Library
Lesson 54: Lucas 16


Lesson 54

Lucas 16

Pambungad

Itinuro ni Jesus ang talinghaga tungkol ng di-tapat na katiwala. Narinig ng mga Fariseo ang mga turo ni Jesus at kinutya Siya. Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo at itinuro sa kanila ang talinghaga ng taong mayaman at si Lazaro.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 16:1–12

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng di-tapat na katiwala

Isiping magdala sa klase ng mga bagay na maaaring kumatawan sa mga kayamanan at kapangyarihan ng mundo, tulad ng pera, electronic device, diploma, laruang kotse, o larawan ng isang bahay.

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng:

  • Ano ang ilang bagay na madalas paglagakan ng tao ng kanilang mga puso at sinisikap nilang matamo? (Kung nagdala ka sa klase ng mga bagay na may kaugnayan dito, ipakita ang mga ito kapag nabanggit ito ng mga estudyante. Kung wala kang dala, ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Ano ang ilang kayamanan na nais ng Ama sa Langit na hanapin natin? (Ipalista sa isang estudyante ang mga sagot ng klase sa pisara, na maaaring kasama rito ang mga walang-hanggang pamilya, kapayapaan, kagalakan, at kaluwalhatiang selestiyal. Sabihin sa estudyante na isulat ang pamagat na Walang Hanggang Kayamanan sa itaas ng listahan.)

Ipaliwanag na matatamasa natin ang ilan sa mga yaong walang hanggang kayamanan sa buhay na ito. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung alin sa mga walang hanggang kayamanan ang talagang mahalaga sa kanila. Sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Lucas 16 na makatutulong sa kanila na matamasa ang mga walang hanggang kayamanan.

Ipaliwanag na matapos ituro ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, nawawalang isang putol na pilak o barya, at alibughang anak, itinuro ng Tagapagligtas ang talinghaga ng di-tapat na katiwala. Maaari mong ipaliwanag na ang katiwala ay isang taong namamahala sa negosyo, pera, o ari-arian ng ibang tao.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 16:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalaman ng mayamang lalaki sa kanyang katiwala.

  • Ang ang ginawa ng katiwala sa mga mga pag-aari ng mayamang lalaki?

  • Ano ang ibinunga ng pagwawaldas ng katiwala? (Mawawalan siya ng trabaho.)

Ibuod ang Lucas 16:3–7 na ipinapaliwanag na nag-alala ang katiwala sa mangyayari sa kanya kapag nawalan siya ng trabaho dahil hindi niya kaya ang mabibigat na trabaho at nahihiya siyang manghingi. Gumawa siya ng isang plano na naisip niya na maaaring humantong sa pagkakaroon ng trabaho sa ibang mga bahay. Binisita niya ang dalawang may utang sa mayamang lalaki at binawasan nang malaki ang mga utang nila, sa pag-asang makakahingi siya ng pabor sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 16:8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mayamang lalaki tungkol sa ginawa ng kanyang katiwala. Ipaliwanag na ang “mga anak ng sanglibutang ito” ay ang mga taong makamundo ang isipan at na ang “mga anak ng ilaw” ay ang mga tagasunod ng Diyos, o mga taong espirituwal ang isipan.

  • Paano tumugon ang mayamang lalaki nang malaman niya ang ginawa ng katiwalang ito? Ano ang pinuri ng mayamang lalaki? (Pinuri ng mayamang lalaki ang katalinuhan ng katiwala dahil nakagawa ito ng paraan na makakagaanan siya ng loob ng mga may utang sa mayamang lalaki. Hindi niya pinupuri ang kawalang katapatan ng katiwala.)

Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa talinghaga ng di-tapat na katiwala.

Elder James E. Talmage

“Ang layunin ng ating Panginoon ay ipakita ang pagkakaiba ng pangangalaga, pagmamalasakit, at katapatan ng mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa pagpapayaman o pagkita ng pera sa mundo, at ang di-lubos na katapatan ng marami na nagsasabing hinahangad nila ang mga espirituwal na kayamanan. …

“… Matuto maging sa mga taong di-tapat at masama; kung napakasinop nila sa paghahanda para sa tanging kinabukasang nasa isip nila, gaano pa kaya kayo dapat higit na maghanda, na naniniwala sa isang walang hanggang hinaharap! … Tularan ang di-tapat na katiwala, at ang mga maibigin sa kayamanan, hindi sa kanilang kawalan ng katapatan, kasakiman at pagkamkam ng kayamanan na panandalian [pansamantala] lamang, kundi ang kanilang pagiging masigasig, pag-iisip at paghahanda para sa hinaharap” (Jesus the Christ, Ika-3 edisyon [1916], 463, 464).

