Library
Home-Study Lesson: Santiago 2–I Ni Pedro 5 (Unit 29)


Home-Study Lesson

Santiago 2I Ni Pedro 5 (Unit 29)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Santiago 2I Ni Pedro 5 (unit 29) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Santiago 2–3)

Mula sa mga turo ni Santiago sa mga kabanatang ito, natutuhan ng mga estudyante na mahal ng matatapat na disipulo ni Jesucristo ang lahat ng tao anuman ang kanilang sitwasyon at kung makagawa tayo ng kahit isang kasalanan lang, nagkakasala tayo sa Diyos. Natutuhan din nila na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay maipapakita sa ating mabubuting gawa. Sa pag-aaral nila ng mga turo ni Santiago tungkol sa pagkontrol ng kanilang pananalita, nalaman ng mga estudyante na ang matutuhang kontrolin ang ating pananalita ay may malaking epekto sa buhay natin at na nagsisikap ang mga disipulo ni Jesucristo na gamitin ang kanilang wika sa mabubuting layunin, hindi para magpalaganap ng kasamaan.

Day 2 (Santiago 4–5)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga kabanatang ito sa Santiago, natutuhan nila ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag lumapit tayo sa Diyos, Siya ay lalapit sa atin. Kung alam nating gawin ang mabuti ngunit pinili nating huwag gawin iyon, nagkakasala tayo. Sa pamamagitan ng panalangin at kapangyarihan ng priesthood, mapagagaling ang maysakit.

Day 3 (I Ni Pedro 1–2)

Sa kanilang pag-aaral ng mga turo ni Pedro, natutuhan ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Bagama’t nakararanas tayo ng mga pagsubok, magagalak tayo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa mga pagpapalang ipinangako sa atin ng Diyos na ibibigay sa atin sa hinaharap. Ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay sinusubok at dinadalisay kapag tapat nating tinitiis ang mga pagsubok. Tayo ay tinutubos sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Jesucristo. Dahil si Jesus ay namuhay nang walang kasalanan, maiaalay Niya ang Kanyang sarili bilang perpektong handog para sa ating mga kasalanan. Si Jesucristo ay inorden noon pa man na maging Manunubos natin. Iniutos ng Diyos sa Kanyang mga Banal na humiwalay at maiba sa mundo upang makita ng iba ang kanilang halimbawa at luwalhatiin Siya. Matutularan natin ang ginawang pagtitiis ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtitiis sa mga pagsubok.

Day 4 (I Ni Pedro 3–5)

Mula sa paghihikayat ni Pedro sa mga Banal sa kanyang panahon, natutuhan ng mga estudyante na bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating pagsikapan na lagi tayong maging handa na ibahagi at ipagtanggol ang ating mga paniniwala nang may pagpapakumbaba at pagpipitagan. Natutuhan din ng mga estudyante na ipinangaral ang ebanghelyo sa mga patay upang magkaroon din sila ng parehong mga pagkakataon tulad ng mga taong nakapakinig ng ebanghelyo sa buhay na ito. Itinuro ni Pedro na ang mga lider ng Simbahan ay may responsibilidad na pangalagaan at bantayan ang kawan ng Diyos nang may pagmamahal at sa pamamagitan ng halimbawa.

Pambungad

Nilinaw ni Apostol Santiago ang ilang di-pinagkakasunduan ng mga Banal tungkol sa kahulugan ng tunay na pananampalataya. Itinuro rin niya ang pagkakaugnay ng pananampalataya at mga gawa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Santiago 2:14–26

Itinuro ni Santiago ang ginagampanan ng pananampalataya at gawa sa ating kaligtasan

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na may isang binatilyo ang umamin na nagkasala siya. Naniniwala siya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kakayahan ng Tagapagligtas na iligtas siya. Sinabi niya na ang dapat lamang niyang gawin ay maniwala at patatawarin na siya ng Panginoon, na wala na siyang ibang dapat gawin.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung sapat na ba ang paniniwala ng binatilyong ito para mapatawad sa kanyang mga kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 2:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ni Santiago sa mga tao tungkol sa pananampalataya.

  • Ano ang itinanong ni Santiago sa mga Banal tungkol sa pananampalataya?

  • Ano sa palagay ninyo ang mga gawang tinutukoy ni Santiago?

