Lesson 125
Mga Taga Filipos 4
Pambungad
Tinuruan ni Pablo ang mga Banal sa Filipos na maging madasalin at hangarin ang anumang bagay na mabuti. Ipinahayag din niya ang kanyang tiwala sa lakas at kapangyarihan ni Jesucristo. Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa isa pang pagpapahayag ng pasasalamat sa mga Banal sa Filipos para sa suporta na ibinigay sa kanya sa mga panahon na nangailangan siya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Filipos 4:1–14
Tinuruan ni Pablo ang mga Banal sa Filipos na maging madasalin at hangarin ang anumang bagay na mabuti
Bago magklase, isulat ang mga sumusunod na pahayag sa magkakahiwalay na piraso ng papel, at ibigay ang mga papel sa iba’t ibang estudyante:
“Nag-aalala ako na baka bumagsak ako sa darating na test.”
“Nag-aalala ako sa kapamilya kong may sakit.”
“Nag-aalala ako kung mapaninindigan ko ba ang aking mga paniniwala.”
“Nag-aalala ako kung magiging mahusay akong missionary.”
Simulan ang lesson sa pagsusulat ng salitang alalahanin sa pisara. Ipaliwanag sa klase na sa buong buhay natin, makararanas tayo ng mga hamon o mga pangyayari na ipag-aalala natin. Patayuin ang mga estudyanteng binigyan mo ng papel at isa-isang ipabasa sa kanila ang mga nakasulat sa papel. Sabihin sa klase na isipin ang mga pagkakataon na nakaranas din sila ng ganoong mga alalahanin.
-
Ano ang ilan sa mga alalahanin na maaari nating maranasan dahil sa mga hamon o mahihirap na kalagayan?
Ipasulat sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal ang tungkol sa isang hamon na nararanasan nila o ng iba na inaaalala nila. Ipahanap sa mga estudyante ang isang katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Mga Taga Filipos 4 na makatutulong sa kanila kapag nag-aalala sila.
Ipaalala sa mga estudyante na sa sulat ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Filipos, pinuri niya ang mga miyembro ng Simbahan dahil sa kanilang katapatan (tingnan sa Mga Taga Filipos 2:12) at itinuro sa kanila ang tungkol sa walang hanggang mga gantimpala na matatamo ng mga nagsasakripisyo para kay Jesucristo at tapat sa Kanya. Ibuod ang Mga Taga Filipos 4:1–5 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na magsitibay o manindigan sa kanilang katapatan sa Panginoon, magalak sa Panginoon at makita ang kanilang kahinhinan o kahinahunan ng lahat ng tao.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang parirala sa Mga Taga Filipos 4:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na hinahanap kung ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal. Ang ibig sabihin ng “huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay” ay huwag mag-alala nang sobra sa kahit anuman.
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Bilang matatapat na tagasunod ni Jesucristo, kung …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natitirang parirala sa Mga Taga Filipos 4:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa halip na mag-alala. Maaari mong ipaliwanag na ibig sabihin ng salitang daing sa talatang ito ay isang mapagpakumbaba at taimtim na pagsamo.
-
Paano ninyo ibubuod ang mga tagubilin ni Pablo sa talata 6? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara bilang isang pahayag na pasubali gamit ang katagang “kung” na tulad ng sumusunod: Bilang matatapat na tagasunod ni Jesucristo, kung mapagpakumbaba, taimtim at mapagpasalamat tayong mananalangin, …)
Idagdag ang salitang matatanggap natin ang sa pahayag sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 4:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga ipinangako ni Pablo para sa mga magdarasal nang taimtin at nang may pasasalamat. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang magiingat sa talatang ito ay poprotektahan.
-
Paano mo ibubuod ang pagpapala na ipinangako ni Pablo? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante pagkatapos ng matatanggap natin ang. Dapat na matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Bilang matatapat na tagasunod ni Jesucristo, kung mapagpakumbaba, taimtim at mapagpasalamat tayong mananalangin, matatanggap natin ang kapayapaang nagmumula sa Diyos.)
-
Kapag tayo ay nag-aalala, paano nagdadala ng kapayapaan sa atin ang pagpapasalamat sa ating mga panalangin?
