Library
Lesson 135: Sa Mga Hebreo 1–4


Lesson 135

Sa Mga Hebreo 1–4

Pambungad

Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tunay na katangian ni Jesucristo. Itinuro rin niya ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang ilan sa mga pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala. Ikinuwento ni Pablo ang karanasan ng mga sinaunang Israelita na nagpagala-gala sa ilang upang ituro sa mga Banal ang kailangan nilang gawin para makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sa Mga Hebreo 1

Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tunay na katangian ni Jesucristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang dalagita ang nagsasawa na sa pagiging “mabait na bata” dahil hindi siya sumasama sa mga kaibigan niya sa ilang aktibidad nila. Iniisip niyang ibaba ang mga pamantayan niya para makasama sa grupo.

  2. Natanto ng isang full-time missionary na mas mahirap pala kaysa inaasahan niya ang gawaing misyonero kaya parang gusto na niyang umuwi.

  • Ano ang pagkakatulad ng mga sitwasyong ito?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit naiisip ng mga tao na tumigil sa paggawa ng alam nilang tama?

Maikling ipakilala ang aklat na Sa Mga Hebreo na ipinapaliwanag na, dahil sa tindi ng iba’t ibang nararanasang hirap, ilan sa mga Judio (tumutukoy sa mga Hebreo) ang umalis sa Simbahan at bumalik sa tradisyonal na pagsamba ng mga Judio, na hindi kabilang ang paniniwala kay Jesucristo (tingnan sa Sa Mga Hebreo 10:25, 38–39). Ginawa ni Pablo ang sulat na ito upang hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan na manatiling tapat kay Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na alamin nila sa pag-aaral nila ng Sa Mga Hebreo ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na manatiling tapat kay Cristo kapag nadarama nilang gusto na nilang sumuko.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Sa Mga Hebreo 1:1–3, 10, na inaalam ang mga doktrinang itinuro ni Pablo sa mga Banal na Judio tungkol kay Jesucristo.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang mga katotohanang nalaman nila. Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyakin na ang mga pahayag na tulad ng mga sumusunod na katotohanan ang nakasulat sa pisara:

Nilikha ni Jesucristo ang mga langit at ang lupa (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:2, 10).

Si Jesucristo ay nagsasalita para sa Ama (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:2).

Si Jesucristo ang tagapagmana ng Ama (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:2).

Si Jesucristo ay tunay na larawan ng Ama (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:3).

Si Jesucristo ang umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng Kanyang kapangyarihan (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:3).

Si Jesucristo ang naglilinis ng ating mga kasalanan (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:3).

Si Jesucristo ay naghahari sa kanang kamay ng Ama (tingnan sa Sa Mga Hebreo 1:3).

Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “tunay na larawan ng Ama” ay nakikita kay Jesucristo ang pisikal at espirituwal na katangian ng Ama sa Langit at pati na ang Kanyang kabanalan, at ang mga katagang “umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan” ay nagsasaad na si Jesucristo ay makapangyarihan.

  • Paano nakatutulong sa isang taong nahihirapang manatiling tapat kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ang malaman ang mga katotohanang ito?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung alin sa mga katotohanang ito ang makatutulong sa kanila kung sila ay natutuksong tumigil sa paggawa ng kagustuhan ng Panginoon.

Ipaliwanag na ang tema ng aklat ng Sa Mga Hebreo ay ang pagiging higit na makapangyarihan ni Jesucristo. Halimbawa, sa Sa Mga Hebreo 1:4–14, ipinakita ni Pablo na si Jesus ay lalong nakahihigit kaysa sa mga anghel. Sa mga sumunod na kabanata, patuloy niyang ipinakita ang kataasan at kapangyarihan ni Cristo.

  • Paano makatutulong sa isang taong nahihirapang manatiling tapat kay Jesucristo ang malaman na Siya ay mas makapangyarihan sa lahat ng bagay?

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na hanapin ang temang ito habang pinag-aaralan nila ang mga natitirang bahagi ng Sa Mga Hebreo.

Sa Mga Hebreo 2

Itinuro sa atin ni Pablo na si Jesucristo ang May Gawa ng ating kaligtasan

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila pumipili ng captain o lider para sa iba’t ibang team o grupo na kasali sila (halimbawa, isport, debate, drama, o school club).

  • Anong mga katangian ang hinahanap ninyo sa pagpili ng captain o lider?

