Lesson 58
Lucas 23
Pambungad
Ang Tagapagligtas ay nilitis sa harap nina Poncio Pilato at Herodes Antipas. Walang nakitang kasalanan ang dalawang lalaking ito sa Tagapagligtas sa mga krimeng ipinaratang sa Kanya, gayunpaman pinahintulutan ni Pilato na mapako Siya sa krus. Pinatawad ni Jesus ang mga kawal na Romano na nagpako sa Kanya at nagsalita sa isang magnanakaw na nakapako rin sa krus. Pagkamatay ni Jesus, inihimlay ni Jose ng Arimatea ang Kanyang katawan sa libingan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 23:1–25
Ang Tagapagligtas ay nilitis sa harap nina Pilato at Herodes
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:
Simulan ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na isiping mabuti ang mga tanong na nasa pisara.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa pag-aaral nila ng Lucas 23 na tutulong sa kanila na malaman kung paano tutugon kapag pinagmalupitan sila ng ibang tao.
Ipaalala sa mga estudyante na pagkatapos magdusa ni Jesus sa Getsemani, Siya ay dinakip ng mga punong saserdote at hinatulan Siyang mamatay. Sabihin na mula sa panahong iyan hanggang sa Kanyang kamatayan, nakaharap ni Jesus ang sumusunod na mga tao: Poncio Pilato, Herodes Antipas, isang grupo ng matatapat na kababaihan, kawal na Romano, at dalawang magnanakaw na ipinako sa krus sa magkabilang tabi Niya. Si Poncio Pilato ay isang Romano na namamahala sa teritoryo ng Judea, na kinabibilangan ng kabiserang lungsod ng Jerusalem; si Herodes Antipas (na nagpapatay kay Juan Bautista) ay namamahala sa teritoryo ng Galilea at Perea sa ilalim ng awtoridad ng Roma (tingnan sa Lucas 3:1).
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang Lucas 23:1–11, na inaalam ang pagkakaiba ng sagot ng Tagapagligtas kay Poncio Pilato at kay Herodes Antipas. Upang tulungan silang maunawaan ang sagot ng Tagapagligtas kay Pilato, ipaliwanag na ang Marcos 15:2 sa Joseph Smith Translation, ay “At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ako nga, tulad ng sabi mo.”
Sabihin sa mga magkakapartner na pag-usapan nila ang sumusunod na mga tanong:
-
Paano naiba ang sagot ni Jesus kay Pilato sa sagot Niya kay Herodes?
-
Bakit kaya ikinagulat ni Pilato ang sagot ng Tagapagligtas sa kanya?
-
Bakit kaya nadismaya si Pilato sa hindi pagkibo ng Tagapagligtas?
Ibuod ang Lucas 23:12–25 na ipinapaliwanag na walang nakitang kasalanan si Pilato o si Herodes sa Tagapagligtas, kaya sinabi ni Pilato sa mga tao na kanyang parurusahan Siya at pagkatapos ay palalayain. Sumigaw ang mga tao kay Pilato na si Barrabas ang palayain at hiniling na ipako si Jesus sa krus. Pinalaya ni Pilato si Barrabas at ibinigay sa mga tao si Jesus upang ipako sa krus. (Paalala: Ang tala tungkol kay Jesus sa harap ni Pilato ay ituturo nang mas detalyado sa lesson sa Juan 18–19.)
Lucas 23:26–56
Si Jesus ay ipinako sa krus sa gitna ng dalawang magnanakaw
Ibuod ang Lucas 23:26–31 na ipinapaliwanag na isang malaking grupo ng matatapat na kababaihan na kasama Niya mula pa noong Kanyang ministeryo sa Galilea ang nagsitangis o nag-iiyakan habang sinusundan nila si Jesus na dinadala sa lugar na pagpapakuan sa Kanya. Sinabi ni Jesus sa kanila na huwag silang tumangis para sa Kanya kundi sa nalalapit na pagkawasak na darating sa Jerusalem dahil hindi tinanggap ng mga Judio ang kanilang Hari.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 23:32–34. Ipaliwanag na sa Lucas 23:34 ng Joseph Smith Translation, ay ganito ang mababasa, “At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila, sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. (Ibig sabihin ang mga kawal na nagpako sa kanya,) at sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas habang Siya ay nakabayubay o nakapako sa krus.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas habang nakabayubay Siya sa krus? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita ng Tagapagligtas na nakatala sa talata 34.)