-
Mula sa anong mga bagay poprotektahan ng kapayapaan ng Diyos ang ating mga puso at isipan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang iba pang mga pamamaraan na natutulungan tayo ng kapayapaan ng Diyos:
“Dahil iginagalang Niya ang inyong kalayaan, hindi kayo kailanman pipilitin ng Ama sa Langit na manalangin sa Kanya. Ngunit kapag ginamit ninyo ang kalayaang iyan at isinama ninyo Siya sa lahat ng aspeto ng inyong buhay araw-araw, ang inyong puso ay magsisimulang mapuspos ng sigla ng kapayapaan. Ang kapayapaang iyan ay magtutuon ng walang-hanggang liwanag sa inyong mga pagpapakasakit. Tutulungan kayo nitong harapin ang mga hamong iyon nang may walang-hanggang pananaw” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 93).
-
Ayon kay Elder Scott, paano tayo natutulungan ng kapayapaan ng Diyos sa ating mga nararanasang pagsubok?
-
Kailan ninyo naranasan na mapagpakumbaba, mataimtim at mapagpasalamat kayong nanalangin noong mayroon kayong alalahanin at pagkatapos ay biniyayaan kayo ng kapayapaan ng Diyos?
Sabihin sa klase na tingnan ang alalahanin na isinulat nila sa simula ng lesson. Hikayatin sila na mapagpakumbaba, mataimtim at mapagpasalamat na manalangin sa halip na mag-alala. Kung nagsulat ang mga estudyante ng alalahanin ng ibang tao, hikayatin sila na ibahagi ang alituntuning ito sa taong iyon.
Upang tulungan ang mga estudyante na matukoy ang iba pang mga alituntunin na itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Filipos, hatiin ang klase sa tatlong grupo. Sabihin sa unang grupo na isipin ang kanilang paboritong pagkain. Sabihin naman sa pangalawang grupo na isipin ang isang nakakatawang larawan o kuwento. Sabihin sa huling grupo na isipin ang isang larawan o karanasan sa templo. Sabihin sa mga estudyante na ituon ang kanilang mga isip sa mga ito sa loob ng 30 segundo.
-
Ano ang naging epekto sa inyo, kung mayroon man, ng pagtuon sa bagay na ito?
Sabihin sa klase na naiimpluwensyahan ng ating mga iniisip ang ating mga pagnanais at pag-uugali. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 4:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na isipin at gawin ng mga Banal sa Filipos. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “isipin” ay masusi at tuluy-tuloy na pag-isipan.
Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang bawat uri ng bagay na itinuro ni Pablo na dapat pagtuunan ng isipan ng mga Banal.
-
Bukod pa sa pag-iisip sa mga bagay na ito, ano pa ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga miyembro ng Simbahan?
-
Ano ang pagpapapalang ipinangako ni Pablo sa mga Banal kung susundin nila ang kanyang mga turo at halimbawa?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa itinuro ni Pablo sa matatapat na Banal sa Mga Taga Filipos 4:8–9? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung itutuon ng mga Banal ang kanilang mga isipan sa anumang bagay na mabuti at kung susundin nila ang mga apostol at mga propeta, ang Diyos ng kapayapaan ay mapapasakanila.)
-
Paano naiimpluwensiyahan ang ating mga pagnanais at pag-uugali ng pagtuon natin sa anumang bagay na mabuti?
Sabihin sa klase na buksan ang Saligan ng Pananampalataya sa Mahalagang Perlas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga pagkakapareho nito sa Mga Taga Filipos 4:8.
-
Ano ang nakikita ninyong magkapareho sa dalawang talatang ito?
Ipaliwanag na nang binanggit ni Propetang Joseph Smith ang “payo ni Pablo” mula sa Mga Taga Filipos 4:8 sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, pinalitan niya ang “[iniisip namin] ang mga bagay na ito” ng mas aktibong “hinahangad namin ang mga bagay na ito.”
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na hangarin natin ang mga bagay na matapat, tunay, malinis (o dalisay), marangal, kaaya-aya at maipagkakapuri?
-
Paano nakatutulong ang paghahangad sa mga bagay na ito para maituon natin ang ating isipan sa mga ito?
Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo ng tigtatatlo hanggang tig-aapat na katao. Bigyan ang bawat grupo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011) at ng sumusunod na handout. Mag-asayn sa bawat grupo ng dalawang paksa na mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Pakikipagdeyt,” “Pananamit at Kaanyuan,” “Edukasyon,” “Libangan at Media,” “Mga Kaibigan,” “Pananalita,” at “Musika at Pagsasayaw.” (Baguhin ang laki ng mga grupo at ang bilang ng mga nakatalagang paksa depende sa laki ng iyong klase.) Sabihin sa mga estudyante na sundin ang panuto sa handout.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante sa bawat grupo na ibahagi ang mga napag-usapan nila sa kanilang grupo para sa bawat tanong.
-
Sa pagtuon ninyo ng inyong isipan sa mabubuting bagay, paano ipinakita ng Diyos ng kapayapaan na sinamahan Niya kayo?
Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o notebook ang isang paraan na mapapabuti pa nila ang kanilang mga pagsisikap na ituon ang kanilang isipan sa mabubuting bagay at sundin ang mga apostol at mga propeta ng Diyos.
Ibuod ang Mga Taga Filipos 4:10 na ipinapaliwanag na nagpasalamat si Pablo sa mga Banal sa Filipos dahil sa kanilang suporta at pag-aalaga na ibinigay sa kanya habang siya ay dumaranas ng mga pagsubok.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 4:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa mga Banal na natutuhan niya.
-
Ano ang natutuhang gawin ni Pablo sa lahat ng sitwasyon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Filipos 4:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang pinagmumulan ng lakas ni Pablo.
-
Sino ang sinabi ni Pablo na pinagmumulan ng kanyang lakas?
Ipaliwanag na ang pahayag ni Pablo sa talata 13 ay tumutukoy sa kanyang kakayahan, sa lakas na ibinibigay ni Jesucristo, na gawin ang lahat ng bagay na kalugud-lugod o hinihingi ng Diyos, kabilang na ang pagiging kontento sa anumang kalagayan.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 13? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na nagbibigay sa atin ng lakas [tingnan din sa Alma 26:12].)
-
Ano ang maaari nating gawin upang matamo ang lakas na ibinibigay ni Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang maaari nating magawa dahil sa lakas na ito:
“[Nagbubuhos ang] Diyos ng mga pagpapala ng kapangyarihan at lakas, na nagbibigay-kakayahan sa atin na makamtan ang mga bagay na hindi natin kayang makamit. Sa kamangha-manghang biyaya ng Diyos nadaraig ng Kanyang mga anak ang mapanganib at tagong mga tukso ng manlilinlang, nadaraig ang kasalanan at ‘[nagiging] ganap kay Cristo’ [Moroni 10:32]” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108).
-
Sa paanong mga paraan natin nararanasan ang lakas at biyaya na ito? (Kasama sa mga posibleng sagot ang dagdag na katatagan; determinasyon; tapang; pasensya; tiyaga; at pisikal, mental, o espirituwal na tibay at lakas.)
-
Kailan kayo binigyan ni Jesucristo ng lakas na gumawa ng mabuting bagay? (Maaari ka ring magbahagi ng iyong personal na karanasan.)
Mga Taga Filipos 4:15–23
Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa mga taga-Filipos na nagpapahayag ng pasasalamat
Ibuod ang Mga Taga Filipos 4:15–23 na ipinapaliwanag na muling nagpasalamat si Pablo sa mga Banal sa Filipos sa pagsuporta sa kanya sa panahon na nangangailangan siya. Ang mga handog ng mga Banal ay kalugud-lugod sa Diyos at ipinangako ni Pablo na tutugunan din ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan.
Magtapos sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanan na tinalakay sa lesson na ito.
Scripture Mastery—Mga Taga Filipos 4:13
Tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Mga Taga Filipos 4:13 sa pamamagitan ng pagsusulat nito sa pisara at sabay-sabay na pagbasa nito nang malakas. Burahin ang isang salita, at ipabigkas itong muli nang malakas. Ulitin ito hanggang nabura na ang lahat ng mga salita.