Lesson 82
Mga Gawa 1:9–26
Pambungad
Matapos tagubilinan ang Kanyang mga disipulo nang 40 araw, umakyat na sa langit si Jesucristo. Ang mga Apostol at ang iba pa ay nagkaisa sa panalangin at pagsusumamo. Sa pamamagitan ng inspirasyon, tinawag si Matias para punan ang katungkulan sa Korum ng Labindalawang Apostol na nabakante dahil sa pagkanulo at kamatayan ni Judas Iscariote.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Gawa 1:9–12
Ang Tagapagligtas ay umakyat sa langit
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Tama o Mali?
Basahin nang malakas ang sumusunod na mga pahayag tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung ang mga pahayag ay tama o mali. (Paalala: Sa bahaging ito ng lesson, hindi kailangang malaman ng mga estudyante ang sagot sa bawat tanong o mag-ukol ng mahabang oras sa pagtalakay sa kanilang mga sagot.)
-
Si Jesucristo ay babalik sa mundo sa mga huling araw.
-
Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, si Jesucristo ay magpapakita lamang sa mabubuting tao.
-
Dahil si Jesucristo ay nakabalatkayo sa muli Niyang pagparito, hindi malalaman ng karamihan sa mga tao na nangyari na ang Ikalawang Pagparito.
Maaari mong rebyuhin nang bahagya ang sagot sa bawat pahayag: (1) Tama (tingnan sa Moises 7:60); (2) Mali (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:26; D at T 101:23); (3) Mali (tingnan sa D at T 49:22–23).
Ipaliwanag na sa Kanyang mortal na ministeryo, nagpropesiya si Jesucristo na sa mga huling araw ay may mga taong magtuturo ng mali tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:22–25).
-
Paano natin malalaman kung tama o mali ang isang turo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Kung pakikinggan natin ang mga salita ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta, hindi tayo malilinlang [tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37].)
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang mahalagang katotohanan sa kanilang patuloy na pag-aaral ng Mga Gawa 1 tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ipaalala sa mga estudyante na tinagubilinan ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo nang 40 araw pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mga Gawa 1:3). Idispley ang larawang Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 62; tingnan din sa LDS.org).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 1:9–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari pagkatapos tagubilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol.
-
Ano ang nangyari pagkatapos tagubilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol?
-
Kung nakita ninyong umakyat sa langit ang Tagapagligtas, ano kaya ang maiisip o madarama ninyo?
Ipaliwanag na sa sinaunang Israel, ang alapaap kung minsan ay sumasagisag sa presensya at kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Exodo 40:34). Ang alapaap na binanggit sa Mga Gawa 1:9 ay ulap ng kaluwalhatian (tingnan sa Bible Dictionary, “Cloud”), at ang dalawang lalaki na binanggit sa talata 10 ay mga anghel.
-
Ano ang sinabi ng mga anghel sa mga Apostol?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng muling paparito si Jesus “gaya rin ng inyong nakitang” (Mga Gawa 1:11) pag-akyat Niya sa langit? (Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ang Tagapagligtas ay bababa mula sa langit sa kaluwalhatian.)
Ipaliwanag na ang Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas ay naganap sa Bundok ng mga Olivo (tingnan sa talata 12). Ipaliwanag na kapag muling pumarito ang Tagapagligtas, ang isa sa Kanyang mga pagpapakita ay sa pagbaba Niya at pagtayo sa Bundok ng mga Olivo (tingnan sa Zacarias 14:4; D at T 45:47–53; D at T 133:19–20). Magaganap ito bago ang Kanyang dakila at maluwalhating pagpapakita sa buong mundo (tingnan sa Isaias 40:5).
-
Paano makatutulong sa atin ang malaman ang paraan ng pagparito ng Tagapagligtas upang hindi tayo malinlang habang naghihintay sa Kanyang Ikalawang Pagparito?
