Library
Lesson 49: Lucas 8–9


Lesson 49

Lucas 8-9

Pambungad

Ang Tagapagligtas ay patuloy na nagministeryo sa Galilea, kung saan nagpropesiya Siya tungkol sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkaalis sa Galilea, naglakbay si Jesus papunta sa Jerusalem para kumpletuhin ang Kanyang misyon sa lupa. Sa Samaria, nagnais sina Santiago at Juan na magpababa ng apoy mula sa langit para sunugin ang isang nayon ng mga Samaritano na hindi tinanggap si Jesus, ngunit itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na Siya ay pumarito upang iligtas ang mga tao, hindi upang lipulin sila. Itinuro rin ni Jesus ang tungkol sa pagiging tunay na disipulo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 8:1–9:56

Ang Tagapagligtas ay gumawa ng mga himala, nagturo gamit ang mga talinghaga, at nagtungo sa Jerusalem

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na sitwasyon, o isulat ang bawat isa sa magkakahiwalay na papel. Ipabasa nang malakas sa tatlong estudyante ang mga ito.

  1. Nang pakiusapan mo ang iyong kapatid na tulungan kang linisin ang mga kalat, walang galang niyang sinabing gawin mong mag-isa ito.

  2. Habang nagpaplano ng aktibidad sa paaralan, pinintasan at pinagtawanan ng ilang kaklase mo ang ideyang iyong ibinahagi.

  3. Habang ibinabahagi mo ang ebanghelyo sa isang kaibigan, sinabi niya na kakaiba ang paniniwala mo.

  • Ano ang mararamdaman ninyo sa bawat sitwasyong ito? Ano ang gagawin ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 8–9 na maaaring gumabay sa kanila kapag nadama nila na nasaktan sila sa ginawa at sinabi ng iba.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga buod ng kabanata ng Lucas 8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pangyayaring nakatala sa mga kabanatang ito. Ipaliwanag na dahil sa napag-aralan na nila nang detalyado ang mga pangyayaring ito sa mga lesson sa Mateo at Marcos, ang lesson na ito ay nakapokus sa Lucas 9:51–62.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 9:51, at sabihin sa klase na alamin ang lugar kung saan nagpasiyang magpunta ang Tagapagligtas. Ipaliwanag na ang mga katagang “tatanggapin sa itaas” ay tumutukoy sa nalalapit na Pag-akyat sa langit ng Tagapagligtas.

  • Saan nagpasiyang magpunta ang Tagapagligtas?

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng manatiling gawin ang isang bagay ay gawin ito nang determinado o nang hindi natitinag. Bago ito, ang Tagapagligtas ay nagpropesiya sa Kanyang mga disipulo na Siya ay ipagkakanulo, hahampasin o sasaktan, at ipapako sa krus sa Jerusalem (tingnan sa Mateo 20:17–19; Lucas 9:44).

  • Ano ang inihahayag tungkol sa pagkatao ng Tagapagligtas ng determinasyon Niya na magpunta sa Jerusalem sa kabila ng mga hamon na ito?

Ipaliwanag na habang naglalakbay papunta sa Jerusalem, nakarating si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa isang nayon ng mga Samaritano. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 9:52–54, at sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng mga Samaritano nang malaman nila na papasok si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa kanilang nayon.

  • Ano ang ginawa ng mga Samaritano nang malaman nila na gustong pumasok ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo sa kanilang nayon?

  • Ano ang reaksyon nina Santiago at Juan sa hindi mabuting pagtrato at hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Tagapagligtas?

  • Sa anong mga paraan sumusobra ang reaksyon ng mga tao sa panahon ngayon kapag ininsulto at sinaktan ng iba ang damdamin nila? (Balikan ang mga sitwasyon sa simula ng lesson, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga bagay na maaaring gawin ng isang taong sobra ang reaksyon sa mga sitwasyong ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 9:55–56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas kina Santiago at Juan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na nang sabihin ng Tagapagligtas na, “[Hindi ninyo nalalaman kung anong espiritu ang nasa inyo]” (talata 55), ipinahihiwatig Niya na ang hiling nina Santiago at Juan ay hindi ayon sa Espiritu ng Diyos kundi mas ayon kay Satanas, na inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit (tingnan sa 3 Nephi 11:29–30).

  • Paano naiiba ang reaksyon ng Tagapagligtas sa reaksyon nina Santiago at Juan sa hindi pagtanggap sa kanila ng mga Samaritano?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas na makatutulong sa atin kapag nasaktan ang ating damdamin? (Gamit ang mga sinabi ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag pinili nating tumugon nang may pagpapasensya at mahabang pagtitiis sa mga nagkasala sa atin.)

