Library
Lesson 137: Sa Mga Hebreo 7–10


Lesson 137

Sa Mga Hebreo 7–10

Pambungad

Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang Tagapamagitan ng “bagong pakikipagtipan” (Sa Mga Hebreo 8:8). Ipinaliwanag niya na ang pag-aalay ni Cristo ay nakahihigit kaysa mga inialay sa panahon ni Moises at layunin ng mga ordenansa ng batas ni Moises na maituro ang mga tao sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-Sala.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sa Mga Hebreo 7–8

Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang Tagapamagitan ng bagong pakikipagtipan

Gamit ang isang flashlight, palitawin sa pisara ang anino ng maliit na bagay (tulad ng mga susi o gunting). Itanong sa mga estudyante kung matutukoy nila ang bagay sa pagtingin lang sa anino nito. Ipaliwanag na kadalasang natutukoy natin ang isang bagay sa pagtingin sa anino nito.

Nananalangin si Jesus sa Getsemani

Ipakita ang larawang Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 56; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na nakatala sa Lumang Tipan ang mga seremonya at ordenansa na ginamit bilang sagisag at anino o kahalintulad, na simbolo at pagpapahiwatig tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga sagisag at paghahalintulad kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na nakatala sa Lumang Tipan?

Ipaliwanag na ang bawat aspeto ng batas ni Moises ay nilayon para maging sagisag o kahalintulad na nagtuturo sa mga Israelita kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa 2 Nephi 11:4; Jacob 4:4–5). Ipinaliwanag ni Pablo kung paano ito ginawa ng ilang bahagi ng batas. Gusto niyang tulungan ang mga Banal na Judio na manatiling tapat kay Jesucristo sa halip na bumalik sa pagsunod sa batas ni Moises.

Ibuod ang Sa Mga Hebreo 7:1–22 na ipinapaliwanag na binanggit ni Pablo ang propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa pagparito ng isang saserdote “ayon sa pagkasaserdote ni Melchisedech [Melquisedec] ” (Awit 110:4; tingnan din sa Sa Mga Hebreo 7:1). Itinuro niya na tinupad ni Jesucristo ang propesiyang ito. Si Melquisedec ay isang mabuting hari at mataas na saserdote na nangulo kay Abraham (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:25–40 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; Alma 13:14–19; Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Melchizedek”). Ginamit ni Pablo si Melquisedec bilang sagisag at kahalintulad ni Jesucristo. Itinuro niya na kailangan si Jesucristo at ang Kanyang pagkasaserdote dahil ang pagkasaserdote ng mga Levita, kaakibat ang batas ni Moises na pinangangasiwaan nito, ay hindi magpapadalisay sa mga anak ng Diyos (tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:11). Maaari mong ipaliwanag na ang pagkasaserdote ng mga Levita ay tumutukoy sa awtoridad ng Pagkasaserdote ni Aaron na tinaglay lamang ng lipi ni Levi (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Aaronic Priesthood”).

Ipinagkakaloob ni Moises ng Priesthood kay Aaron

Idispley ang larawang Binibigyan ni Moises ng Priesthood si Aaron (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 15; tingnan din sa LDS.org) sa tabi ng larawang Nananalangin si Jesus sa Getsemani. Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 7, ikinumpara ni Pablo ang mga saserdorte ng mga Levita kay Jesucristo. Maaari mong ipaliwanag na ang isang papel na ginagampanan ng isang saserdote ng mga Levita ay bilang tagapamagitan, na simbolikong nakatayo sa pagitan ng tao at ng Diyos para lutasin ang hindi nila pagkakaunawaan.

Isulat sa pisara ang Sa Mga Hebreo 7:23–28. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa bawat magkapartner na basahin nang malakas ang mga talatang ito. Sabihin din sa kanila na basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 7:25–26. Ang banal na kasulatang ito ay matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mga saserdote ng mga Levita, at sabihin sa isa pang estudyante sa bawat pares na hanapin ang mga pariralang naglalarawan kay Jesucristo. Ipaliwanag na ang salitang sila sa Sa Mga Hebreo 7:23 ay tumutukoy sa mga saserdote.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na naghanap ng mga pariralang naglalarawan sa mga saserdote na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng mga larawan nila Moises at Aaron. (Maaaring kasama sa kanilang mga sagot ang sumusunod: ang mga saserdote ay kailangang palitan ng ibang mga saserdote kapag sila ay namatay [tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:23]; sila ay nag-aalay ng mga hain o handog araw-araw para sa kanilang sariling mga kasalanan at sa mga kasalanan ng mga tao [tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:27]; at ang mga saserdote ay may mga kahinaan [tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:28].)

Sabihin sa mga estudyante na naghanap ng mga pariralang naglalarawan kay Jesucristo na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng larawan ni Jesucristo. (Dapat kasama sa kanilang mga sagot ang tulad ng mga sumusunod na pahayag: si Jesucristo at ang Kanyang priesthood ay “di mapapalitan,” o walang-hanggan [Sa Mga Hebreo 7:24]; maililigtas Niya ang mga yaong “nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya” [Sa Mga Hebreo 7:25]; Siya ay nabuhay upang “mamagitan [para sa atin]” [Sa Mga Hebreo 7:25]; Siya ay walang kasalanan at samakatwid ay “hindi na kinakailangang maghandog ng hain para sa kanyang sariling mga kasalanan” [Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 7:26]; Siya ay maghahandog lamang ng isang hain, na “para sa mga kasalanan ng mga tao” [Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 7:26]; at Siya ay “sakdal magpakailan man” [Sa Mga Hebreo 7:28].)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila” (Sa Mga Hebreo 7:25) ay na ang mamagitan para sa ating kapakanan para tulungan tayong makabalik sa Diyos ang misyon ng Tagapagligtas.

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang mga kaibhan ni Jesucristo at ng mga saserdote ng mga Levita?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 8:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang inorden, o itinalaga na gawin ng lahat ng dakila o mataas na saserdote, kabilang na si Jesucristo.

  • Ano ang inorden na gawin ng mataas na mga saserdote?

Ipaliwanag na mababasa sa Joseph Smith Translation ng Hebrews 8:4 ang ganito: “Samakatwid noong siya ay nasa lupa, inalay niya ang kanyang sariling buhay para sa mga kasalanan ng mga tao. Ngayon lahat ng mga saserdote sa ilalim ng batas, ay dapat magbigay ng handog, o mga hain, ayon sa batas.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang handog na inialay ni Jesucristo.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa ginawa ni Jesucristo para sa atin? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Inialay ni Jesucristo ang Kanyang sariling buhay bilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan)

  • Anong mga kataga na nakasulat sa pisara ang makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit may kakayahan si Jesucristo na ialay ang Kanyang sariling buhay bilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kahulugan sa kanila ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Sabihin sa kanila na kumpletuhin ang isa sa mga sumusunod na pahayag sa kanilang notebook o scripture study journal:

  1. Nagpapasalamat ako sa aking Tagapagligtas dahil …

  2. Alam kong mahal ako ng aking Tagapagligtas dahil …

  3. Pinagpapala ako ng Pagbabayad-sala dahil …

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila kung sa palagay nila ay hindi ito gaanong personal.

Ibuod ang Sa Mga Hebreo 8:5–13 na ipinapaliwanag na dahil sa Kanyang pag-aalay, si Jesucristo ay naging “tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling” (talata 6), isang tipan, na kung tatanggapin ng mga tao, ay tutulungan silang “kilalanin … ang Panginoon” (talata 11) at malinis mula sa kanilang mga kasamaan.

Sa Mga Hebreo 9–10

Ipinakita ni Pablo kung paano tumutukoy ang mga ordenansa ng mga batas ni Moises sa Pagbabayad-sala

diagram, tabernakulo

Bago magklase, idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram.

Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 9–10, patuloy na ikinumpara ni Pablo ang mga dakilang saserdorte ng mga Levita kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga tungkulin na ginagampanan ng mga saserdote sa Araw ng Pagtubos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Minsan sa isang taon sa banal na araw ng mga Judio na tinawag na Araw ng Pagtubos (tinatawag ding Yom kippur), pinahihintulutan ang dakilang saserdote na pumasok sa Pinakabanal na Dako (tinatawag ding Kabanal-banalang Dako) sa tabernakulo o, kalaunan, sa templo ng Jerusalem. Doon, iniaalay ng dakilang saserdote ang isang toro at isang lalaking kambing. Iwiniwisik niya ang dugo ng mga hayop sa mga itinalagang lugar sa Pinakabanal na Dako upang isagisag ang Pagbabayad-sala ni Cristo para sa mga kasalanan ng saserdote at ng mga tao. Pagkatapos ay simbolikong ililipat ng mataas na saserdote ang mga kasalanan ng mga tao sa isa pang lalaking kambing (na tinatawag na scapegoat), na itataboy sa ilang, bilang tanda na naalis na ang mga kasalanan ng mga tao. Siya rin ay mag-aalay ng dalawang lalaking tupa bilang handog na susunugin para sa kanya at sa mga tao. (Tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Fasts”; tingnan din sa Levitico 16:22.)

Ipabasa sa kalahati ng klase ang Sa Mga Hebreo 9:11, 12, 24, 28 at sa natitirang kalahati ang Sa Mga Hebreo 10:1, 4, 10–12. Sabihin sa bawat grupo na basahin nang tahimik ang mga naka-assign sa kanila na mga talata, na inaalam kung paano naging sagisag at kahalintulad ng handog o sakripisyo ni Jesucristo ang Araw ng Pagtubos. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Tulad ng mga dakila o mataas na saserdote na pumasok sa Pinakabanal na Dako sa tabernakulo sa Araw ng Pagtubos, anong “dakong banal” ang mapapasok ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala (Sa Mga Hebreo 9:12)? (Ang kinaroroonan ng Ama sa Langit, o selestiyal na kaluwalhatian.)

