Library
Lesson 124: Mga Taga Filipos 1–3


Lesson 124

Mga Taga Filipos 1–3

Pambungad

Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Filipos na magtulungan na ipamuhay ang ebanghelyo. Pinayuhan niya sila na tularan ang mga halimbawa ng pagpapakumbaba at pagiging di-makasarili ng Tagapagligtas at itinuro na binabago ng Diyos ang kanilang mga kalooban upang maisakatuparan ang kanilang kaligtasan. Inilarawan ni Pablo ang mga sakripisyong ginawa niya upang sundin si Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Filipos 1

Inilarawan ni Pablo ang mga pagpapala na dumarating dahil sa mga pagsalungat

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 351). Palitan ang mga nakasalungguhit na salita ng mga blankong linya.

“Sa tuwing uusigin ninyo ang ‘Mormonismo’ inuusig ninyo ito upang umangat; hindi ninyo ito kailanman inuusig upang bumaba. Ito ay ipinag-uutos ng Pinakamakapangyarihang Panginoon” (Pangulong Brigham Young).

Simulan ang lesson sa pagtatanong:

  • Ano ang ilang halimbawa, sa kasaysayan o sa ating panahon, ng pang-uusig o pagsalungat ng mga tao sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa Kanyang mga tagasunod?

Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Mga Taga Filipos 1 ay hanapin nila ang katotohanan na makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano makakaapekto ang pagsalungat sa gawain ng Panginoon.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Filipos sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” na makikita sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipaliwanag na itinatag ni Pablo ang sangay ng Simbahan sa Filipos sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay (tingnan sa Mga Gawa 16). Pagkatapos ay sumulat siya sa mga taga-Filipinos habang siya ay malamang na nakakulong sa Roma. Ibuod ang Mga Taga Filipos 1:1–11 na ipinapaliwanag na nagpahayag si Pablo ng pasasalamat at pagmamahal para sa mga Banal sa Filipos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 1:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang naging resulta ng mga pagsalungat na naranasan ni Pablo sa kanyang gawaing misyonero.

  • Ayon sa talata 12, ano ang naging resulta ng naranasan ni Pablo na pagsalungat? (Ang “lalong ikasusulong ng evangelio.”)

  • Ayon sa mga talata 13–14, paano nakatulong ang mga pagsalungat na ito sa pagsulong ng ebanghelyo? (Nalaman ng lahat ng tao sa buong “pretorio” [talata 13], o base militar, na nakulong si Pablo dahil sa pangangaral tungkol kay Jesucristo. Ang pagkakakulong kay Pablo ang nagbigay-inspirasyon sa mga miyembro ng Simbahan na maging mas matapang sa pangangaral ng ebanghelyo.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa magiging resulta kapag nakararanas tayo ng pagsalungat dahil sa pagsunod natin kay Jesucristo? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga nararanasan nating pagsalungat dahil sa ating pagsunod kay Jesucristo ay maaaring makatulong sa pagsusulong ng Kanyang gawain.)

Banggitin ang pahayag ni Pangulong Young sa pisara. Itanong sa mga estudyante kung anong mga salita ang isusulat nila sa mga patlang. Punan ang mga patlang ng mga tamang salita. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng umangat sa kontekstong ito ay sumulong.

  • Ano ang mga halimbawa ng kung paano nakatulong ang pagsalungat sa pagsusulong ng gawain ng Tagapagligtas?

Ibuod ang Mga Taga Filipos 1:15–26 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Pablo na mas makikilala ang Tagapagligtas dahil sa mga nangyari kay Pablo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 1:27–30. Ipaliwanag na sa Joseph Smith Translation, sinasabi sa Philippians 1:28 na: “At sa anuman ay huwag kayong mangatakot sa inyong mga kaaway; na hindi tumanggap ng ebanghelyo na magdadala sa kanila ng kapahamakan; ngunit sa inyo na tumanggap ng ebanghelyo, kaligtasan; at ang mayroon ang Diyos.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal. Ipaliwanag na ang pamumuhay (talata 27) ay tumutukoy sa pag-uugali.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal?

  • Ayon sa mga talata 29–30, ano ang mararanasan ng mga miyembro ng Simbahan sa ngalan ng Tagapagligtas?

Ipaalala sa mga estudyante ang naunang natukoy na katotohanan.

