Library
Pambungad sa Unang Sulat ni Pablo Kay Timoteo


Pambungad sa Unang Sulat ni Pablo Kay Timoteo

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Mababasa natin sa I Kay Timoteo na pinayuhan ni Pablo si Timoteo, isang pinuno ng Simbahan sa Efeso, na tiyaking ang totoong doktrina ang itinuturo at huwag pahintulutang makagulo ang laganap na mga kabulaanan sa mga turo ng ebanghelyo. Itinuro niya kay Timoteo ang tungkol sa katungkulan ng bishop at deacon at tinalakay ang mga kwalipikasyon para sa mga maglilingkod sa mga posisyong ito. Inilahad din ni Pablo ang kanyang malaking pasasalamat para sa natanggap niyang awa mula kay Jesucristo nang siya ay magbalik-loob. Ang pag-aaral ng I Kay Timoteo ay makatutulong sa mga estudyante na lalo nilang maunawaan ang kahalagahan ng pagtuturo ng totoong doktrina sa Simbahan. Mas malulubos din ang pasasalamat ng mga estudyante para sa awa ng Tagapagligtas at sa mahalagang tungkulin ng mga bishop at iba pang mga pinuno ng Simbahan.

Sino ang nagsulat ng aklat na ito?

Isinulat ni Pablo ang I Kay Timoteo (tingnan sa I Kay Timoteo 1:1).

Kailan at saan ito isinulat?

Ang Unang Sulat ni Pablo kay Timoteo ay malamang na naisulat sa pagitan ng A.D. 64 at 65, posibleng habang nasa Macedonia si Pablo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org; I Kay Timoteo 1:3). Bago ito naisulat, napalaya na si Pablo mula sa kanyang dalawang taong pagkakabilanggo (sa isang bahay) sa Roma at malamang na naglalakbay sa iba’t ibang lugar, binibisita ang mga rehiyon kung saan siya nagtayo ng mga branch ng Simbahan (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).

Para kanino ito isinulat at bakit?

Ang liham na ito ay isinulat ni Pablo para kay Timoteo, na naglingkod na kasama ni Pablo sa kanyang ikalawang paglalakbay para sa gawaing misyonero (tingnan sa Mga Gawa 16:3). Kasunod ng kanilang misyon, nagpatuloy si Timoteo sa pagiging matapat na misyonero at pinuno ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 19:22; Mga Taga Filipos 2:19) at isa sa mga lubos na pinagkakatiwalaang kasama ni Pablo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 4:17). Tinawag ni Pablo si Timoteo na “tunay na anak sa pananampalataya” (I Kay Timoteo 1:2). Isang Griyegong Gentil ang ama ni Timoteo, ngunit ang kanyang matwid na Judiong ina at lola ang nagturo sa kanya at tumulong sa kanya na maunawaan ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Gawa 16:1; II Kay Timoteo 1:5; 3:15).

Sa panahong isinulat ito, naglilingkod si Timoteo bilang lider ng Simbahan sa Efeso (tingnan sa I Kay Timoteo 1:3). Ipinahiwatig ni Pablo na nag-alinlangan ang ilang miyembro sa kakayahan ni Timoteo sa pamumuno dahil bata pa siya (tingnan sa I Kay Timoteo 4:12). Nais bisitahin ni Pablo si Timoteo nang personal, ngunit hindi siya sigurado kung magagawa pa niya ito (tingnan sa I Kay Timoteo 3:14; 4:13). Ginawa ni Pablo ang sulat na ito para kay Timoteo upang tulungan ang batang lider ng Simbahan na mas maunawaan ang kanyang mga tungkulin.

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Ang mga sulat ni Pablo na kilala bilang I Kay Timoteo, II Kay Timoteo, at Kay Tito ay kadalasang tinatawag na mga Sulat na pastoral dahil naglalaman ito ng mga payo ni Pablo sa mga pastor o pinuno ng Simbahan (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Ang pastor ay salin ng salitang Latin para sa “pastol.”

Nagmungkahi si Pablo ng mga tuntunin na tutulong kay Timoteo na matukoy ang mga karapat-dapat na maglingkod bilang mga bishop o deacon (tingnan sa I Kay Timoteo 3). Ang mga tuntunin ni Pablo ay nakatulong na matukoy ang mga responsibilidad ng mga pinuno ng Simbahan para matugunan ang mga pangangailangang temporal at espirituwal ng mga miyembro (tingnan sa I Kay Timoteo 5). Nagsulat din si Pablo para itama ang ang karaniwang maling ideya ng asetisismo—isang paniniwala na ang mas mataas na espirituwalidad ay matatamo sa pamamagitan ng lubusang pagkakait sa sarili. Halimbawa, nagbabala si Pablo na ang ilang miyembro ng Simbahan ay mag-aapostasiya at palalaganapin ang paniniwalang dapat ipagbawal ang pagpapakasal (tingnan sa I Kay Timoteo 4:1–3). Upang hadlangan ito at ang iba pang mga impluwensyang salungat sa tanggap nang mga paniniwala, nagbigay ng tagubilin si Pablo kay Timoteo na magturo ng totoong doktrina (tingnan sa I Kay Timoteo 1:3–4, 10; 4:1–6, 13, 16).

Outline

I Kay Timoteo 1 Nagbabala si Pablo laban sa mga maling turo. Niluwalhati niya ang Panginoong Jesucristo, na nagbigay ng malaking pagkaawa upang iligtas siya. Tinawag ni Pablo ang kanyang sarili na “pangulo” (I Kay Timoteo 1:15), o pinakamalala, sa mga makasalanan, tinutukoy ang kanyang paglaban sa mga Kristiyano bago ang kanyang pagbabalik-loob. Tiniyak ni Pablo sa iba na matutulungan din sila ng awa ni Cristo.

I Kay Timoteo 2–3 Itinuro ni Pablo ang tungkol sa pangangailangan sa panalangin at tamang pagsamba. Itinuro niya na si Jesucristo ang pangtubos para sa lahat at ang ating Tagapamagitan sa Ama. Tinagubilinan niya ang mga kalalakihan at kababaihan kung ano ang tamang pag-uugali sa pagsamba. Inilahad niya ang mga kwalipikasyon para sa mga bishop at deacon. Ipinaliwanag niya na ang mga hiwaga ng kabanalan ay ang pagpapakababa ni Jesucristo, ang Kanyang perpektong buhay dito sa mundo, at ang Kanyang Pag-akyat sa kaluwalhatian.

I Kay Timoteo 4 Nagbabala si Pablo na ang ilang mga tao ay malilinlang ng mga maling turo tungkol sa kasal at ilang pagbabawal sa pagkain. Nagsalita siya tungkol sa kahalagahan ng kasal at pagtanggap ng mga nilalang ng Diyos nang may pasasalamat. Nagturo si Pablo kung ano ang gagawin sa mga maling turo sa kanyang panahon at doon sa mga malapit nang dumating.

I Kay Timoteo 5–6 Binigyan ni Pablo si Timoteo ng tuntunin na makatutulong sa kanya na maglingkod sa mga pangangailangan ng mga nakatatanda, kabataan, mga balo, matatanda, at mga alipin. Inilarawan ni Pablo kay Timoteo ang mga huwad na guro. Nagbabala siya na “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10) at tinuruan si Timoteo kung paano matatamo ng mga Banal ang buhay na walang hanggan.