Home-Study Lesson
Apocalipsis 1–11 (Unit 31)
Pambungad
Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang gagawin ng Panginoon para sa atin dahil kilala at mahal Niya tayo. Bukod pa rito, makatutulong ito sa mga estudyante na malaman ang kailangan nilang gawin upang matamo ang buhay na walang hanggan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Apocalipsis 2–3
Isinulat ni Juan ang mga salita ni Jesucristo sa mga lider ng pitong Simbahan
Paalala: Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga tagubilin ng Panginoon sa pitong kongregasyon ng Simbahan, maaari kang sumangguni sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 531–32.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Sister Sydney S. Reynolds, dating miyembro ng Primary general presidency. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang matututuhan nila tungkol sa Panginoon mula sa kuwentong ito.
“Si Sister Gayle Clegg ng general presidency ng Primary at ang kanyang asawa ay nanirahan sa Brazil sa loob ng maraming taon. Kamakailan nagkaroon siya ng tungkulin sa Primary sa Japan. Sa pagpasok niya sa kapilya noong Linggo, napansin niyang sa gitna ng mga banal na Hapones ay may isang pamilyang taga-Brazil. … Isang minuto pa lamang niyang binabati sila ay napansin niyang puno ng sigla ang ina at mga anak, subalit tahimik ang ama. ‘Puwede ko silang kausapin pagkatapos ng miting,’ ang nasaisip niya habang naglalakad papunta sa pulpito. Ibinigay niya ang kanyang mensahe sa wikang Ingles, na isinasalin sa wikang Hapon, at naisip niya na magpatotoo sa wikang Portuguese. Nag-alinlangan siya sa dahilang walang mga tagapagsalin sa Portuguese at 98% ng tao ang hindi maiintindihan ang kanyang sasabihin.
“Pagkatapos ng miting lumapit sa kanya ang amang taga-Brazil at sinabing, ‘Sister, ibang iba ang mga kaugalian dito, at nalulungkot ako. Mahirap ang magsimba at di makaintindi ng kahit ano. Minsan, iniisip kong mas matututo ako kung sa bahay ako magbabasa ng banal na kasulatan. Sinabi ko sa asawa ko “Isang beses na lang,” at dumalo ako ngayon sa pag-aakalang ito na ang huli kong pagsisimba. Nang magpatotoo ka sa Portuguese, naantig ng Espiritu ang puso ko, at nalaman kong dito ako nabibilang. Alam ng Diyos na narito ako, at tutulungan Niya ako’” (“Kilala Niya Tayo; Mahal Niya Tayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 76).
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa karanasang ito?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong parirala: Dahil kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin … Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 2–3 na tutulong sa kanila na maunawaan ang magagawa ng Panginoon para sa kanila dahil sila ay kilala Niya.
Ipaliwanag na ang Apocalipsis 2–3 ay naglalaman ng tala ni Apostol Juan tungkol sa mga sinabi ni Jesucristo sa pitong kongregasyon ng Simbahan sa Asia Minor (kasalukuyang Turkey).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 2:1–3, 6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalalaman ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso.
-
Ano ang alam ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso? (Ipaliwanag na ang salitang Nicolaita sa talata 6 ay tumutukoy sa isang grupo na ang mga miyembro ay nagsasabing maaari silang gumawa ng kasalanang seksuwal nang hindi mapaparusahan dahil ililigtas sila ng biyaya ng Diyos [tingnan sa Bible Dictionary, “Nicolaitans”].)
Ipaliwanag na nakatala sa mga talatang ito ang pagpuri ng Panginoon sa mga Banal dahil sa mabubuti nilang gawa. Idagdag ito sa pahayag na nasa pisara para mabasa nang ganito: Dahil kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin, mapupuri Niya ang bawat isa sa atin …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 2:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang alam ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso.
-
Ano pa ang alam ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso?
Ipaliwanag na iniwawasto ng Panginoon ang mga Banal dahil sa kanilang mga kasalanan. Kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para maituro ang sumusunod na katotohanan: Dahil kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin, mabibigyan Niya tayo ng personal na pagpuri at pagwawasto.
-
Sa paanong mga paraan tayo makatatanggap ng pagpuri at pagwawasto mula sa Panginoon? (Sa pamamagitan ng ating mga personal na panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, payo mula sa mga lider ng Simbahan at mga magulang, at patriarchal blessing.)
-
Paano nakaiimpluwensya ang kaalamang pinupuri at iniwawasto ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa paraan ng pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan at pagdarasal? Paano ito nakaiimpluwensya sa paraan ng pagtugon natin sa mga payo ng ating mga lider sa Simbahan at ng ating mga magulang?
-
Bakit dapat nating sikaping makatanggap ng pagpuri at pagwawasto mula sa Panginoon?