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga sitwasyon sa simula ng lesson.

  • Ano ang maaaring panganib sa pagpiling maghinanakit sa bawat sitwasyong ito?

  • Sa bawat sitwasyong ito, paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas?

  • Paano tayo mapagpapala kapag pinili nating tumugon nang may pagpapasensya at mahabang pagtitiis sa mga nagkakasala sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang isang pagkakataon na pinili nilang maghinanakit sa sinabi o ginawa ng iba. Hikayatin sila na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagpiling tumugon nang may pagpapasensya at mahabang pagtitiis sa nagkakasala sa kanila.

Lucas 9:57–62

Nagturo si Jesus tungkol sa pagiging tunay na disipulo

Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at ipakita sa kanya ang 20 hanggang 30 maliliit na bagay (gaya ng mga beads). Sabihin sa estudyante na tahimik na bilangin ang mga ito. Habang ginagawa niya ito, sabihin sa klase na subukan kung kaya nilang guluhin sa pagbibilang ang estudyante. Tiyaking hindi magiging marahas ang mga estudyante sa pagtatangkang guluhin ang estudyante. Sabihin sa kanila na manatiling nakaupo, at huwag maghahagis nang anuman o hawakan ang estudyanteng nagbibilang.

  • Sa papaanong paraan natutulad ang pagbibilang ng mga bagay-bagay habang ginugulo sa pagsisikap na sundin si Jesucristo?

Pasalamatan ang estudyanteng nagbilang, at paupuin na siya. Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Lucas 9, sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano natin madaraig ang mga impluwensya na maaaring makagambala o makahadlang sa atin sa pagsunod sa Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 9:57. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng isang lalaki kay Jesus habang naglalakbay Siya at ang Kanyang mga disipulo patungo sa Jerusalem.

  • Ano ang sinabi ng lalaking ito sa Tagapagligtas na handa niyang gawin?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na kataga: Upang maging tunay na disipulo ni Jesucristo, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 9:58, at sabihin sa klase na alamin ang sagot ng Tagapagligtas sa lalaking gustong sumunod sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ipinahihiwatig ng mga katagang “ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo” tungkol sa uri ng pamumuhay ng Tagapagligtas? (Si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay palaging naglalakbay. Hindi komportable o madali ang kanilang ministeryo.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 9:59–60, na inaalam ang sinabi ng pangalawang lalaki sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod siya sa Kanya.

  • Ano ang gustong gawin ng lalaking ito bago sumunod sa Tagapagligtas?

  • Ano ang maaaring ipinahihiwatig ng salitang muna (talata 59) tungkol sa lalaking ito?

Ipaliwanag na hindi sinasabi ni Jesucristo na maling magluksa sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay o pumunta sa burol (tingnan sa D at T 42:45). Sa halip, itinuturo Niya sa lalaking ito ang isang mahalagang aral tungkol sa pagiging disipulo.

  • Ano ang matututuhan natin sa tugon ng Tagapagligtas na nakatala sa talata 60 tungkol sa mga priyoridad ng isang tunay na disipulo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 9:61–62. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gustong gawin ng pangatlong lalaki bago sumunod sa Tagapagligtas.

  • Ano ang gustong gawin ng lalaking ito bago sumunod sa Tagapagligtas?

  • Paano tumugon ang Panginoon sa lalaking ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang analohiya ng paghawak sa araro at hindi paglingon sa likod, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:

Pangulong Howard W. Hunter

“Upang maging tuwid ang nilalandas sa pag-aararo, dapat nakatuon ang mga mata ng nag-aararo sa kanyang unahan. Iyan ang magpapanatili sa kanya sa tuwid na landas. Ngunit kung sakaling lumingon siya para tingnan kung saan siya nanggaling, malaki ang tsansa na malihis siya. Ang ibinubunga nito ay hindi tuwid at hindi pantay na daan ng araro. … Kung ang ating lakas ay nakatuon hindi sa paglingon sa likod natin kundi sa yaong nasa harapan natin—sa buhay na walang hanggan at kagalakan ng kaligtasan—tiyak na makakamtan natin ito” (“Am I a ‘Living’ Member?” Ensign, Mayo 1987, 17).

  • Paano natutulad ang pagiging disipulo ni Jesucristo sa paghawak natin sa araro at hindi paglingon sa likod?

  • Paano naging halimbawa ang Tagapagligtas sa Kanyang itinuro na nakatala sa talata 62? (“Pinapanatili niyang harap ang kaniyang mukha upang pumaroon sa Jerusalem” [Lucas 9:51] upang tapusin ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama sa Langit, at hindi Siya lumingon sa likod.)

