Lesson 130
I Kay Timoteo
Pambungad
Sumulat si Pablo kay Timoteo, isang lider ng priesthood sa Efeso, at pinayuhan siya na tiyaking naituturo ang totoong doktrina. Itinakda niya ang mga kwalipikasyon para maging obispo (bishop) at diakono (deacon) at pinayuhan si Timoteo na maging halimbawa sa mga nananalig. Sinabihan ni Pablo ang mga Banal na alagaan ang mahihirap at mga balo. Tinapos niya ang kanyang sulat sa pagtuturo na “ang pagibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Kay Timoteo 1–3
Tinuruan ni Pablo si Timoteo tungkol sa kanyang mga responsibilidad na pangalagaan ang Simbahan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Naalala ko ang karanasan ko maraming taon na ang nakalipas noong bishop pa ako. Sa opening exercises ng miting namin sa priesthood isang Linggo ng umaga, naghanda kami sa pag-ordena sa isang binatilyo sa katungkulan ng priest. Ang bisita namin sa ward nang araw na iyon ay isang high councilor na temple worker din noon. Nang pauupuin ko na ang binatilyo na nakaharap sa kongregasyon para maisagawa namin ang ordenasyon, pinigilan ako ng high councilor at sinabing, ‘Bishop, palagi kong pinahaharap sa templo ang mga inoordena.’ Inayos niya ang silya upang sa direksyon ng templo humarap ang binatilyo. Mabilis kong nakilala ang isang di-awtorisadong gawain” (“Opening Remarks” [worldwide leadership training meeting, Nob. 2010], lds.org/broadcasts).
Ipaliwanag na bilang isang bishop, si Pangulong Monson, sa halip na ang high councilor, ang awtorisado na mamuno sa gawain ng Panginoon sa kanyang ward.
-
Ano ang maaaring maging panganib kung hahayaan ng isang bishop o branch president na gawin ang mga di-awtorisadong gawain na tulad nito?
Ipaliwanag na sumulat si Apostol Pablo kay Timoteo, isang batang priesthood leader sa Efeso. Sa sangay ng Simbahan na pinamumunuan niya, naranasan ni Timoteo ang mga hamon na katulad ng naranasan ni Pangulong Monson.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Kay Timoteo 1:3–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong responsibilidad ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo. Ipaliwanag na ang salitang katha (talata 4) ay tumutukoy sa mga maling turo; at ang pakikinig sa “kasaysayan ng lahi na walang katapusan” (talata 4) ay tumutukoy sa mga maling tradisyon na nagsasabing ang kaligtasan ay matatamo lamang ng mga piniling inapo ni Abraham, na kadalasan ay kilala sa kanilang mahahabang kasaysayan ng lahi; at ang “walang kabuluhang pananalita” (talata 6) ay tumutukoy sa mga walang saysay na talakayan.
-
Ayon sa mga talata 3–4, ano ang responsibilidad na ibinigay ni Pablo kay Timoteo?
-
Ayon sa mga talata 6–7, bakit mahalagang tuparin ni Timoteo ang responsibilidad na ito?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa turo ni Pablo kay Timoteo tungkol sa responsibilidad ng mga lider ng priesthood? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang mga priesthood leader ay may responsibilidad na siguraduhin na ang totoong doktrina at tamang gawain ang naituturo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon na naranasan ni Pangulong Monson bilang isang bishop. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitirang bahagi ng salaysay. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tumugon si Pangulong Monson sa high councilor:
“Nakita ko na maaari pang mas lumaganap ang gawaing ito. Bagamat mas bata ako sa high councilor, alam ko ang nararapat gawin. Ibinalik ko ang silya sa dating posisyon nito na nakaharap sa kongregasyon at sinabi sa kanyang, ‘Sa aming ward, nakaharap kami sa kongregasyon’” (“Opening Remarks,” lds.org/broadcasts).
-
Paano tayo pinagpapala dahil sa mga priesthood leader na tinitiyak na ang totoong doktrina at mga tamang gawain ang itinuturo sa Simbahan?