Ipaliwanag na sa Sa Mga Hebreo 2, ipinaliwanag pang lalo ni Pablo ang tungkol sa likas na katangian ni Jesucristo para tulungan silang malaman kung bakit dapat nilang patuloy na sundin si Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 2:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinukoy ni Pablo si Jesucristo.

  • Ano ang pinamunuan o ginawa ni Jesus? (Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ang May Gawa ng ating kaligtasan.)

  • Sa paanong paraaan si Jesucristo ang May Gawa ng ating kaligtasan?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at ipabasa sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 2:8–13 at sa isa pang estudyante ang Sa Mga Hebreo 2:14–18. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga kataga na nagpapaliwanag kung bakit karapat-dapat na tawaging May Gawa ng ating Kaligtasan ang Tagapagligtas. (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan” sa talata 17 ay nagbayad-sala si Cristo para sa ating mga kasalanan, na nagbigay sa atin ng pangpalubag-loob o magandang ugnayan sa Ama sa Langit.)

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ayon sa talata 9, ano ang ginawa ni Jesucristo para sa lahat ng tao?

  • Ayon sa talata 14, ano ang nalipol o nadaig ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?

Ipaliwanag na hindi lamang tinukoy ni Pablo ang Tagapagligtas bilang May Gawa ng ating kaligtasan, kundi tinawag din niya Siya na “dakilang saserdoteng maawain at tapat” (talata 17). Itinulad ni Pablo si Jesucristo sa mataas o dakilang saserdoteng Judio dahil ang dakilang saserdote ay itinuturing na tagapamagitan sa mga tao at sa Diyos.

  • Ayon sa talata 17, ano ang nagbigay ng kakayahan kay Jesus na maging maawain at tapat na dakilang saserdote?

  • Ayon sa talata 18, bakit nakaya ng Tagapagligtas na saklolohan o tulungan tayo? (Tingnan din sa Alma 7:11–13.)

Ipaliwanag na nagbigay si Pablo sa Sa Mga Hebreo 4:14–16 ng karagdagang kaalaman sa itinuro niya tungkol sa kung paano naging dakilang saserdote na maawain at tapat ang Tagapagligtas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit naging dakilang saserdote si Jesucristo. Ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Batay sa natutuhan ninyo mula Sa Mga Hebreo 2:14–18 at 4:14–16, bakit lubos tayong nauunawaan ni Jesucristo pati na ang ating mga kahinaan at pagkakamali? (Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang sumusunod na katotohanan: Dahil si Jesucristo ay nagdusa at tinukso sa lahat ng bagay, nauunawaan Niya tayo nang lubos at matutulungan tayo sa oras ng pangangailangan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ayon sa Sa Mga Hebreo 4:16, ano ang ating magagawa kapag naunawaan natin ang katotohanang ito?

  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng lumapit nang may tiwala sa luklukan ng biyaya?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa kung paano nakatulong sa kanila ang mga katotohanan sa Sa Mga Hebreo 2 na mapanatag sa kanilang desisyong sundin si Jesucristo bilang kanilang lider.

Sa Mga Hebreo 3–4

Itinuro ni Pablo kung paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon

Ipasulat sa mga estudyante sa kanilang scripture study journal o ang isang bagay na nagdudulot sa kanila ng temporal o espirituwal na pagkabalisa.

  • Paano tayo makahahanap ng kapayapaan at kapahingahan mula sa mga ito at sa iba pang sanhi ng ating pag-aalala?

Ipaalala sa mga estudyante na nakararanas ng pag-uusig ang mga Banal na Judio dahil sa pamumuhay ng ebanghelyo. Ipaliwanag na sa Sa Mga Hebreo 3 at 4, binanggit ni Pablo ang isang pangyayari sa Lumang Tipan para ituro sa mga Banal kung paano makahahanap ng kapahingahan sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Ipaliwanag na matapos mapalaya sa Egipto, ang mga tao ng sinaunang Israel ay ginalit ang Panginoon kaya hindi sila pinayagang makapasok sa kapahingahan ng Panginoon (tingnan sa Mga Bilang 14; Jacob 1:7–8; Alma 12:33–37; 13:6, 12–13, 28–29). Pamarkahan sa mga estudyante ang mga katagang “aking kapahingahan” sa Sa Mga Hebreo 3:11.