  • Ano ang nais ng Tagapagligtas na matutuhan ng Kanyang mga disipulo mula sa mga taong nakatuon sa mga temporal na bagay tulad ng di-tapat na katiwala?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung matalino nating paghahandaan ang ating walang hanggang hinaharap …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 16:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin para mabiyayaan ng mga walang hanggang kayamanan. Ipaliwanag na ang kayamanan ay tumutukoy sa mga yaman sa mundo, gaya ng pera, mga ari-arian, at mga asosasyon.

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng maging “mapagtapat sa kakaunti” (talata 10)? (Matapos sumagot ang mga estudyante, idagdag ang sumusunod sa mga kataga na nasa pisara: at matwid na gagamitin ang mga kayamanan ng mundo, …)

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa nakasulat na mga walang hanggang kayamanan sa pisara.

  • Bakit “tunay na kayamanan” (talata 11) ang mga ito?

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para mabuo ang isang alituntunin kung paano tayo magtatamo ng mga walang hanggang kayamanan: (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung matalino nating paghahandaan ang ating walang hanggang hinaharap at matwid na gagamitin ang mga kayamanan ng mundo, tayo ay mabibiyayaan ng mga walang hanggang kayamanan.)

  • Bakit kung minsan ay mahirap paghandaan nang matalino at masigasig ang ating walang hanggang hinaharap?

  • Paano natin matwid na magagamit ang mga kayamanan natin sa mundo?

  • Paano nagpapakita ang matwid nating paggamit ng mga kayamanan ng mundo sa pagiging karapat-dapat natin na pagkatiwalaan ng mga walang hanggang kayamanan?

Lucas 16:13–31

Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo at itinuro ang talinghaga ng taong mayaman at ni Lazaro

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa nakalista sa pisara (o, kung dala mo ang mga ito, sa mga bagay na kumakatawan sa mga kayamanan ng mundo), at sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti kung paanong ang pag-iimbot sa mga kayamanan ng mundo ay humahadlang sa atin sa pagtatamo ng mga kayamanan na walang hanggan. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang sagot sa tanong na ito sa pag-aaral nila ng Lucas 16:13–26.

Ibuod ang Lucas 16:13–14 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na “hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan” (talata 13). Narinig ng mga Fariseo ang mga turo ni Jesus at Siya ay “tinutuya” (talata 14) o kinutya nila. Ipahanap sa mga estudyante sa Lucas 16:14 ang salitang naglalarawan sa mga Fariseo at magbigay ng isang paliwanag kung bakit tinuya o kinutya nila ang Tagapagligtas dahil sa Kanyang mga turo.

  • Sa nalaman ninyo tungkol sa mga Fariseo, ano ang gustung-gusto nila? (Kayamanan at kapangyarihan ng mundo [tingnan sa Mateo 23:2–6, 14].)

  • Sa palagay ninyo, bakit ang pagiging mapag-imbot ng mga Fariseo ang nag-udyok sa kanila na kutyain ang Tagapagligtas?

Ipaliwanag na nagbigay ng karagdagang kaalaman ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 16:16–23 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) tungkol sa pag-uusap ng mga Fariseo at ng Tagapagligtas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng pagsasaling ito:

Sinabi ng mga Fariseo na ang mga batas ni Moises at iba pang banal na kasulatan (ang Lumang Tipan) na isinulat ng mga propeta ay nagsisilbing batas nila, at dahil dito, hindi nila tinatanggap si Jesus bilang kanilang hukom. Ipinaliwanag ni Jesus na ang batas ni Moises at ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya. Tinanong Niya ang mga Fariseo sa pagtanggi nila sa mga yaong nakasulat at pinagsabihan sila dahil kanilang “inililigaw ang tamang daan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 16:21). Upang matulungan ang mga Fariseo, na ang mga puso ay nakalagak sa mga kayamanan at kapangyarihan ng mundo, na matanto ang kanilang pag-uugali at mga bunga nito, inihalintulad sila ng Tagapagligtas sa mayamang lalaki sa talinghagang nakatala sa Lucas 16:19–31.