Ibuod ang I Kay Timoteo 1:8–11 na ipinapaliwanag na binalaan ni Pablo ang mga naghahangad na magturo ng mga batas ng Diyos ngunit hindi tama ang pag-unawa rito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Kay Timoteo 1:12–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit nagpahayag si Pablo ng pasasalamat kay Jesucristo.
-
Bakit nagpahayag si Pablo ng pasasalamat kay Jesucristo?
-
Ayon sa mga talata 15–16, paano naging “halimbawa” si Pablo sa lahat ng nagsisisampalataya kay Jesucristo?
Ibuod ang I Kay Timoteo 1:17–I Kay Timoteo 3 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo si Timoteo na ingatan ang kanyang pananampalataya. Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang ating tagapamagitan, at ipinayo niya sa mga miyembro ng Simbahan kung paano sila dapat kumilos. Itinakda rin niya ang mga kwalipikasyon para sa mga obispo at mga diyakono (bishop at deacon).
I Kay Timoteo 4–5
Inilarawan ni Pablo ang mga katangian ng isang matapat na tagapaglingkod ni Jesucristo
Magdala ng paper clip, tali, tape, at isang magnet sa klase. Itali ang isang dulo ng tali sa paper clip, at i-tape ang isa pang dulo nito sa mesa. Ilapit ang magnet sa paper clip nang hindi ito idinidikit sa paper clip. Dapat na sumunod ang paper clip sa magnet dahil sa nakahihilang lakas nito. Iikot ang magnet upang maipakita kung paano nito napagagalaw ang paper clip.
-
Kung ang paper clip ay sumisimbolo sa isang tao, ano naman ang sinisimbolo ng magnet?
Ipaisip sa mga estudyante kung paano sila naging magnet na nakakaimpluwensya sa iba. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng I Kay Timoteo 4 na nagtuturo kung paano maging isang mabuting impluwensya sa buhay ng iba.
Ibuod ang I Kay Timoteo 4:1–11 na ipinapaliwanag na nagpropesiya si Pablo na sa “mga huling panahon” (talata 1), ilang mga miyembro ng Simbahan ang magsisitalikod sa pananampalataya at susunod sa mga maling turo at gawain, gaya ng “[pagbabawal sa] pagaasawa” (talata 3). Pinangaralan ni Pablo si Timoteo na kandiliin (pangalagaan) ng totoong doktrina ang mga Banal.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Kay Timoteo 4:12, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo na maging pagkatao nito. Ipaliwanag na ang salitang pamumuhay sa talatang ito ay tumutukoy sa asal o pag-uugali. Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maging “uliran ng mga nagsisisampalataya”? (Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang mga katagang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)
-
Sa ipinayo ni Pablo, anu-ano ang mga paraan para maging uliran (halimbawa) sa mga nagsisisampalataya si Timoteo? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Kay Timoteo 4:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung ano pa ang ipinayo ni Pablo na makatutulong kay Timoteo para maging halimbawa sa mga nagsisisampalataya.
-
Ano pa ang ipinayo ni Pablo na makatutulong kay Timoteo para maging halimbawa sa mga nagsisisampalataya?
-
Ayon sa talata 15, bakit sinabi ni Pablo kay Timoteo na pagnilayan ang doktrina na itinuro ni Pablo at lubusang isabuhay ang mga ito? (Upang makita ng iba kung paano nakatutulong kay Timoteo ang paggawa ng mga ito.)
-
Ayon sa itinuro ni Pablo sa talata 16, ano ang maaaring maging resulta kung magsisikap tayong maging halimbawa ng mga nagsisisampalataya kay Jesucristo? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, sumulat sa pisara ng isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kung tayo ang mga halimbawa ng mga nagsisisampalataya kay Jesucristo, matutulungan natin ang ating sarili at ang iba na maligtas.)
-
Paano nakatutulong ang pagiging isang halimbawa ng isang taong nananalig at sumusunod kay Jesucristo sa pagdadala ng kaligtasan sa iba?