-
Bakit ang panalangin ng Tagapagligtas sa sandaling ito ay lubos na kamangha-mangha?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa dapat nating gawin kapag pinagmalupitan tayo ng iba? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pagpiling patawarin ang mga nagmalupit sa atin.)
-
Ano ang ibig sabihin ng magpatawad?
Maaari mong ipaliwanag na ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang hindi pananagutin ang mga nagkasala sa atin para sa mga ginawa nila. Hindi rin ito nangangahulugan na hahayaan nating patuloy tayong pagmalupitan ng mga tao. Sa halip, ang kahulugan ng pagpapatawad ay pakitunguhan nang may pagmamahal ang mga taong nagmalupit sa atin at huwag maghinanakit o magalit sa kanila (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org).
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pagnilayan kung may isang taong kailangan nilang patawarin. Aminin na kung minsan ay mahirap magpatawad. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang magagawa nila kung nahihirapan silang magpatawad ng iba.
“Isinasamo ko sa inyo na humingi sa Panginoon ng lakas para makapagpatawad. … Maaaring hindi maging madali ito, at maaaring hindi agad dumating ito. Ngunit kung hihingin ninyo ito nang taos-puso at lilinangin ito, ito ay darating” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 5).
-
Ano ang ipinayo ni Pangulong Hinckley na gawin natin kung nahihirapan tayong magpatawad ng iba?
-
Sa palagay ninyo, paano nakatutulong sa atin ang paghingi ng lakas upang makapagpatawad tayo?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na pinatawad nila ang isang tao. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa klase. (Sabihin sa kanila na huwag magbanggit ng mga pangalan sa klase, at paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang bagay na napakapersonal.)
Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Jesucristo at patawarin ang mga nagmalupit sa kanila. Anyayahan sila na manalangin at humingi ng lakas at kakayahang magawa ito.
Ibuod ang Lucas 23:35–38 na ipinapaliwanag na nilibak ng mga pinunong Judio at mga kawal na Romano ang Tagapagligtas habang Siya ay nakabayubay sa krus.
Ipakita ang larawang Ang Pagpapako sa Krus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 57; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 23:39–43, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinrato ang Tagapagligtas ng dalawang magnanakaw na ipinako sa Kanyang magkabilang tabi.
-
Paano tinrato ng dalawang magnanakaw ang Tagapagligtas?
-
Ano kaya ang ibig sabihin ng magnanakaw nang sabinin niya, “Tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa” (talata 41)?
-
Ano ang isinagot ng Tagapagligtas sa magnanakaw na ito nang hilingin niya sa Tagapagligtas na alalahanin siya sa kaharian ng Diyos?
Upang mas maunawaan ng mga estudyante ang kahulugan ng sinabi ng Tagapagligtas sa magnanakaw na isasama Niya ito sa paraiso, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Sa mga banal na kasulatan, ang salitang paraiso ay ginamit sa iba’t ibang paraan. Una, ito ay isang lugar ng kapayapaan at kaligayahan sa daigdig ng mga espiritu sa kabilang buhay, na nakatalaga para sa mga nabinyagan at nanatiling tapat (tingnan sa Alma 40:12; Moroni 10:34). …
“Ang ikalawang gamit ng salitang paraiso ay matatagpuan sa pagsasalaysay ni Lucas tungkol sa Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas. … Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na … talagang sinabi ng Panginoon [na] makakapiling [Niya ang] magnanakaw sa daigdig ng mga espiritu” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 191; tingnan din sa History of the Church, 5:424–25).
