Lesson 23
Mateo 21:1–16
Pambungad
Si Jesus ay matagumpay na nakapasok sa Jerusalem sa simula ng huling linggo ng Kanyang buhay. Habang naroon, nilinis Niya ang templo sa ikalawang pagkakataon at pinagaling ang bulag at lumpo na lumapit sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Makikita sa katapusan ng lesson na ito ang isang pahinang visual na may pamagat na “Ang Huling Linggo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.” Ang maikling buod ng huling linggo ng buhay sa mundo ng Tagapagligtas ay makatutulong sa iyo at sa iyong mga estudyante na maunawaan ang mga pangyayaring humantong sa kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Maaari mong gamitin ang buod na ito sa Marcos, Lucas, at gayundin sa Juan.
Mateo 21:1–11
Si Jesucristo ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem
Magpakita ng isang klase ng pagkain o isulat sa pisara ang pangalan ng isang pagkain. Itanong sa mga estudyante kung nakatikim na sila ng ganitong pagkain at kung irerekomenda nila ito sa iba. Papuntahin sa harapan ng klase ang estudyante na magrerekomenda nito sa iba. Sabihin sa kanya na kunwari ay wala pang nakatikim ng pagkaing ito. Sabihin sa estudyante na ipakita ang sasabihin o gagawin niya para maganyak ang isang tao na tikman ang pagkaing ito. Sabihin sa estudyante na bumalik sa kanyang upuan kapag tapos na siya. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Kung hindi pa ninyo natikman ang pagkaing ito noon, gusto ba ninyo itong tikman ngayon? Bakit?
Magdispley ng larawan ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na maraming tao ang kaunti lang ang alam tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at may responsibilidad tayong tulungan ang iba na malaman ang tungkol sa Kanya.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para tulungan ang isang taong gusto pang malaman ang tungkol kay Jesucristo. Sabihin sa kanila na maghanap ng alituntunin habang pinag-aaralan nila ang Mateo 21:1–11 na makatutulong sa kanila habang hinihikayat nila ang iba na alamin pa ang tungkol kay Jesucristo.
Ipaliwanag na nakatala sa Mateo 21 ang mga pangyayari na naganap limang araw bago ang Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas. Ipaalala sa mga estudyante na sinundan ng maraming tao si Jesus at ang Kanyang mga Apostol habang naglalakbay sila papunta sa Jerusalem mula sa Jerico (tingnan sa Mateo 20:17–18, 29).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang ipinagawa ng Tagapagligtas sa dalawa sa Kanyang mga disipulo.
-
Ano ang ipinagawa ni Jesus sa mga disipulong ito?
Ipaliwanag na ang mga propesiyang binanggit sa Mateo 21:4–5 ay matatagpuan sa Zacarias 9:9–10. (Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang isulat ang scripture reference na ito sa tabi ng talata 5.) Ang propesiyang ito ay tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o “pinahiran na langis na Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas na ang pagparito ay sabik na hinihintay ng mga Judio” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.lds.org). Ipaliwanag na noong panahon ng Biblia, ang asno ay “simbolo ng maharlikang Judio. … Ang pagsakay sa asno … ay nagpapakita na dumating si Jesus bilang isang payapa at ‘mapagpakumbabang’ Tagapagligtas, hindi bilang isang manlulupig na nakasakay sa kabayong pandigma” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 64).
-
Ano ang ilang mga ginagawa sa iba’t ibang kultura na nagpapakita ng magalang na pagkilala sa pagkahari?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang ginawa ng “kalakhang bahagi ng karamihan” (talata 8) nang pumasok si Jesus sa Jerusalem. (Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na nilinaw sa Joseph Smith Translation, Matthew 21:5 na isang hayop lang ang dinala at sinakyan.)