  • Sa inyong palagay, paano kaya naging pagpapala para sa mga Banal sa Filipos ang katotohanan na ang mga pagsalungat na kanilang nararanasan sa pagsunod kay Jesucristo ay makatutulong sa pagsusulong ng Kanyang gawain?

Mga Taga Filipos 2

Nagturo si Pablo tungkol sa pagpapakababa ng Tagapagligtas at tinagubilinan ang mga Banal tungkol sa kanilang kaligtasan

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Taga Filipos 2:2, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal sa Filipos.

  • Paano ninyo ibubuod ang payo ni Pablo?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang malakas ang Mga Taga Filipos 2:3–8, na inaalam ang itinagubilin ni Pablo sa mga Banal upang sila ay magkaisa. Sabihin sa magkakapartner na isulat sa pisara ang isa sa mga bagay na nalaman nila.

  • Ayon sa mga turo ni Pablo, paano naging halimbawa ng pagpapakumbaba at pagiging di-makasarili si Jesucristo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula kay Pablo na tutulong sa atin na mas magkaisa? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung tutularan natin ang halimbawa ng pagpakumbaba at pagiging di-makasarili ni Jesucristo, mas magkakaisa tayo.

  • Sa paanong mga paraan natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas ng pagpapakumbaba at pagiging di-makasarili sa ating mga pamilya, paaralan, o ward o branch?

  • Kailan ninyo nakita na inuna ng mga tao ang pangangailangan ng iba bago ang sa kanilang sarili? Paano napalalakas ng mga gawaing ito ang pagkakaisa?

Ipaliwanag na nakatala sa Mga Taga Filipos 2:9–11 na itinuro ni Pablo na sa huli, ang lahat ay yuyuko “upang ihayag … na si Jesucristo ay Panginoon” (talata 11). Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang mararamdaman nila kung naroon sila sa sitwasyong iyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 2:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal na gawin upang maging kagalakan sa kanila ang pagyuko sa harapan ng Panginoon. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang “takot at pangigninig” (talata 12) ay tumutukoy sa mapitagang paghanga at kagalakan (tingnan sa Mga Awit 2:11; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Takot,” scriptures.lds.org).

Sabihin na may ilang tao na nagkaroon ng maling pag-unawa sa mga sinabi ni Pablo sa Mga Taga Filipos 2:12, iniisip na ang kahulugan nito ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng ating sariling mga gawa.

  • Sino ang gumawa na maging posible ang ating kaligtasan? Paano?

  • Ayon sa Mga Taga Filipos 2:13, ano ang dalawang paraan na tinutulungan ng Diyos ang mga nagsisikap na gawin ang kinakailangan para sa kanilang kaligtasan? (Tinutulungan sila ng Diyos na magkaroon ng “pagnanasa,” o kagustuhan, at sumunod “sa kaniyang mabuting kalooban,” o Kanyang mga kautusan. Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Tinutulungan tayo ng Diyos na naisin at sundin kung ano ang kinakailangan para tayo ay maligtas, na naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

  • Ano ang mga kinakailangan para maligtas, na ibinigay ng Diyos at tinutulungan tayo na matupad? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan ang ikatlo at ikaapat na mga saligan ng pananampalataya.)

Ipaliwanag na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tinutulungan tayo ng Diyos na magbago at dinadalisay ang ating mga pagnanais upang hangarin nating sundin Siya (tingnan sa Mosias 5:2). Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano sila natulungan ng Diyos na baguhin ang kanilang mga puso upang naisin nilang sundin Siya at kung paano Niya sila tinulungan na mas matapat na sumunod sa Kanyang mga kautusan.

Ibuod ang Mga Taga Filipos 2:14–30 na ipinapaliwanag na ipinaalala ni Pablo sa mga Banal na sila ay “[lumiwanag] tulad sa mga ilaw sa sanlibutan” (talata 15) at sinabi sa kanila na magpapadala siya ng mga sugo upang malaman ang kanilang kalagayan.

Mga Taga Filipos 3

Inilarawan ni Pablo ang mga sakripisyong ginawa niya upang masunod si Jesucristo

Sabihin na mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na mahalaga para sa kanila na itinuturing din ng mundo na mahalaga (tulad ng pamilya, mga kaibigan, edukasyon, pagkain, teknolohiya, o pera) at, kung posible ay magdispley sila ng mga bagay na sumasagisag sa naisip nila. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang handa nilang pagsakripisyuhan ng mga bagay na pinahahalagahan nila.

