Library
Home-Study Lesson: Lucas 10:38–17:37 (Unit 11)


Home-Study Lesson

Lucas 10:38–17:37 (Unit 11)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Lucas 10:38–17:37 (unit 11) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Lucas 10:38–12:59)

Mula sa mga sinabi ng Tagapagligtas kay Marta, natutuhan ng mga estudyante na kung pipiliin nating ituon ang ating sarili sa mga bagay na espirituwal kaysa sa mga bagay na temporal, makatatanggap tayo ng walang hanggang pagpapala. Itinuro rin ni Jesus na kung matiyaga tayong mananalangin at hihingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa oras ng pangangailangan, sasagutin Niya ang ating mga panalangin sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. Ang iba pang mga katotohanang natutuhan ng mga estudyante ay: Iniutos sa atin ng Panginoon na huwag nating pag-imbutan ang mga bagay-bagay ng mundo. Kung hahangarin nating itatag ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang katwiran, tutulong Siya na mailaan ang ating mga pangangailangan at maghahanda ng lugar para sa atin sa Kanyang kaharian.

Day 2 (Lucas 13–15)

Natutuhan ng mga estudyante mula sa mga kabanatang ito ang sumusunod na mga alituntunin: Kung sinisikap nating tulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin, gagantimpalaan tayo ng Panginoon sa Pagkabuhay na Mag-uli. Kung uunahin natin ang ibang mga bagay kaysa sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo, mawawala ang mga pagpapala ng ebanghelyo na matatanggap sana natin. Dapat handang isakripisyo ng mga disipulo ni Cristo ang lahat para sumunod sa Kanya. Kapag tinutulungan natin ang ibang tao na magkaroon ng hangaring magsisi, nakadarama tayo ng kagalakan at nagagalak ang kalangitan.

Day 3 (Lucas 16)

Mula sa mga talinghaga ng hindi matwid na katiwala at ng mayamang lalaki, natutuhan ng mga estudyante na kung matalino nating paghahandaan ang ating walang-hanggang hinaharap at matwid na gagamitin ang mga kayamanan ng mundo, tayo ay mabibiyayaan ng mga walang-hanggang kayamanan. Natutuhan din nila ang sumusunod na mga alituntunin: Kung tayo ay mapag-imbot at hindi ginagamit nang matwid ang ating mga kayamanan sa mundo, makakaranas tayo kalaunan ng paghihirap at kapighatian. Ang lubos na pagbabalik-loob ay nangyayari dahil sa paniniwala at pagsunod sa mga salita ng mga propeta, hindi dahil sa nakitang mga himala o mga anghel.

Day 4 (Lucas 17)

Sa Lucas 17, hiniling ng mga Apostol kay Jesus na dagdagan ang kanilang pananampalataya. Natutuhan ng mga estudyante na madaragdagan ang ating pananampalataya kapag sinisikap nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit at kapag inalala natin na palagi tayong may pagkakautang sa Kanya. Natutuhan din ng mga estudyante na tumatanggap tayo ng mga pagpapala sa Panginoon kapag ginawa natin ang iniuutos Niya sa atin, at na mahalagang magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin.

Pambungad

Tumugon ang Tagapagligtas sa mga pangungutya sa Kanya ng mga Fariseo tungkol sa pakikihalubilo Niya sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan sa pagbibigay sa kanila ng talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang isang putol na pilak o barya, at ng alibughang anak.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 15

Itinuro ni Jesus ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang isang putol na pilak o barya, at ng alibughang anak

Simulan ang klase sa pagtatanong sa mga estudyante kung nawalan na sila ng isang bagay na mahalaga sa kanila.

  • Ano ang handa ninyong gawin upang mahanap ito? Bakit?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng espirituwal na “nawawala” ang isang tao? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ito ay maaaring tumukoy sa mga taong hindi pa natatanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo o hindi kasalukuyang namumuhay ayon sa mga turo ng ebanghelyo.)

Sabihin sa klase na mag-isip ng isang taong kakilala nila na maaaring espirituwal na nawawala. Sabihin sa kanila na isipin ang nadarama nila tungkol sa taong ito.

