Lesson 133
Kay Tito
Pambungad
Sa sulat ni Pablo kay Tito, isang pinuno ng Simbahan sa Creta, tinagubilinan siya ni Pablo na gamitin ang magaling na aral (totoong doktrina) sa pagtuturo at pagtutuwid ng iba. Pinayuhan din ni Pablo si Tito na turuan ang mga Banal na maging mabubuting halimbawa, na magkaroon ng pag-asa sa pagtubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. (Paalala: Sa paghahanda sa lesson na ito, makatutulong na pag-aralang muli ang mga alituntunin sa seektruth.lds.org.)
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Kay Tito 1
Pinayuhan ni Pablo si Tito na gumamit ng magaling na aral (totoong doktrina) sa pagtuturo at pagtutuwid sa mga tao sa Creta.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nakarinig sila na may nagsalita laban sa Simbahan at sa doktrina nito.
-
Ano ang wastong paraan ng pagtatanggol sa Simbahan at sa doktrina nito kapag mayroong taong nagsasalita nang laban dito?
Sabihin sa mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang Kay Tito ay alamin nila ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung paano ipagtanggol ang Simbahan at ang doktrina nito sa angkop na paraan kapag may taong nagsalita nang laban dito.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Creta sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipaliwanag na bago mamatay si Pablo, sumulat siya kay Tito, na naglilingkod noon bilang pinuno ng Simbahan sa Creta. Si Tito ay napabalik-loob ni Pablo mga ilang taon na ang nakararaan, at pagkatapos ng kanyang binyag, naglingkod siya kasama ni Pablo sa iba’t ibang tungkulin. Sa kanyang sulat, pinalakas ni Pablo ang loob ni Tito at pinayuhan siya tungkol sa kanyang tungkulin.
Ibuod ang Kay Tito 1:1–6 na ipinapaliwanag na nagpatotoo si Pablo na umaasa siya sa buhay na walang hanggan dahil sa mga pangako ng Diyos sa buhay bago ang buhay sa mundo. Ipinaliwanag din ni Pablo na ipinadala niya si Tito sa isla ng Creta upang isaayos ang Simbahan doon. Isa sa mga tungkulin ni Tito ang tumawag ng mga kalalakihan upang maging mga obispo.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Kay Tito 1:7–8, na inaalam ang mga katangian na kailangang taglayin ng mga obispo o bishop. Maaari mong pamarkahan sa iyong mga estudyante ang nalaman nila.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang mga katangian na kailangang taglayin ng mga obispo? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mapagsariling kalooban ay matigas ang ulo o mayabang at ang “mahalay na kapakinabangan” ay tumutukoy sa pera na nakuha sa di-tapat o masamang paraan.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na magkaroon ng mga katangiang ito ang mga obispo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Tito 1:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isa pang katangian na dapat taglayin ng mga obispo. Ipaliwanag na ang “magaling na aral” ay tumutukoy sa totoong doktrina.
-
Ano ang isa pang katangian na dapat taglayin ng mga obispo?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[ma]nangan” sa salita ng Diyos?
-
Ayon sa talata 9, bakit mahalaga na manangan sa salita ng Diyos ang mga obispo? (Upang magamit ang totoong doktrina upang mahikayat ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo at pabulaanan ang mga “nagsisisalansang.” Ang isang nagsisisalansang ay isang tao na nagsasalita laban o ikinakaila ang isang ideya [sa kasong ito, ang katotohanan ng ebanghelyo]. Ang mga nagsisisalansang ay maaaring kapwa miyembro o di-miyembro ng Simbahan.)
-
Ano ang magagawa natin, tulad ng mga obispo, upang makapanangan tayo sa salita ng Diyos? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag nananangan tayo sa salita ng Diyos, magagamit natin ang totoong doktrina upang mahikayat ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at pabulaanan ang mga sumasalungat dito. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kapangyarihan ng totoong doktrina sa pagtulong sa mga indibidwal na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
“Ang totoong doktrina na naunawaan, ay nagpapabago ng ugali at gawi.
“Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis magpabuti ng ugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali. … Ito ang dahilan kung bakit talagang binibigyang-diin namin ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).
-
Ayon kay Pangulong Packer, bakit mahalagang pag-aralan at matutuhan ang totoong doktrina?
Hatiin ang klase sa grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante. Sabihin sa mga estudyante na magtulungan sa pagsagot ng mga sumusunod na tanong at isulat ang kanilang sagot sa kanilang notebook o scripture study journal. Maaari mong isulat ang mga tanong sa pisara:
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase. Pagkatapos ng pagbabahagi, ipaliwanag na bagama’t ang totoong doktrina ay makatutulong sa atin na hikayatin ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo at pabulaanan ang mga sumasalungat sa Simbahan, hindi tinatanggap ng lahat ng tao ang katotohanan. Dahil may kalayaang pumili ang mga indibidwal, maaari nilang piliin na tanggapin o tanggihan ang totoong doktrina ni Jesucristo.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga scripture mastery passage na natutuhan na nila ngayong taon.
-
Anong scripture mastery passage ang talagang makatutulong sa paghikayat sa iba na ipamuhay ang ebanghelyo?
-
Anong scripture mastery passage ang makatutulong na pabulaanan ang mga kumakalaban sa Simbahan?
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pag-aralan ang mga scripture mastery upang maging handa sila na magturo ng totoong doktrina sa iba.
Ibuod ang Kay Tito 1:10–16 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo kay Tito na kailangang umasa ang mga bishop sa totoong doktrina dahil marami ang mga manlilinlang at mga huwad na guro sa kanila. Pinayuhan niya si Tito na sawayin (pagsabihan) ang mga huwad na guro para iwanan na nila ang kanilang mga kamalian at “mangapakagaling sa pananampalataya” (talata 13). Ipinaliwanag din ni Pablo na ang mga nangahawa (o di-malinis) ay nagsasabing kilala nila ang Diyos ngunit itinatatwa Siya sa kanilang mga ginagawa.