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Filipos 3 ang isinakripisyo ni Pablo upang matamo ang gantimpala na maaari din nating makamit.

Ibuod ang Mga Taga Filipos 3:1–3 na ipinapaliwanag na binalaan ni Pablo ang mga taga-Filipos tungkol sa masasamang guro na nagsasabing ang mga nagbalik-loob sa Simbahan ay dapat sumunod sa ilang tradisyon ng mga Judio, kabilang na ang pagtutuli (tingnan sa New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 436).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 3:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga namana niya sa mga Judio.

  • Anong mga pribelihiyong panlipunan at panrelihiyon sa lipunang Judio ang tinamasa ni Pablo noon? (Ang kanyang angkan bilang Israelita, posisyon bilang isang Fariseo, sigasig para sa Judaismo, at mahigpit na pagsunod sa mga batas.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 3:7–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang pananaw ni Pablo sa kanyang magandang katayuan noon sa lipunang Judio.

  • Ano ang pananaw ni Pablo tungkol sa isinakripisyo niya para masunod si Jesucristo?

  • Bakit handang “[tiisin ni Pablo] ang kalugihan ng lahat ng bagay”? (talata 8). (Upang makilala niya si Jesucristo; “masumpungan sa kanya” [talata 9], o maging tapat sa tipan na ginawa sa Kanya; mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya; magtiis alang-alang sa Kanya; at maging bahagi ng Pakabuhay na Mag-uli ng “mabubuti,” o mga matwid.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 3:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang isinasaisip ni Pablo tungkol sa kanyang espirituwal na pag-unlad. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maabot ay matamo.

  • Sa halip na ituon ang kanyang atensyon sa mga bagay na iniwan niya, ano ang pinagsisikapang matamo ni Pablo? (Ipaliwanag na ang “ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios” [talata 14] ay ang buhay na walang hanggan.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pablo kung ano ang dapat nating gawin upang makilala si Jesucristo at matamo ang buhay na walang hanggan? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung isasakripisyo natin ang lahat ng kailangang isakripisyo upang masunod si Jesucristo at magpapatuloy sa pananampalataya, makikilala natin Siya at magtatamo ng buhay na walang hanggan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley, tungkol sa isang opisyal ng hukbong-dagat na nanggaling sa ibang bansa at pumunta sa Estados Unidos para magsanay at naging miyembro ng Simbahan noong panahong iyon. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang handang isakripisyo ng binatang ito upang masunod si Jesucristo.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ipinakilala siya sa akin bago siya bumalik sa kanyang bansa. … Sabi ko: ‘Ang mga mamamayan ninyo ay hindi Kristiyano. Ano ang mangyayari sa pag-uwi mo na isa ka nang Kristiyano, at, lalo pa’t, isang Kristiyanong Mormon?’

“Lumungkot ang kanyang mukha, at sumagot siya, ‘Malulungkot po ang pamilya ko. Maaari nila akong itakwil at ituring na patay na. Tungkol naman po sa aking kinabukasan at trabaho, maaaring hindi na ako bigyan ng pagkakataon.’

“Nagtanong ako, ‘Handa ka bang gawin ang gayon kalaking sakripisyo para sa ebanghelyo?’

“Nagningning sa kanyang guwapong kayumangging mukha ang kanyang mga matang nabasa ng mga luha nang sumagot siya, ‘Totoo ito, di po ba?’

“Nahihiya sa ginawa kong pagtatanong, sumagot ako, ‘Oo, totoo ito.’

“Na sinagot niya ng, ‘Kung gayon, may iba pa po bang mas mahalaga?’” (“It’s True, Isn’t It?” Ensign, Hulyo 1993, 2).

  • Ano ang handang isakripisyo ng binatang ito upang masunod ang Tagapagligtas?

  • Ano ang handa ninyong isakripisyo (o ng kakilala ninyo) upang masunod ang Tagapagligtas?

  • Bakit ang mga gantimpala ng pagkakakilala kay Jesucristo at pag-unlad tungo sa buhay na walang hanggan ay sapat na dahilan para sa mga nagawa ninyong sakripisyo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung may bagay sa kanilang buhay na kailangan nilang isakripisyo o talikuran upang mas masunod nila si Jesucristo. Upang magawa ito, ipasulat sa kanila ang kanilang mithiin.

