Lesson 11
Mateo 6
Pambungad
Ipinagpatuloy ni Jesus ang Sermon sa Bundok. Itinuro Niya na ang matapat na pagpapakita ng kabutihan ay dapat gawin sa tamang dahilan at binigyang-diin na dapat gawin ito para sa ikakalugod ng ating Ama sa Langit. Iniutos din Niya sa Kanyang mga disipulo na unahin ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 6:1–18
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na gumawa ng matwid o mabubuting bagay
Magdala ng mumunting gantimpala sa klase (gaya ng kendi). Kapag dumating na ang mga estudyante at nakita mo na may ginagawa silang mabuti (tulad ng paglabas ng kanilang mga banal na kasulatan, pagbati sa isang tao, o pagtulong sa paggawa ng debosyonal), gantimpalaan sila o sabihin sa klase ang mabuting ginawa nila. Maaaring gayahin ng ilang estudyante ang mabubuting ginawa ng mga kaklase nila para magantimpalaan din sila. Patuloy na gantimpalaan ang mga estudyante hanggang sa magsimula na ang klase.
Sa pagsisimula ng klase, itanong sa mga estudyante kung bakit nila ginawa ang mabubuting gawa na ginantimpalaan mo. Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Mateo 6, ipinagpatuloy ng Tagapagligtas ang Kanyang Sermon sa Bundok tungkol sa maaaring iba’t ibang dahilan kung bakit gumagawa ng mabuti ang isang tao. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 6, sabihin sa kanila na alamin ang mga alituntunin na tutulong sa kanila na gumawa ng mabuti sa tamang dahilan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 6:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na maling dahilan ng paggawa ng mabuti. (Ipaliwanag na ang paglilimos ay matapat na pagpapakita ng kabutihan, tulad ng pagbibigay sa mahihirap.)
-
Ayon sa mga talatang ito, bakit naglilimos ang ilang tao?
-
Ano ang tawag ng Tagapagligtas sa mga taong ito? (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang Griyego para sa salitang “mapagpaimbabaw” ay tumutukoy sa mga taong mapagkunwari.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti”?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 6:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa tamang paraan ng paggawa ng mabuti.
-
Sa palagay ninyo, bakit nais ng Panginoon na gumawa ng mabubuting bagay ang Kanyang mga disipulo “sa lihim”?
-
Sa palihim na paggawa ng mabuti ng isang tao, ano ang ipinahihiwatig na dahilan ng paggawa niya nito? (Nais niyang malugod ang Ama sa Langit at paglingkuran ang iba sa halip na magpapansin sa iba.)
-
Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong gumagawa ng mabuti sa tamang dahilan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa tapat na pagpapakita ng kabutihan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tapat na nagpapakita tayo ng kabutihan para malugod ang Ama sa Langit at hindi dahil para mapansin ng iba, gagantimpalaan Niya tayo nang hayagan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo na tayo ay gagantihin o gagantimpalaan ng Ama sa Langit?
Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Ipabasa nang malakas sa isang kapartner ang Mateo 6:5–6, at ipabasa sa isa pang kapartner ang Mateo 6:16–18. Sabihin sa bawat estudyante na maghanap ng halimbawang ginamit ng Tagapagligtas sa paglalarawan ng alituntunin ng paggawa ng mabuti para sa ikalulugod ng Ama sa Langit. Anyayahan sila na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang nalaman. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Sa dalawang talatang ito, anong mabuting gawain ang binigyang-diin ni Jesus na dapat gawin nang palihim?
Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang pagdarasal nang nakikita ng mga tao ay hindi mali kahit ginawa man ito nang hayagan. Ang pagdarasal at iba pang mabubuting gawain ay maaaring gawin nang nakikita ng mga tao kung gagawin ito nang tapat at taos-puso.
-
Ayon sa mga talatang pinag-aralan ninyo, bakit nananalangin at nag-aayuno ang mga mapagpaimbabaw?
Maaari mong ipaliwanag na ang mga katagang “mapapanglaw na mukha” at “pinasasama ang mga mukha nila” sa talata 16 ay tumutukoy sa mga tao na hayagang nagpapakita ng kanilang pag-aayuno para mapansin ng iba.
Patingnan muli ang nakasulat na alituntunin sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na nagpakita sila ng mabubuting gawa–tulad ng pagdarasal o pag-aayuno—para malugod ang Ama sa Langit. Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti ang mga paraan na nadama nilang pinagpala sila dahil sa matapat na pagsamba. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga pagpapalang natanggap nila, kung komportable silang gawin ito.
Ibuod ang Mateo 6:7–15 na ipinapaliwanag na ang Tagapagligtas ay nagbigay ng mga tagubilin at huwaran para sa angkop na paraan ng pagdarasal. Ang Kanyang sariling halimbawa ng panalangin ay nakilala bilang Panalangin ng Panginoon. Iparebyu nang mabilis sa mga estudyante ang mga talatang ito at ipahanap ang maaari nating matutuhan tungkol sa panalangin mula sa halimbawa ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipaliwanag na ang babala ng Panginoon laban sa “walang kabuluhang paulitulit” ay hindi nangangahulugang bawal gamitin ang pare-parehong salita tuwing magdarasal tayo. Ang Panginoon ay nagbibigay rin ng babala laban sa mga panalanging di-pinag-isipan, mababaw, o walang kabuluhan. Ang ating mga panalangin ay dapat mapagkumbaba, taimtim, at inuusal nang may pananampalataya.)
