’ sabi niya. ‘Hindi ako perpekto, ngunit mula noong gabing iyon wala na akong ginawang anuman na hahadlang sa akin para humarap sa Panginoon nang may tiwala at humingi ng tulong sa Kanya kapag kailangan. Ang pagkamarapat ng sarili ay isang pakikipaglaban sa mundong ito na ating ginagalawan,’ sabi niya, ‘ngunit isang pakikipaglaban ito na pananalunan ko. Nadama ko na isinumpa na akong minsan sa buhay ko, at ayaw kong madama itong muli kailanman kung may magagawa ako ukol dito. At, siyempre,’ pagtatapos niya, ‘magagawa ko ang lahat ukol dito’” (“Ang Tiwala sa Pagkamarapat,” 59).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kailangan nilang gawin upang maging espirituwal na handa sa pagdating ng Panginoon at maging karapat-dapat na manatili sa Kanyang piling. Maaari mo silang hikayatin na bilugan ang isa o dalawa sa mga inilista nilang gagawin sa handout at magtakda ng mithiin o goal na makadaragdag sa kanilang espirituwal na pagiging handa. Sabihin sa kanila na iuwi ang handout para maalala nila ang kanilang mga mithiin.