-
Kailan ninyo naranasan na pinuri at iniwasto kayo ng Panginoon? Paano nakatulong ang karanasang ito na malaman ninyo na personal kayong kilala ng Panginoon? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng mga karanasang napakasagrado o napakapribado. Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano sa palagay nila ang ginawa nila na mapupuri ng Panginoon at ano naman ang mga naisip o ginawa nila na iwawasto sila ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiing magsisi kapag iniwasto sila ng Panginoon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 2:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay, o tapat na makapagtitiis hanggang wakas.
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay, o makapagtitiiis hanggang wakas?
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “pakakanin ng punong kahoy ng buhay”? (talata 7).
-
Paano makatutulong sa mga Banal sa Efeso ang narinig na pangakong pagpapalang ito matapos silang iwasto?
Ipaalala sa mga estudyante na bukod pa sa kongregasyon sa Efeso, nangusap din ang Panginoon sa iba pang mga kongregasyon sa Asia Minor.
Hatiin ang klase sa limang grupo, at mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture reference:
-
Apocalipsis 2:18–29; (Bigyan ang grupong nakatanggap ng scripture reference na ito ng kopya ng Joseph Smith Translation ng Apocalipsis 2:26–27: “At siya na nagtagumpay, at sinunod ang aking mga kautusan hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa maraming kaharian; at sila’y paghaharian niya sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sila’y mapapasakanyang mga kamay tulad ng sisidlang lupa sa mga kamay ng magpapalyok; at sila’y pamamahalaan niya sa pamamagitan ng pananampalataya, pagkakapantay-pantay at katarungan, maging tulad sa natanggap ko sa aking Ama.”)
-
Apocalipsis 3:1–6; (Bigyan ang grupong nakatanggap ng scripture reference na ito ng kopya ng Joseph Smith Translation ng Apocalipsis 3:1–2: “At sa tagapaglingkod ng simbahan sa Sardis, isulat mo; Ang mga bagay na ito ay sinasabi niya na may pitong bituin, na pitong tagapaglingkod ng Diyos; Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay. Kung gayo’y magpuyat ka, at pagtibayin mo ang mga yaong natira, na handa nang mamatay: sapagka’t wala akong nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng Diyos.”)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang naka-assign na mga talata sa kanilang grupo, na inaalam ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng mga Banal at ang mga pagpapalang ipinangako Niya na matatanggap nila kung gagawin nila ito. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “manang natatago” sa Apocalipsis 2:17 ay “ang tinapay ng kabuhayan, ang mabuting salita ng Diyos, ang mga doktrina Niya na siyang Tinapay ng Kabuhayan—lahat ng ito ay natatago mula sa masama [o makamundong] isipan. Ang mga kakain nito ay hindi na kailanman magugutom, ang buhay na walang hanggan ang magiging mana nila” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:451).
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang miyembro mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara (sa ilalim ng ipinangakong pagpapala mula sa Apocalipsis 2:7) ang ipinangakong pagpapala na natukoy ng bawat grupo (tingnan sa Apocalipsis 2:11, 17, 26; 3:5, 12). Kapag nakumpleto na ang listahan, ipaliwanag na ang bawat isa sa mga pangakong ito ay tumutukoy sa pagtanggap ng mga pagpapala ng kadakilaan, kung magtitiis tayo hanggang wakas.
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang mga pagpapala ng kadakilaan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magtatagumpay tayo, matatanggap natin ang mga pagpapala ng kadakilaan.)
Ipaliwanag na ang mga yaong tatanggap ng mga pagpapala ng kadakilaan ay sila, na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ay napagtagumpayan ang mga hadlang sa pagbalik sa piling Niya. Kabilang dito ang pagiging makamundo, mga pagsubok, kasalanan, at kamatayan.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang kailangan nilang mapagtagumpayan sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na manalangin at humingi ng tulong sa Ama sa Langit na mapagtagumpayan ang mga hadlang na makapipigil sa kanila sa pagbalik sa piling Niya. Magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Ama sa Langit na tutulong sa kanila na mapagtagumpayan ang anumang hadlang.
Susunod na Unit (Apocalipsis 12–22)
Sabihin sa mga estudyante kung napag-isipan na ba nila kahit minsan ang tungkol sa Huling Paghuhukom at ang mga pangyayaring naganap sa buhay bago ang buhay sa mundo. Ano ang isinulat ni Apostol Juan tungkol sa Digmaan sa Langit? Ilan ang napalayas kasama ni Satanas? Ano kaya ang mangyayari sa Huling Paghuhukom? Ano ang ihahatol sa atin kapag nakatayo tayo sa harapan ng Diyos? Paano inilarawan ni Juan ang karingalan ng kahariang selestiyal? Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 12–22 sa darating na linggo, malalaman nila ang mga sagot sa mga tanong na ito.