Mateo 6:19–24
Itinuro ni Jesucristo sa mga tao kung paano magtipon ng mga kayamanan sa langit
Magpakita ng larawan ng baul ng kayamanan. Ipaliwanag na ang kayamanan ay anumang bagay na napakahalaga sa atin.
-
Anong bagay ang itinuturing ninyo na kayamanan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 6:19–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga kayamanan.
-
Anong klase ng mga kayamanan ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat hangarin ng Kanyang mga disipulo?
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kaibahan ng mga kayamanang inipon sa lupa sa mga kayamanang inipon sa langit?
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Mga kayamanan sa lupa |
Mga kayamanan sa langit |
Papuntahin sa harap ng klase ang mga estudyante at pasulatin ng mga halimbawa ng mga kayamanan sa lupa at mga kayamanan sa langit.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 6:22–24, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na makatutulong sa atin na mag-ipon ng mga kayamanan sa langit.
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga talata 22–23 na makatutulong sa atin na mag-ipon ng mga kayamanan sa langit? (Ipaliwanag na nababasa natin sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang talata 22 nang ganito “kung tapat nga ang iyong mata sa kaluwalhatian ng Diyos” [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” [Moises 1:39].)
-
Ano ang maaari nating gawin upang manatiling nakatuon ang ating mata sa kaluwalhatian ng Diyos?
-
Anong katotohanan ang itinuro ng Tagapagligtas sa pagtatapos ng talata 24 na makatutulong sa atin na mag-ipon ng kayamanan sa langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Hindi natin sabay na mapaglilingkuran ang Diyos at ang kayamanan.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maglingkod” sa kayamanan? (Pagtuunan lang ang mga temporal na bagay sa paraang mapapalayo tayo sa Diyos.)
Para mailarawan ang katotohanang tinukoy ng mga estudyante sa Mateo 6:24, idikit ng tape ang dalawang drinking straw malapit sa sipsipan. Magpakita ng isang baso na halos kalahati ang lamang tubig at ilagay ang isang straw sa basong may tubig at ilagay ang isa pang straw sa labas ng baso. Sabihin sa isang estudyante na inumin ang tubig gamit ang mga straw. (Siguraduhin na parehong sumisipsip sa dalawang straw ang estudyante para makita ang epekto ng object lesson.) Pagkatapos ay itanong sa estudyante:
-
Bakit nahihirapan kang sipsipin ang tubig?
Itanong sa klase:
-
Kung ang straw ay naglalarawan sa atin, ano ang maaaring ilarawan ng tubig? (Ang paglilingkod natin sa Diyos.)
-
Sa palagay ninyo, bakit hindi natin maaaring parehong paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan? (Tingnan din sa Santiago 1:8.)
-
Ano ang dapat nating gawin sa dalawang straw para masipsip ang tubig? Paano ito nauugnay sa paglilingkod natin sa Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga isasagot sa sumusunod na tanong. Maaari mong sabihin sa kanila na irekord ang mga sagot nila sa kanilang notebook o scripture study journal.
-
Sa buhay ninyo, anong halimbawa ng pagtutuon sa mga temporal na bagay ang makahahadlang sa paglilingkod ninyo sa Diyos at pag-iipon ng mga kayamanan sa langit?
Mateo 6:25–34
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na hanapin muna ang kaharian ng Diyos
Ibuod ang Mateo 6:25–34 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na huwag gaanong ipag-alala ang pagtustos para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Ang Joseph Smith Translation para sa Mateo 6:25–27 ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang Tagapagligtas ay nagsasalita lalo na sa mga taong mangangaral ng Kanyang ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 6:31–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na unahin munang hanapin sa kanilang buhay. (Ituro ang mga salitang ginamit mula sa Joseph Smith Translation sa talata 33, na pinalitan ang unang bahagi ng talata ng “Kaya nga, huwag hangarin ang mga bagay ng mundong ito datapuwa’t hangarin muna ninyong itayo ang kaharian ng Diyos at itatag ang kanyang katuwiran.”
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na unahin munang hanapin o hangarin sa kanilang buhay?
-
Ano ang ipinangako ni Jesucristo sa mga naghahangad na itayo ang kaharian ng Diyos (o ang Kanyang Simbahan) sa halip na hangaring makamtan ang mga bagay ng daigdig? Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung hahangarin muna nating itayo ang kaharian ng Diyos, ibibigay Niya sa atin ang alam Niyang kailangan natin.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Kailangan nating unahin ang Diyos nang higit sa lahat sa ating buhay. …
“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.
“Dapat nating unahin ang Diyos sa lahat sa ating buhay” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4).
-
Kailan ninyo naranasang pinagpala kayo ng Ama sa Langit dahil hinangad ninyong unahin Siya sa inyong buhay?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag inuna natin ang Ama sa Langit sa ating buhay.
Sabihin sa mga estudyante na sandaling isiping muli kung paano sila maaaring matukso kapag itinuon nila ang kanilang puso sa mga bagay ng mundo. Hikayatin silang magtakda ng mithiin na labanan ang tuksong ito sa pamamagitan ng pagsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng isang paraan na gagawin nila para unahin sa kanilang buhay ang Ama sa Langit.