Anyayahan ang tatlong estudyante na sumali sa isang reader’s theater o pagsasadula sa pamamagitan ng pagbasa. Mag-assign ng isang volunteer na magbabasa ng mga salita ng Tagapagligtas (Lucas 16:19–23), ang pangalawang volunteer ay magbabasa ng sinabi ng mayamang lalaki (Lucas 16:24, 27, 28, 30), at sa pangatlong volunteer naman ang mga sinabi ni Abraham (Lucas 16:25, 26, 29, 31). Sabihin sa mga estudyanteng ito na basahin nang malakas ang kanilang bahagi sa Lucas 16:19–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dinanas ng maralitang lalaki na nagngangalang Lazaro at ng mayamang lalaki.

  • Paano nagkaiba ang buhay sa mundo ng mayamang lalaki at ni Lazaro?

  • Paano nagkaiba ang kanilang buhay sa kabilang daigdig? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang “sinapupunan ni Abraham” [talata 22] ay tumutukoy sa paraiso sa daigdig ng mga espiritu at na ang “hades” [talata 23] o impiyerno ay tumutukoy sa bilangguan ng mga espiritu [tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Abraham’s Bosom,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Impiyerno”].)

  • Sa paanong paraan nabigo ang mayamang lalaki na gamitin nang matwid ang kanyang mga kayamanan sa mundo?

Ipaalala sa mga estudyante na ang mayamang lalaki sa talinghagang ito ay kumakatawan sa mapag-imbot na mga Fariseo.

  • Ano ang matututuhan natin sa talinghagang ito tungkol sa mangyayari sa atin kapag mapag-imbot tayo at hindi matwid na ginamit ang ating mga kayamanan sa mundo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapag-imbot at hindi ginamit nang matwid ang ating mga kayamanan sa mundo, makakaranas tayo kalaunan ng paghihirap at panghihinayang [tingnan din sa D at T 104:18].)

Para maihanda ang mga estudyante na matukoy ang karagdagang katotohanan mula sa talinghagang ito, anyayahan silang mag-isip ng isang taong pinagmamalasakitan nila na pinipiling hindi sumunod sa mga turo ng Tagapagligtas.

  • Ano sa inyong palagay ang makahihikayat sa taong iyan na magsisi at magbago ng uri ng kanyang pamumuhay?

Ipabasa nang malakas sa naka-assign na mga estudyante ang kanilang bahagi sa Lucas 16:27–31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kahilingan ng mayamang lalaki.

  • Ano ang gustong ipagawa ng mayamang lalaki para sa kanyang limang kapatid na lalaki? Bakit?

  • Ano ang pinaniniwalaang mangyayari ng mayamang lalaki kung magpapakita si Lazaro sa mga kapatid ng mayamang lalaki?

Ipaliwanag na naniniwala ang mayamang lalaki na magsisisi at magbabalik-loob sa katotohanan ang kanyang mga kapatid kung si Lazaro ang magpapakita sa kanila. Ang tunay na pagbabalik-loob ay “pagbabago ng isang tao sa paniniwala, nasasapuso, at buhay upang tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.lds.org).

  • Ayon sa talinghaga, bakit hindi isinugo ni Abraham si Lazaro sa mga kapatid ng mayamang lalaki?

Ipaliwanag na sa pagbanggit kay “Moises at ang mga propeta” (Lucas 16:29, 31), muling tinutukoy ng Tagapagligtas ang mga banal na kasulatan na sinasabi ng Fariseo na pinaniniwalaan nila at ipinamumuhay ngunit sa katunayan ay hindi nila tinatanggap. Ipaliwanag na isang tunay na taong nagngangalang Lazaro ang kalaunan ay “[n]agbangon sa mga patay” (talata 31) nang muli siyang buhayin ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 11). Kalaunan, si Jesus ang naging Tao na bumangon mula sa kamatayan nang Siya ay nabuhay na muli. Gayunman, sa dalawang kaganapang ito, hindi tinanggap ng mga Fariseo at ng iba pa ang katibayan ng pagiging Diyos ng Tagapagligtas at hindi nahikayat na magsisi.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa pagbabalik-loob mula sa itinuro ni Abraham sa mayamang lalaki sa talinghagang ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng maraming katotohanan, ngunit tiyaking matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang pagbabalik-loob ay nangyayari dahil sa paniniwala at pagsunod sa mga salita ng mga propeta, hindi dahil sa nakitang mga himala o mga anghel.)

