Library
Home-Study Lesson: I Mga Taga Corinto 15–II Mga Taga Corinto 7 (Unit 23)


Home-Study Lesson

I Mga Taga Corinto 15II Mga Taga Corinto 7 (Unit 23)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 15–II Mga Taga Corinto 7 (unit 23) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (I Mga Taga Corinto 15:1–29)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa unang kalahati ng I Mga Taga Corinto 15, nalaman nila na nagpatotoo ang mga Apostol na si Jesucristo ay namatay para sa ating mga kasalanan at nabuhay na mag-uli mula sa kamatayan. Nalaman din ng mga estudyante na silang mga namatay nang walang binyag ay matatanggap ang mahalagang ordenansang ito.

Day 2 (I Mga Taga Corinto 15:30–16:24)

Sa lesson na ito, nagpatuloy ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga turo ni Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Nalaman nila na may iba’t ibang antas ng kaluwalhatian para sa mga nabuhay na mag-uli. Dagdag pa rito, natutuhan nila na kung tayo ay matibay at matatag sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo, ang tibo ng kamatayan na dulot ng kasalanan ay maaalis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Day 3 (II Mga Taga Corinto 1–3)

Mula sa ikalawang sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto, natutuhan ng mga estudyante na kapag inaliw o pinapanatag tayo ng Ama sa Langit sa ating mga paghihirap, matutulungan natin ang iba na matanggap ang Kanyang pagpapanatag. Natutuhan din nila na kapag hindi natin pinatawad ang iba, madali tayong madadaig ni Satanas, at kapag ibinaling natin ang ating mga puso sa Panginoon, mapapasaatin ang Espiritu, na dahan-dahan tayong tutulungan na maging mas katulad ng Diyos.

Day 4 (II Mga Taga Corinto 4–7)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa paglalarawan ni Pablo ng kanyang paglilingkod sa lesson na ito, nalaman nila ang mga sumusunod na katotohanan: Ang ating mga pagsubok at paghihirap sa buhay na ito ay maliit kung ihahambing sa walang hanggang mga pagpapala at pag-unlad na darating kapag matapat nating tinitiis ang mga ito. Dahil nahiwalay tayo mula sa Diyos sa buhay na ito, dapat tayong lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin. Bawat isa sa atin ay hahatulan ni Jesucristo ayon sa ating mga ginawa sa buhay. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay maaaring maging mga bagong nilalang at maging kaayon ng Diyos. Kapag ihinihiwalay natin ang ating sarili mula sa mga maling kaugalian at maruming mga bagay, tatanggapin tayo ng Panginoon.

Pambungad

Sa kanyang ikalawang sulat sa mga Banal sa Corinto, ipinagtibay ni Apostol Pablo ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila at sinabing nagalak siya sa kaalaman na tinanggap nila ang kanyang naunang payo. Itinuro niya na ang kalumbayang mula sa Diyos para sa kasalanan ay hahantong sa pagsisisi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Mga Taga Corinto 7:8–11

Nagalak si Pablo sa tunay na pagsisisi ng mga Banal

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sitwasyon:

Sa isang interbyu para sa temple recommend para sa pagpapakasal, ipinagtapat ng isang dalaga sa kanyang bishop ang ilang dati niyang kasalanan. Pagkatapos ng patuloy na pag-uusap, nabatid ng bishop na ang dalaga ay hindi pa tunay na nagsisi sa kanyang mga kasalanan at na ang mga kasalanan niya ay mabigat para masabi na hindi siya karapat-dapat sa temple recommend. Ipinaliwanag ng bishop na kailangan munang magsisi nang taos-puso ng dalaga bago niya matanggap ang recommend. Nagulat siya, at sinabing nakapagsisi na siya dahil matagal na niyang hindi inulit ang anuman sa mga kasalanang iyon. Ipinaliwanag ng bishop na ang pagtigil lang sa paggawa ng kasalanan ay hindi lubos na pagsisisi, at inanyayahan siya na taos-pusong magsimula sa proseso ng tunay na pagsisisi.

  • Ano sa palagay ninyo ang maaaring nadama ng dalaga sa bahaging ito ng interbyu?

Sabihin sa estudyante na magpatuloy sa pagbasa nang malakas sa sitwasyon:

Ipinaliwanag ng dalaga sa kanyang bishop na nanlulumo siya dahil naipamahagi na ang mga imbitasyon sa kasal at handaan. Hindi raw niya kayang harapin ang lahat ng tanong at kahihiyan sa pagkaantala ng kanyang pagpapakasal. Itinanong niya kung may paraan ba na matuloy ang kanyang pagbubuklod sa templo nang ayon sa plano at pagkatapos ay magsisi kalaunan.

  • Batay sa itinugon ng dalaga sa bishop, ano ang pinakainaalala niya?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 7:8–11 na kailangang maunawaan ng dalagang ito bago siya tunay na makapagsisi ng mga kasalanan niya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 7:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakaapekto sa mga Banal sa Corinto ang isa sa mga naunang sulat ni Pablo.

  • Paano nakaapekto sa mga Banal ang sulat?

  • Bakit nagalak si Pablo sa kanilang kalungkutan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Corinto 7:10–11. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang dalawang uri ng kalungkutan o kalumbayan na binanggit ni Pablo at kung ano ang kahahantungan ng bawat isa.

  • Ano ang dalawang uri ng kalumbayan na binanggit ni Pablo?