Patingnan muli sa mga estudyante ang listahan sa pisara at sabihin sa kanila na isipin ang mga paraan na naging “uliran ng mga nagsisisampalataya” si Timoteo (I Kay Timoteo 4:12). Sabihin sa klase na magbigay ng mga paraan na maaaring maging halimbawa ang isang tao sa bawat isa sa mga ito.
-
Kailan naging isang uliran ng mga nagsisisampalataya sa isa sa mga paraan na binanggit ni Pablo ang isang tao para sa inyo? (Maaari ka ring magbahagi ng sariling karanasan.)
Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng isang mithiin kung paano sila magiging uliran ng mga nagsisisampalataya kay Jesucristo at nang sa gayon ay makatulong sila sa pagdadala ng kaligtasan sa kanilang sarili at sa iba.
Ibuod ang I Kay Timoteo 5 na ipinapaliwanag na tinuruan ni Pablo si Timoteo kung paano pangangalagaan ng mga Banal ang mga nangangailangan, kabilang na ang mga balo.
I Kay Timoteo 6
Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na tulungan ang iba na hangarin ang mga walang hanggang kayamanan
Magpakita ng pera sa klase.
-
Sa tingin ninyo, magiging mas masama ba o mas mabuti ang tao dahil sa pera? Bakit?
Ipaliwanag na nakatala sa I Kay Timoteo 6 na pinayuhan ni Pablo si Timoteo tungkol sa pera. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Kay Timoteo 6:6–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pera at kung ano ang kanyang babala tungkol sa kayamanan.
-
Anong turo o babala mula kay Pablo ang namukod-tangi sa inyo? Bakit?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”? (I Kay Timoteo 6:10).
-
Ayon sa mga talata 9–10, ano ang naidudulot ng pag-ibig sa salapi? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nagdudulot ng kasamaan at apostasiya ang pag-ibig sa salapi.)
-
Sa palagay ninyo, bakit nagdudulot ng kasamaan at apostasiya ang pag-ibig sa salapi?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang “pag-ibig” sa salapi at hindi ang mismong salapi ang nagdudulot ng kasamaan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang salapi ay hindi likas na masama. Parehong uri ng pera ang ginamit ng Mabuting Samaritano upang paglingkuran ang kanyang kapwa sa ginamit ni Judas upang pagtaksilan ang Panginoon. ‘Ang pagibig sa salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan.’ (1 Tim. 6:10; idinagdag ang italics.) Ang kritikal na pagkakaiba ay ang antas ng espirituwalidad na ginagamit natin sa pagtingin, pagsuri, at pangangasiwa ng mga bagay rito sa mundo” (“Spirituality,” Ensign, Nob. 1985, 63).
Isulat ang mga sumusunod na scripture reference at mga tanong sa pisara, o ibigay ang mga ito bilang isang handout:
Sabihin sa mga estudyante na magpartner-patner. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga scripture reference at talakayin ang mga tanong bilang magkakapartner. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang natalakay.
-
Kung ang mga Banal ay nagtitiwala sa Diyos at mayaman sa paggawa ng kabutihan, ano ang maaari nilang matanggap ayon kay Pablo sa talata 19?
-
Anong alituntuning tungkol sa magagawa natin upang matamo ang buhay na walang hanggan ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pablo? (Bagama’t maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung magtitiwala tayo sa buhay na Diyos at kung mayaman tayo sa paggawa ng mabuti, matatamo natin ang buhay na walang hanggan.)
-
Kung ang pagtitiwala sa Diyos at ang paggawa ng mabuti ang ating pinakamataas na priyoridad, paano nito maaapektuhan ang paraan ng pagtingin, paghangad, at paggamit natin ng kayamanan?
Magtapos sa pagpapatotoo na ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan ay tunay na makapagpapayaman sa tao. Hikayatin ang mga estudyante na gawin nilang pinakamataas na priyoridad ang paggawa ng mabuti para makamit nila ang buhay na walang hanggan na siyang tunay na kayamanan.