  • Sa inyong palagay, bakit nangyayari ang pagbabalik-loob sa pamamagitan ng paniniwala at pagsunod sa mga salita ng mga propeta sa halip na sa pamamagitan ng nakitang mga himala o mga anghel?

  • Paano natin matutulungan ang mga tao na maniwala at sumunod sa mga salita ng mga propeta?

  • Anong partikular na mga turo mula sa mga propeta ang nakaimpluwensya sa inyong pagbabalik-loob?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga paraan na mas paniniwalaan o mas susundin nila ang mga turo o payo ng mga propeta, na magpapatatag ng kanilang pagbabalik-loob. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga isinulat nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 16:9. “Gawin ang inyong sarili na mga kaibigan ng kayamanan ng kasamaan”

Ang “makipagkaibigan sa kayamanan ng kasamaan” ay tumutukoy sa paggamit ng pera, mga ari-arian, impluwensya, at mga asosasyon ng mundo upang makamtan ang mabubuting layunin. Ibinigay ng Tagapagligtas ang payong ito kapwa sa Kanyang mga disipulo noong Kanyang ministeryo sa mundo at sa mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 82:22). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung paano magagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang payong ito:

“Hindi layunin ng pakikipagkaibigan sa ‘kayamanan ng kasamaan,’ na makikibahagi ang mga kapatid sa kanilang mga kasalanan; na tatanggapin sila sa kanilang puso, magpapakasal sa kanila o di kaya’y magiging masama rin na gaya nila. Gagawin nila ito upang makatiyak na makapamumuhay sila nang payapa kasama ng kanilang mga kaaway. Sila ay magiging mabait sa kanila, magiging magiliw sa kanila hangga’t naroon ang tama at mabubuting alituntunin, ngunit hindi makikisali sa kanila sa masasamang gawain o makikipag-inuman o makikipagsaya sa kanila. Kung mababawasan nila ang diskriminasyon at makapagpapakita ng kahandaang makipag-ugnayan at maging magiliw, makatutulong ito upang mapawi ang kanilang pagkapoot. Ang paghatol ay ipaubaya sa Panginoon” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:323).

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong maging magalang at mabait sa ibang tao. Sa paggawa nito, madaragdagan ang mga kaibigan natin at matututo tayo sa iba. Sa pamamagitan ng taos-pusong pakikipag-usap, yaong mga nakilala natin ay maaaring maging maganda ang tingin sa atin at sa Simbahan ng Panginoon. Maaari ding ipagtanggol nila tayo o ang Simbahan kung kailangan.

Lucas 16:1–12. Matuto mula sa talinghaga ng di-tapat na katiwala

Para sa karagdagang mga aral na matututuhan natin sa talinghaga ng di-tapat na katiwala, tingnan sa Brother Tsung-Ting Yang, dating Area Seventy, “Parables of Jesus: The Unjust Steward,” Ensign, Hulyo 2003, 28–31.

Lucas 16:19–26. Mga ibubunga ng hindi pagtugon sa mga pangangailangan ng iba

Ang mayamang lalaki ay namuhay nang sagana samantalang si Lazaro ay namuhay sa kahirapan. Bagama’t walang nabanggit na partikular na kasalanan ng mayamang lalaki sa talinghagang ito, ang paglalarawan kay Lazaro, pati na ang katotohanang “[naroon siya] sa pintuan [ng mayamang lalaki]” (Lucas 16:20), ay nagsasaad na hindi pinansin ng mayamang lalaki ang panlilimos ni Lazaro. Ipinaalala sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na lahat tayo ay nanghihingi ng awa ng Diyos at tinuruan na responsibilidad natin na tulungan ang iba sa kanilang temporal na mga pangangailangan. Ipinangako niya ang sumusunod tungkol sa kung paano natin malalaman ang tamang paraan para maibigay ang tulong na ito:

“Tutulungan at gagabayan kayo [ng Diyos] sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin.” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 41.