Ipaalala sa mga estudyante na nalaman nila sa kanilang pag-aaral ng lesson sa Santiago 2 na itinama ni Apostol Santiago ang isang maling ideya tungkol sa pananampalataya. Ang akala ng ilang tao ay simpleng paghahayag lang ng paniniwala ang pananampalataya. Sa konteksto ng Santiago 2:14, ginamit ni Santiago ang mga salitang mga gawa na naiiba sa paggamit dito ni Apostol Pablo. Nang gamitin ni Pablo ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng batas ni Moises. Nang gamitin ni Santiago ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng katapatan o mga gawa ng kabutihan.

Ipaliwanag na gumamit si Santiago ng analohiya upang ilarawan ang sagot sa kanyang tanong sa talata 14.

Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa isa sa mga estudyante na umakto na isang pulubi na humihingi ng pagkain, damit, at tirahan para mabuhay. Sabihin sa isa pang estudyante na umakto na isang tao na siyang tutulong sa pulubi. Ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang Santiago 2:15–16 habang inaakto ng dalawa pang estudyante ang inilalahad sa mga talatang ito.

  • Ano ang mali sa tugon na ibinigay sa namamalimos na estudyante?

  • Sapat na ba ang tugon ng isa pang estudyante para maligtas ang isang pulubi?

Sabihin sa klase na basahin nang malakas o bigkasin ang Santiago 2:17–18 nang sabay-sabay na inaalam ang itinuro ni Santiago tungkol sa pananampalataya. Ipaalala sa kanila na ang Santiago 2:17–18 ay isang scripture mastery passage.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay” (talata 17)?

  • Paano nakatutulong sa atin ang analohiya ni Santiago tungkol sa pulubi para maunawaan ang kahulugan ng mga katagang ito?

  • Ayon sa talata 17, anong katotohanan ang itinuro ni Santiago tungkol sa tunay na pananampalataya kay Jesucristo? (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nakikita sa ating mabubuting gawa. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Santiago 2:19–20. Ipaliwanag na nakasaad sa Joseph Smith Translation ng James 2:19 na, “Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa; ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig; itinulad mo ang iyong sarili sa kanila, na hindi mabibigyang-matwid.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga halimbawang ginamit ni Santiago upang ilarawan na ang paniniwala sa Diyos ay hindi laging kinapapalooban ng pananampalataya sa Diyos.

  • Anong halimbawa ang ginamit ni Santiago upang ilarawan na ang paniniwala sa Diyos ay hindi laging kinapapalooban ng pananampalataya sa Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos. … Ang pagkilos lamang ay hindi pananampalataya sa Tagapagligtas, kundi ang pagkilos ayon sa mga tamang alituntunin ay isang pangunahing bahagi ng pananampalataya. Sa gayon, ‘ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog [patay]’ (Santiago 2:20)” ( (“Humingi nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 95).

  • Ayon kay Elder Bednar, ano ang “pangunahing bahagi ng pananampalataya”?

  • Bakit mahalaga sa atin na maunawaan na ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesucristo ay maniwala sa Kanya at kumilos ayon sa mga tamang alituntunin?

Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon tungkol sa binatilyo sa simula ng lesson.

  • Paano makatutulong sa isang taong naghahanap ng kapatawaran para sa kanyang mga kasalanan ang maunawaan na kasama sa pananampalataya ang paniniwala at pagkilos?

Ibuod ang Santiago 2:21–26 na ipinapaliwanag na tinukoy ni Santiago sina Abraham at Rahab bilang dalawang halimbawa ng mga tao na ang pananampalataya kay Jesucristo ay ipinakita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. (Ang kuwento tungkol sa matapang na babaeng si Rahab ay matatagpuan sa Josue 2:1–22.)

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kanilang notebook o scripture study journal sa pagsulat ng isang pagkakataon na nagpakita sila ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang mga gawa at kung paano sila pinagpala dahil dito. Hikayatin ang mga estudyante na isama ang kanilang mga patotoo sa Tagapagligtas at kung paano nila ipapakita ang paniniwalang iyan sa pamamagitan ng kanilang mga kilos. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat.

Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging pagnilayan kung paano nila mas ganap na maipapakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natatanggap nila.

Susunod na Unit (II Ni PedroJudas)

Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang dahilan kung bakit pinipili ng mga tao na magkasala kahit alam nila na mali iyon. Sabihin sa mga estudyante na alamin nila ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng II Ni Pedro hanggang Judas sa susunod na linggo na makatutulong sa kanila na masagot ang mga sumusunod na tanong: Paano natin maiiwasang malinlang ng maling doktrina? Ano ang sinabi ni Juan na nagpapalayas o nag-aalis ng takot? Paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos? Ano ang mabubuting katangian na dapat nating taglayin upang magmana ng buhay na walang hanggan? Anong babala ang ibinigay tungkol sa mga taong pinili nating makahalubilo?