-
Ayon kay Propetang Joseph Smith, saan mapupunta ang magnanakaw pagkamatay niya? (Sa daigdig ng mga espiritu [tingnan sa Alma 40:11–14].)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa pahayag ng Tagapagligtas na isasama Niya sa paraiso ang magnanakaw (Lucas 23:43)? (Maaaring iba-iba ang sagot ang mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga espiritu ng lahat ng tao ay pumapasok sa daigdig ng mga espiritu sa pagkamatay nila.)
Ipaliwanag na matutulungan tayo ng iba pang mga banal na kasulatan upang mas maunawaan kung ano ang mangyayari sa magnanakaw at sa iba pang kagaya niya sa daigdig ng mga espiritu. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang Doktrina at mga Tipan 138:28–32, 58–59 bilang cross-reference sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan katabi ng Lucas 23:43.
Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 138 ay naglalaman ng paghahayag na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith kung saan inihayag ng Tagapagligtas ang mga katotohanang ito tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Ang mga katotohanang ito ay makatutulong sa atin na maunawaan ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niya, “Ngayon ay kakasamahin kita sa paraiso” (Lucas 23:43).
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:11, 16, 18, 28–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas nang pumunta Siya sa daigdig ng mga espiritu.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas nang pumunta Siya sa daigdig ng mga espiritu?
-
Ayon sa talata 29, saan hindi pumunta ang Tagapagligtas habang Siya ay nasa daigdig ng mga espiritu?
-
Ano ang iniatas ng Tagapagligtas na gagawin ng Kanyang mabubuting sugo?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sa ilalim ng pamamahala ni Jesucristo, ang mabubuting sugo ay nagturo ng ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Brother Alain A. Petion, dating Area Seventy. Sabihin sa klase na pakinggan ang mensahe ng Tagapagligtas at kung ano ang magagawa nito para sa kriminal na nakapako sa krus.
“Maawaing sumagot ang Tagapagligtas at binigyan siya ng pag-asa. Malamang na hindi naunawaan ng kriminal na ito na ang ebanghelyo ay ituturo sa kanya sa daigdig ng mga espiritu o bibigyan siya ng pagkakataon na mamuhay sa espiritu nang naaayon sa Diyos (tingnan sa I Ni Pedro 4:6; D at T 138:18–34). Totoong nagmalasakit ang Tagapagligtas sa magnanakaw na nakapako sa tabi Niya; tiyak din na labis Siyang nagmamalasakit sa mga nagmamahal sa Kanya at nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan!” (“Words of Jesus: On the Cross,” Ensign, Hunyo 2003, 34).
-
Anong pag-asa ang ibinibigay sa atin ng mga salita sa D at T 138:29–32 tungkol sa lahat ng pumanaw na walang kaalaman sa ebanghelyo?
Ipaliwanag na kahit ang ebanghelyo ay ipangangaral sa magnanakaw na ito, siya ay hindi kaagad maliligtas sa kaharian ng Diyos.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:58–59, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang kinakailangang gawin ng magnanakaw at ng iba pa sa bilangguan ng mga espiritu upang sila ay matubos.
-
Ano ang kailangang gawin ng magnanakaw, o ng sinuman sa bilangguan ng mga espiritu, upang sila ay matubos?
-
Ano ang mangyayari sa mga espiritung nagsisi at tumanggap ng mga ordenansa sa templo na isinagawa para sa kanila? (Ang mga espiritu “na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng [templo],” malilinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, at “tatanggap ng [kanilang] gantimpala” [D at T 138:58–59].)
-
Ano ang dapat nating gawin upang matulungan ang mga espiritung iyon, na gaya ng magnanakaw, na kailangang matubos? (Maaari nating tapusin ang gawain sa family history at makibahagi sa mga ordenansa sa templo para sa mga patay.)
Ibuod ang Lucas 23:44–56 na ipinapaliwanag na namatay sa krus ang Tagapagligtas pagkasabi Niya ng, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu” (talata 46). Pagkatapos ay ibinalot ni Jose ng Arimatea ng kayong lino ang katawan ng Tagapagligtas at inihimlay Siya sa isang libingan.
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay mo sa lesson na ito.