Lucas 16:19–31. Pagtatama sa di-pagkakapantay-pantay sa buhay sa mundo

Sa talinghaga ng mayamang lalaki at si Lazaro, sinabi sa lalaking mayaman, “Ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa’t ngayon, inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan” (Lucas 16:25). Ang magkaibang naranasan ng mayamang lalaki at ni Lazaro sa mortalidad at sa daigdig ng mga espiritu ay naglalarawan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na ituwid o itama ang di-pagkakapantay-pantay at kawalang katarungang naranasan sa buhay na ito. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang katarungan ay naibigay, at panig sa mabubuti.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Itinatama ng Tagapagligtas ang lahat. Ang kawalang-katarungan sa mortalidad ay pansamantala lamang, maging ang kamatayan, dahil muli Niyang ipinanunumbalik ang buhay. Walang pinsala, kapansanan, pagkakanulo, o pag-abusong hindi pinagbabayaran sa huli dahil sa Kanyang lubos na katarungan at awa.” (“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 112–13).

Lucas 16:19–31. Ang daigdig ng mga espiritu sa talinghaga ng mayamang lalaki at si Lazaro

“Ang talinghaga ng mayamang lalaki at si Lazaro ay tumutukoy sa dalawang magkaibang kalagayan sa kabilang buhay: ‘Sinapupunan ni Abraham’ at ‘hades’ o impiyerno (tingnan sa Lucas 16:22–23). Ang una ay tumutukoy sa isang lugar ng kapanatagan kasama ang matatapat (ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang amang si Abraham), ang huli ay isang lugar ng pagdurusa. … Sa pagitan ng lugar ng matatapat at ‘hades’ o impiyerno ay ‘isang malaking bangin’ (Lucas 16:26), na hadlang sa pagpunta sa lugar ng isa’t isa. …

“… Bago ang kamatayan ni Cristo, ang mga espiritu mula sa paraiso ay hindi maaaring pumunta sa mga yaong nasa bilangguan ng mga espiritu. Ang Kanyang pagmiministeryo sa daigdig ng mga espiritu ay nagsilbing tulay sa bangin na nasa pagitan ng paraiso at bilangguan ng mga espiritu, na naging dahilan upang ang mga espiritu sa bilangguan ay makatanggap ng mensahe ng ebanghelyo mula sa awtorisadong lingkod na isinugo mula sa paraiso (tingnan sa D at T 138:18–37; Juan 5:25–29; I Ni Pedro 3:18–21; 4:6)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 173). Para sa biswal na paglalarawan ng bangin sa pagitan ng dalawang lugar na ito na pinagdugtong ni Cristo, tingnan ang komentaryo para sa Lucas 16:19–31 sa New Testament Student Manual.

Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 16:16–23 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ang kasamaan ng mga Fariseo

Tulad ng nakatala sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 16:16–23, pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo dahil kanilang “inililigaw ang tamang daan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 16:21 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Ang isang paraan na nagagawa ito ng mga Fariseo ay sa pagkukunwaring sinusunod nila ang batas ni Moises at iba pang mga banal na kasulatan gayong talagang ginagamit lamang nila ang mga ito para sa masasamang layunin. Tinukoy ni Jesus ang isang halimbawa nito nang tawagin Niya ang mga Fariseo na nakikiapid, na ikinagalit nila kaya Siya ay muling kinutya nila. Pagkatapos ay inilarawan ni Jesus ang di-makatwirang pagpapatupad ng mga Fariseo ng diborsyo para sa iba pang mga kadahilanan maliban sa pakikiapid, na tinangka nilang pangatwiranan sa pagbaluktot sa batas na ibinigay ni Moises (tingnan sa Mateo 19:3–9). Ipinahayag din ng Tagapagligtas na sa kanilang mga puso, ang mga lalaking ito ay hindi talagang naniniwala sa Diyos.

Sa Kanyang buong ministeryo, inilantad ni Jesus ang pang-aabuso at maling interpretasyon ng mga Fariseo sa mga batas ni Moises at ng iba pang mga turo ng mga sinaunang propeta. Siya ay naging banta sa kapangyarihang panlipunan at politikal ng mga Fariseo na nakamtan nila dahil sa kanilang kasamaan. Dahil dito, hinangad ng maraming Fariseo na patayin si Jesus.