Home-Study Lesson
Mga Taga Colosas–I Kay Timoteo (Unit 26)
Pambungad
Sumulat si Pablo kay Timoteo, isang priesthood leader sa Efeso, at pinayuhan siya na maging uliran o halimbawa ng mga nagsisisampalataya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Sa unit na ito, pinag-aralan ng mga estudyante ang scripture mastery passage na II Mga Taga Tesalonica 2:1–3. Maaari ninyong pag-aralang muli ng mga estudyante ang mga talatang ito sa pamamagitan ng pagpapabuod sa kanila ng mga katotohanan na itinuturo ng mga talatang ito. Upang tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang bahagi ng mga talatang ito, maaari mong ipabigkas sa kanila nang ilang beses ang talata 3.
I Kay Timoteo 4
Inilarawan ni Pablo ang mga katangian ng isang matapat na lingkod ni Jesucristo
Magdala ng paper clip, tali, tape, at isang magnet sa klase. I-tape ang isang dulo ng tali sa mesa at itali ang isa pang dulo nito sa paper clip. Ilapit ang magnet sa paper clip nang hindi ito idinidikit sa paper clip. Dapat na sumunod ang paper clip sa magnet dahil sa nakahihilang lakas nito. Iikot ang magnet upang maipakita kung paano nito napagagalaw ang paper clip.
-
Kung ang paper clip ay sumisimbolo sa isang tao, ano naman ang sinisimbolo ng magnet?
Ipaisip sa mga estudyante kung paano sila naging magnet na nakakaimpluwensya sa iba. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng I Kay Timoteo 4 na nagtuturo sa atin kung paano maging isang mabuting impluwensya sa buhay ng ibang tao.
Ibuod ang I Kay Timoteo 4:1–11 na ipinapaliwanag na nagpropesiya si Pablo na sa “mga huling panahon” (talata 1), ang ilang miyembro ay lalayo sa pananampalataya at susunod sa mga maling turo at gawain, tulad ng “[pagbabawal sa] pagaasawa” (talata 3). Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na kandiliin (pangalagaan) ng totoong doktrina ang mga Banal.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Kay Timoteo 4:12, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo kay Timoteo na maging pagkatao nito. Ipaliwanag na ang salitang pananalita sa talatang ito ay tumutukoy sa pag-uugali at asal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman.
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maging “uliran ng mga nagsisisampalataya”? (Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang pariralang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.)
-
Sa ipinayo ni Pablo, anu-ano ang mga paraan para maging uliran (halimbawa) si Timoteo sa mga nagsisisampalataya? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Kay Timoteo 4:13–16. Sabihin sa klase na sumabay sa pagbasa na inaalam ang karagdagang ipinayo ni Pablo na makatutulong kay Timoteo para maging halimbawa sa mga nagsisisampalataya.
-
Ano pa ang karagdagang ipinayo ni Pablo na makatutulong kay Timoteo para maging halimbawa sa mga nagsisisampalataya?
-
Ayon sa talata 15, bakit sinabi ni Pablo kay Timoteo na pagnilayan ang mga doktrinang itinuro ni Pablo at lubusang ibigay ang sarili sa pamumuhay ng mga ito? (Upang makita ng iba kung paano nakatulong kay Timoteo ang paggawa ng mga ito.)
-
Ayon sa mga itinuro ni Pablo sa talata 16, ano ang maaaring maging resulta kung magsusumikap tayong maging mga halimbawa ng mga sumasampalataya kay Jesucristo? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kung magiging mga halimbawa tayo ng mga sumasampalataya kay Jesucristo, makatutulong tayo na makapagbigay ng kaligtasan sa ating sarili at sa iba.)
-
Paano nakatutulong na makapagbigay ng kaligtasan sa iba ang pagiging isang halimbawa ng isang sumasampalataya at sumusunod kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralang muli ang nakalista sa pisara at isipin ang mga paraan kung paano naging “uliran ng mga nagsisisampalataya” si Timoteo (I Kay Timoteo 4:12). Sabihin sa klase na magbigay ng mga paraan na maaaring maging halimbawa sa bawat aspetong ito ang isang tao.
-
Kailan naging isang uliran ng mga nagsisisampalataya sa isa sa mga paraan na binanggit ni Pablo ang isang tao para sa inyo? (Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan sa iyong buhay.)
Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng isang mithiin kung paano sila magiging uliran o halimbawa ng mga nagsisisampalataya kay Jesucristo at ng sa gayon ay makatulong na makapagbigay ng kaligtasan sa iba at sa kanilang sarili.
Susunod na Unit (II Kay Timoteo 1–Sa Mga Hebreo 4)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang ilan sa mga hamon ng pagiging isang disipulo ni Jesucristo ngayon. Ipaliwanag din na sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa mga itinuro ni Pablo sa susunod na linggo, malalaman nila ang mga katotohanan na tutulong sa kanila na manatiling tapat sa kabila ng mga paghihirap at pang-uusig.