Ibuod ang Mga Taga Filipos 3:15–21 na ipinapaliwanag na nagbabala si Pablo tungkol sa mangyayaring kapahamakan sa mga nakatuon lamang sa makamundong kasiyahan. Itinuro rin niya na babaguhin ni Jesucristo ang ating di-perpektong pisikal na katawan at gagawin itong tulad ng Kanyang imortal na katawan.

Magtapos sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Taga Filipos 2:3–8. Pagiging di-makasarili

Ipinaliwanag ni Elder H. Burke Peterson ng Pitumpu kung ano ang kahulugan ng pagiging di-makasarili:

“Nabibilang sa atin ngayon ang mga taong lubos na di-makasarili—tulad ni [Jesucristo].

“Ang di-makasariling tao ay mas nag-aalala sa kaligayahan at kapakanan ng iba kaysa sa kanyang sariling kaginhawahan o kapanatagan, isang taong handang maglingkod sa iba kahit na ito ay hindi hinihiling o pinasasalamatan, o isang taong handang maglingkod kahit sa yaong mga hindi niya gusto. Ang taong di-makasarili ay nagpapakita ng kahandaang magsakripisyo, kahandaang isantabi sa kanyang puso at isipan ang sariling kagustuhan, pangangailangan, at damdamin. Sa halip na hangarin o kailanganin ang papuri at pagkilala para sa kanyang sarili, o bigyang-kasiyahan ang sarili, ang di-makasariling tao ay ipagkakaloob ang mga pangangailangang ito sa iba” (“Selflessness: A Pattern for Happiness,” Ensign, Mayo 1985, 66).

Mga Taga Filipos 2:5-8. “Hinubad … ito” ng Tagapagligtas

Ang mga katagang “hinubad … ito” (Mga Taga Filipos 2:7) ay mula sa salitang Griyegong kenoō, na ang ibig sabihin ay “alisan.” Itinuro ni Elder Tad T. Callister, na naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, ang tungkol sa mga banal na pribilehiyo at kalagayan na “inalis” ni Jesus mula sa Kanyang sarili para makapunta sa lupa:

“Ipinagpalit ng Diyos Anak ang kanyang tahanan sa langit kasama ng mga selestiyal na palamuti nito sa isang tahanan dito sa lupa na primitibo ang gayak. Siya, ‘ang Hari ng langit’ (Alma 5:50), ‘ang Panginoong Makapangyarihan na naghahari’ (Mosias 3:5), ay iniwan ang trono upang manahin ang sabsaban. Ipinagpalit niya ang kapangyarihan ng isang diyos para arugain bilang isang sanggol. Isinuko niya ang kayamanan, kapangyarihan, nasasakupan, at ang kabuuan ng kanyang kaluwalhatian—para saan?—para sa panunuya, pangungutya, panghihiya, at pagsupil. Ang ipinagpalit ay hindi matutumbasan ng kung anupaman, isang pagpapakababang hindi mawari ang antas, isang paglusong sa di-masusukat na kalaliman” (The Infinite Atonement [2000], 64).

Mga Taga Filipos 2:12–13. “Lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas. … Sapagka’t Dios ang gumagawa sa inyo”

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung paano “[lu]lubusin [ng mga miyembro ng Simbahan] ang gawain ng [kanilang] sariling pagkaligtas” (Mga Taga Filipos 2:12):

“Nakikiusap ako sa mga miyembro ng Simbahan na gumawa ng kabutihan, sundin ang mga kautusan, hangarin ang Espiritu, mahalin ang Panginoon, unahin sa kanilang buhay ang mga bagay na ukol sa kaharian ng Diyos, at sa gayo’y mapagsikapan nila ang kanilang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon” (sa Conference Report, Okt. 1970, 8).

Ang mga gawaing ito, na tinutulungan tayo ng Diyos na gawin, ay kinakailangan upang matugunan ang itinakda Niya na kailangang gawin nang sa gayon ay matamo ang lahat ng mga pagpapala na maaari nating makamit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na tayo ay naligtas dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas:

“Walang dudang may kahanga-hangang kakayahan ang tao at maaaring maisakatuparan ang mga dakilang bagay sa pamamagitan ng patuloy na pagsusumikap at matatag na determinasyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng ating pagsunod at mabubuting gawa, hindi tayo maliligtas mula sa epekto ng ating mga kasalanan kung wala ang biyaya na ipinagkaloob sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo.

“… Hindi matatamo ng tao ang kaligtasan sa kanyang sariling pagsisikap” (“What Think Ye of Christ?” Ensign, Nob. 1988, 67).