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder McConkie, at sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Elder Bruce R. McConkie

“Ang tunay na mga banal ay pumapasok sa kapahingahan ng Panginoon habang nasa mundong ito, at sa pagsunod sa katotohanan, magpapatuloy sila sa pinagpalang kalagayang iyan hanggang sa sila ay mamahinga sa piling ng Panginoon sa langit. … Ang kapahingahan ng Panginoon, para sa mga tao sa mundo, ay ang magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kabanalan ng dakilang gawain sa mga huling araw. … Ang kapahingahan ng Panginoon, sa kawalang-hanggan ay magkamit ng buhay na walang hanggan, upang matamo ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon. (D at T 84:24.)” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 633).

  • Ano ang ibig sabihin sa atin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon sa buhay na ito? Kapag namatay na tayo?

Basahin nang malakas ang Sa Mga Hebreo 4:1 at sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinag-aalala ni Pablo na baka hindi magawa ng ilang miyembro ng Simbahan.

  • Ano ang ipinag-aalala ni Pablo? (Na hindi makapasok ang ilang miyembro ng Simbahan sa kapahingahan ng Panginoon.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na banal na kasulatan: Sa Mga Hebreo 3:7–8, 12–15, 18–19; 4:2–3, 6–7, 11. Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang mga talatang ito na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa kung paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon. (Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Sa Mga Hebreo 4:3 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan” (Sa Mga Hebreo 3:14)?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso”? (Sa Mga Hebreo 3:15; 4:7). (Panatiliin ang inyong puso na bukas, handa, at masunurin sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan.)

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pagpasok sa kapahingahan ng Panginoon? (Mula sa mga sagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung tayo ay mananatiling tapat sa Tagapagligtas at hindi patitigasin ang ating puso, tayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon.)

  • Paano tayo inihahandang pumasok sa kapahingahan ng Panginoon ng pagiging bukas ng ating puso sa layunin at plano ng Diyos para sa atin?

  • Paano tayo mapagpapala sa buhay na ito ng hangarin nating makapasok sa kapahingahan ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nakatulong sa kanila na makahanap ng kapahingahan sa kabila ng mga problema ang pagiging matapat sa Tagapagligtas at pagiging bukas ng kanilang puso sa Kanya. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang nasasaisip.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gagawin nila para patuloy na manalig kay Jesucristo at maging bukas ang kanilang puso sa Kanya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Sa Mga Hebreo 1:3. Si Jesucristo ay “tunay na larawan” ng Ama sa Langit

Itinuro ni Propetang Joseph F. Smith ang sumusunod tungkol sa larawan ni Jesucristo:

“Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay ‘tunay na larawan’ ng Kanyang Ama (Sa Mga Hebreo 1:3). [Nabuhay] Siya sa mundo bilang isang tao, isang perpektong tao at nagsabi, bilang tugon sa itinanong sa Kanya: ‘Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama’ (Juan 14:9). Dapat sana’y sapat na ang mga salitang ito upang masagot ang problema na ikasisiya ng bawat mapag-isip at mapitagang isipan. Hindi maiiwasang [ipalagay] na kung ang Anak ng Diyos ay tunay na larawan (na kawangis) ng Kanyang Ama, kung gayon, ang Ama ay kaanyo ng tao; sapagkat iyon ang anyo ng Anak ng Diyos, hindi lamang noong nabubuhay pa Siya dito sa lupa kundi kahit noon pa mang bago Siya isilang, at maging pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Sa anyong ito nagpakita kay Joseph Smith ang Ama at ang Anak, bilang dalawang katauhan, noong ito’y bata pa sa gulang na labing-apat, nang matanggap niya ang kanyang unang pangitain” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 398–99).

Sa Mga Hebreo 4:4, 10. Ang araw ng Sabbath ay tanda at simbolo ng kapahingahan ng Panginoon

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang araw ng Sabbath ay tanda at simbolo ng kapahingahan ng Panginoon. Ang mga tumanggap ng ebanghelyo ay pinananatiling banal ang Araw ng Sabbath bilang bahagi ng mabuti nilang pag-uugali at tunay na pagsamba. Sa araw na iyan ay nagpapahinga sila sa pagtatrabaho, tulad din ng pagpapahinga ng Diyos noong nilikha Niya ang mundo, bilang tanda at simbolo na sila ay pumasok sa kapahingahan ng Panginoon sa buhay na ito, na mayroong patotoo sa ebanghelyo, at umaasam sa kapahingahan ng Panginoon ‘kung aling kapahingahan ay kaganapan ng kanyang kaluwalhatian’ sa kabilang buhay. (D at T 84:24.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:151).