Mga Gawa 1:13–26
Si Matias ay napili na punan ang katungkulang nabakante sa Korum ng Labindalawang Apostol
Ipaliwanag na matapos bumalik ang mga Apostol sa Jerusalem, nagtipon sila kasama ang ilang matatapat na kalalakihan at kababaihan, kasama si Maria ang ina ni Jesus, upang manalangin at sumamba. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 1:13 at ipabilang kung ilan ang mga Apostol na nakalista. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Bakit 11 na lamang ang mga Apostol noong panahong iyon? (Ipinagkanulo ni Judas Iscariote si Jesucristo at pagkatapos ay kinitil ang kanyang sariling buhay [tingnan sa Mateo 27:3–5].)
Ibuod ang Mga Gawa 1:15–20 na ipinapaliwanag na tumayo si Pedro sa harap ng 120 disipulo at isinalaysay ang pagkamatay ni Judas Iscariote. Dahil si Judas ay naging isa sa Labindalawang Apostol, nagtipon ang mga disipulo upang pumili ng isang bagong Apostol.
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang iba’t ibang paraan kung paano pinipili ang ilan sa sumusunod na mga lider: team captain, lider ng lokal na pamahalaan, isang hari o reyna, at presidente ng kompanya.
-
Ano kaya ang ilan sa mga kwalipikasyon para sa mga katungkulang ito sa pamumuno?
Magpakita sa mga estudyante ng larawan o mga larawan ng kasalukuyang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, at magpatotoo na bawat isa sa mga kalalakihang ito ay Apostol ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano pinipili ang isang Apostol ni Jesucristo at ano ang mga kwalipikasyon para makapaglingkod bilang Apostol.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang malakas sa isa’t isa ang Mga Gawa 1:21–26 at alamin kung paano pinili ang isang bagong Apostol sa pagkamatay ni Judas Iscariote.
-
Ano ang ibig sabihin ng “sila’y pinagsapalaran nila”? (talata 26).
Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na noong unang panahon, ang pagsasapalaran ay isang paraan sa paggawa ng desisyon na nagpapakita ng tiwala na ipababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa kahihinatnan nito (tingnan sa Mga Gawa 1:26; tingnan din sa Mga Kawikaan 16:33). “Kung sila ay nagsasapalaran, ang Panginoon ang pumipili ng magiging resulta nito. Gayunpaman, mas malamang na ‘bumoboto sila,’ marahil ‘mga boto ng pagsang-ayon’ upang sang-ayunan ang pinili ng Diyos na maglilingkod sa banal na pagka-apostol” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:32).
-
Ayon sa mga talata 21–22, anong mga kwalipikasyon ang sinabi ni Pedro na dapat taglayin ng bagong Apostol? (Siya ay dapat na tagasunod ni Jesucristo na nakasaksi rin sa Kanyang ministeryo at Pagkabuhay na Mag-uli.)
-
Ano ang napansin ninyo tungkol sa panalangin ng mga Apostol na nakatala sa mga talata 24–25?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 24 tungkol sa paraan ng pagtawag sa isang Apostol ni Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking maipapaliwanag nang mabuti na ang mga Apostol ni Jesucristo ay tinatawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag. Isulat sa pisara ang katotohanang ito, at sabihin sa mga estudyante na maaari nila itong isulat sa kanilang banal sa kasulatan sa tabi ng talata 24.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang tawagin ng Diyos ang isang Apostol sa pamamagitan ng paghahayag sa halip na sa paraan ng pagpili ng ibang mga lider sa mundo?
