Library
Home-Study Lesson: Mga Gawa 13–19 (Unit 19)


Home-Study Lesson

Mga Gawa 13–19 (Unit 19)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at mga alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 13–19 (unit 19) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mga Gawa 13–14)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa pagkikipag-usap nina Pablo at Bernabe sa isang manggagaway, nalaman nila na ang kapangyarihan ng Diyos ay napakalakas kaysa sa kapangyarihan ng diyablo. Nang magturo si Pablo tungkol sa Tagapagligtas, natukoy ng ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Tayo ay mapapatawad at aariing ganap o mabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag nakapagtiis tayo nang tapat sa mga pagsubok at paghihirap, magiging handa tayong makapasok sa kahariang selestiyal.

Day 2 (Mga Gawa 15)

Sa pag-aaral ng mga estudyante kung paano magkakasamang gumagawa ng pagpapasiya ang mga lider ng Simbahan, natutuhan nila na malalaman natin ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta at mga apostol, sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo. Natutuhan din nila na sa sama-samang pagsasanggunian at paghiling ng paghahayag mula sa Diyos, ang mga lider ng Simbahan ay tumatanggap ng inspirasyon tungkol sa mahihirap na problema.

Day 3 (Mga Gawa 16–17)

Mula sa tala ng misyon nina Pablo at Silas, nalaman ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag sinunod natin ang paghahayag na ibinigay ng Diyos, tayo ay magagabayan sa mga taong handang tanggapin ang ebanghelyo. Ang kaligtasan ay nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo, at ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapabinyag. Kung tatanggapin natin nang buong kahandaan ng pag-iisip ang mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos at sasaliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw, lalakas ang ating paniniwala sa kanilang mga salita.

Day 4 (Mga Gawa 18–19)

Sa mga ibinibigay na katiyakan ng Panginoon kay Pablo noong nakadama siya ng pagkalungkot para sa mga tao sa Corinto, natutuhan ng mga estudyante na kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat, ang Panginoon ay mapapasaatin kapag ginawa natin ang Kanyang gawain. Sa pag-aaral nila tungkol sa pagtuturo at pagpapagaling ni Pablo sa Efeso, natutuhan ng mga estudyante ang sumusunod: Para magkaroon ng bisa, ang binyag ay kailangang isagawa ng isang awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos. Upang makumpleto ang binyag, ito ay dapat lakipan ng pagtanggap ng Espiritu Santo. Ang isang paraan na naipapakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan ay sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod. Sa pagtatapat at pagtalikod sa masasamang gawain, naipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

Pambungad

Sa Areopago o Burol ni Marte (Mars’ Hill) sa Atenas, itinuro ni Pablo sa mga tao ang tungkol sa katangian ng Diyos. Matutulungan ng lesson na ito ang mga estudyante na maunawaan ang ilan sa mga katangian ng Ama sa Langit at ang kanilang kaugnayan sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 17:16–34

Nangaral si Pablo sa Areopago o Burol ni Marte

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Larawan sa Biblia, blg. 29, “Atenas,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipaliwanag na ang larawang ito ay nagpapakita ng isa sa ilang templo sa Atenas na ginamit noon para sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Nasa loob ng mga templong ito ang mga estatwa ng mga diyus-diyusang ito na gawa ng tao. Nasa labas naman nito ang mga dambana o altar kung saan ginagawa ang pag-aalay ng mga sakripisyo sa mga huwad na diyos na ito.

Ipaliwanag na para protektahan si Pablo mula sa kumakalabang grupo ng mga Judio sa Tesalonica, ipinadala siya ng mga miyembro ng Simbahan sa Atenas (tingnan sa Mga Gawa 17:13–15). Mababasa natin sa Mga Gawa 17:16–21 na labis na nag-alala si Pablo tungkol sa pagsamba sa diyus-diyusan sa Atenas, at nagturo siya sa mga sinagoga at mga pamilihan doon. Pagkatapos ay inanyayahan si Pablo ng mga pilosopo na ipaliwanag ang kanyang “bagong aral” (talata 19) sa panghukumang konseho, na nagpulong sa Burol ni Marte.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 17:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang napansin ni Pablo sa isa sa mga altar ng mga Ateniense.

  • Ano ang nakita ni Pablo sa isa sa mga altar ng mga Ateniense?

Ipaliwanag na nakatala sa Mga Gawa 17:22 na pinuri ni Pablo ang mga Ateniense sa pagsasabing sila ay “lubhang relihioso,” na ibig sabihin ay “maingat sa mga banal na bagay.” Ang altar para “sa isang Dios na hindi kilala” (Mga Gawa 17:23) ay pagpapakita ng pagsisikap ng mga Ateniense na paglubagin ang loob ng isang diyos na hindi kilala o sinumang diyos na hindi kilala sa pangalan. Tila ipinapakita nito na ayaw nilang masaktan o balewalain ang sinumang diyos.

Sabihin sa mga estudyante na pansinin ang huling pangungusap ng Mga Gawa 17:23, at itanong:

  • Bakit binanggit ni Pablo ang altar para “sa isang dios na hindi kilala”? (Ginamit niya ito upang simulang ituro ang ideya tungkol sa tunay na Diyos, ang Ama sa Langit, ang Diyos na hindi nila kilala.)

Pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante. Sabihin sa bawat grupo na maghanap sa Mga Gawa 17:24–31 ng maraming katotohanan hangga’t kaya nila tungkol sa Diyos na hindi kilala ng mga tao sa Atenas. Habang naghahanap sila, isulat ang bawat numero ng mga talata (24–31) sa pisara.

Pagkatapos ng sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara upang isulat ang katotohanang natukoy ng kanilang grupo sa tabi ng numero ng talata kung saan nila ito nakita. (Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan sa Mga Gawa 17:27, ipaliwanag na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talatang ito na “Upang kanilang hanapin ang Panginoon, kung handa nilang hanapin siya, sapagkat hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”

Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang bawat isa sa mga katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaaring kabilang sa mga katotohanang isinulat nila sa pisara ang mga sumusunod:

  • Talata 24: Nilikha ng Diyos ang sanglibutan.

  • Talata 25: Ang Diyos ang nagbigay ng buhay sa lahat ng bagay.

  • Talata 26: Pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng buhay.

  • Talata 27: Kung handa tayong hanapin ang Diyos, malalaman natin na hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin.

  • Talata 28: Tayo ay lahi o mga anak ng Diyos.

  • Talata 29: Tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos.

  • Talata 30: Iniutos ng Diyos na magsisi ang lahat ng tao.

  • Talata 31: Ang Diyos ang hahatol sa atin; Bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao mula sa kamatayan.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang katotohanan sa pisara na mahalaga sa kanila. Sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang katotohanang napili nila at bakit ito mahalaga sa kanila.

Bigyang-diin ang katotohanan sa Mga Gawa 17:28, “Tayo ay lahi [ng Diyos].”

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “lahi” ng Diyos? (Tayo ay mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit.)

  • Bakit napakahalagang maunawaan ang doktrinang ito? (Makatutulong ito na malaman natin ang ating walang-hanggang kahalagahan sa Ama sa Langit at ang ating potensyal na maging katulad Niya.)

  • Anong mga problema o kalituhan ang maaaring dumating kapag hindi natin naunawaan ang doktrinang ito?

Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pakinggan o alamin kung bakit dapat nating tandaan na una sa lahat ay dapat nating makita ang sarili natin bilang mga anak ng Diyos.

Elder Dallin H. Oaks

“Mag-ingat kung paano ninyo ilalarawan ang inyong sarili. Huwag ninyong ilarawan o tukuyin ang inyong sarili sa mga katangiang pansamantala lamang. Ang nag-iisang katangian lamang na dapat maglarawan sa atin ay na tayo ay anak na lalaki o babae ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay mangingibabaw sa lahat ng iba pang mga katangian, kabilang ang lahi, trabaho, mga katangiang pisikal, mga karangalan, o kahit sa kinaaanibang relihiyon” (“How to Define Yourself,” New Era, Hunyo 2013, 48).

  • Bakit mahalagang tandaan una sa lahat na tayo ay mga anak ng Diyos?

Banggitin ang katotohanan sa Mga Gawa 17:27, “Kung handa tayong hanapin ang Diyos, malalaman natin na hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin.”

  • Sa paanong paraan natin makikilala ang Diyos at mas mapapalapit sa Kanya?

  • Paano naaapektuhan ng pagkaunawa natin sa ating kaugnayan sa Diyos ang ating hangarin na hanapin Siya?

  • Kailan ninyo nadama na malapit sa inyo ang Ama sa Langit?

Ibuod ang Mga Gawa 17:32–34 na ipinapaliwanag na magkakaiba ang naging reaksyon ng mga Ateniense sa pagbanggit ni Pablo ng “tungkol sa pagkabuhay na maguli” (Mga Gawa 17:32). Ang ilan sa kanila ay nilibak si Pablo, gusto naman ng iba na makinig pa, at may ilang taong naniwala.

Maaari kang magpatotoo na maaaring makilala at maunawaan ng mga estudyante ang Diyos, kahit hindi Siya kilala ng maraming tao. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang Sa Isang Kilalang Diyos sa kapirasong papel o card at magsulat ng mga paraan kung paano nila hahanapin ang Diyos at paano sila magiging malapit sa Kanya. Hikayatin silang ilagay ang papel na ito kung saan makikita nila ito at maaalala ang kanilang mga mithiin.

Susunod na Unit (Ang Mga Gawa 20Mga Taga Roma 7)

Ipaliwanag sa mga estudyante na mahahanap nila sa kasunod na unit ang mga sagot sa mga tanong na “Sino ang pinabangon ni Pablo mula sa kamatayan?” at “Anong mga pangyayari ang nauugnay sa kamatayan ng taong ito?” Sabihin sa kanila na kunwari ay naparatangan sila nang mali at dinakip, na nasira ang barkong sinasakyan nila sa isang pulo, at pagkatapos ay tinuklaw sila ng ahas. Itanong kung ano ang maaaring matutuhan nila sa mga pagsubok na iyon. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang tungkol sa isang hari na nagsabi kay Pablo sa paglilitis, “Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging Cristiano” o “Halos mahikayat mo akong maging Cristiano” (Mga Gawa 26:28). Hikayatin sila na sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng ang Mga Gawa ng mga Apostol, alamin nila kung paano makatutulong sa atin ang mga pagsubok na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na babasahin din nila ang bahagi ng isang liham na isinulat ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma.