Library
Home-Study Lesson: Juan 7–10 (Unit 14)


Home-Study Lesson

Juan 7–10 (Unit 14)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng Daily Home-Study Lessons

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Juan 7–10 (unit 14) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na ituturo mo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Juan 7)

Mula sa mga turo ni Jesus sa Jerusalem noong Kapistahan ng mga Tabernakulo, natutuhan ng mga estudyante na kapag ginawa natin ang kalooban ng Ama sa Langit, makatatanggap tayo ng patotoo sa Kanyang doktrina. Natukoy rin nila ang alituntunin na kung lalapit tayo kay Jesucristo at maniniwala sa Kanya, mapuspos tayo ng Espiritu Santo.

Day 2 (Juan 8)

Mula sa tala ng babaeng nahuling nangangalunya o nakikiapid, natutuhan ng mga estudyante na nakatutulong ang pagkilala sa ating mga kahinaan upang maiwasan ang paghusga sa iba at na nagpapakita ng awa ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng pagkakataong magsisi. Pagkatapos ay natutuhan ng mga estudyante na si Jesucristo ang Ilaw ng Sanglibutan at kung susundin natin ang Tagapagligtas, makaiiwas tayo sa espirituwal na kadiliman at mapupuspos ng Kanyang liwanag. Natutuhan din nila ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag nag-aral tayo tungkol kay Jesucristo, makikilala natin ang Ama. Kung magpapatuloy tayo sa pagsunod sa salita ni Jesucristo, magiging mga disipulo Niya tayo at malalaman ang katotohanang magpapalaya sa atin. Kung nagkasala tayo at hindi nagsisi, nagiging mga alipin tayo ng kasalanan. Si Jesus ay si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan.

Day 3 (Juan 9)

Nabasa ng mga estudyante sa Juan 9 ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking ipinanganak na bulag. Nalaman nila mula sa talang ito ang sumusunod na mga katotohanan: Ginagamit ng Diyos ang ating mga pagsubok upang maipakita ang Kanyang gawain at kapangyarihan. Kapag nananatili tayong tapat sa nalalaman natin sa kabila ng oposisyon, titibay ang ating mga patotoo. Kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo, mas lumilinaw ang ating espirituwal na paningin at pang-unawa.

Day 4 (Juan 10)

Natutuhan ng mga estudyante sa lesson na ito na, bilang Mabuting Pastol, kilala ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at inialay ang Kanyang buhay para sa atin. Bilang literal na Anak ng Diyos, may kapangyarihan si Jesucristo na ialay ang Kanyang buhay at angkinin muli ito. Natukoy rin ng mga estudyante ang alituntunin na kapag nakilala natin ang boses ng Mabuting Pastol at sumunod sa Kanya, gagabayan Niya tayo patungo sa buhay na walang hanggan.

Pambungad

Habang nasa Jerusalem ang Tagapagligtas para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, dinala sa kanya ng ilang mga eskriba at mga Fariseo ang isang babaeng nagkasala ng pangangalunya, at itinanong nila kung siya ba ay dapat batuhin. Natigilan ang mga nagparatang sa mga sinabi Niya at kinaawaan Niya ang babae.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 8:1-11

Dinala sa Tagapagligtas ang babaeng nahuli sa pangangalunya

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na may nakahalubilo o nakasama silang mga tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga pamantayan ng Panginoon.

  • Anong mga hamon ang maaari nating harapin kung may mga makasama tayong tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga pamantayan ng Panginoon? (Maaaring sumagot ang mga estudyante na baka matukso silang husgahan ang ganoong mga tao o pakitunguan sila nang di-maayos.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Ano ang dapat nating gawin sa mga pagkakataon na may makasama tayong mga tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga pamantayan ng Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Juan 8:1–11 na makatutulong sa kanilang masagot ang tanong na ito.

Ipaliwanag na pagkatapos ng Kapistahan ng mga Tabernakulo, nanatili sandali si Jesucristo sa Jerusalem at nagturo sa mga tao sa templo (tingnan sa Juan 8:1–2.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao.

  • Ano ang nangyari habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao?

  • Ano ang itinanong ng mga eskriba at mga Fariseo sa Tagapagligtas?

  • Ayon sa talata 6, ano ang intensyon ng mga eskriba at mga Fariseo? (Hangarin nilang siraan si Jesus sa harap ng mga tao at magkaroon ng dahilan na maakusahan Siya upang hulihin at patayin Siya [tingnan sa Juan 7:1, 32].)