-
Ano ang ginawa ng mga tao upang magalang na kilalanin si Jesus bilang Mesiyas? (Maaari mong ipaliwanag na tinukoy sa Ebanghelyo ayon kay Juan na gumamit ang mga tao ng “mga palapa ng mga puno ng palma” [Juan 12:13]. Ang mga palapa ng palma ay simbolo ng tagumpay at pagwawagi ng mga Judio laban sa mga kaaway. Ang paglalatag ng alpombra sa daanan, katulad ng ginawa ng mga tao gamit ang mga palapa at damit, ay pagpaparangal sa mga dugong bughaw o mga manlulupig at mananakop. Sa paggawa nito, kinilala at malugod na tinanggap ng mga tao si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas at Hari.)
Idispley ang larawang Matagumpay na Pagpasok (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 50; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay isa sila sa mga taong nasa larawang ito. Basahin nang malakas ang unang bahagi ng Mateo 21:9, at sabihin sa klase na sabay-sabay na basahin nang malakas ang isinigaw ng mga tao sa bandang gitna ng talata na para bang kasama sila sa mga taong iyon.
-
Anong salita ang inulit ng mga tao? (Hosana.)
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng hosana ay “mangyari pong iligtas kami” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana”). Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang isulat ang kahulugang ito sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng talata 9.
Ipaliwanag na ang sigaw ng pagpupuri ng mga tao ay katuparan ng propesiya tungkol sa Mesiyas na nakatala sa Mga Awit 118:25–26. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang reference na ito sa tabi ng Mateo 21:9. Ipaliwanag na ang maharlika at para sa Mesiyas na titulong “Anak ni David” (talata 9) ay inilaan para sa tagapagmana ng trono ni David.
-
Sa papuring ito, sino ang mga taong iyon na nagpahayag ng ganito tungkol kay Jesus?
-
Kung nakatira kayo sa Jerusalem sa panahong ito, ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo habang sinasaksihan ang matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas?
Ipaliwanag na libu-libo pang tao ang nasa Jerusalem noong panahong iyon para ipagdiwang ang Paskua. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang epekto ng ginawang ito ng karamihan sa iba pang mga tao sa Jerusalem.
-
Ano ang itinatanong ng iba dahil sa ginawa ng karamihan?
-
Tulad ng inilarawan sa tala na ito, ano ang maaaring mangyari kung hayagan nating kinikilala si Jesucristo at hayagang nagsasalita tungkol sa Kanya? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag hayagan nating kinikilala si Jesucristo at hayagang nagsasalita tungkol sa Kanya, matutulungan natin ang iba na gustuhing malaman pa ang tungkol sa Kanya. Maaari mong ilista sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ilang pagkakataon na maaari nating hayagang kilalanin si Jesucristo at magsalita tungkol sa Kanya maliban pa sa mga miting sa Simbahan? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan, na kung naaangkop, magagawa natin ito sa mga pormal na pagkakataon, halimbawa sa social media, sa pakikipag-usap sa mga kaibigan, mga miyembro ng pamilya, at mga kapitbahay.)
-
Paano natin magagawang hayagang kilalanin si Jesucristo at magsalita tungkol sa Kanya sa paraan na makatutulong sa iba na mas makilala Siya?
-
Ano ang isasagot ninyo kapag tinanong kayo kung sino si Jesucristo?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na sagutin ito sa kanilang notebook o scripture study journal:
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng isinulat nila sa klase.
Hikayatin ang mga estudyante na hanapin at samantalahin ang mga tamang pagkakataon na kilalanin si Jesucristo at magsalita tungkol sa Kanya.
Mateo 21:12–16
Nilinis ni Jesus ang templo at pinagaling ang bulag at ang lumpo
Magdispley ng larawan ng isang templo ng mga Banal sa mga Huling Araw na malapit sa lugar ninyo. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan at ilarawan ang mga naisip at nadama nila nang huling bumisita sila sa templo. Kung hindi pa nakapunta sa templo ang mga estudyante, itanong sa kanila kung ano kaya ang mararamdaman nila kapag nasa loob na sila ng templo.
-
Ano ang nangyayari sa templo na nagtutulot sa atin na maramdaman ang mga ito?