Ipaliwanag na ang Lucas 15 ay naglalaman ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong espirituwal na nawawala. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa Lucas 15 tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit sa mga yaong espirituwal na nawawala at ang mga responsibilidad natin sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 15:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ibinulung-bulong ng mga Fariseo at mga eskriba.

  • Bakit bumulung-bulong o dumaing ang mga Fariseo at mga eskriba?

  • Ano ang ipinapakita ng pagbubulung-bulong na ito tungkol sa mga Fariseo at mga eskriba?

Ipaliwanag na tumugon sa kanila ang Tagapagligtas sa pagbibigay ng tatlong talinghaga: isa ay tungkol sa nawawalang tupa, ang isa ay tungkol sa nawawalang isang putol na pilak o barya, at ang isa pa ay tungkol sa nawawalang anak. Sabihin sa kanila na pansinin kung bakit ang paksa sa bawat talinghaga ay nawala at kung paano ito nahanap.

Ipaliwanag na sa mga talinghaga ng nawawalang tupa at ng nawawalang isang putol na pilak o barya, inilarawan ng Tagapagligtas kung paano masigasig na hinanap ng pastol at ng babaeng nakawala sa isang putol na pilak o barya ang bagay na nawala sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 15:4–6, 8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang naramdaman ng pastol at ng babae nang mahanap nila ang tupa at ang isang putol na pilak o barya.

  • Ano ang kaibhan ng pagkawala ng tupa sa pagkawala ng isang putol na pilak o barya? (Ang tupa ay nawala dahil sa pagsunod nito sa normal na agos ng buhay at hindi dahil sa ito ay nagkamali, samantalang ang isang putol na pilak o barya ay nawala dahil sa kapabayaan ng may-ari nito [tingnan sa David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1945, 120–22].)

  • Anong salita ang ginamit para ilarawan ang nadama ng pastol at ng babae?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 15:7, 10, na inaalam kung saan inihalintulad ng Tagapagligtas ang kagalakan ng pastol at ng babae. (Ang pagkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi.)

Ipaliwanag na ang pangatlong talinghaga sa Lucas 15 ay kuwento tungkol sa isang alibughang anak (ibig sabihin ay isang taong maaksaya at maluho), ang kanyang nakatatandang kapatid, at ang kanilang ama.

handout iconMaaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-tatatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng sumusunod na chart. Ipabasa nang malakas ang Lucas 15:11–32 sa mga magkakagrupo. Mag-assign ng isang estudyante na pag-iisipan ang talinghaga mula sa pananaw ng alibughang anak, ang pangalawang estudyante naman ay pag-iisipan ito mula sa pananaw ng ama, at ang pangatlong estudyante mula sa pananaw ng nakatatandang kapatid.

Matapos magbasa ang mga estudyante, hilingin sa kanila na pag-usapan ang mga tanong sa handout sa kanilang mga grupo.

video iconSa halip na ipabasa sa mga estudyante at ipatalakay ang talinghaga, maaari mong ipanood ang video na “The Prodigal Son” (5:35) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos. Bigyan ang bawat estudyante ng isang kopya ng sumusunod na handout, at sabihin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga tanong habang pinapanood nila ang video. Ang video na ito ay makukuha sa LDS.org.

handout, Ang Talinghaga ng Alibughang Anak

Ang Talinghaga ng Alibughang Anak

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Home-Study Lesson (Unit 11)

Ang Alibughang Anak

  • Ano ang nakatulong sa iyo para magising ka sa iyong pagkakamali, o matanto ang kakila-kilabot na kalagayan na kinasadlakan mo?

  • Ano ang inaasahan mong magiging reaksyon ng iyong ama sa iyong pagbabalik?

  • Ano kaya ang naiisip at nadarama mo nang malugod kang tinanggap ng iyong ama gaya ng ginawa niya?

Ang Ama

  • Ano kaya ang iniisip at nadarama mo habang wala ang iyong bunsong anak?

  • Bakit malugod mo pa ring tatanggapin ang iyong alibughang anak?

  • Nang maghinanakit ang iyong panganay na anak sa malugod na pagtanggap mo sa kanyang bunsong kapatid, paano mo siya tinulungan na maunawaan ang ginawa mo?

Ang Nakatatandang Kapatid

  • Ano kaya ang iniisip at nadarama mo habang wala ang iyong kapatid?