Upang maipaliwanag kung paano tinatawag ng Diyos ang isang Apostol sa panahong ito sa pamamagitan ng paghahayag, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay mula sa buhay ni Pangulong Heber J. Grant:
“Nakatanggap si Pangulong [Heber J.] Grant ng mga paghahayag bilang Pangulo ng Simbahan na papatnubay sa Simbahan sa kabuuan. Ang isang gayong paghahayag ay dumating matapos siyang italaga bilang Pangulo ng Simbahan, nang hangarin niya ang kalooban ng Panginoon sa paghirang ng bagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Habang pinagninilayan ang tungkuling ito, paulit-ulit na nabaling ang kanyang isipan sa kanyang matagal nang kaibigan na si Richard W. Young, isang matapat na Banal sa mga Huling Araw at matatag na pinuno. Tinalakay ni Pangulong Grant ang posibilidad na ito sa kanyang mga tagapayo, na sumuporta sa kanyang desisyon. Nang sa huli’y mapanatag siya sa gagawing hakbang na ito, isinulat niya ang pangalan ng kanyang kaibigan sa isang papel at dinala ito sa lingguhang pulong sa templo kasama ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa. Gayunman, nang babanggitin na niya ang pangalan para sa pagsang-ayon ng kanyang mga Kapatid, hindi niya ito magawa. Sa halip na bigkasin ang pangalan ni Richard W. Young, binigkas niya ang pangalan ni Melvin J. Ballard, isang lalaking halos hindi niya kakilala. Sa huli’y ikinuwento ni Pangulong Grant ang naging epekto sa kanya ng karanasang ito:
“‘Nadama ko ang inspirasyon ng buhay na Diyos na pumapatnubay sa aking mga pagsisikap. Simula noong piliin ko ang isang tila estranghero na maging isa sa mga apostol, sa halip na piliin ang matagal ko nang minamahal na kaibigan, nalaman ko gaya ng pagkakaalam kong buhay ako, na may karapatan ako sa liwanag at inspirasyon at patnubay ng Diyos sa pamamahala sa Kanyang gawain dito sa lupa’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 203–04).
-
Paano inilalarawan ng katotohanang itinuturo sa Mga Gawa 1:24 ang pagtawag sa isang Apostol sa panahong ito?
-
Paano naipapakita ng pagtawag sa isang Apostol na patuloy pa ring pinamamahalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang katotohanang itinuro sa Mga Gawa 1:2—na pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)
Tukuyin ang larawan o mga larawan ng mga buhay na Apostol na idinispley mo kanina. Maaari mong tulungan sandali ang mga estudyante na malaman o marebyu ang kanilang mga pangalan.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa isa sa mga tanong. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa Mga Gawa 1:9–26.
Scripture Mastery Review
Upang matulungan ang mga estudyante na marebyu ang unang 10 scripture mastery passage, isulat ang mga sumusunod na reperensya at kaukulang mahahalagang salita na nasa pisara (kung gusto mo, maaari mong bigyan ng kopya ng chart ang mga estudyante):
Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw. |
Ang nabuhay na muling katawan ay may laman at mga buto. | ||
Magsiparito sa akin. |
Ipanganak ng tubig at ng Espiritu | ||
Ang mga susi ng kaharian |
Ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay | ||
Ibigin ang Panginoon; ibigin ang iyong kapuwa. |
Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. | ||
Magturo at bautismuhan ang lahat ng mga bansa. |
Ang makilala ang Diyos at si Jesucristo ay buhay na walang hanggan. |
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na rebyuhin ang mga scripture mastery passage na nakasulat sa pisara. Maaari mong imungkahi sa mga magkakapartner na ang isa sa kanila ay babasahin nang malakas ang mahahalagang salita mula sa isang scripture mastery passage at ang isa naman ay sasabihin ang katugmang scripture reference. Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagawa nito hanggang sa marebyu nila ang 10 scripture mastery passage.
Kung may oras pa, maaari kang magbigay ng quiz sa mga estudyante. Magbigay sa mga estudyante ng mga piraso ng papel na may mahahalagang salitang mula sa bawat scripture mastery passage na sinusundan ng patlang. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang katugmang scripture reference sa patlang. Pagkatapos ng sapat na oras, rebyuhin ang quiz.