Idispley ang larawang Ang Bahay ng Aking Ama (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009] , blg. 52; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na nang makapasok sa Jerusalem ang Tagapagligtas, Siya ay nagpunta sa patyo ng templo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng ilang tao na hindi kasiya-siya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Paano tinatrato ng ilang tao ang bahay ng Diyos?
Ipaliwanag na ang mga bisitang nagpunta sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua ay kailangang bumili ng mga hayop na iaalay sa templo bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Ang mga mamamalit ng salapi ay pinapalitan ng pera ng templo ang pera ng Romano at ng iba pa upang maipambili ng mga hayop, at nagbebenta naman ng mga hayop ang ibang negosyante.
-
Ano ang mali sa ganitong klase ng pagnenegosyo sa bakuran ng templo?
Maaari mong ituro na kahit ang ganitong negosyo ay kailangan at may magandang intensyon, ang gawin ito sa ganoong lugar at paraan ay kawalang paggalang at pagpipitagan. Ipinahihiwatig sa talata 13 na ang mga mamamalit ng salapi at negosyante ay mas interesadong kumita kaysa sumamba sa Diyos at tinutulungan pa ang iba na gawin din ang gayon.
-
Anong katotohanan tungkol sa templo ang matututuhan natin mula sa mga sinabi at ginawa ng Tagapagligtas? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang bahay ng Panginoon ay sagradong lugar, at gusto Niyang igalang natin ito.)
-
Paano natin maipapakita ang pagpipitagan sa bahay ng Panginoon?
-
Paano nagpapakita ng pagpipitagan sa templo ang pagpunta rito nang karapat-dapat?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas sa templo matapos linisin ito.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa bulag at lumpo na lumapit sa Kanya sa templo?
-
Ano ang matututuhan natin sa tala na ito tungkol sa magagawa sa atin ng Panginoon kapag pumupunta tayo sa templo? (Tiyaking matutukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kapag pumupunta tayo sa templo, mapagagaling tayo ng Panginoon.)
-
Bukod sa pisikal na karamdaman, ano pang ibang sakit at pagsubok ang mapagagaling ng Panginoon kapag pumupunta tayo sa templo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang patotoo ni Pangulong Faust sa katotohanang natukoy nila.
“Ang Panginoon ay naglaan ng maraming oportunidad na makatatanggap tayo ng [Kanyang] nagpapagaling na impluwensya. Nagpapasalamat ako na ipinanumbalik ng Panginoon sa mundo ang gawain sa templo. Ito ay mahalagang bahagi ng gawain ng kaligtasan kapwa para sa mga buhay at sa mga patay. Ang ating mga templo ay nagsisilbing santuwaryo kung saan maisasantabi natin ang halos lahat ng problema sa mundo. Ang mga templo ay mga lugar ng kapayapaan at kapanatagan. Sa mga banal na santuwaryong ito ang Diyos ay ‘pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.’ (Mga Awit 147:3.)” (“Spiritual Healing,” Ensign, Mayo 1992, 7).
-
Bakit ang pagsamba sa bahay ng Panginoon ay nakatutulong sa atin na madama ang Kanyang nagpapagaling na impluwensya?
Ipaliwanag na ang pagpapagaling na nararanasan natin sa pagsamba sa templo ay maaaring kaagad na dumating, tulad ng nangyari sa bulag at lumpo na inilarawan sa tala na ito, o maaaring matagalan pa bago mangyari ito.
-
Kailan kayo nakadama, o ang kakilala ninyo, ng nakapagpapagaling na impluwensya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsamba sa templo? (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Ibuod ang Mateo 21:15–16 na ipinapaliwanag na ang mga punong saserdote at mga eskriba ay hindi natuwa sa ginawa ni Jesus sa templo at ang pagsigaw ng mga tao ng “Hosana” sa Kanya roon. Ipinaliwanag ni Jesus na ang hayagang pagkilala sa Kanya ng mga tao ay katuparan ng propesiya (tingnan sa Mga Awit 8:2).
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.