Isulat sa pisara ang Kalumbayang mula sa Diyos at Kalumbayang ayon sa Sanlibutan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. Sabihin sa klase na pakinggan ang kanyang paglalarawan sa kalumbayang ayon sa sanlibutan.

Pangulong Ezra Taft Benson

“Pangkaraniwan nang makakita ng mga lalaki’t babae sa mundo na nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali. Kung minsan ay dahil ito sa kanilang mga ginawa na nagdulot ng matinding kalungkutan at pighati sa kanila o sa kanilang mga mahal sa buhay. Kung minsan ang kanilang kalungkutan ay dahil nahuli sila at pinarusahan sa kanilang mga ginawa. Ang gayong makamundong damdamin ay walang ‘kalumbayang mula sa Dios’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 96).

  • Paano ninyo maibubuod kung ano ang kalumbayang ayon sa sanlibutan?

  • Ayon sa II Mga Taga Corinto 7:10, saan hahantong ang kalumbayang ayon sa sanlibutan? (Ipaliwanag na tumutukoy ang salitang ikamamatay sa talata 10 sa espirituwal na kamatayan, na ang ibig sabihin ay pagkawalay sa Diyos. Sa ilalim ng heading na “Kalumbayang ayon sa Sanlibutan” sa pisara, isulat ang sumusunod na katotohanan: Ang kalumbayang ayon sa sanlibutan ay hahantong sa espirituwal na kamatayan, o pagkawalay sa Diyos.)

  • Paano humahantong sa espirituwal na kamatayan ng isang tao ang kalumbayang ayon sa sanlibutan? (Mahahadlangan nito ang isang tao na tunay na magsisi at matanggap ang kapatawaran ng Ama sa Langit.)

  • Ayon sa talata 10, saan humahantong ang kalumbayang mula sa Diyos? (Sa ilalim ng heading na “Kalumbayang mula sa Diyos” sa pisara, isulat ang sumusunod na katotohanan: Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagsisisi ng ating mga kasalanan at pagtanggap ng kaligtasan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung bakit humahantong sa pagsisisi natin ang kalumbayang mula sa Diyos, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang kalumbayang mula sa Diyos ay kaloob ng Espiritu. Ito ay malalim na pagkaunawa na nagalit ang ating Ama at ating Diyos sa ating mga ginawa. Ito ay matindi at malinaw na kaalaman na dahil sa ating ikinilos ay naghirap at nagdusa ang Tagapagligtas, Siya na walang–sala, maging ang pinakadakila sa lahat. Lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang katawan dahil sa ating mga kasalanan. Ang tunay na pagdadalamhating ito ng isipan at espiritu ang tinutukoy sa mga banal na kasulatan na pagkakaroon ng ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu.’ … Gayong damdamin ang talagang kailangan para sa tunay na pagsisisi” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 97).

  • Sa palagay ninyo, bakit humahantong sa tunay na pagsisisi ng ating mga kasalanan ang kalumbayang mula sa Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sitwasyon tungkol sa dalaga na naghahangad ng temple recommend.

  • Sa pakikipag-usap ng dalaga sa kanyang bishop, makikita ba na nakadama siya ng kalumbayang mula sa Diyos para sa kanyang kasalanan? Bakit hindi? (Mas inaalala niya ang pagkaantala ng kanyang pagpapakasal at ang sasabihin ng mga tao sa kanya kaysa sa tunay na pagsisisi at pagtanggap ng kapatawaran ng Ama sa Langit.)

  • Ano ang magagawa natin upang palitan ang kalumbayang mula sa sanlibutan ng kalumbayang mula sa Diyos? (Tayo ay maaaring mag-ayuno at manalangin, na hinihiling sa Ama sa Langit na pagpalain tayo ng kaloob na kalumbayang mula sa Diyos. Maaari din nating pag-aralan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at maghangad ng mas malalim na pagkaunawa kung paano nakadagdag ang ating mga kasalanan sa Kanyang pagdurusa.)

Magpatotoo na kapag nakadama tayo ng kalumbayang mula sa Diyos sa halip na kalumbayang ayon sa sanlibutan para sa ating mga kasalanan, magagawa nating tunay na magsisi, maging malinis mula sa ating mga kasalanan, at sa huli ay matanggap ang kaligtasan. Sabihin sa mga estudyante na hangarin ang kalumbayang mula sa Diyos sa kanilang pagsisikap na magsisi.

Kung may oras pa, mabilis na rebyuhin ang mga natukoy na mga katotohanan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng mga lesson sa unit 23, at hikayatin sila na sundin ang anumang pahiwatig na madarama nila upang maipamuhay ang mga katotohanang ito. Maaari mong rebyuhin ang mga scripture mastery passage sa I Mga Taga Corinto 15:20–22 at I Mga Taga Corinto 15:40–42. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga doktrina sa mga talatang ito at kung paano nila magagamit ang mga talatang ito upang ituro ang plano ng kaligtasan sa ibang tao.

Susunod na Unit (II Mga Taga Corinto 8Mga Taga Efeso 1)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Paano ninyo malalaman na nadarama ninyo ang Espiritu? Ano ang mga bunga o pakiramdam na dulot ng Espiritu? Ano ang inorden noon pa man na matatanggap ng mga Banal? Ano ang ating tungkulin sa mga taong kulang ng ilan sa mga temporal na pangangailangan sa buhay, tulad ng pagkain, damit, at tirahan? Paano kung gayon din ang ating mga pangangailangan? Ipaliwanag na pag-aaralan nila sa susunod na linggo kung paano tinalakay at sinagot ni Pablo ang mga tanong na ito at ang mga iba pa.