Kay Tito 2
Pinayuhan ni Pablo si Tito na turuan ang mga Banal sa Creta na ipamuhay ang totoong doktrina
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Tito 2:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang tagubilin ni Pablo kay Tito na gawin sa totoong doktrina.
-
Ano ang tagubilin ni Pablo kay Tito na gawin sa totoong doktrina? (Ituro ito sa mga Banal sa Creta.)
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: Kalalakihan, Kababaihan, Mga Kabataang Babae at Kabataang Lalaki.
Sabihin sa isang dalagita na basahin nang tahimik ang Kay Tito 2:3–5, na inaalam ang ipinayo ni Pablo sa kung paano dapat mamuhay ang mga nakatatandang babae at ano ang dapat nilang ituro sa mga kabataang babae. Ipabasa nang tahimik sa isang binatilyo ang Kay Tito 2:2, 6–8 na inaalam kung ano ang payo ni Pablo sa mga nakatatandang lalaki at kung paano dapat na mamuhay ang mga kabataang lalaki.
Paalala: Kung may magtanong tungkol sa kahulugan ng “[pagpapasakop] sa kanikaniyang asawa” ng mga kababaihan (talata 5), maaari mong patingnan ang mga materyal sa lesson para sa Mga Taga Efeso 5–6.
-
Ayon kay Pablo, paano dapat mamuhay ang mga nakatatandang lalaki? nakatatandang babae? kabataang babae? kabataang lalaki? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara sa ilalim ng mga angkop na heading, o sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang kahulugan ng ilang salita. Halimbawa, ang ibig sabihin ng mapagpigil ay kalmado o seryoso, ang ibig sabihin ng mahinahon ang pag-iisip ay may disiplina sa sarili, at ang ibig sabihin ng pagiging mahusay ay pagiging magalang.)
-
Ano ang kahulugan ng mga pariralang “sa lahat ng bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa”? (talata 7). (Maging mabuting halimbawa ng pamumuhay ng ebanghelyo.)
-
Ayon sa ipinayo ni Pablo kay Tito, ano ang dapat gawin ng mga tagasunod ni Jesucristo? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga tagasunod ni Jesucristo ay dapat na maging mabubuting halimbawa sa iba.)
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang nakatatandang miyembro sa kanilang ward o branch na naging mabuting halimbawa ng pamumuhay ng ebanghelyo at nagpapakita ng dedikasyon dito. Tumawag ng ilang mga estudyante at ipabahagi sa kanila ang tungkol sa taong naisip nila at sabihin sa kanila na ipaliwanag kung papaano sila natulungan ng halimbawa ng taong iyon.
Papiliin ang mga estudyante ng isang ugali na nakalista sa pisara at sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin na mas maipakita ang ugaling ito sa kanilang buhay upang mapagpala ng kanilang mabuting halimbawa ang iba.
Ibuod ang Kay Tito 2:9–10 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo si Tito na turuan ang mga miyembro ng Simbahan na nagtatrabaho na maging matapat at magpasakop sa kanilang mga panginoon. Sa pagiging matapat at sa pagpapasakop, iginagalang ng mga miyembro ng Simbahang ito ang Panginoon at nagpapakita ng mabubuting halimbawa sa kanilang mga panginoon (mga amo).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Kay Tito 2:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawang posible ng biyaya ng Diyos para sa lahat ng tao at kung ano ang ginawa ni Cristo para sa ating lahat.
-
Ano ang ginawang posible ng biyaya ng Diyos para sa lahat ng tao?
-
Ayon sa talata 12, ano ang kailangang gawin ng mga Banal upang matamo ang biyaya ng Diyos?
-
Ano ang natutuhan natin sa mga turo ni Pablo sa talata 14 tungkol sa ginawa ni Jesucristo para sa atin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Inialay ni Jesucristo ang Kanyang sarili para sa atin upang matubos at malinis Niya tayo. Maaari mong pamarkahan sa iyong mga estudyante ang mga parirala sa talata 14 na nagtuturo ng katotohanang ito.)
Ipaliwanag na ang katagang “kaniyang sariling pagaari” (talata 14) ay tumutukoy sa mga taong binibigyang-halaga ng Panginoon, na Kanyang tinubos (tingnan sa I Ni Pedro 1:18–19; 2:9) at sa mga nakipagtipan na sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Exodo 19:5–6).
Kay Tito 3
Sinabi ni Pablo kay Tito kung ano ang dapat gawin ng mga Banal sa Creta matapos silang mabinyagan
Ibuod ang Kay Tito 3:1–2 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo si Tito na turuan ang mga Banal sa Creta na sundin ang mga batas ng lupain at maging mahinahon at mapagkumbaba sa lahat ng kanilang ugnayan sa iba.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Kay Tito 3:3–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa nagawang pagbabago sa kanya at sa mga Banal sa Creta ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ayon sa talata 3, paano inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili at ang ibang mga miyembro ng Simbahan bago nila natutuhan ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?
-
Ayon sa mga talata 5–6, ano ang nagpabago sa mga tao?
-
Ayon sa talata 7, ano ang mangyayari sa mga tao bilang resulta ng pagbabagong hatid ng biyaya ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila nabago ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ayon sa talata 8, ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal matapos silang mabago at mabinyagan?
Ibuod ang Kay Tito 3:9–15 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na umiwas sa mga taong mahilig makipagtalo. Hiniling din ni Pablo kay Tito na bisitahin siya nito sa Macedonia.
Magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanan na natukoy sa lesson na ito.