Tukuyin ang hindi kumpletong pahayag sa pisara.

  • Batay sa natutuhan natin sa Lucas 9:57–62, paano ninyo ibubuod ang katotohanang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa hinihingi Niya sa Kanyang mga disipulo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang alituntunin. Matapos nilang sumagot, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para maipakita ang sumusunod na katotohanan: Upang maging tunay na disipulo ni Jesucristo, huwag nating unahin ang anumang bagay bago sumunod sa Kanya.)

  • Bakit kung minsan ay inuuna natin ang ibang bagay kaysa sa mga responsibilidad natin bilang mga disipulo ni Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“May makapangyarihang sandata na magagamit si Satanas laban sa mabubuting tao. Ito ay ang panggugulo sa isipan ng tao. Tutuksuhin niya ang mabubuting tao na punuin ang kanilang buhay ng ‘magagandang bagay’ upang mawalan ng paglalagyan para sa mahahalagang bagay” (“First Things First,” Ensign, Mayo 2001, 7).

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang maaaring makahadlang sa kanila sa pagsunod kay Jesucristo, idrowing sa pisara ang sumusunod na chart at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Mga responsibilidad ng isang disipulo ni Jesucristo

Iba pang mga priyoridad

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magtulungan sa paglista sa chart ng mga responsibilidad ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo (maaaring kabilang dito ang pagiging matapat, paglilingkod sa iba, pagbabahagi ng ebanghelyo, paggawa ng family history at gawain sa templo, at pagpapalaki ng isang pamilya). Para sa bawat responsibidad na nakalista sa kanilang chart, sabihin sa mga estudyante na maglista ng mga halimbawa ng iba pang mga priyoridad na maaaring unahin ng isang tao kaysa sa responsibilidad na iyon.

Sabihin sa mga estudyante na ireport ang kanilang inilista.

Hikayatin ang mga estudyante na magbahagi ng magagandang halimbawa ng mga disipulo ni Jesucristo sa pagtatanong ng:

  • Kailan ninyo nakita na pinili ng isang tao na isantabi ang iba pang mga mithiin o priyoridad para sundin ang Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano sa palagay nila ang kanilang hinahayaang unahin nila kaysa sa pagsunod kay Jesucristo at Kanyang mga turo. Hikayatin silang magsulat ng mithiin sa kanilang scripture study journal na kanilang gagawin upang mas unahin nila ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na kantahin ang himnong “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” (Mga Himno, blg. 164) o iba pang himno tungkol sa pagsunod kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 8:1–3. Naglingkod at tumulong sa Tagapagligtas ang matatapat na kababaihan

Itinala ni Lucas na sa paglalakbay ng Tagapagligtas kasama ang Kanyang mga Apostol sa buong Galilea, na nagtuturo sa “mga bayan at mga nayon” ng rehiyon (Lucas 8:1), marami ring naglakbay na kababaihan kasama Niya. Ilan sa kababaihang ito ay napagaling sa iba’t ibang sakit; ang iba ay maaaring asawa ng mga Apostol. Patuloy ring sumunod ang maraming kababaihang ito kay Jesus hanggang sa oras ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Lucas 23:27, 49; 24:10; Juan 20:11–18).

Ang tala ni Lucas tungkol sa kababaihan na naglakbay kasama ni Jesus ay nagbigay-diin sa pagmamalasakit ng Tagapagligtas sa lahat ng tao, kabilang na sa kababaihan—na madalas hindi pahalagahan ng lipunan ng Judio noong unang siglo. Gamit ang anumang mayroon sila, sinuportahan ng kababaihang ito si Jesus at ang Kanyang mga piling tagapaglingkod.

Pinagtibay ni Pangulong Howard W. Hunter ang pagpapahalaga ng Tagapagligtas sa lahat ng kababaihan at hiniling sa kababaihan ng Simbahan sa ating panahon na manatiling nakikiisa sa Mga Kapatid sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon:

“Nakakapanatag sa inyong mga minamahal kong mga kapatid na babae sa kanyang Simbahan na alalahanin ang Jesus ding ito, ang ating Tagapagligtas na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay nagpakita ng kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kababaihan noong kanyang panahon. Nagagalak Siya na kasama ang kababaihan at nagkaroon ng malalapit na kaibigan sa mga ito. …

“May dahilan ba para isipin na hindi niya gaanong pinagmamalasakitan ang mga kababaihan sa panahong ito? …