  • Bakit mahirap para sa iyo na magalak sa pagbabalik ng iyong kapatid?

  • Anong mga pagpapala ang natanggap mo sa pagiging tapat sa iyong ama?

  • Bakit nawala ang alibughang anak? (Kumpara sa tupa at sa isang putol na pilak o barya, nawala ang alibughang anak dahil sa pagrerebelde nito.)

  • Sa pagkaunawang ang ama sa talinghagang ito ay kumakatawan sa Ama sa Langit, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagtugon ng Ama sa Langit sa mga taong bumabalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung babalik tayo sa Ama sa Langit, sa pamamagitan ng pagsisisi at paghingi ng tawad sa Kanya, Siya ay magagalak at malugod tayong tatanggapin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Paano makatutulong ang alituntuning ito sa mga taong nakadarama na sila ay espirituwal na nawawala?

Ipaalala sa mga estudyante ang nakatatandang kapatid sa talinghaga.

  • Bakit kaya nagalit ang nakatatandang kapatid?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa klase na pakinggan kung bakit nagalit ang nakatatandang kapatid.

Elder Jeffrey R. Holland

“Dahil nadamang hindi siya pinahahalagahan at marahil medyo naawa sa kanyang sarili, ang masunuring anak na ito—at talagang masunurin siya—ay saglit na nalimutan na hindi niya kailanman naranasan ang marumihan o magdalamhati, matakot o masuklam sa sarili. Sandali niyang nalimutan na lahat ng bisiro sa rantso na pag-aari ng kanyang ama ay sa kanya na at gayon din ang lahat ng kasuotan sa damitan at lahat ng singsing sa taguan. Nalimutan niya sandali na ang kanyang katapatan ay nagantimpalaan at palaging gagantimpalaan. …

“… Siya na ang lahat ay nasa kanya na, at na sa kanyang kasipagan, ay nakamtan ito, ay nagkulang ng isang bagay na maaaring magturing sa kanya bilang tao ng Panginoon. Kailangan pa niyang maging mahabagin at maawain, na mga katangiang napakahalaga upang makita na ang pagbabalik na ito ng kanyang kapatid ay hindi upang makipagkumpetensya sa kanya. Kapatid niya ito. …

“Ang bunsong kapatid na ito ay talagang naging bilanggo—bilanggo ng kasalanan, kahangalan, at namuhay na parang isang baboy. Ngunit bilanggo rin ang nakatatandang kapatid. Hindi pa siya nakakawala sa kulungan ng kanyang sarili. Nakadama siya ng matinding pagkainggit. Nadama niyang binalewala siya ng kanyang ama at inagawan ng kanyang kapatid, gayong hindi naman totoo ang mga ito” (“The Other Prodigal,” Ensign, Mayo 2002, 63).

  • Ayon kay Elder Holland, bakit nagalit ang nakatatandang kapatid? Sa paanong paraan nawawala rin ang nakatatandang kapatid?

  • Ano ang kailangan nating alalahanin kapag nakita natin na kinaaawaan at pinagpapala ng Diyos ang mga yaong nagsisisi at bumabalik sa Kanya?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talinghagang ito tungkol sa pagiging mas katulad ng ating Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Magiging mas katulad tayo ng ating Ama sa Langit sa pagpapakita ng pagkahabag at kagalakan kapag nagsisisi ang ibang tao.)

Ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa tao na inisip nila sa simula ng klase na maaaring espirituwal na nawawala. Hikayatin sila na mapanalanging pag-isipan kung paano nila matutulungan ang taong iyon na magsisi at mas mapalapit sa Ama sa Langit. Anyayahan sila na pag-isipan din kung sa paanong paraan na sila rin mismo ay maaaring nawawala at kailangang magsisi at bumalik sa Tagapagligtas.

Susunod na Unit (Lucas 18Juan 1)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na pinagmalupitan sila ng isang tao at ano ang nadama nila. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng susunod na unit, matututuhan nila kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga nagmalupit sa Kanya. Sabihin sa kanila na pansinin ang karagdagang mga detalye sa tala ni Lucas tungkol sa pagdurusa ni Jesucristo sa Getsemani at ano ang kinain ni Jesus matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.