  • Ano ang magagawa ng handog ni Jesucristo na hindi magagawa ng “dugo ng mga baka at ng mga kambing” (Sa Mga Hebreo 10:4)?

  • Kung ganoon, bakit ginagawa ng mga dakilang saserdote ang mga pag-aalay na ito tuwing Araw ng Pagtubos? (Para maipakita ang “anino ng mabubuting bagay na darating” [Sa Mga Hebreo 10:1], o matukoy ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 10:17–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawang posible ng Pagbabayad-sala.

  • Ayon sa talata 19, saan tayo makapapasok dahil sa handog o sakripisyo ni Jesus? (Sa “dakong banal,” o sa kinaroroonan ng Diyos sa kahariang selestiyal.)

  • Ayon sa talata 20, paano tayo makapapasok sa kinaroroonan ng Diyos?

Ipaliwanag na ang “daang bago at buhay” ay tumutukoy sa ebanghelyo ni Jesucristo, o sa plano kung saan tayo ay mapapatawad at mapapabanal sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at sa gayon ay nagiging karapat-dapat na makabalik sa piling ng Diyos.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makapapasok tayo sa kahariang selestiyal kung …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 10:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang dapat gawin para makapasok sa kahariang selestiyal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Kumpletuhin ang pahayag sa pisara para mabasa ito nang ganito: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makapapasok tayo sa kahariang selestiyal kung matibay nating iingatan ang ating pananampalataya sa Kanya.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ingatang matibay” (talata 23) ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 10:35–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang payong ibinigay ni Pablo na makatutulong sa atin na ingatang matibay ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

  • Ano ang magagawa natin para ingatang matibay o palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

  • Ano ang ibig sabihin ng “huwag … ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala”? (talata 35).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Hollad ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan ipinaliwanag niya ang ibig sabihin ng “huwag … [nating] itakuwil ang [ating] pagkakatiwala”:

Elder Jeffrey R. Holland

“Bilang mga Banal sa mga Huling Araw maaari nating ipahayag ang kaisipan nang ganito, Talagang mahirap—bago kayo sumapi sa Simbahan, habang sumasapi, at pagkaraan ninyong sumapi. Gayon palagi, sabi ni Pablo, ngunit huwag umurong. Huwag matakot at umatras. Huwag mawalan ng lakas ng loob. Huwag kalimutan ang nadama ninyo noon. Huwag mag-alinlangan sa inyong naranasan. Ang [katatagang] iyon ang nagligtas kina Moises at Joseph Smith nang harapin sila ng kalaban, at ito ang magliligtas sa inyo” (“Huwag Nga Ninyong Itakuwil ang Inyong Pagkakatiwala,” Ensign, Hunyo. 2000, 38).

  • Sino ang kilala ninyo na magandang halimbawa ng pagiging matibay sa pananampalataya kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pangakong ingatang matibay ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sabihin sa kanila na isulat kung paano nila pag-iibayuhin ang kanilang katapatan at kakayahang magawa ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Sa Mga Hebreo 7:1–2. Melquisedec

“Si Melquisedec ay ‘isang dakilang mataas na saserdote, propeta, at pinuno sa Lumang Tipan na nabuhay matapos ang pagbaha at noong kapanahunan ni Abraham. Tinawag siyang hari ng Salem (Jerusalem), hari ng kapayapaan, hari ng katwiran, (na siyang kahulugan ng Melquisedec sa salitang Hebreo) at ang saserdote ng kataas-taasang Diyos’ (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ‘Melquisedec’; scriptures.lds.org). Nakasaad sa iba pang mga banal na kasulatan na ipinagkaloob ni Melquisedec ang pagkasaserdote kay Abraham, tumanggap ng mga ikapu mula kay Abraham, at siya ay nakahihigit sa kadakilaan (tingnan sa D at T 84:14; Sa Mga Hebreo 7:4; Genesis 14:18–20; Pagsasalin ni Joseph Smith 14:25–40 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; Alma 13:19). Sa Sulat Sa Mga Hebreo, si Melquisedec ay nagsilbing anyo ng Anak ng Diyos (tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:15–16)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 480).

Sa Mga Hebreo 7:3. “Walang ama, walang ina”

“Ipinaliwanag ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Sa Mga Hebreo 7:3 na ito ang priesthood na ‘walang ama, walang ina’: ‘Sapagkat ang Melquisedec na ito ay inordenang saserdote alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, kung aling orden ay walang ama, walang ina’ (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ang mga katagang ito ay nagsasaad na, hindi tulad ng pagkasaserdote ng mga Levita o ni Aaron noong unang panahon, ang Pagkasaserdote ni Melquisedec ay hindi ipinagkakaloob nang dahil lamang sa pinagmulang angkan. Ipinaliwanag pa ito ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: ‘Ang karapatan sa mas mataas na pagkasaserdoteng ito ay hindi namana nang tulad ng pagkamana rito ng mga anak ng mga Levita at mga anak na lalaki ni Aaron. Kabutihan ang lubhang kailangan para mapagkalooban’ (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 478)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 480)