“Tulad noon na kailangan ng ating Panginoon at Tagapagligtas ang kababaihan dahil sa kanilang mapag-arugang kamay, pakikinig, mapanalig na puso, magiliw na pagtingin, nakahihikayat na salita, katapatan—maging sa oras ng kanyang pighati, paghihirap, at kamatayan—kami rin naman, na kanyang mga lingkod sa buong Simbahan, ay kailangan kayo, mga kababaihan ng Simbahan, na manindigan kasama namin at para sa amin sa paglaban sa matinding kasamaan na nagbabantang daigin tayo. Dapat tayong magkakasamang manindigan nang tapat at matatag sa pananampalataya laban sa mas malaking bilang ng mga tao na may iba’t ibang paniniwala. “Sa tingin ko ay talagang kailangang magkaisa ang kababaihan ng Simbahan sa paninindigan kasama ng mga Kapatid sa pagpigil sa kasamaan na nakapalibot sa atin at sa pagsusulong ng gawain ng ating Tagapagligtas” (“To the Women of the Church,” Ensign, Nob. 1992, 95–96).

Lucas 9:54. Apoy mula sa langit para sunugin ang mga Samaritano

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring dahilan ng paghiling nina Santiago at Juan na magpababa ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga Samaritano:

Alam [nina Santiago at Juan] na ang Diyos ng Israel—ang Jesus na mismong kaharap nila noon—ay nagpadala ng apoy mula sa langit sa hiling ni Elijah para sunugin ang mga kaaway ng sinaunang propetang ito. (II Mga Hari 1.) Alam din nila na ang maawaing Diyos ding iyon ang lilipol sa masasama sa pamamagitan ng apoy sa kanyang Ikalawang Pagparito. (Mal. 4:1.) Ang kailangan pa nilang matutuhan ay sa kanilang dispensasyon, sa ilalim ng umiiral na kalagayan noon … , ang mensahe ng ebanghelyo ay dapat ihatid nang may pagmamahal sa kapwa, pagtitiyaga, pagpipigil, at mahabang pagtitiis. …

“… Bagama’t hindi nila alam kung saan ito nanggaling, ang mungkahi nina Santiago at Juan dito ay naimpluwensyahan ng isang espiritung mula sa kailaliman sa halip ng Espiritung mula sa kaitaasan” (Doctrinal New Testament Commentary 3 tomo [1965–73], 1:440).

Lucas 9:54–56. Pagpiling tumugon nang may pagpapasensya at mahabang pagtitiis sa mga nagkakasala sa atin

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaari nating piliing huwag maghinanakit sa mga sinabi at ginawa ng iba:

“Ang paniniwalang kaya ng isang tao o bagay na pasamain ang ating kalooban, pagalitin, saktan, o palungkutin, ay nakababawas sa ating kalayaang pumili at ginagawa tayong mga bagay na kayang pakilusin. Gayunman, [dahil may kalayaan tayo], ikaw at ako ay may kapangyarihang kumilos at magpasiya kung paano tayo tutugon sa isang sitwasyong nakakasama o nakakasakit ng kalooban. …

“Ang Tagapagligtas ang pinakadakilang halimbawa kung paano tayo dapat tumugon sa mga pangyayari o sitwasyong nakakasama ng loob” (“At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 90).

Lucas 9:60. “Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay”

Upang mas maunawaan ang tugon ng Tagapagligtas sa lalaking hiniling muna na ilibing ang kanyang ama bago sumunod sa Tagapagligtas, tingnan ang komentaryo para sa Lucas 9:59–60 sa New Testament Student Manual ([Church Educational System manual, 2014], 158).

Lucas 9:62. Pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas at hindi paglingon sa likod

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na ang ibig sabihin ng pagkadisipulo ay lubos na pagsunod sa mga yapak ng Tagapagligtas:

“Ang mga lumusong sa mga tubig ng binyag at nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay tumatahak sa landas ng pagkadisipulo at inuutusang patuloy at matapat na sundan ang mga yapak ng ating Tagapagligtas” (“Ang mga Banal sa Lahat ng Panahon,” Ensign o Liahona, Set. 2013, 5).

Itinuro ni Elder Edward Dube ng Pitumpu na binigyan tayo ni Jesus ng halimbawa ng ibig sabihin ng hawakan natin ang araro at huwag lumingon sa likod:

“Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na nakakakita sa simula hanggang sa katapusan, ay alam na alam ang daan na tatahakin Niya patungong Getsemani at Golgota nang sabihin Niya, ‘Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Diyos’ (Lucas 9:62). Sa paningin ng Panginoon, hindi mahalaga kung ano ang nagawa natin o kung saan tayo galing kundi kung saan tayo handang pumunta” (“Tumingin sa Hinaharap at Maniwala,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 17).