Ipaliwanag na kung sinabi ni Jesus na batuhin ang babae, pumapayag Siya sa isang parusa na ayaw ng mga Judio at ipinagbabawal ng batas ng mga Romano. Kung sinabi naman ni Jesus na huwag batuhin ang babae, maaakusahan Siya ng pagbalewala sa batas ni Moises o hindi paggalang sa mga nakaugalian noon. (Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:450–51.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sumagot ang Tagapagligtas.

  • Ayon sa talata 7, ano ang sagot ni Jesus sa kanila?

  • Ano sa palagay ninyo ang nais ng Tagapagligtas na maunawaan ng mga taong ito nang sabihin Niyang, “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya”? (Juan 8:7).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari nang mapag-isipang mabuti ng mga Fariseo at mga eskriba ang sinabi ng Tagapagligtas.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “[binagabag ng kanilang sariling budhi]”?

  • Ano ang inamin o tinanggap ng mga lalaking ito nang magpasiya silang umalis?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa hindi panghuhusga sa iba? (Maaaring iba’t iba ang mga gagamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang aminin o tanggapin na may mga kahinaan din tayo ay makatutulong sa atin na huwag husgahan ang iba. Isulat ang alituntuning ito sa ilalim ng tanong sa pisara.)

  • Sa palagay ninyo, paano makatutulong ang aminin o tanggaping may mga kahinaan din tayo para hindi natin husgahan ang iba?

Ipaalala sa mga estudyante na nagkasala ng pangangalunya ang babaeng ito, na isang napakalaking kasalanan (tingnan sa Alma 39:3–5).

  • Ano sa palagay ninyo ang maaaring naramdaman ng babaeng ito nang mabunyag ang kanyang kasalanan kay Jesus at sa maraming tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa babaeng ito.

  • Paano nagpakita ang Tagapagligtas ng pagmamahal at awa sa babaeng ito?

  • Ano ang mga itinagubilin ng Tagapagligtas sa babae?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi kinukunsinti ng Tagapagligtas ang kasalanan ng babaeng ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang Kanyang utos sa kanya ay, ‘Humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.’ Iniutos Niya sa makasalanang babae na humayo na, talikuran ang kanyang masamang pamumuhay, huwag na muling magkasala, baguhin ang kanyang buhay. Sinabi niyang, Humayo ka, babae, at simulan ang iyong pagsisisi; at itinuro niya sa kanya ang unang hakbang na gagawin—ang talikuran ang kanyang mga kasalanan” (The Miracle of Forgiveness [1969], 165).

  • Anong katotohanan ang malalaman natin tungkol sa Tagapagligtas sa Juan 8:10–11? (Maaaring iba’t iba ang mga gagamiting salita ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kinaaawaan tayo ng Tagapagligtas sa pagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na magsisi. Isulat ang katotohanang ito sa ilalim ng tanong sa pisara.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pagkaunawa sa katotohanang ito kapag nagkasala tayo?

  • Paano makatutulong sa atin ang dalawang katotohanang natukoy natin sa lesson na ito sa gagawin natin kapag may nakasalamuha tayong ibang tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga kautusan at mga pamantayan ng Panginoon?

Ibahagi ang sumusunod na karagdagan sa katapusan ng Juan 8:11 mula sa Joseph Smith Translation: “At pinapurihan ng babaeng ito ang Diyos simula noon, at naniwala sa kanyang pangalan” (Joseph Smith Translation, John 8:11 ).

  • Ayon sa Joseph Smith Translation ng John 8:11, ano ang naging epekto ng pagkaawa ng Tagapagligtas sa babae?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang kanilang nararamdaman para sa Tagapagligtas dahil sa Kanyang kagustuhan na magpakita ng awa sa atin at mabigyan tayo ng mga pagkakataon na magsisi. Maaari ka ring maglaan ng oras para maibahagi ng mga estudyante ang kanilang isinulat. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo sa mga alituntuning natukoy sa lesson na ito.

Susunod na Unit (Juan 11–15)

Hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa pag-aaral nila ng Juan 11–15: Ano kaya ang pakiramdam ng makakita ng isang tao na bumangon mula sa kamatayan? Bakit nakatala sa mga banal na kasulatan na “tumangis si Jesus” (Juan 11:35)? Ano ang ginawa ni Jesus para sa Kanyang mga Apostol na karaniwang ginagawa ng mga tagapaglingkod o alipin? Ano ang ipinangako ni Jesus na matatanggap ng Kanyang mga disipulo upang mapanatag sila kapag wala na Siya?